Pumunta sa nilalaman

Biyoteknolohiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang biyologo na nagsasaliksik sa isang laboratoryong biyoteknolohiya

Ang biyoteknolohiya ay isang multidisiplinaryong larangan na kinabibilangan ng pagsasanib ng mga likas na agham at mga agham pang-inhinyeriya upang maisakatuparan ang paggamit ng mga organismo at mga bahagi nito para sa mga produkto at serbisyo.[1] Ang mga dalubhasa sa larangang ito ay tinatawag na mga biyoteknolohista.

Ang terminong biyoteknolohiya ay unang ginamit ni Károly Ereky noong 1919[2] upang tukuyin ang produksiyon ng mga produkto mula sa hilaw na materyales sa tulong ng mga buhay na organismo. Ang pangunahing prinsipyo ng biyoteknolohiya ay ang paggamit sa mga sistemang biyolohikal at mga organismo, gaya ng bakterya, lebadura, at mga halaman, upang magsagawa ng mga tiyak na gawain o makalikha ng mahahalagang sangkap.

Malaki ang naging epekto ng biyoteknolohiya sa maraming larangan ng lipunan, mula sa medisina hanggang agrikultura at agham pangkapaligiran. Isa sa mga pangunahing teknik na ginagamit dito ay ang henetikong inhinyeriya, na nagbibigay-daan sa mga siyentipiko na baguhin ang henetikong komposisyon ng mga organismo upang makamit ang ninanais na resulta. Maaaring kabilang dito ang paglalagay ng mga hene mula sa isang organismo patungo sa iba, na nagreresulta sa paglikha ng mga bagong katangian o pagbabago ng mga umiiral na katangian.[3]

Kabilang din sa mahahalagang teknik sa biyoteknolohiya ang kultura ng tisyu), na nagpapahintulot sa mga mananaliksik na magpalago ng mga selula at tisyu sa laboratoryo para sa pananaliksik at medikal na layunin, at permentasyon, na ginagamit sa paggawa ng iba't ibang produkto tulad ng serbesa, alak, at keso.

Ang mga aplikasyon ng biyoteknolohiya ay sari-sari at nagbunga ng pagbuo ng mga produktong gaya ng mga gamot, biofuel (o biyokarburante), mga pananim na henetikong binago, at mga makabagong materyales.[4] Ginagamit din ito upang tugunan ang mga hamon sa kapaligiran, tulad ng paglikha ng mga biyodegradabilidad na plastik at paggamit ng mga mikroorganismo upang linisin ang mga kontaminadong lugar.

Ang biyoteknolohiya ay isang mabilis na umuunlad na larangan na may malaking potensiyal upang tugunan ang mahahalagang pandaigdigang hamon at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga tao sa buong mundo; gayunpaman, sa kabila ng maraming benepisyo nito, nagdudulot din ito ng mga hamong etikal at panlipunan, tulad ng mga usapin hinggil sa henetikong pagbabago at mga karapatan sa intelektuwal na ari-arian. Dahil dito, may patuloy na debate at regulasyon hinggil sa paggamit at aplikasyon ng biyoteknolohiya sa iba't ibang industriya at larangan.[5]

Sinasaklaw ng biyoteknolohiya ang malawak na hanay ng mga pamamaraan para sa pagbabago ng mga buhay na organismo para sa layunin ng tao, mula pa sa domestikasyon ng mga hayop, paglilinang ng mga halaman, at mga "pagpapabuti" sa mga ito sa pamamagitan ng mga programang pagpaparami na gumagamit ng artipisyal na seleksiyon at hibridisasyon. Sa makabagong paggamit, kabilang din dito ang henetikong inhinyeriya, gayundin ang mga teknolohiya sa kultura ng selula at tisyu. Ayon sa American Chemical Society (literal na Lipunan ng Kimikal Amerikano), ang biyoteknolohiya ay ang aplikasyon ng mga organismong biyolohikal, sistema, o proseso ng iba’'t ibang industriya upang mapag-aralan ang agham ng buhay at mapahusay ang halaga ng mga materyales at organismo, tulad ng mga parmasyutiko, pananim, at mga alagang hayop.[6] Ayon naman sa European Federation of Biotechnology (literal na Pederasyong Europeo ng Biyoteknolohiya), ang biyoteknolohiya ay ang integrasyon ng likas na agham at mga organismo, selula, mga bahagi nito, at mga molekular na analogo para sa mga produkto at serbisyo.[7] Nakabatay ang biyoteknolohiya sa mga batayang agham biyolohikal (halimbawa, biyolohiyang molekular, biyokimika, biyolohiya ng selula, embriyolohiya, henetika, mikrobiyolohiya) at sa kabilang banda ay nagbibigay ng mga pamamaraan upang suportahan at maisagawa ang batayang pananaliksik sa biyolohiya.[8]

Ang biyoteknolohiya ay pananaliksik at pagpapaunlad sa laboratoryo gamit ang biyoimpormatika para sa eksplorasyon, pagkuha, paggamit, at produksiyon mula sa alinmang buhay na organismo at anumang pinagmumulan ng biyomasa sa pamamagitan ng inhinyeriyang biyokimikal kung saan ang mga produktong may mataas na halagang idinadagdag ay maaaring planuhin (halimbawa, muling malikha sa pamamagitan ng biosintesis), hulaan, balangkasin, paunlarin, gawin, at ipagbili para sa layunin ng napapanatiling operasyon (para sa pagbabalik mula sa walang-hanggang paunang pamumuhunan sa R & D) at pagkamit ng matibay na karapatan sa patente (para sa eksklusibong karapatan sa pagbebenta, at bago nito ay makatanggap ng pambansa at pandaigdigang pag-apruba mula sa mga resulta ng eksperimento sa hayop at tao, lalo na sa sangay ng parmasyutikal na bioteknolohiya upang maiwasan ang mga hindi natutukoy na side effect o mga alalahanin sa kaligtasan sa paggamit ng mga produkto).[9][10][11] Ang paggamit ng mga prosesong biyolohikal, organismo, o sistema upang makalikha ng mga produktong inaasahang magpapabuti sa buhay ng tao ay tinatawag na biyoteknolohiya.[12]

Sa kabilang banda, ang biyoinhenyeriya ay karaniwang itinuturing na kaugnay na larangan na mas nagbibigay-diin sa mga mas mataas na sistemang pamamaraan (hindi kinakailangang direktang pagbabago o paggamit ng mga materyales na biyolohikal) para sa pakikipag-ugnayan at paggamit sa mga buhay na bagay. Ang biyoinhenyeriya ay ang aplikasyon ng mga prinsipyo ng inhinyeriya at likás na agham sa mga tisyu, selula, at molekula. Maaari itong ituring bilang paggamit ng kaalaman mula sa pagtatrabaho at pagmamanipula ng biyolohiya upang makamit ang resulta na makapagpapahusay sa mga tungkulin sa mga halaman at hayop.[13]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Biotechnology". IUPAC Goldbook (sa wikang Ingles). 2014. doi:10.1351/goldbook.B00666. Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 20, 2022. Nakuha noong Pebrero 14, 2022.
  2. Ereky, Karl. (Hunyo 8, 1919). Biotechnologie der Fleisch-, Fett-, und Milcherzeugung im landwirtschaftlichen Grossbetriebe: für naturwissenschaftlich gebildete Landwirte verfasst (sa wikang Ingles). P. Parey. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 5, 2016. Nakuha noong Marso 16, 2022 sa pamamagitan ni/ng Hathi Trust.
  3. "Genetic Engineering" (sa wikang Ingles). National Human Genome Research Institute, US National Institutes of Health. 2023-12-15. Nakuha noong 2023-12-18.
  4. Gupta, Varsha; Sengupta, Manjistha; Prakash, Jaya; Tripathy, Baishnab Charan (2016-10-23). "An Introduction to Biotechnology". Basic and Applied Aspects of Biotechnology (sa wikang Ingles). pp. 1–21. doi:10.1007/978-981-10-0875-7_1. ISBN 978-981-10-0873-3. PMC 7119977.
  5. O'Mathúna, Dónal P. (2007-04-01). "Bioethics and biotechnology". Cytotechnology (sa wikang Ingles). 53 (1–3): 113–119. doi:10.1007/s10616-007-9053-8. ISSN 0920-9069. PMC 2267612. PMID 19003197.
  6. "Biotechnology". portal.acs.org (sa wikang Ingles). American Chemical Society. Inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 7, 2012. Nakuha noong 2013-03-20.
  7. "BIOTECHNOLOGY-PRINCIPLES & PROCESSES" (PDF) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Agosto 7, 2015. Nakuha noong 2014-12-29.
  8. "What Is Biotech? | MCPHS". www.mcphs.edu (sa wikang Ingles). Nakuha noong 16 Disyembre 2025.
  9. What is biotechnology?. Europabio. Nakuha noong Marso 20, 2013. (sa Ingles)
  10. "Science, technology and innovation". OECD (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-01.
  11. "Biotechnology policies" – Organization for Economic Co-operation and Development. Naka-arkibo 2012-08-31 sa Wayback Machine.. Nakuha noong Marso 20, 2013. (sa Ingles)
  12. Goli, Divakar; Bhatia, Saurabh (Mayo 2018). History, scope and development of biotechnology (sa wikang Ingles). IOPscience. doi:10.1088/978-0-7503-1299-8ch1. ISBN 978-0-7503-1299-8.
  13. What Is Bioengineering? Naka-arkibo 2013-01-23 sa Wayback Machine.. Bionewsonline.com. Nakuha noong Marso 20, 2013. (sa Ingles)