Pumunta sa nilalaman

Word processor

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Toshiba JW-10 na nakapag-iisang tagaproseso ng salita, inilabas noong 1978
Ang LibreOffice Writer, isa sa mga libre at open-source na tagaproseso ng salita na may pinakamaraming gumagamit

Ang isang word processor (WP)[1][2] o tagaproseso ng salita ay isang aparato o programa ng kompyuter na nagsusuplay ng input, pang-edit, pang-format, at output ng teksto na madalas na may ilang karagdagang kakayahan.

Ang mga unang tagaproseso ng salita ay mga aparatong nakapag-iisa na nakatuon sa naturang kakayahan, ngunit ang mga kasalukuyang tagaproseso ng salita ay mga programang tagaproseso na tumatakbo sa mga kompyuter na pangkalahatan ang gamit.

Nabibilang sa pagitan ng isang simpleng taga-''edit'' ng teksto at isang ganap na gumaganang programa sa paglalathalang pangmesa ang mga kakayahan ng isang programang tagaproseso ng salita. Gayunpaman, nagbago sa paglipas ng panahon ang mga pagkakaiba sa tatlong ito, at hindi na ito malinaw pagkatapos ng 2010.[3][4]

Hindi nagmula sa teknolohiya ng kompyuter ang mga tagaproseso ng salita. Sa halip, umunlad ang mga ito mula sa mga makina at kalaunan lamang nang isinama sila sa larangan ng kompyuter. [5] Ang kasaysayan ng pagpoproseso ng salita ay kwento ng unti-unting pagiging awtomatiko ng mga pisikal na aspeto ng pagsulat at pag-edit, at pagkatapos ay pagpipino ng teknolohiya upang magamit ito ng mga korporasyon at mga indibidwal.

Ang katawagang word processing ay lumitaw sa mga opisina sa Amerika noong unang bahagi ng 1970s na nakasentro sa ideya ng pag-streamline ng trabaho sa mga taypista, ngunit agad na nagbago ang kahulugan at naging 'pagiging awtomatiko ng buong proseso ng pag-edit.'

Noong una, pinagsama ng mga tagadisenyo ng mga sistema ng pagpoproseso ng salita ang mga umiiral na teknolohiya at iyong mga umuusbong upang makalikha ng mga kagamitang nakapag-iisa na lumikha ng isang bagong negosyong naiiba mula sa umuusbong na mundo ng pansariling kompyuter. Ang konsepto ng pagpoproseso ng salita ay lumitaw mula sa mas pangkalahatang pagpoproseso ng data na naging aplikasyon ng mga kompyuter sa pangangasiwa ng negosyo mula pa noong 1950s.[6]

Sa kasaysayan, may tatlong uri ng tagaproseso ng salita: de-makina, de-kuryente, at software.

De-makinang pagpoproseso ng salita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang unang aparato sa pagpoproseso ng salita (isang "Makina para sa Pagsusulat ng mga Titik" na mukhang katulad ng isang makinilya) ay napatente ni Henry Mill para sa isang makina na may kakayahang "magsulat nang napakalinaw at walang kamali-mali hanggang sa punto na hindi mo makita ang kaibahan nito mula sa isang palimbagan."[7] Makalipas ang mahigit isang daang siglo, may lumitaw pang ibang patente sa pangalan ni William Austin Burt para sa manlilimbag. Sa huling bahagi ng ika-19 siglo, nilikha ni Christopher Latham Sholes[8] ang unang nakilalang makinilya na kahit na malaki ang sukat nito, inilarawan ito bilang isang "pampanitikang piano."[9]

Ang tanging "pagpoproseso ng salita" na maaaring isagawa ng mga de-makinang sistemang ito ay baguhin kung saan lumitaw ang mga titik sa pahina, punan ang mga puwang na dating iniwan sa pahina, o laktawan ang mga linya. Sa pagdating ng elektrisidad at electronika sa mga makinilya mga dekada ang lumipas, saka lamang natulungan ang manunulat sa parteng de-makina. Ang katawagan mismo na "pagpoproseso ng salita" ay nilikha noong 1950s ni Ulrich Steinhilper, isang Alemang tagapangasiwa ng pagbebenta ng makinilya ng IBM. Gayunpaman, hindi ito lumitaw sa mga panitikan tungkol sa pamamahala ng opisina o pag-compute noong 1960s, kahit kilala na ang marami sa mga ideya, mga produkto, at mga teknolohiya kung saan ito magagamit sa paglaon. Ngunit noong 1971, kinilala ng New York Times[10] ang katawagan na ito bilang isang "buzz word" sa negosyo. Humilera ang pagpoproseso ng salita sa mas pangkalahatang "pagpoproseso ng data," o ang aplikasyon ng mga kompyuter sa pangangasiwa ng negosyo.

Samakatuwid, noong 1972, ang talakayan sa pagpoproseso ng salita ay karaniwan sa mga pahayagang nakatuon sa pamamahala ng opisina ng negosyo at teknolohiya, at sa kalagitnaan ng 1970s, pamilyar na ang katawagan sa sinumang tagapamahala ng opisinang kumunsulta sa mga periyodiko tungkol sa negosyo.

Electromechanical at de-kuryenteng pagpoproseso ng salita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa huling bahagi ng 1960s, nilikha ng IBM ang IBM MT/ST (Magnetic Tape/Selectric Typewriter). Ito ay isang modelo ng Selectric typewriter ng IBM mula sa naunang bahagi ng dekadang ito, ngunit itinayo sa sarili nitong mesa, at kasama ang mga magnetic tape recording at playback facility na may mga kontrol at isang bangko ng mga electrical relay. Ginawang awtomatiko ng MT/ST ang word wrap, ngunit wala itong screen. Pinapayagan ng aparatong ito ang muling pagsusulat ng tekstong nakasulat sa ibang tape at maaari kang makipagtulungan (ipadala ang tape sa ibang tao para maka-edit o makagawa sila ng kopya). Ito ay isang rebolusyon para sa industriya ng pagpoproseso ng salita. Noong 1969, pinalitan ang mga tape ng mga magnetic card. Ang mga memory card na ito ay inintroduce sa gilid ng isang karagdagang aparatong kasama ng MT/ST, kung saan may kakayahan itong basahin at itala ang gawain.

Noong unang bahagi ng 1970s, ang pagpoproseso ng salita ay nabase sa kompyuter (bagaman ang hardware nito ay pang-isang gamit lamang) dahil sa pagdating ng maraming makabagong ideya. Bago dumating ang pansariling kompyuter (PC), nilikha ng IBM ang floppy disk. Noong unang bahagi rin ng 1970s dinisenyo ang mga sistema ng pagpoproseso ng salita na may kasamang pag-edit sa display ng CRT ''screen''.

Sa panahong ito, ang mga nakapag-iisang sistemang ito ng pagpoproseso ng salita ay dinisenyo, nilikha, at ibinenta ng maraming nagpasimulang kumpanya. Itinatag noong 1970 nina James Lincoln at Robert Oleksiak ang Linolex Systems. Ibinatay ng Linolex ang teknolohiya nito sa mga microprocessor, mga floppy drive, at software. Ito ay isang sistemang nakabatay sa kompyuter para sa aplikasyon sa mga negosyo sa pagpoproseso ng salita at naibenta nito ang mga sistema sa pamamagitan ng sarili nitong puwersa sa pagbebenta. Dahil sa installed base na mga sistema sa higit na 500 site, nagbenta ng 3 milyong yunit ang Linolex Systems noong 1975—isang taon bago inilabas ang kompyuter na Apple.[11]

Sa panahong iyon, gumawa rin ng isang serye ng mga dedikadong microcomputer na nagpoproseso ng salita ang Lexitron Corporation. Ang Lexitron ay ang kauna-unahang gumamit ng isang full-size na video display screen (CRT) sa mga modelo nito noong 1978. Gumamit din ang Lexitron ng mga floppy diskette na 51/4 ang laki na naging pamantayan sa larangan ng pansariling kompyuter. Ipinasok sa isang drive ang disk ng programa, at na-''boot up'' ang sistema. Pagkatapos, inilagay ang data diskette sa ikalawang drive. Pinagsama sa isang file ang operating system at ang programa sa pagpoproseso ng salita.[12]

Ang isa sa mga unang gumamit ng pagpoproseso ng salita ay Vydec na lumikha noong 1973 ng unang modernong tagaproseso ng teksto, ang "Vydec Word Processing System." Marami itong naka-built-in na kakayahan gaya ng abilidad na magbahagi ng nilalaman sa pamamagitan ng diskette at i-print ito. Nabibili sa halagang $12,000 sa panahong iyon ang Vydec Word Processing System (humigit-kumulang $60,000 na isinaayos para sa inplasyon).[13]

Ang Redactron Corporation (na inorganisa ni Evelyn Berezin noong 1969) ay nagdisenyo at gumawa ng mga sistema sa pag-edit, kabilang ang pagwasto/pag-edit ng mga makinilya, mga yunit ng kaseta at card, at, kalaunan, isang tagaproseso ng salit na tinatawag na "Data Secretary." Binili ng Burroughs Corporation ang Redactron noong 1976.[14] Ang isang sistemang nakabatay sa CRT ng Wang Laboratories ay naging isa sa mga pinakamaraming gumagamit na sistema noong 1970s at unang bahagi ng 1980s. Ang Wang ay nagpakita ng teksto sa isang CRT screen, at isinama nito ang halos lahat ng pangunahing katangian ng mga tagaproseso ng salitang alam natin ngayon—isang tunay na makinang pang-opisina, abot-kaya ng mga samahang gaya ng mga medium-size na law firm, at madaling matutunan at patakbuhin ng mga kalihim.

Ang pariralang "word processor" ay mabilis na naging pantukoy sa mga makinang nakabatay sa CRT na katulad ng sa Wang. Lumitaw ang maraming makina ng ganitong uri na karaniwang inaalok ng mga kumpanyang nagbebenta ng mga tradisyunal na kagamitang pang-opisina gaya ng IBM, Lanier (mga AES Data machine - minarkahan muli ng badge), CPT, at NBI. Ang lahat ay mga sistemang dalubhasa, dedikado, at proprietary na may mga presyo sa saklaw na $10,000. Ang natirang merkado ng mga mura at pangkalahatang-gamit na pansariling kompyuter ay mga hobbyist.

Software sa pagpoproseso ng salita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang huling hakbang sa pagpoproseso ng salita ay dumating sa pagkakaroon ng pansariling kompyuter noong huling bahagi ng 1970s at 1980s at sa kasunod na paglikha ng software sa pagpoproseso ng salita. Ang mga sistema ng pagpoproseso ng salita na lilikha ng mas kumplikado at mas angkop na teksto ay nilikha at nagsimulang bumagsak ang mga presyo na nagresulta sa mas madaling pag-access ng publiko sa mga ito. [further explanation needed]

Ang unang programa sa pagpoproseso ng salita para sa mga pansariling kompyuter (mga ''microcomputer'') ay Electric Pencil, mula sa Michael Shrayer Software, na ibinenta noong Disyembre 1976. Noong 1978, lumitaw ang WordStar at dahil sa marami nitong bagong kakayahan, agad itong nagibabaw sa merkado. Gayunpaman, isinulat para sa maagang operating system na CP/M (Control Program–Micro) ang Wordstar, at sa oras na muling naisulat ito para sa mas bagong MS-DOS (Microsoft Disk Operating System), lipas na ito. Ang WordPerfect at ang katunggali nitong Microsoft Word ay pinalitan ito bilang mga pangunahing programa sa pagpoproseso ng salita sa panahon ng MS-DOS, bagaman may mga hindi gaanong matagumpay na programang gaya ng XyWrite.

Kinailangan ng karamihan sa unang software sa pagpoproseso ng salita na kabisaduhin ng mga gumagamit ang mga semi-mnemonic key combination kaysa sa pagpindot ng mga key gaya ng "kopyahin" o "naka-bold." Bukod dito, walang mga cursor key ang CP/M; halimbawa, ginamit ng WordStar ang "diamanteng" nakasentro sa E-S-D-X para sa pag-navigate ng cursor. Gayunpaman, ang mga pagkakaiba sa presyo sa pagitan ng mga dedikadong tagaproseso ng salita at mga pangkalahatang-gamit na PC, at ang benepisyong idinagdag sa huli ng software gaya ng mga aplikasyon sa spreadsheet na "killer app," hal. ang VisiCalc at Lotus 1-2-3, ay nakakakumbinsi hanggang sa punto na ang mga pansariling kompyuter at software sa pagpoproseso ng salita ay naging seryosong kumpetisyon ng mga dedikadong makina at, kalaunan, nangibabaw ang mga ito sa merkado.

Pagkatapos, sa huling bahagi ng 1980s, ang mga makabagong ideyang gaya ng pagdating ng mga laser printer, isang "typographic" na pamamaraan sa pagpoproseso ng salita (WYSIWYG - What You See Is What You Get), gamit ang mga bitmap display na may maraming font (pinasimunuan ng kompyuter na Xerox Alto at ng programa sa pagpoproseso ng salita na Bravo), at mga graphical user interface gaya ng "kopyahin at idikit" (isa pang makabagong ideya ng Xerox PARC kasama ang tagaproseso ng salita na Gypsy). Pinasikat ang mga ito ng MacWrite sa Apple Macintosh noong 1983, at ng Microsoft Word sa IBM PC noong 1984. Marahil, ito ang mga kauna-unahang totoong WYSIWYG na tagaproseso ng salitang nakilala ng maraming tao. Isang partikular na interes din ay ang standardisasyon ng mga TrueType na font na parehong ginamit sa Macintosh at mga Windows PC. Bagaman nagbibigay ng mga typeface na TrueType ang mga tagalathala ng mga operating system, karamihan sa mga ito ay kinakalap mula sa mga tradisyunal na typeface na na-convert ng mga mas maliliit na palimbagan ng font upang kopyahin ang mga karaniwang font. Nagkaroon ng isang pangangailangan para sa mga bago at nakaaakit na font na walang mga paghihigpit sa karapatang-sipi o kinomisyon mula sa mga taga-disenyo ng font.

Kalaunan, isinama ang Microsoft Word sa lumalaking katanyagan ng operating system na Windows noong 1990s. Orihinal na tinawag na "Microsoft Multi-Tool Word," mabilis na naging kasingkahulugan ng "tagaproseso ng salita" ang programang ito.

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Enterprise, I. D. G. (1 Enero 1981). "Computerworld". IDG Enterprise. In-archive mula sa orihinal noong 2 Enero 2019. Nakuha noong 1 Enero 2019 sa pamamagitan ng Google Books.
  2. Waterhouse, Shirley A. (1 Enero 1979). "Word processing fundamentals". Canfield Press. In-"archive" mula sa orihinal noong 2 Enero 2019. Nakuha noong 1 Enero 2019 sa pamamagitan ng Google Books.
  3. Amanda Presley (28 Enero 2010). "What Distinguishes Desktop Publishing From Word Processing?". Brighthub.com. In-archive mula sa orihinal noong 1 Abril 2019. Nakuha noong 1 Enero 2019.
  4. "How to Use Microsoft Word as a Desktop Publishing Tool". PCWorld. 28 Mayo 2012. In-archive mula sa orihinal noong 19 Agosto 2017. Nakuha noong 3 Mayo 2018.
  5. Price, Jonathan, at Urban, Linda Pin. The Definitive Word-Processing Book. New York: Viking Penguin Inc., 1984, pahina xxiii.
  6. W.A. Kleinschrod, "The 'Gal Friday' is a Typing Specialist Now," Administrative Management vol. 32, no. 6, 1971, pp. 20-27
  7. Hinojosa, Santiago. "The History of Word Processors". The Tech Ninja's Dojo. The Tech Ninja. In-archive mula sa orihinal noong 6 Mayo 2018. Nakuha noong 6 Mayo 2018.
  8. Tingnan din sina Samuel W. Soule at Carlos Glidden.
  9. The Scientific American, The Type Writer, New York (Agosto 10, 1872)
  10. W.D. Smith, "Lag Persists for Business Equipment," New York Times, 26 Okt. 1971, pp. 59-60.
  11. Linolex Systems, Internal Communications & Disclosure in 3M acquisition, The Petritz Collection, 1975.
  12. "Lexitron VT1200 - RICM". Ricomputermuseum.org. In-archive mula sa orihinal noong 3 Enero 2019. Nakuha noong 1 Enero 2019.
  13. Hinojosa, Santiago (1 Hunyo 2016). "The History of Word Processors". The Tech Ninja's Dojo. In-archive mula sa orihinal noong 24 Disyembre 2018. Nakuha noong 1 Enero 2019.
  14. "Redactron Corporation. @ SNAC". 'Snaccooperative.org. In-archive mula sa orihinal noong 15 Disyembre 2018. Nakuha noong 1 Enero 2019.