Pumunta sa nilalaman

Captain America

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Steve Rogers
Captain America
Impormasyon ng paglalathala
TagapaglathalaMarvel Comics[a]
Unang paglabasCaptain America Comics #1 (Disyembre 20, 1940)[b]
TagapaglikhaJoe Simon
Jack Kirby
Impormasyon sa loob ng kwento
Buong pangalanSteven Rogers
EspesyeTaong nag-mutasyon
Lugar ng pinagmulanLungsod ng New York
Kasaping pangkat
  • Avengers
  • All-Winners Squad
  • Invaders
  • S.H.I.E.L.D.
  • U.S. Army
Kakampi
  • Bucky Barnes
  • Sam Wilson
  • Sharon Carter
Kilalang alyasNomad, The Captain
Kakayahan
  • Pinahusay hanggang sa pinakamataas na antas ng pisikal na kakayahan ng tao sa pamamagitan ng Super-Soldier Serum
  • Daluhasa sa sining pandigma at mano-manong labanan
  • Bihasang taktiko at estratehista
  • May hawak na kalasag na halos hindi masisira

Si Captain America ay isang superhero na nilikha nina Joe Simon at Jack Kirby na lumalabas sa mga komiks na Amerikano na inilalathala ng Marvel Comics. Unang lumabas ang karakter sa Captain America Comics #1, na inilathala noong Disyembre 20, 1940 ng Timely Comics, ang kompanyang naging hinalinhan ng Marvel. Ang tunay na pagkakakilanlan ni Captain America ay si Steven "Steve" Rogers, isang marupok na lalaki na pinahusay hanggang sa sukdulang antas ng pisikal na kakayahan ng tao sa pamamagitan ng isang eksperimental na super-soldier serum matapos siyang sumapi sa Hukbong Sandatahan ng Estados Unidos upang tumulong sa pagsisikap ng bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Suot ang kasuotan na hango sa bandila ng Amerika at may dala-dalang kalasag na halos hindi masisira, madalas na nakikipaglaban si Captain America at ang kanyang kasamang si Bucky Barnes laban sa kasuklam-suklam na Red Skull at iba pang kasapi ng kapangyarihang Axis. Sa mga huling araw ng digmaan, isang aksidente ang nagdulot upang ma-freeze (o mapirmi sa yelo) si Captain America sa isang kalagayang parang tulog sa loob ng mahabang panahon, hanggang sa siya ay muling nabuhay sa makabagong panahon. Itinuloy niya ang pagiging bayani sa kasuotan at naging pinuno ng pangkat ng mga superhero na Avengers, subalit madalas siyang nahihirapan bilang isang taong nawala sa panahon sa pag-angkop sa bagong panahon.

Mabilis na sumikat ang karakter bilang pinakatanyag at pinakamatagumpay na nilikha ng Timely noong panahon ng digmaan, bagaman humina ang kasikatan ng mga superhero pagkaraan ng digmaan kaya itinigil ang Captain America Comics noong 1950. Muling binuhay ang karakter noong 1953, subalit panandalian lamang, bago tuluyang bumalik sa komiks noong 1964, at simula noon ay patuloy na nailalathala. Ang paglikha kay Captain America bilang isang tahasang kontra-Nazi na pigura ay isang sinadyang hakbang pampolitika: mariing tinutulan nina Simon at Kirby ang mga gawain ng Alemanyang Nazi at sinuportahan nila ang pakikilahok ng Estados Unidos sa digmaan. Naisip ni Simon ang karakter bilang tugon sa kilusang kontra-interbensiyon ng Amerika. Simula noon, ang mga mensaheng pampolitika ay nanatiling mahalagang katangian ng mga kuwento ni Captain America, at madalas gamitin ng mga manunulat ang karakter upang magbigay ng puna sa kalagayan ng lipunan at pamahalaan ng Amerika.

Matapos lumabas sa mahigit sampung libong kuwento, si Captain America ay isa sa pinakatanyag at pinakakilalang karakter ng Marvel Comics, at inilalarawan bilang isang ikono ng kulturang popular ng Amerika. Bagaman hindi siya ang unang superhero na may temang nakabatay sa Estados Unidos, siya ang naging pinakatanyag at pinakamatagal sa maraming makabayang Amerikanong superhero na nilikha noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Captain America rin ang unang karakter ng Marvel na lumabas sa labas ng komiks, sa seryeng pelikulang Captain America noong 1944. Mula noon, lumitaw ang karakter sa iba't ibang pelikula at midya, kabilang ang Marvel Cinematic Universe, kung saan ginampanan siya ng aktor na Chris Evans mula sa unang pelikulang Captain America: The First Avenger (2011) hanggang sa Avengers: Endgame (2019).

Paglikha sa karakter

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1940, tumugon si Martin Goodman, ang tagapaglathala ng Timely Comics, sa lumalaking kasikatan ng mga komiks tungkol sa mga superhero—lalo na si Superman ng karibal na National Comics Publications, ang kompanyang naging hinalinhan ng DC Comics—sa pamamagitan ng pagkuha sa freelancer (malayang manggagawa) na si Joe Simon upang lumikha ng bagong superhero para sa kompanya.[1] Sinimulan ni Simon ang pagbuo ng karakter sa pamamagitan ng pagtukoy kung sino ang magiging kalaban nito, dahil napansin niyang ang pinakamatagumpay na mga superhero ay yaong may mahigpit na ugnayan sa isang kapana-panabik na kontrabida. Sa huli, napili niyang maging kalaban si Adolf Hitler.[2][3] Ipinaliwanag ni Simon na si Hitler ang "pinakamahusay na kontrabida sa lahat" dahil "kinamumuhian siya ng lahat ng malalayang bansa,"[3] at kakaiba raw na isang tunay na tao, at hindi kathang-isip, ang magiging kaaway ng isang superhero.[2][c]

Sadyang pampolitika rin ang ganitong paraan. Mariing tinutulan ni Simon ang mga gawain ng Alemanyang Nazi at sinuportahan niya ang pakikilahok ng Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Layunin niyang maging tugon ang bayani sa kilusang kontra-interbensiyon ng Amerika.[4] Naisip muna niyang pangalanan ang bayani bilang "Super American," subalit naisip niyang mayroon nang maraming karakter sa komiks na may pangalang nagsisimula sa "super."[5] Pagkatapos ay binuo niya ang mga detalye ng karakter, na sa huli ay pinangalanang "Captain America," matapos niyang matapos ang mga paunang guhit kasabay ng konsultasyon kay Goodman.[1] Ang sibilyang pangalan ng bayani, "Steve Rogers," ay hango sa salitang ginagamit sa telegrapya na "roger," na nangangahulugang "natanggap ang mensahe."[1]

Pinili ni Goodman na ilunsad si Captain America sa sarili nitong komiks na may pamagat din na Captain America, kaya siya ang unang karakter ng Timely na lumabas sa sarili niyang serye nang hindi muna ipinakilala sa isang antolohiya.[3] Nais ni Simon na si Jack Kirby ang maging pangunahing dibuhista ng serye. Nagkaroon na sila ng magandang ugnayan at pagkakaibigan noong huling bahagi ng dekada 1930 matapos silang magtrabaho sa Fox Feature Syndicate, at dati na rin silang nakalikha ng mga karakter para sa Timely.[6][6] Pareho rin silang may pananaw na pabor sa interbensiyon ng Amerika sa digmaan, kaya lalo pang naengganyo si Kirby sa karakter.[3] Sa kabilang banda, gusto ni Goodman na isang pangkat ng mga artista ang magtrabaho sa serye. Sa huli, napagkasunduan na si Kirby ang magiging penciller o tagapaglapis, samantalang sina Al Avison at Al Gabriele ang tutulong bilang mga inker o tagatinta.[3] Nakipagkasundo rin si Simon na siya at si Kirby ay makatatanggap ng 25 porsiyento ng kita mula sa komiks.[7] Itinuturing ni Simon si Kirby bilang kapwa-lumikha ni Captain America, at sinabi niyang, "if Kirby hadn't drawn it, it might not have been much of anything" (Kung hindi si Kirby ang gumuhit nito, baka hindi ito naging kasinghalaga ng ngayon).[3]

  1. Formerly Timely Comics and Atlas Comics
  2. Nakapetsa ang pabalat sa Marso 1941
  3. Ayon kay Simon, noong una ay tutol si Goodman sa paggamit kay Hitler bilang kontrabida dahil baka mapatay si Hitler bago mailathala ang unang isyu.[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Dutter 1990, pp. 10–11.
  2. 2.0 2.1 Morse 2007, p. 32.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 Dutter 1990, p. 11.
  4. Wright 2001, p. 36.
  5. Simon & Simon 2003, pp. 50–51.
  6. 6.0 6.1 Harvey 1996, p. 31.
  7. Ro 2004, p. 25.

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Dutter, Barry (Disyembre 1990). "Simon Says...". Marvel Age (sa wikang Ingles). 1 (95). Marvel Comics: 10–13. ISSN 8750-4367.
  • Morse, Ben (Mayo 2007). "The Wizard Retrospective: Captain America". Wizard (sa wikang Ingles) (187): 30–48.
  • Wright, Bradford W. (2001). Comic Book Nation: The Transformation of Youth Culture in America (sa wikang Ingles). Johns Hopkins University Press. ISBN 978-0-8018-7450-5.
  • Simon, Joe; Simon, Jim (2003). The Comic Book Makers (sa wikang Ingles). Vanguard. ISBN 978-1887591355.
  • Harvey, Robert C. (1996). The Art of the Comic Book: An Aesthetic History (sa wikang Ingles). University Press of Mississippi. ISBN 0-8780-5758-7.
  • Ro, Ronin (2004). Tales to Astonish: Jack Kirby, Stan Lee and the American Comic Book Revolution (sa wikang Ingles). Bloomsbury USA. ISBN 978-1-58234-345-7.