Pumunta sa nilalaman

Barong Tagalog

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tungkol sa damit na Barong Tagalog ang artikulong ito. Para sa awitin, tingnan Barong Tagalog (awitin)
Ang Barong Tagalog.

Ang Barong Tagalog[1], Barong Pilipino[1], o Barong lamang ay burdadong pormal na kasuotan sa Pilipinas. Magaan lamang ito at sinusuot na hindi nakasuksok sa loob ng pantalon, katulad sa isang amerikana. Karaniwan itong kasuotang pormal o pang-kasal para sa mga lalaking Pilipino.

Naging tanyag ang pagsuot ng barong sa pamamagitan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, na sinusuot ito sa karamihan ng opisyal at pansariling mga okasyon, kabilang na dito ang pagluklok sa kanya bilang pangulo ng Pilipinas. Naging opisyal na pambansang kasuotan ang barong sa isang kautusan mula sa dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1975.

Nagmula ang tradisyunal na kasuotan na ito mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Isang karaniwang teoriya sa pinagmulan ng barong ang matukoy ng mga Kastila ang kaibahan ng mga katutubong Pilipino sa mga namamayaning uri sa pamamagitan ng pagsuot ng barong na hindi nakasuksok sa pantalon. Pangkaraniwan sa Barong, ang pagkakagawa nito sa manipis na tela sa kadahilanang madaling makikita ng mga Kastila na walang dalang sandata ang mga nagsusuot nito.

Bagaman, nagduda ang mga ibang iskolar at mga dalubhasa sa kasaysayan sa teoriyang ito. Ikinakaturwiran nila ang kawalan ng pagbanggit ng partikular na batas na kung saan ipinagbabawal ng mga Kastila ang pagsuksok ng baro ng mga katutubo. Ikalawa, may mga litrato ng mga katutubo noong panahon ng mga Kastila na nagsusuot ng mga damit na nakasuksok sa pantalon katulad na lamang nina Jose Rizal at mga ibang mga kapanahon niya. Ikatlo, may tropikal na klima ang Pilipinas at karaniwan na ang mga magsuot ng damit na hindi nakasuksok dahil sa init. Sa wakas, inakala ang barong na nanggaling sa o inangkop ng guayabera, isang kasuotan na tanyag sa mga komunidad ng Latino Amerika. Unang kilala ang guayabera bilang "Filipina" noong panahon ng kalakalang Galyon sa Maynila nang naidala ito sa Mehiko mula sa Pilipinas

Uri ng tela na ginamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihang gawa sa telang piña o jusi. Unang yari ang telang jusi sa abaca o seda ng saging, ngunit noong dekada 1960, napalitan ito ng mga inangkat na mga sedang organza. Mekanikong tinatahi ang jusi at mas matibay kaysa telang piña na tinatahi sa pamamagitan ng kamay at mas maselan.

  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "Barong Tagalog". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)