Pumunta sa nilalaman

Anatomiyang hambingan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Anatomong komparatibo)

Ang anatomiyang hambingan o pahambing na anatomiya ay ang makaagham na pag-aaral ng mga pagkakatulad at pagkakaiba sa anatomiya ng mga organismo o ang paghahambing ng mga katawan ng mga hayop. Napakalapit ang kaugnayan nito sa biyolohiyang ebolusyonaryo at piloheniya (ang ebolusyon ng mga uri). Layuning ng anatomiyang hambingan ang makita ang kayariang pangganap ng mga katawang ito, at makapagpasya sa ugnayang pilohenetiko sa pagitan ng iba't ibang mga pangkat ng mga hayop. Ang paghihiwahiwalay ng mga hayop sa phyla o lapi ay pangunahing nagagawa sa pamamagitan ng anatomiyang hambingan (tingnan ang Talaan ng mga lapi ng mga hayop).

May dalawang pangunahing mga diwa ang anatomiyang pahambing:

  • mga kayariang homologo - mga kayarian (mga bahagi ng katawan/anatomiya) na magkatulad sa iba't ibang mga uri o espesye dahil may pangkaraniwang pinagmulan o simulain ang mga uri. Maaaring magsagawa o hindi magsagawa ng magkaparehong tungkulin ang mga kayariang ito. Isang halimbawa nito ang istruktura ng pangharap na mga paa ng pusa at ng mga balyena.
  • mga kayariang analogo - mga kayariang magkatulad sa iba't ibang mga organismo dahil umunlad (nagdaan sa proseso ng ebolusyon) sila sa magkaparehong kapaligiran, sa halip na mamana mula sa isang kamakailang karaniwang ninuno. Karaniwang mayroon silang magkakapareho o magkakatulad na mga layunin. Isang halimbawa nito ang hugis na torpedo ng katawan ng lumba-lumba at ng mga pating. Umunlad ito sa isang kapaligirang matubig, subalit magkaiba ang mga ninuno ng mga hayop.

Ang panuntunan sa pag-unlad ng natatanging mga katangian na talagang kaiba mula sa panglahatang homolohiya ay itinala ni Karl Ernst von Baer (tinatawag na mga batas ni Baer).

Ang pangunahing mga paraan ginagamit ay ang diseksiyon at mikroskopiya. Ang diseksiyon ay isang sinaunang metodong ginagamit upang matuklasan ang panloob na kayarian ng isang buhay na bagay (karaniwang isinasagawa pagkaraang mamatay ang hayop). Ginagamit pa rin ito ng mga mag-aaral ng panggagamot upang mapag-aralan ang tungkol sa mga detalye ng katawan ng tao. Unang naimbento ang payak na mga mikroskopyo noong ika-17 daang taon, at naging nagagamit ang mikroskopyong kompawnd (ginagamit pa rin sa kasalukuyan) noong ika-19 na daang taon. Layunin ng mikroskopiya ang makita ang maliliit na mga detalye ng isang kayarian. Gayun din, madalaw na ginagawa rin ang maingat na paghahambing ng malalaking katipunan ng mga hayop (karaniwang sa mga museo).

Ang masiglang kapanahunan ng anatomiyang hinambing ay magmula bandang 1800 hanggang sa bandang 1950. Ginamit ito ng mga taong hindi naniniwala sa ebolusyon, katulad ni Georges Cuvier, at pati na ng mga siyentipikong naniniwala, katulad ni Thomas Henry Huxley. Mismong si Charles Darwin ay gumamit ng anatomiyang pahambing bilang pangunahing kagamitan sa kanyang gawain ukol sa mga taliptip (mga barnakulo). Sa kasalukuyan, ang pangunahing paraan na ginagamit upang matagpuan ang mga kaugnayan ay ang ebolusyong molekular, na gumagamit ng pagsusuri ng panunuran o kaayusan ng DNA. Subalit, para sa maraming mga layunin ng pananaliksik, hinihiwa-hiwa (diseksiyon) pa rin ng mga soologo ang mga hayop. Upang makakuha ng degring akademiko sa larangan ng biyolohiya, kailangang maging maalam ang tao sa kayarian o istruktura ng mga hayop, pati na ng mga halaman.

Si Edward Tyson ang itinuturing na tagapagtatag ng anatomiyang hambingan. Ibinibigay sa kanya ang pagiging tagapagtukoy na ang mga mamalyang pandagat ay talagang tunay na mga mamalya. Siya rin ang naglagom na mas kahawig ng mga tao ang tsimpansi kaysa mga unggoy dahil sa kanilang mga bisig.

Naghambing din si Marco Aurelio Severino ng samu't saring mga hayop, kabilang ang mga ibon, sa kanyang Zootomia democritaea, isa sa unang mga akda ng paghahambing ng anatomiya. Noong ika-18 at ika-19 na mga daang taon, pinasigla ng mga anatomistang katulad nina George Cuvier, Richard Owen at Thomas Henry Huxley ating kaalaman ng payak na kayarian at mga sistema (sistematiks) ng mga bertebrado, naghimlay ng pundasyon para sa mga gawain ni Charles Darwin hinggil sa ebolusyon. Hanggang sa pagsipot ng mga teknikong henetikong katulad ng panunurang pang-DNA, ang anatomiyang hambingan na kasama ang embriyolohiya ang pangunahing mga kasangkapan para sa pag-unawa ng piloheniya, katulad ng mga nagawa ni Alfred Romer. Sa kasalukuyang panahon, itinuturo at ginagamit pa rin ang anatomiyang hambingan, partikular na sa larangan ng paleontolohiya.

Plano ng katawan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Napakakaiba ng likod ng tao kung ihahambing sa kanyang harapan, subalit halos magkatulad ang dalawang gilid ng katawan ng tao. Bawat gilid ay mayroong mata, tainga, kamay, binti, at baga. Tinatawag na simetriyang may dalawang gilid ang balangkas o plano ng katawan na dalawang magkahalintulad na mga gilid. Karamihan sa mga hayop ay ganito ang balangkas o kayarian. Ngunit mayroon din namang mga hayop na katulad ng isdambituin na pasinag, o nagmumula sa gitna, ang plano ng katawan.[1]

Kasama sa planong pangkatawan ang kalansay ng isang hayop. Habang nasa loob ng katawan ng tao ang kalansay, nasa labas naman ang kalansay ng katawan ng tipaklong at ng ulang. Sa halip na nagkaroon ng mga buto sa loob ng katawan ang tipaklong at ulang, mayroon silang matigas na baluti sa labas ng kanilang katawan. Katulad naman ng sa katawan ng tao, nasa loob ng katawan ang kalansay ng pusa, aso, matsing, at elepante.[1]

Dahil sa disenyo ng mga katawan ng pusa, aso, at elepante, maginhawa silang nakapaglalakad sa pamamagitan ng apat na mga paa. Bagaman magkahalintulad naman ang disenyo ng mga katawan ng unggoy at ng tao, mas madalas na kailangang maglakad sa pamamagitan ng apat na mga paa ang mga unggoy kaysa mga tao. Mas dinisenyo ang mga daliri ng unggoy upang makapangunyapit siya sa mga sanga ng puno.[1]

Samantala, ang tao naman ay nagkaroon ng katawan katangi-tangi lamang para sa kanya. Ang tao lamang ang nagkaroon ng baba. Siya lang din ang nilalang na nakakatayo ng patindig at tuwid. Kasinghaba ng pinagsamang haba ng kanyang punong katawan at ng ulo niya ang pinagsamang haba ng mga binti at ng mga hita. Ang hugis ng mga paa at mga daliri sa paa ay akmang-akma para sa paglalakad, hindi para sa paghawak o pagkapit. Naging isang kasangkapan ang mga kamay ng tao dahil sa pagkakaayos na magkatabi ng hinlalaki at ng apat pang mga daliri sa kamay. Nakakatulak na papalayo sa iba pang mga daliri ng kamay ang hinlalaki. Malaki rin ang pangharap na bahagi ng utak ng tao, na siyang "pinakaupuan" o pinanggagalingan ng karunungan at katalinuhan.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 "Body plan, Human Body". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Tomo ng titik B, pahina 269-270.