Vergilius

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Publius Vergilius Maro
Isang wangis ni Vergilius.
Trabaho Makata
Nasyonalidad Romano
Henero Panulaang epika, panulaang didaktiko, panulaang pastoral
Kilusang pampanitikan Panulaang Augustano


Si Publius Vergilius Maro (Oktubre 15, 70 BKE19 BKE) ay isang Romanong makata sa Latin, ang may-akda ng Ecloga, Georgica, at ng Aeneis. Siya ang pinakamahalagang makata ng panitikang Latin. Isang epikong tula ang Aeneis na may labindalawang aklat (o bahagi), na naging pambansang epika ng Imperyong Romano. Kilala rin siya bilang Vergilius, Virgilius, Vergil, o Virgil. Bagaman ginaya ni Vergilius si Homer, itinuturing siyang isa sa mga magigiting na mga tagapaglikha ng panitikang Kanluranin. Bilang dagdag, hinggil sa akda niyang Aeneis, ginawang huwaran ni Vergilius si Homer sa paggamit ng mga diyos bilang mga tauhang pang-akda, ngunit mayroong kamangha-manghang panulaan ang Aeneis na naglalaman ng mga pininong mga parirala, kaya't napabantog at naituring na isang mahalagang gawa ng kapanahunang ginintuan ng panitikang Latin.[1]

Talambuhay[baguhin]

Isinilang si Vergilius sa isang nayon sa hilagang Italya, sa isang manggagawang ama na nakalikom ng salapi mula sa sariling lupain, at nagbigay ng mabuting edukasyon kay Vergilius. Inibig sana ni Vergilius na maging isang manananggol, ngunit napakamahiyain nito, partikular na sa pagsasalita sa harap ng madla. Sa halip, pinagtuonan niya ng pansin ang pagiging isang makata. Noong 19 BK, pumunta sa Gresya si Vergilius. Nagkaroon siya ng lagnat habang nasa Gresya, kaya't namatay nang nakabalik na sa Roma. Ito ang dahilan kung bakit hindi niya natapos ang huli niyang akdang Aeneis.[1]

Mga gawa[baguhin]

Lumabas ang kaniyang unang akdang Bucolics (Buhay ng Isang Pastol) - tinatawag ding Ecloga o Eclogues (Mga Pili, o Mga Piniling Sipi) noong may 30 taong gulang na siya. Isang pangkat ng sampung maromansang mga tula ang Ecloga na naglalaman ng mga pag-ibig at pighati ng mga pastol ng tupa at kambing, na may mga hindi makatotohanan ngunit kabigha-bighaning kayarian, isang katangiang pang-akdang nagpabantog kay Vergilius.[1]

Nasundan ang Ecloga ng mas seryoso at mas makatotohanang tulang Georgica (o Georgics, Buhay sa Bukid), na binubuo ng apat na aklat tungkol sa mga gawain ng isang magsasaka.[1]

Ang Aeneis (Ang Salaysay Ukol kay Aeneas) ang pinakahuling akda ni Vergilius, na naglalaman ng isang kuwento tungkol sa pakikipagsapalarang pangbayaning may labindalawang bahagi o "aklat." Nakabatay ang akdang ito mula sa dalawang epikong Griyegong isinulat ni Homer, ang Iliada at ang Odisea. Katulad ng Odisea ang unang hati ng Aeneas, samantalang kahawig naman ng ikalawang hati ng Aeneas ang Iliada. Subalit, sinasabing hindi naman tuwirang ginaya lamang ni Vergilius ang mga akdang ito ni Homer, bagkus pinangibabawan ni Vergilius ang mga pangyayari at mga tauhan ng Iliada at Odisea at pinaglaanan ng bago at mas malalim na mga kahulugan.[1]

Mga sanggunian[baguhin]



Panitikan Ang lathalaing ito na tungkol sa Panitikan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.