Saranggola


Ang saranggola[1] ay isang laruan na pinalilipad na karaniwang gawa sa maninipis na patpat na kawayan bilang balangkas at sinapnan ng papel o manipis na tela. Tinatawag din itong bulador[1][2] o burador. Isang nakataling kasangkapang panglipad ang saranggola na mas mabigat kaysa sa hangin na may mga pakpak na nakikipag-ugnayan sa hangin upang makalikha ng mga puwersang pampalipad at paghila. Binubuo ito ng mga pakpak, tali, at mga pang-angkla. Madalas may tali at buntot ang saranggola upang maituro ang harapan nito at maitaas ng hangin.[3] May ilang disenyo ng saranggola na hindi nangangailangan ng tali, gaya ng saranggolang kahon na maaaring may isang punto lamang ng pagkakabit. Maaaring nakapirmi o gumagalaw ang mga pang-angkla na nagbibigay-balanse sa saranggola. Sa Ingles, tinatawag itong kite na mula ang pangalan sa ibong mandaragit na tinatawag ding kite, na kilala sa paglipad at paglutang sa himpapawid.[4] May iba’t ibang hugis ng mga saranggola.
Ang puwersang pampalipad na nagpapatuloy sa saranggola sa ere ay nalilikha kapag dumadaloy ang hangin sa paligid ng ibabaw nito, na nagbubunga ng mababang presyon sa itaas at mataas na presyon sa ibaba ng mga pakpak.[5] Ang interaksyon nito sa hangin ay lumilikha rin ng pahalang na paghila kasabay ng direksiyon ng hangin. Ang pinagsamang puwersa mula sa pampalipad at paghila ay binabalanse ng tensyon mula sa isa o higit pang mga tali o lubid na nakakabit sa saranggola.[6] Ang punto ng pagkakabit ng tali ay maaaring nakapirmi o gumagalaw (halimbawa, kapag hinihila ng tumatakbong tao, bangka, bumabagsak na pang-angkla gaya ng sa mga paraglider at parakite,[7][8] o sasakyan).[9][10]
Ang parehong prinsipyo ng pagdaloy ng likido ay naaangkop din sa tubig, kaya maaaring gamitin ang mga saranggola sa ilalim ng dagat.[11][12] Gumagana ang mga paravane at otter board sa ilalim ng tubig sa parehong paraan.
Ginamit noon ang mga saranggolang kayang magbuhat ng tao para sa pagmamanman, libangan, at sa pag-unlad ng mga unang sasakyang panghimpapawid tulad ng biplano.
May mahaba at makulay na kasaysayan ang mga saranggola, at iba't ibang uri nito ang pinalilipad sa iba't ibang panig ng mundo, maging sa mga pista ng saranggola. Maaaring paliparin ang mga ito para sa libangan, sining, o praktikal na gamit. Ang mga saranggolang pampalakasan ay ginagamit sa mga palabas sa ere o kompetisyon, samantalang ang mga power kite (saranggolang may lakas) naman ay mga saranggolang may maraming tali na maaaring kontrolin upang makalikha ng malalakas na puwersa para sa mga aktibidad tulad ng kite surfing (pag-surf ng saranggola), kite landboarding (pag-skate gamit ang saranggola), kite buggying (pagmamaneho ng karitong pinapatakbo ng saranggola), at snow kiting (pag-surf sa niyebe gamit ang saranggola).
Mga uri ng saranggola
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ilan lamang ito sa mga uri ng saranggola:
- boka-boka
- guryon[1][13]
- tsapi-tsapi o sapi-sapi[1]
- de-kahon
- bandera
- portagis
- de-baso
- papagayo - saranggolang kahugis ng ibon.[1]
- fighter
Sa kulturang popular
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Pilipinas, isang awit na may sa saranggola sa pamagat ang Saranggola ni Pepe na kinanta at pinasikat ni Celeste Legaspi na sinulat ng kanyang asawang si Nonoy Gallardo. Bagaman, ang awitin ay hindi partikular na tungkol sa saranggola, sa halip, ito ay isang sinkroniko na pinapakita ang pangarap ng mga mamamayan.[14] Ang "Pepe" ay palayaw ni Jose Rizal na sumisimbolo sa kabataan na tinuturing ni Rizal na pag-asa ng bayan. Samantala, tumutukoy ang "Saranggola" sa bansang Pilipinas. Ang "matandang bingi" na binabanggit sa awit ay tumutukoy umano kay noo'y Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.[14] Sang-ayon kay Celeste, sinulat ng asawa niya ang awitin para ihayag ang nararamdaman niya sa nangyayari[15][16] noong panahon ng batas militar sa Pilipinas sa ilalim ni Marcos. May bersyong rock ito na inawit ng bandang Shampoo ni Lola noong dekada 1990.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 English, Leo James (1977). "Saranggola". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
- ↑ Mula sa Kastilang volador
- ↑ Eden, Maxwell (2002). The Magnificent Book of Kites: Explorations in Design, Construction, Enjoyment & Flight (sa wikang Ingles). New York: Sterling Publishing Company, Inc. p. 18. ISBN 9781402700941.
- ↑ "kite | Etymology, origin and meaning of kite by etymonline". Etymonline.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 14 Disyembre 2021.
- ↑ "Beginner's Guide to Aeronautics" (sa wikang Ingles). NASA. Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-03-25. Nakuha noong 2012-10-03.
- ↑ "Flying High, Down Under" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Disyembre 2008. Nakuha noong 14 Disyembre 2021.
- ↑ Woglom, Gilbert Totten (1896). Parakites: A treatise on the making and flying of tailless kites for scientific purposes and for recreation (sa wikang Ingles). Putnam. OCLC 2273288. OL 6980132M.
- ↑ "Science in the Field: Ben Balsley, CIRES Scientist in the Field Gathering atmospheric dynamics data using kites. Kites are anchored to boats on the Amazon River employed to sample levels of certain gases in the air" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Marso 2008. Nakuha noong 14 Disyembre 2021.
- ↑ "The Bachstelze Article describes the Fa-330 Rotary Wing Kite towed by its mooring to the submarine. The kite was a man-lifter modeled after the autogyro principle". Uboat.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2012-10-03.
- ↑ "Kite Fashions: Above, Below, Sideways. Expert kite fliers sometimes tie a flying kite to a tree to have the kite fly for days on end" (PDF) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 23 Hulyo 2011. Nakuha noong 14 Disyembre 2021.
- ↑ "Underwater kiting" (sa wikang Ingles). 2lo.de. Nakuha noong 2012-10-03.
- ↑ "Hydro kite angling device Jason C. Hubbart" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2012-10-03.
- ↑ Mula sa Kastilang gorrion na nangangahulugang sparrow sa Ingles, o maya
- ↑ 14.0 14.1 Gonzales, Rhon Adolf C.; Wamina, Apple Joy S.; Sabio, Myra Chell R.; Ranoa, Camilo A. (Enero 2025). "SINKRONIKO AT DIAKRONIKONG PAGSUSURI SA AWITING 'SARANGGOLA NI PEPE' NI NONOY GALLARDO" (PDF). Global Scientific Journals. 13 (1). ISSN 2320-9186.
- ↑ Javier, Kristian Eric. "Celeste Legaspi, inalala ang kuwento ng kaniyang hit singles". www.gmanetwork.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-10-11.
- ↑ Escobar, Miguel (2017). ""Ano ba naman ang magagawa ng ranting and raving mo on social media? Wala rin, 'di ba?" —Celeste Legaspi". Esquiremag.ph. Nakuha noong 2025-10-11.