Pumunta sa nilalaman

Pahimakas sa Isang Ahente

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Death of a Salesman)
Pahimakas sa Isang Ahente
Isinulat niArthur Miller
Mga tauhanWilly Loman
Linda Loman
Biff Loman
Happy Loman
Ben Loman
Bernard
Charley
The Woman
Howard
Unang ipinalabasPebrero 10, 1949
Unang ipinalabas saMorosco Theatre
Lungsod ng New York
Orihinal na wikaIngles
PaksaMga hulíng araw ng isang pangkaraniwang ahente
GenreTrahedya
TagpoHuling bahagi ng 1940s; bahay ni Willy Loman; Lungsod ng New York at Ilog Barnaby; Boston

Ang Pahimakas sa Isang Ahente[1][tala 1] (Ingles: Death of a Salesman) ay isang dula noong 1949 na isinulat ng mandudulang si Arthur Miller. Tumanggap ito ng Pulitzer Prize for Drama at Tony Award for Best Play noong 1949. Unang ipinalabas sa Broadway noong Pebrero 1949, tumakbo ng 742 na pagtatanghal, at apat na ulit na ni-revive sa Broadway,[2] at nagwagi ng tatlong Tony Award for Best Revival.

Umuwing hapó si Willy Loman mula sa isang nakanselang biyahe sa negosyo. Ang kaniyang asawang si Linda na nag-aalala sa lagay ng pag-iisip at kamakailang aksidente sa sasakyan ni Willy, ay nagmungkahi sa kaniya na kausapin nito ang kaniyang amo, na payagan siyang magtrabaho na lamang sa kanilang bayan upang hindi na niya kailangang magbiyahe pa. Reklamo ni Willy kay Linda, na ang kanilang anak na si Biff ay kailangan pang umasenso sa buhay. Bagaman nakitaan ng magandang kinabukasan ang pagiging atleta ni Biff noong high school, lumagpak siya sa matematika sa senior high at hindi na nakapagpatuloy sa kolehiyo.

Sinariwa ni Biff at ng kaniyang kapatid na si Happy, na pansamantalang nakatirá kay Willy at Linda matapos ang biglaang pagbalik ni Biff mula sa Kanluran, ang kanilang kabataan. Napag-usapan nila ang lumalalang pag-iisip ng kanilang ama, na paulit-ulit nilang nasaksihang pagbago-bago ng desisyon at kinakausap ang kaniyang sarili. Pumasok na galit na ang kanilang ama dahil wala pang napapatunayan sa buhay ang kaniyang mga anak. Upang mapatigil ang kanilang ama, sinabi ni Biff at Happy na sila'y may balak imungkahing negosyo kinabukasan.

Nang sumunod na araw, pinuntahan ni Willy ang kaniyang among si Howard, upang makapagtrabaho na lamang sa kanilang bayan habang si Biff naman ay umalis upang makapagmungkahi ng negosyo, ngunit pareho silang nabigo. Ilang oras ding naghintay si Biff upang kitain ang dating nag-empleyo, ngunit hindi siya nito maalala at tinanggihan siya nito. Biglaan na lang nagnakaw si Biff ng pluma. Si Willy naman ay nagtungo sa opisina ng kaniyang kapit-bahay na si Charley, kung saan niya nadatnan ang anak ni Charley na si Bernard (na isa nang matagumpay na abogado); sinabi ni Bernard sa kaniya na ninais ni Biff na paghusayin ang summer school, ngunit may nangyari sa Boston nang dinalaw ni Biff si Willy na nakapagbago sa kaniyang balakin.

Nagkita-kita si Happy, Biff, at Willy upang maghapunan sa isang restawran, ngunit tumanggi si Willy na pakinggan ang masamang balita ni Biff. Inudyok ni Happy na magsinungaling si Biff sa kanilang ama. Sinubukang sabihin ni Biff ang nangyari habang nagagalit si Willy at naalala nito ang nangyari sa Boston noong araw na dumalaw si Biff sa kaniya. May relasyon si Willy sa isang resepsiyonista sa isa sa kaniyang mga biyahe sa trabaho nang biglaang dumating si Biff sa silid ni Willy sa hotel. Hinarap ng nagulantang na si Biff ang kaniyang ama at tinawag itong sinungaling at manloloko. Mula noon, nag-iba ang pagtingin ni Biff sa kaniyang ama at napalayo dito.

Masamang-loob na umalis si Biff sa restawran, na sinundan ni Happy at ng dalawang babaeng na-pick up nito. Iniwan nila ang tuliro at nababahalang si Willy sa restawran. Nang nakauwi na sila, galít silang hinarap ng kanilang ina dahil sa pag-iwan sa kanilang ama, habang kinakausap naman ni Willy ang kaniyang sarili sa labas. Nilabás ni Biff ang kaniyang ama upang makipagkasundo. Mabilis na nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap, pilit na ipinahiwatig ni Biff sa kaniyang ama na hindi siya aasenso, at pareho silang pangkariniwang laláki na mamumuhay ng pangkaraniwan lamang. Nahantong ang alitan sa pagyakap ni Biff kay Willy, at umiiyak na iwinawaksi sa isipan ng ama ang di-makatotohanang inaasahan nito para sa kaniya at upang siya'y tanggapin nito kung sino siya talaga. Sinabihan niyang mahal niya ang kaniyang ama.

Sa halip na makinig sa gustong talagang ipahiwatig ni Biff, inisip ni Willy na pinatawad na siya ng kaniyang anak at ito'y magsusumikap na upang maging isang negosyante. Nagpakamatay si Willy na sinadyang ibundol ang kotse nito upang makuha ni Biff ang pera mula sa seguro upang makapagsimula ito ng negosyo. Subalit, hanggang sa libing ng ama desidido pa rin si Biff na ayaw niyang maging negosyante. Samantalang si Happy ay nagpasiyang sumunod sa yapak ng kaniyang ama.

  1. Salin sa Tagalog ni Rolando Tinio.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Tanghalang Pilipino's Pahimakas sa Isang Ahente (Death of a Salesman) opens September 26 at the CCP Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine.. Panitikan.com.ph. Hinango noong 2014-09-28.
  2. "Death of a Salesman". Nakuha noong 6 Marso 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)