Azuchi-Momoyama

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search

Ang Panahong Azuchi-Momoyama ay isang bahagi sa Kasaysayan ng Hapon na nagsimula sa taong 1568 hanggang sa taong 1600. Ito ang panahon kung saan namuno sina Nobunaga Oda at Hideyoshi Toyotomi sa punong-lungsod ng Kyoto. Ang pangalan ng panahong ay ito kinuha kung nasaan nakalagak ang kastilyo ng dalawang pinunong ito, sa Palasyo ng Azuchi at Palasyo ng Momoyama.

Nagsimula ang Panahong ito sa pangalawang bahagi ng Panahong Muromachi na tinagurian ding Panahon ng Naglalaban-laban na Bansa. Naganap ito noong taong 1568 kung saan ang hukbo ni Nobunaga ay pumasok sa Kyoto pagkaraan niyang matalo ang isang daimyo na nagbabalak na salakayin ang punong-lungsod. Dahil dito nakuha niya ang suporta ng Emperador Oogimachi, at itinatag muli ang kasugunang Ashikaga sa ilalim ng ika-15 at pinakahuling sugun ng panahong ito si Yoshiaki Ashikaga. Dahil merong suporta ng napakalakas na hukbo si Nobunaga, madali niyang nakontrol ang bakufu.

Nagmula sa mga monghe ng sektang Tendai, mga kalabang daimyo hanggang sa mga negosyanteng ayaw sa kanya ang mga unang tumutol kay Nobunaga sa rehiyon ng Kyoto. Dahil sa mistulang pinapalibutan siya ng mga kalaban, inuna niya ang mga militante at maimpluwensiyang Budistang Tendai.

Sinalakay ni Nobunaga ang sentro ng kanilang monasteryo sa Bundok Hiei na malapit lamang sa kapitolyo ng Kyoto noong taong 1571. At dahil lumalaban itong mga mongheng ito, libo-libo ang pinagpapaslang niya dito bilang tanda sa mga Budistang lalaban sa kanya.

Sinunod niyang pinagbalingan ang mga lokal na daimyo sa Kyoto at ng maitaboy niya ang mga ito, itinaboy na din niya ang tau-tauhan niyang sugun si Yoshiaki Ashikaga noong 1573.

Matapos nito, gumawa na siya ng paraan para mapasakamay niya ang buong bansa. Ipinasailalim niya sa kanyang istrukturang militar ang mga nasakop niyang mga daimyo, mga negosyante at mga nabigyang leksiyong mga sektang panrelihiyon.

Winasak din niya ang mga hadlang sa malayang kalakalan sa mga lalawigan na kanyang nasakop. Ipinasakatuparan niya ang mga mainam na pamamahala sa pagsasaayos ng mga organisasyong pampolitika mula sa baryo hanggang sa kalunsuran ng sa gayon mapabuti ang pagkolekta ng buwis. Inisa na din lang niya ang mga uri ng sukatan sa mga kanyang nasasakupan para mapabilis ang transaksiyones sa mga negosyo.

Halos ikatlong bahagi ng buong Japan ang kanyang nasakop sa pamamagitan ng paggamit ng kumpletong pwersang pandigma at pagtatayo ng mga batong kutang mahirap mapasok. Isang halimbawa nito ang palasyong kanyang ipinatayo na pitong palapag ang taas na nasa Azuchi malapit sa Lawa ng Biwa.

Dahil sa tibay ng pagkakagawa nito, nakatayo pa din ito ngayon at naging isang sagisag ng pag-iisa ng buong Japan. Dahil marami pang mga lalawigan ang hindi niya nasasakop, sinugo niya ang kanyang kanang alagad na si Hideyoshi Hashiba para sugpuin ito.

Pero nahirapang masugpo ni Hideyoshi ang mga daimyo sa mga lalawigan. At noong pupunta sana si Nobunaga para tulungang si Hideyoshi na pabagsakin ang kanilang mga kalaban ay isang kudeta ang inilunsad mga iba pa niyang alagad.

Noong taong 1582, pinamunuan ni Mitsuhide Akechi ang kudetang iyon at pinaslang nila si Nobunaga sa Templo ng Honnou sa Kyoto.

Pinaslang din ang panganay na anak ni Nobunaga na si Nobutada kung kaya’t di malaman kung sino ang susunod na papalit sa napaslang na pinuno. Isang pangkat ang sumunod kay Hideyoshi Hashiba at ang iba naman ay kay Mitsuhide Akechi at para malaman kung sino ang magiging pinuno ay pinagdesisyunan ito sa Labanan sa Yamazaki na kung saan natalo si Mitsuhide. Dinurog ni Hideyoshi ang iba pang mga pwersang kasangkot sa pagpatay kay Nobunaga.

Dahil dito binigyan si Hideyoshi ng karapatan bilang isa sa mga tagapangalaga sa tapagmana ni Nobunaga na nooy isang bata pa lang. Pero mabilis na kumilos si Hideyoshi at noong taong 1584, nabura ni Hideyoshi ang tatlo pang ibang mga tagapangalaga. Walang naging hadlang na sa pagkuha niya ng kapangyarihan sa Kyoto at natural siya ang hinirang bilang pinuno ng mga lupang kinasasakupan ng kanyang dating among si Nobunaga.

Sumuko sa kanya ang ankang Choukosabe, mga daimyo ng Shikoku noong 1585 at dalawang taon pagkatapos nito, sumunod namang sumuko ang angkang Shimazu, mga daimyo ng Kyushu.

Galing sa karaniwang tao lamang si Hideyoshi Hashiba. Nagsimula siya bilang isang hamak na sundalo at unti-unti siyang umangat sa pusisyong militar hanggang sa maging isa sa mga heneral ni Nobunaga. Dahil masa ang kanyang pinagmulan wala siyang maituturing na apelyido. Pero sa dahil sa galing niya sa pamumuno inampon siya ng angkang Fujiwara at binigyan siya ng apelyidong Toyotomi at iginawad sa kanya ang titulong kanpaku bilang tanda ng pagiging pinuno niya sa larangang sibil at hukbo ng buong Japan.

Pero hindi pa ganap ang buong pagkuha niya ng Japan dahil marami pang mga daimyo ang hindi napapasailalim sa kanya. Di naglaon, nakuha niya ang alyansa ng tatlo sa siyam na malalaking samahan ng mga daimyo.

At noong taong 1590, kasama ang hukbo na umabot sa 200,000 samurai, tinapos niya ang kanyang pinakamatinding kalaban sa Honshu at kinikilalang pinuno ng ibang mga daimyo, ang angkang Hojo. Nang makita ng ibang mga daimyo ang pagbagsak ng angkang Hojo, wala na silang nagawa kundi sumuko kay Hideyoshi Toyotomi at nabuo dito ang isang bansang Japan sa ilalim ng isang pinuno.

Bagaman hawak lahat ni Hideyoshi ang buong Japan, may mga lugar na hindi naman niya ito direktang pinamunuan, meron siyang mga itinalagang basalyo na namuno para sa kanya.

Noong, ang batayan ng kapangyarihan ay nakasalalay sa lawak at pamamahagi ng mga teritoryo. Isang bagong paraan ang ginawa ni Hideyoshi para ipamahagi at sukatin ang lupa. Ang pagsusukat ay ibinatay niya sa koku na may kasing sukat na 180 litro ng bigas.

Kapag ang isa ay ginawaran ng titulong daimyo, ang kanyang nasasakupan ay may kapasidad dapat na mag-ani ng hindi bababa sa 10,000 koku ng bigas. Noong ipasuri ni Hideyoshi noong 1598 ang buong kapuluan sa ani, napag-alaman na sa 18.5 na milyong koku ng bigas, dalawang milyon ang sa kanya. Subalit isang makapangyarihang daimyo sa gitnang Honshu na hindi tuwirang hawak ni Hideyoshi ang nag-aani ng 2.5 milyong koku ng bigas.

Bagaman napakalakas ng pwersang hawak ni Hideyoshi at walang sinumang direktang hahamon sa kanya, hindi pa din siya sigurado sa kanyang kinauupuan. Dahil dito binago niya ang mga pag-aari ng mga daimyo at itinakda niya ang pamilyang Tokugawa na mamumuno sa rehiyon ng Kanto na kanyang kinubkob sa kanyang mga natalong kaaway. At para hindi lumakas ang angkang ito ay pinalibutan niya ang mga hangganan ng mga teritoryo ng angkang Tokugawa ng mga basalyong mamumuno ng tapat sa kanya.

At para lalong hindi makapalag ang mga daimyo ay gumawa siya ng sistema na kung saan nakaprenda ang mga asawa at mga anak na tagapagmana ng mga daimyo sa kanyang Palasyo sa Osaka. Ginamit din niya ang mga pag-iisang dibdib ng mga anak ng mga daimyo para mapanatili ang mga koneksiyong pampolitika.

At noong 1590, nagpalabas siya ng kautusan na wala ng aangat ang kalagayan niya sa buhay. Natakot kasi siya dahil alam niyang maraming mga sundalong maliliit na ambisyo ding tulad niya na gustong maging pinuno ng Japan. Kung nagawa nga niya bilang isang sundalo na galing sa masa ay maging pinuno ng buong Japan, bakit hindi ang iba? Kaya ipinagbawal na niya ang pag-angat ng mga uri ng mga tao na kung saan ang mga magsasaka ay mananatiling magsasaka at hindi na maaring maging mga mandirigma. Sa batas na ito, ang mga mandirigma na lang mga may karapatang humawak ng sandata.

Gumawa din siya ng sistema kung saan isinaayos niya ang paghahalinhinan ng mga uupong pinuno. Noong 1591, ginamit niya ang titulong taiko (retiradong kanpaku) at ibinigay niya ang Haliling Pamumuno sa kanyang anak na si Hideyori.

Noong tumanda lamang siya ay doon niya pinormalisa ang pagkakaroon ng pantay-pantay na kapangyarihan sa pagtatayo ng mga kinatawang tagapamahala. Bumuo siya sa Sanggunian ng mga Haliling Tagapamahala na binubuo ng limang tao (kasama na siya roon) na nanunumpang itaguyod ang kapayapaan at suportahan ang angkang Toyotomi. Binuo din niya ang Sanggunian ng mga Bahay-Tagapamahala na siyang nag-aasikaso sa mga patakaran at mga pang-araw-araw na pagpapatakbo ng bansa, at ang panghuli niyang binuo ay ang Sanggunian ng mga Tagapagpamayapa na binubuo ng tatlong tao na walang ibang tungkulin kundi para panatilihin ang kapayapaan sa dalawang nabanggit ng Sanggunian.

Nabuo ang sining ng Momoyama (1573-1615) sa palasyong itinayo ni Hideyoshi sa Fushima, timog ng Kyoto. Ang pangalang Momoyama ay galing sa isang bukid kung saan nakatirik ang kanyang Palasyo. Panahon ito ng interes sa mga mundong labas ng bansang Hapon, sa mga lumalaking kalungsuran at mga pag-angat ng mga uring mangangalakal. Sa panahong ito makikita ang magagarang disenyo ng mga palasyo na pinalamutian ng mga gintong dahon na naglalarawan ng karangyaan at kapangyarihan ng daimyo. Bantog ding tema na ipinapakita sa panahong ito dito ang mga Taga-timog na Barbaro (Europeo).

Noong taong 1577, nakuha ni Hideyoshi ang Nagasaki, ang pangunahing daungan at kontak ng mga Hapon sa labas ng kanilang bansa. Kinontrol niya dito ang iba’t ibang mga samahan na nangangalakal at sinubukang kontrolin din ang mga kalakalan sa ibayong dagat. Bagamat hindi ito nagustuhan ng Tsina, matagumpay na nakapagpadala ng mga misyon sa pangangalakal ang Hapones sa basbas ni Hideyoshi sa Malaysia, sa Pilipinas at sa Thailand.

Nagdududa siya sa Kristyanismo, at dahil ang ilang mga Kristiyano ang patagong sumusunod sa mga daimyo at hindi sa kanya, ipinapako niya ang ilang paring katoliko at iba pang mga misyonero bilang tanda sa nakararami.

Pangunahing ambisyon talaga ni Hideyoshi na sakupin ang Tsina, at noon ngang 1592, nagpadala siya ng hukbo na umabot sa 200,000 at sinalakay niya ang Korea, na kalapit isla nila at nooy isang mayamang kaharian na may alyansa sa Tsina. Madaling napasok kanyang mga hukbo ang Seoul at nagpatuloy pa ito hanggang Pyongyang. Pero dahil sa pinagsamang lakas ng mga Koryano at Intsik ay nataboy pabalik ang mga hukbong Hapones sa Seoul.

Maliban pa dito, ang hukbong pandagat nila na daanan ng mahahalagang suplay ay pinalubog ni almirante Yi Sun-sin. Kung kayat napilitang sumuko ang mga Hapones na napalibutan sa Korea

Sa kasunduang pangkapayapaan, hiniling ni Hideyoshi na hatiin ang Korea, at magkaroon ng malayang kalakalan dito at higit sa lahat isang Prinsesang Intsik para maging asawa ng Emperador ng Hapon. Subalit ang kagustuhan ng Japan na makapantay ang Tsina ay isinawalang bahala lamang ito ng mga Tsino kung kayat nagtapos ang usapang pangkapayapaan. Noong 1597, nagsimula na ang ikalawang paglusob, pero naputol ito kaagad ng pumanaw si Hideyoshi noong sumunod na taon.

Nang mamatay si Hideyoshi Toyotomi, ang kanyang alagad na si Ieyasu Tokugawa ay gumawa na paraan para puksai ang angkang Toyotomi. Sa Labanan ng Sekigahara noong 1600, ganap na nagwagi si Ieyasu at naging supremong pinuno ng buong Japan. At tatlong taon pagkalipas nito (1603) natanggap niya ang titulong Sei-i Taishogun mula sa Emperador ng Hapon at dahil dito pinasimulan niya ang kasugunang Tokugawa na itinayo niya sa Edo ang lumang pangalan ng Tokyo.