Pumunta sa nilalaman

Daing (isda)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Daing
Ibang tawagBilad, tuyô, pinikas
LugarPilipinas
BaryasyonLabtingaw, lamayo

Ang daing, tuyo, buwad, o bilad (lit. na'tinuyo sa araw' o 'niluto sa araw') ay mga uri ng tinuyong isda mula sa Pilipinas.[1] Karaniwang hinihiwang pahati ang mga isdang ginagawang daing (ngunit maaari ring iwanang buo), tinatanggalan ng laman-loob, inaasnan nang sagana, at pinatutuyo sa araw at hangin. Mayroon ding mga bersiyong "walang buto" kung saan hinihiwang pa-filet ang isda bago patuyuin.[2] Sa pasimula, ito ay isang paraan ng pagpepreserba, dahil pinipigil ng asin ang pagdami ng bakterya, kaya’t maaaring itabi ang isda nang matagal.[3][4]

Ipiniprito o iniihaw ang daing bago kainin, ngunit maaari rin itong balutin sa palara at ihurno. Karaniwan itong isinasawsaw sa suka at kinakain kasama ng kanin tuwing almusal.[5] Kapansin-pansin, tradisyonal din itong ipinapares sa tsamporado.[6] Maaari rin itong gamitin bilang sangkap sa iba pang mga putahe.[7]

Itinuturing ang daing na pagkaing pangmahirap dahil sa pagiging abot-kaya, ngunit unti-unti rin itong nagkakaroon ng kahalagahan sa kulturang Pilipino bilang pagkaing pampaginhawa.[2][8]

Daing na pinapatuyo
Mga iba't ibang uri ng daing na ibinebenta sa isang tindahan sa Pangasinan

Halos anumang uri ng isda ay maaaring idaing. Karaniwang tinutukoy ang espesye ng isda sa pangalan nito kapag ibinebenta sa mga pamilihan. Halimbawa, sa Cebu, ang lokal na espesyalidad na gawa sa danggit ay tinatawag na buwad danggit.[8] Kabilang sa iba pang mga espesyeng ginagawang daing ang bisugo (Nemipteridae), banak (Mugilidae), at tamban o tunsoy (mga sardinas). Karaniwang pinatutuyong buo ang daing na gawa sa tamban, ngunit maaaring tanggalin ang lamanloob ng inaangkat na daing upang sumunod sa mga batas pangkalinisan sa pagkain ng ibang mga bansa.[1] Maaari ring ihanda ang hibya at pusit sa ganitong paraan (Tagalog: daing na pusit; Sebwano: bulad pusit).[2]

Daing na pusit at lato

Ang labtingaw, isang baryante ng daing, ay gumagamit ng mas kaunting asin at pinatutuyo sa mas maikling panahon (ilang oras lamang). Ang resultang daing ay bahagyang mamasa-masa at mas makarne kumpara sa ganap na tuyong baryante.[9] Ang isa pang baryante ng daing na kilala bilang lamayo ay hindi na dumaraan sa pagpapatuyo. Sa halip, pagkatapos linisin ang isda, ito’y ibinababad na lamang sa suka, bawang, at iba pang pampalasa bago iprito.[10][2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 "Philippine Dried Fish" [Pinatuyong Isda ng Pilipinas] (sa wikang Ingles). CloveGarden. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 Marketman (Setyembre 28, 2005). "Buwad / Daing / Dried Fish" (sa wikang Ingles). Market Manila. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  3. "How to Make Salted Dried Fish (Daing)" [Paano Gumawa ng Inasnang Pinatuyong Isda (Daing)] (sa wikang Ingles). Pinoybisnes.com. Nobyembre 15, 2009. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  4. "How to Start a Salted Dried Split Fish (Daing) Business" [Paano Magsimula ng Negosyo ng Daing] (sa wikang Ingles). Business Diary. Setyembre 21, 2011. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  5. "How to Cook Dried Herring (Tunsoy - Tuyo Fish)" [Paano Magluto ng Tunsoy]. Today's Delight (sa wikang Ingles). Marso 31, 2018. Nakuha noong Mayo 7, 2021.
  6. "Champorado with Tuyo – Chocolate Porridge with Salted Dried Fish" [Tsamporado na may Tuyo]. Panlasang Pinoy (sa wikang Ingles). Disyembre 9, 2016. Nakuha noong Mayo 7, 2021.
  7. Laureta, Isabelle (Pebrero 18, 2015). "19 Surprisingly Delicious Meals You Can Make With Tuyo" [19 Nakakagulat na Masasarap na Pagkaing Magagawa Mo Gamit ang Tuyo]. BuzzFeed (sa wikang Ingles). Nakuha noong Mayo 7, 2021.
  8. 8.0 8.1 "Danggit" (sa wikang Ingles). Eat Your World. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  9. Marketman (Marso 11, 2014). "Three Ways with Danggit — Version 2: Labtingaw" [Tatlong Paraan ng Paghanda sa Danggit — Bersiyon 2: Labtingaw] (sa wikang Ingles). Market Manila. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.
  10. Marketman (Marso 10, 2014). "Three Ways with Danggit — Version 1: Lamayo" [Tatlong Paraan ng Paghanda sa Danggit — Bersiyon 1: Lamayo] (sa wikang Ingles). Market Manila. Nakuha noong Nobyembre 1, 2014.