Vladimir Lenin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Vladimir Ilyich Lenin
Владимир Ильич Ленин
Si Lenin nang Ika-1 Kongreso ng Komunistang Internasyonal na ginanap noong 2-6 Marso 1919.

Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng Unyong Sobyetiko
Nasa puwesto
6 Hulyo 1923 – 21 Enero 1924
Sinundan niAleksei Rykov

Ika-1 Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan ng SPSR ng Rusya
Nasa puwesto
8 Nobyembre 1917 – 21 Enero 1924
Sinundan niAleksei Rykov
Pansariling detalye
Ipinanganak
Vladimir Ilyich Ulyanov
Владимир Ильич Ульянов

22 [L.I. 10] Abril 1870
Simbirsk, Imperyong Ruso
Namatay21 Enero 1924(1924-01-21) (edad 53)
Gorki, Unyong Sobyetiko
HimlayanMausoleo ni Lenin, Mosku
Partidong pampolitikaPCR(b) (1918-1924)
POSDR(b) (1903-1918)
Ibang ugnayang
pampolitika
POSDR (1898-1903)
LPEUM (1895–1898)
AsawaNadezhda Krupskaya (1898-1924)
Magulang
  • Ilya Nikolayevich Ulyanov
  • Maria Alexandrovna Blank
Alma materPamantasang Imperyal ng San Petersburgo
Pirma
Pagkakasapi sa Institusyong Sentral
  • 1918–1920: Tagapangulo; Konseho ng Paggawa at Tanggulan
  • 1917-1918: Kasapi; Asembleyang Konstituyente ng Rusya (Plota ng Baltiko)
  • 1917–1924: Ganap na Kasapi; Ika-6-12 Politburo ng POSDR(b) at PCR(b)
  • 1912–1924: Ganap na Kasapi; Ika-6-12 Komite Sentral ng POSDR(b) at PCR(b)
  • 1907–1912: Kandidatong Kasapi; Ika-5 Komite Sentral ng POSDR
  • 1903–1905: Ganap na Kasapi; Ika-2-3 Komite Sentral ng POSDR

Ika-1 Pinuno ng Unyong Sobyetiko
(Disyembre 30, 1922Enero 21, 1924)

Si Vladimir Ilyich Ulyanov (Abril 22, 1870Enero 21, 1924), mas kilala sa kanyang alyas na Lenin, ay isang Rusong politiko, pilosopo, estadista, at manghihimagsik na naglingkod bilang unang pinunong tagapagtatag ng Sobyetikong Rusya mula 1917, at sa kalauna'y ng Unyong Sobyetiko noong 1922 hanggang 1924. Hinawakan niya ang pangunahing posisyong Tagapangulo ng Konseho ng mga Komisaryong Bayan, dinadaglat sa Ruso na Sovnarkom. Sa ilalim ng kanyang pangasiwaan, pinamahalaan ang bansa bilang unipartidistang estadong sosyalista sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista. Ang kanyang mga pag-unlad sa teoryang Marxismo ay tinatawag na Leninismo.

Ipinanganak si Lenin sa Simbirsk mula sa isang pamilya sa uring gitnang itaas. Tinanghal niya ang insureksyonistang sosyalistang politika kasunod ng pagbitay sa kanyang nakatatandang kapatid noong 1887. Pinalayas mula sa Pamantasang Imperyal ng Kazan dahil sa pakikilahok sa mga protesta laban sa Tsaristang pamahalaan, sumikap siya sa mga sumunod na taon upang magkaroon ng titulong pambatas. Lumipat siya sa San Petersburgo noong 1893 at naging Marxistang aktibista. Inaresto siya noong 1897 dahil sa sedisyon at ineksilya sa Siberya nang tatlong taon kung saan pinakasalan niya ang guro at kapwa kasamang si Nadezhda Krupskaya. Pagkatapos ng kanyang destyero ay lumipat siya sa iba't ibang bansa sa Kanlurang Europa at naging prominenteng teorista ng Partido Obrero Sosyaldemokrata ng Rusya. Sa panahon ng ideolohikong paghihiwalay sa partido noong 1903 ay pinamunuan niya ang paksyong Bolshebista laban sa grupong Menshebista ni Yuli Martov. Kasunod ng nabigong Himagsikang Ruso ng 1905 ay nangampanya siya para sa Unang Digmaang Pandaigdig na maging proletaryong pag-aalsa sa buong Europa, na pinaniwalaan niyang magdudulot ng pagbagsak sa kapitalismo sa kontinente at paglilipat sa sosyalismo. Pagkatapos ng Himagsikang Pebrero noong 1917 na binuwag ang monarkiya at nagtatag ng pamahalaang probisyonal ay bumalik siya sa Rusya upang gumanap ng nangungunang papel sa Himagsikang Oktubre kung saan nilansag ng mga Bolshebista ang bagong rehimen.

Nagbahagi ang goberyno ni Lenin sa simula ng kapangyarihan sa mga Makakaliwang Sosyal-Rebolusyonaryo, inihalal na sobyetiko, at isang multipartidistang Asembleyang Konstituyente, bagama't noong 1918 ay naisentralisa na ang pamumuno sa bagong Partido Komunista. Nagsagawa ito ng mga reporma tulad ng muling pagbabahagi ng lupain sa klaseng magbubukid at pagsasabansa ng mga bangko at malakihang industriya. Naharap sa banta ng pagsasalakay ng Imperyong Aleman, nilagdaan ni Lenin ang pangkapayapaang Tratado ng Brest-Litovsk na nagbigay teritoryo sa mga Kapangyarihang Sentral at humantong sa pag-aalis ng Rusya sa gera. Itinatag niya ang Komunistang Internasyonal noong 1919 na itinaguyod ang konsepto ng pandaigdigang himagsikan. Tinalo ng kanyang administrasyon ang mga makakana't kaliwang hukbong kontra-Bolshebista sa Digmaang Sibil ng Rusya nang 1917-1922 at pinangasiwaan ang Digmaang Polako–Sobyetiko noong 1919–1921. Sinupil din nito ang mga kalaban ng estado sa Pulang Sindak, isang marahas na kampanyang inilunsad ng mga awtoridad kung saan libu-libo ang pinatay o ikinulong sa mga kampong piitan. Tinugon ni Lenin ang taggutom, pagkawasak sa digmaan, at mga tanyag na pag-aalsa sa paglunsad ng Bagong Polisiyang Pang-ekonomiya, isang sistema ng pang-estadong kapitalismo na nagpasimuno ng industriyalisasyon at postgerang restorasyon. Nakakuha ang iilang bansang di-Ruso ng kasarinlan mula sa Imperyong Ruso pagkatapos ng 1917, ngunit tatlo ang muling pinagsama sa bagong Unyong Sobyetiko noong 1922. Tuluyang nanghina sa kalusugan, namatay si Lenin sa Gorki, at hinalinhan siya ni Iosif Stalin bilang nakatataas na mamumuno sa pamahalaan.

Malawakang itinuturing na isa sa mga pinakamahalaga at maimpluwensyang tao ng ika-20 dantaon, naging postumong paksa si Lenin ng laganap na kulto ng personalidad sa loob ng Unyong Sobyetiko hanggang sa pagkabuwag nito noong 1991. Nagbigay-daan ang Leninismo sa iba't ibang paaralan ng kaisipan; pinagsama ito ni Stalin sa ortodoksong Marxismo upang mabuo ang Marxismo–Leninismo, na siya'y nagkaroon ng iilan pang sangay tulad ng Stalinismo, Trotskismo, at Maoismo. Isang kontrobersyal at lubos na naghahating makasaysayang pigura, pinupuri si Lenin ng kanyang mga tagasuporta bilang isang kampeon ng sosyalismo at uring manggagawa na siya'y pinakadakilang manghihimagsik at teorista na sumunod kay Karl Marx. Sa kaibhan, inaakusahan siya ng kanyang mga kritiko sa paggawa ng totalitaryong diktadura na nangasiwa sa maramihang pagpatay at pampolitikang panunupil.

Pinagmulan at Maagang Buhay[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapanganakan at Pagkabata[baguhin | baguhin ang wikitext]

Litrato ng pamilyang Ulyanov, taong 1879. Makikita si Vladimir (edad 9) sa kanan na nakaluhod, katabi ang kanyang ama at nasa unahan ng kanyang ateng si Anna.

Ipinanganak si Lenin na Vladimir Ilyich Ulyanov (Ruso: Владимир Ильич Ульянов) noong 22 [L.I. 10] Abril 1870 sa Streletskaya Ulitsa, Simbirsk ng dating Imperyong Ruso. Bininyagan siya sa Katedral ni San Nicolas anim na araw ang nakalipas at kinilala sa palayaw na "Volodya", isang diminutibo ng Vladimir.[1]:33 Sa walong magkakapatid, siya ang ikaapat na anak nina Ilya Nikolayevich Ulyanov, isang pampublikong guro, at Maria Alexandrovna Blank, isang maybahay. Isang debotong kasapi si Ilya ng Simbahang Ortodokso ng Rusya at sa gayo'y bininyagan ang kanyang mga anak dito, bagaman si Maria ay pinalaking Luterano at di-interesado sa Kristiyanismo, na nakaimpluwensya sa kanyang mga anak. Pareho silang monarkista at konserbatibong liberal: dedikado sa repormang emansipasyon ng 1861, iniwasan ang politikang radikal, at walang ebidensyang inilagay sila ng pulisya sa ilalim ng pagbabantay dahil sa subersibong pag-iisip.[2]:13-27

Tuwing tag-araw ay nagbakasyon sila sa isang rural na manor sa Kokushkino kasama ang mga pinsang Veretennikov ni Maria. Sa kanilang magkakapatid, pinakamalapit si Vladimir kay Olga na kanyang inutus-utusan, nagkaroon siya ng matinding mapagkumpitensyang ugali at kung minsa'y nakakasira ngunit karaniwan niyang inamin ang kanyang mga maling gawi. Isang masigasig na atleta, ginugol niya ang karamihan sa kanyang libreng oras sa labas o paglalaro ng ahedres, ngunit iginiit ng kanyang ama na italaga niya ang kanyang buhay sa pag-aaral. Humantong ito sa kanyang pagiging mahusay sa paaralang Himnasyong Klasikal ng Simbirsk, isang disiplinaryo at konserbatibong institusyon. Tinuruan niya ang kanyang ate ng wikang Latin at nagbigay ng pribadong matrikula sa isang estudyanteng Chuvasio. Mahilig din siya sa asyendang Blank kung saan siya nagtambay sa karamihan ng kanyang pagkabata, ipinagmalaki niya noon na ilarawan ang kanyang sarili bilang anak ng isang eskudero at minsang naglagda bilang "Ereditaryong Noble Vladimir Ulyanov" sa harap ng pulisya.[2]:26-46 Napansin ang marangal na pinagmulang ito ng marami, kabilang na sa kanila ang manunulat na si Maksimo Gorky, at sinasabing malaki ang naging impluwensya sa kanyang pagkatao.

Pumanaw si Ilya noong 12 Enero 1886 dahil sa hemorahiyang serebral o pagdurugo ng utak, nang si Vladimir ay 15 taong gulang. Di-nagtagal ay naging eratiko ang komprontasyonal ang kanyang pag-uugali, at sa kalaunan ay tinalikuran ang paniniwala sa Diyos. Nang panahong iyon ay nag-aaral ang kanyang kuyang si Aleksandr "Sacha" ng biyolohiya sa Pamantasang Imperyal ng San Petersburgo; noong 1885 ay ginawaran siya ng gintong medalya para sa kanyang disertasyon at naihalal siya sa Lipunang Siyentipiko-Literaryo ng unibersidad. Sangkot sa politikal na ahitasyon laban sa absolutong monarkiya ng reaksyonaryong Tsar Alejandro III, pinag-aralan niya ang mga sinulat ng mga ipinagbawal na makakaliwa tulad nina Dmitry Pisarev, Nikolay Dobrolyubov, Nikolay Chernyshevsky, at Karl Marx. Nag-organisa ng mga protesta laban sa gobyerno, sumali siya sa isang sosyalistang rebolusyonaryong selda na plinanong patayin ang Tsar, at siya ang napiling gumawa ng bomba. Bago nagsimula ang atake, inaresto at nilitis ang mga nagsabwatan. Hinatulan si Sacha sa kamatayan noong 25 Abril 1887, at binitay siya noong 8 Mayo. Sa kabila ng emosyonal na trauma na dulot ng pagkamatay ng kanyang ama at kapatid, nagpatuloy si Vladimir sa pag-aaral – nagtapos siya na nangunguna sa kanyang klase at may gintong medalya; nagpasya siyang mag-aral sa Pamantasang Kazan.[3]:6-18 Ang punong-guro noon ni Lenin sa himnasyo ay si Fedor Kerensky, ang ama ng kanyang magiging pangunahing pampolitikang karibal noong 1917 na si Aleksandr Fyodorovich. Sa kanyang huling taon noong 1887, sumulat si Kerensky ng ulat tungkol kay Vladimir, na naglalarawan sa kanya bilang "modelong mag-aaral, kailanma'y hinding 'nagbigay ng dahilan para sa kawalang-kaluguran, sa salita o sa pamamagitan ng gawa, sa mga awtoridad ng paaralan'". Nagsulat siya na "relihiyon at disiplina ang naging batayan ng kanyang pagpapalaki, ang mga bunga nito'y maliwanag sa pag-uugali ni Ulyanov". Sa puntong ito maraming indikasyon na lilikha siya ng matatag na karera sa Tsaristang burukrasya at sumusunod sa mga yapak ng kanyang ama.[4]:142-143

Unibersidad at Pampolitikang Radikalisasyon[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagpasok sa Panghukumang Pakultad ng Pamantasang Kazan University noong Agosto 1887, lumipat si Vladimir at ng kanyang ina sa isang malapit na apartamento, sa gayo'y inupahan ang kanilang tahanan ng pamilya Simbirsk. Naging interesado sa mga ideyang radikal ng kanyang yumaong kapatid, nagsimula siyang makipagpulong sa isang mapanghimagsikang selda na pinatakbo ng militanteng agraryong sosyalistang si Lazar Bogoraz, na nakipag-ugnayan sa mga makakaliwang hinangad na muling buhayin ang teroristang organisasyon na Kaloobang Bayan (Наро́дная во́ля; tr. Narodnaya Volya). Sumali siya sa zemlyachestvong Samara-Simbirsk ng unibersidad, isang anyo ng lipunang pampamantasan na kumakatawan sa mga kalalakihan ng isang partikular na rehiyon; di-nagtagal ay inihalal siya bilang representatibo sa konseho nito. Nakibahagi siya noong Disyembre 4 sa demonstrasyong humiling sa abolisyon sa estatuto ng 1884 at muling pagsasabatas ng mga lipunan ng mag-aaral, ngunit inaresto siya ng pulisya kasama ang 100 iba pang nagprotesta. Inakusahang kabisilya, pinalayas siya mula sa unibersidad, inilagay ng Ministeryo ng Ugnayang Panloob sa ilalim ng pagbabantay ng pulis, at ipinatapon sa kanyang pampamilyang asyendang Kokushkino. Matamnam siyang nagbasa dito, at naakit sa pro-rebolusyonaryong nobela ni Chernyshevsky noong 1863 na Ano ang Dapat Gawin?[5]:26-28

Tulad ng kanyang kuya, naipasailalim si Lenin sa teoretikal na impluwensya nina Karl Marx (kaliwa) and Friedrich Engels (kanan).

Abala sa kanyang radikalismo, hinikayat siya noong Setyembre 1888 ng kanyang ina na sumulat sa Ministeryong Panloob na humiling sa kanila na payagan siyang mag-aral sa dayuhang unibersidad; tinanggihan ang kanyang kahilingan ngunit pinahintulutan siyang bumalik sa Kazan, kung saan nanirahan siya sa Pervaya Gora kasama ang kanyang ina at kapatid na si Dmitry. Sa kanyang pagbalik, sumali siya sa rebolusyonaryong sirkulo ni Nikolay Fedoseev, kung saan natuklasan niya ang aklat ni Marx noong 1867 na Ang Kapital. Inudyok nito ang kanyang interes sa Marxismo, isang teoryang sosyopolitikal na nangangatuwirang umuunlad ang lipunan sa mga yugto, nagreresulta ito mula sa tunggalian ng mga uri, at maibabagsak ang kapitalismo na magbibigay-daan sa modang sosyalista, at sa huli'y lipunang komunista. Nababahala sa kanyang mga pampolitikang pananaw, bumili ang kanyang ina ng ari-arian sa nayon ng Alakaevka, Oblast ng Samara - na ginawang tanyag sa gawain ni makatang Gleb Uspensky, isang lubos na hinangaan ni Lenin - sa pag-asang ibaling ni Vladimir ang kanyang pansin sa agrikultura. Dito, pinag-aralan niya ang buhay magsasaka at ang kahirapan na kanilang kinakaharap, ngunit ninakaw ng mga lokal ang kanyang mga alagang hayop at kagamitang pambukid. Binenta ng kanyang ina ang sakahan at pinanatili ang bahay para sa tag-init. Noong Setyembre 1889 ay lumipat sila sa Samara para sa taglamig. Dito nakipag-ugnayan si Vladimir sa mga itinapong disidente at sumali sa sosyalistang lupon ng talakayan ni Aleksei Sklyarenko. Lubusang pinagtibay ni Lenin ang kanyang dedikasyon sa Marxismo, at isinalin niya ang polyetong politikal nina Marx at Friedrich Engels noong 1848 na Manipestong Komunista sa Ruso.

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. Sebestyen, Victor (2017). Lenin the Dictator: An Intimate Portrait. Londres: Weidenfeld & Nicolson. ISBN 978-1-47460-044-6.
  2. 2.0 2.1 Service, Robert (2000). Lenin: A Biography. Londres: Macmillan. ISBN 978-0-333-72625-9.
  3. Fischer, Louis (1964). The Life of Lenin. Londres: Weidenfeld & Nicolson. ISBN 978-1842122303.
  4. Figes, Orlando (2014). A People's Tragedy: The Russian Revolution, 1891–1924. Londres: The Bodley Head. ISBN 9781847922915.
  5. Rice, Christopher (1990). Lenin: Portrait of a Professional Revolutionary. Londres: Cassell. ISBN 978-0304318148.