Batirol

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search
Mga batirol na itinitinda sa isang pamilihan sa Oaxaca, Mehiko.

Ang batirol, batidor o molinilyo ay isang tradisyonal na kagamitang pangkusina na nagmula sa Mehiko, at ginagamit din sa Pilipinas at Kolombiya, na gawa sa inukit na kahoy at ginagamit bilang palis (whisk). Pangunahin itong ginagamit para sa paghahanda ng mga maiinit na inumin tulad ng tsokolate, at sa Mehiko ginagamit rin ito sa paggawa ng mga atole tulad ng tsamporado.

Inimbento ang batirol sa may taong 1700 ng mga Espanyol na naninirahan sa Bagong Espanya bilang pamalit sa kinasanayang pabalik-balik ng pagbuhos ng mainit na inuming tsokolate upang bumula ito.[1]

Katangian at paggawa[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang batirol ay isang uri ng pamalis na ginagamit para paghanda ng mainit na inuming tsokolate at ibang mga inumin tulad ng tsamporado at atole,[1] kung saan ang pangunahing punsiyon nito ay ang pagpapatunaw ng tsokolate at ang pagbuo ng bula mula rito.[2] Pinupuwesto ang kagamitan sa pagitan ng palad ng kamay at pinapagana sa pagkaskas ng palad habang pinapaikot ang batirol. Dulot ng kilos na ito, bumubuo ng bula ang inumin.[3]

Ginagawa ang batirol sa kahoy gamit ang isang torno,[1] ngunit inuukit din ito gamit ang kamay. May ilan itong mga singsing na kumikilos at umiikot, kung saan nakalungas rin ito.[4] Karaniwang inuukit ang batirol gamit lamang ang isang piraso ng kahoy at binibigyan ito ng dekorasyon sa huling bahagi ng paggawa.[5]

Sa Mehiko, karamihan sa mga estado nito ang gumagawa ng batirol, ngunit pangunahin dito ang Michoacán, Mehiko, Oaxaca at Puebla.[2]

Kasaysayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Ayon kay Esteban Terreros y Pando, ang batirol umano ay isang "tukod na de-torno na may lungas na pinapakilos upang mapalis ang tsokolate", ayon sa kaniyang diksiyonaryo na inilathala noong 1787.[6] Inilarawan niya dito na inimbento ito ng mga Espanyol na naninirahan sa Bagong Espanya sa may taong 1700 at kung saan dati nilang kinasanayan ang pagbula ng mainit na inuming tsokolate gamit ang pabalik-balik na pagbuhos sa magkabilang baso.[1]

Gayunpaman, may umiiral nang mga magkatulad na kagamitang ginagamit ng mga katutubo bago sinakop ng mga Espanyol ang Mehiko. Tinawag itong "chicoli" o aneloni, isang salitang Nahuatl na ayon sa kahulugang ibinigay ni Alonso de Molina noong 1571, isa itong "kagamitan upang maiyugyog ang kakaw kapag kailangan nilang gawin".[2]

Mapapatunayan naman na mula Mehiko, dumating ito ng Espanya at iba't ibang bahagi ng mundo mula rito.[2][7] Sa Pilipinas, halimbawa, dumating ito sa kapuluan nang idinala ng mga Espanyol ang inumin at kakaw galing Mehiko at hinikayat nila ang mga katutubong magsasaka na magtanim nito upang makapagpagawa ng tsokolateng eh.[8]

Talasanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 "Mexican Molinillo". Gourmet Sleuth (sa Ingles). Hinango noong 6 Abril 2011.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "Molinillo". La Jornada (sa Espanyol). Hinango noong 6 Abril 2011.
  3. Wagner, Candy; Márquez, Sandra (1993). Cooking Texas Style: Tenth Anniversary Edition (sa Ingles). Austin, Texas: University of Texas Press. p. 31. ISBN 9780292790810.
  4. Fernández, Adela (1985). La tradicional cocina mexicana y sus mejores recetas (sa Espanyol). Panorama Editorial. p. 44. ISBN 9789683801319.
  5. Department of English and Foreign Languages. "El Chocolate del desayuno" (PDF) (sa Espanyol). Augusta, Georgia: Augusta State University. Hinango noong 6 Abril 2011.
  6. Terreros y Pando, Esteban (1787). Diccionario castellano con las voces de ciencias y artes y sus correspondientes en las tres lenguas francesa, latina é italiana: E-O (sa Espanyol). Imprenta de la Viuda de Ibarra, Hijos y Compañía. p. 605.
  7. De Cárcer y Disdier, Mariano. Apuntes para la historia de la transculturación indoespañola (sa Espanyol). Pambansang Pamantasang Autonomo ng Mehiko. p. 235. ISBN 9789683644466. Unknown parameter |año= ignored (|year= suggested) (tulong)
  8. Co, Alina R. (2 Setyembre 2011). "A truly Pinoy chocolate fix at Tsoko.Nut Batirol" (sa Ingles). GMA News and Public Affairs. Hinango noong 19 Hulyo 2015.