Pumunta sa nilalaman

Desiderata

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Maitutugma ang larawan ng mag-asawang ito sa pambungad ng Desiderata ni Max Ehrmann: Magpatuloy kang mahinahon sa gitna ng kaguluhan at pagmamadali,at tandaan kung anong kapayapaan ang maaaring mayroon sa katahimikan...

Ang Desiderata (Latin para sa "mga bagay na hinahangad" o "mga bagay na hahangarin"[1], pangmaramihang anyo ng of desideratum) ay isang nakapupukaw ng damdamin at nagpapasigla ng kaloobang tulang tuluyan o prosa na ukol sa pagkakamit ng katuwaan sa buhay. Unang isinakarapatang-ari ito ni Max Ehrmann noong 1927, ngunit malawakan itong ipinamudmod noong mga 1960 na walang pagtukoy sa kanya.[1][2][3]

Si Max Ehrmann (1872-1945) ang may-akda ng tulang Desiderata. Kinatha niya ito noong 1927 batay sa isang nilalaman sa kanyang pansariling talaarawan, na nais niyang mag-iwan ng isang “regalo”. Noong 1927 din, nakatanggap si Ehrmaan ng karapatan sa pag-aari para sa kanyang tula. Noong 1948, nalathala ang tula sa aklat na The Poems of Max Ehrmann (Ang mga Tula ni Max Ehrmann). Ipinamana ni Ehrmaan ang karapatang-ari sa kanyang asawang si Bertha Ehrmann. Muling pinabago ni Ginang Ehrmann ang karapatang-ari noong 1954. Nang sumakabilang buhay si Ginang Ehrmann noong 1962, pinamana naman niya ang karapatang-ari para sa tula sa kanyang pamangking lalaking si Richmond Wight. Noong 1971, itinalaga naman ni Wight ang karapatan sa pag-aari ng tula sa Crescendo Publishing Company.[1][2][3]

Bagaman may ganitong kasaysayan hinggil sa karapatang-ari ng tula, nagkaroon pa rin ng kalituhan at kaguluhan hinggil dito. Dahil bago sumapit ang 1959, natagpuan ni Reberendo Frederick W. Kates, isang Metodistang rektor ng Lumang Simbahan ni San Pablo sa Baltimore, Maryland ng Estados Unidos (itinatag noong 1692 at unang simbahan sa Baltimore; rektor ng simbahan si Kates mula 1956 hanggang 1961), ang isang sipi ng tula ni Ehrmann. Noong 1959, ginamit at ipinaloob ni Kates ang tula sa isang katipunan ng mga pampananampalatayang mga babasahing tinipon niya para sa kanyang kongregasyon. Sa ibabaw ng 200 mga maliliit na babasahing ipinamimigay, nakalagay ang katagang "Old St. Paul's Church, Baltimore A.C. 1692" (Lumang Simbahan ni San Pablo, Baltimore A.C. 1692). Sa paglipas ng panahon, habang ipinamumudmod ang mga babasahin, hindi napasama ang pangalan ni Ehrmann sapagkat nakokopya lamang ang pangalan ng simbahang pinagmumulan ng mga ito. Naging tanyag din ang tula magmula noong mga 1960 dahil sa pagiging kaakibat ng kilusang nagsasabi ng "gumawa ng kapayapaan, hindi digmaan".[1][2][3]

Noong 1965, mayroon namang isa pang panauhin ang yumaong si Adlai Stevenson na nakatagpo ng isang sipi ng tula ni Ehrmann sa loob ng silid ni Stevenson. Nalaman din ng panauhing ito na gagamitin ni Stevenson ang tula para sa kanyang gagawing mga kartang pamasko. Naging tanyag ang tula pagkaraan ng pangyayaring ito. Mula 1977, sinikap na ituwid ng rektor ng Simbahan ni San Pablo ang pagkalito kung sino ang tunay na may-katha ng tula.[1][2][3]

Sa kasalukuyan, malawakang pinaniniwalaang sakop ng publikong dominyo ang pasulat na paggamit ng Desiderata dahil, bagaman nagawa ni Ehrmann na makakuha ng isang legal na karapatang-ari at muling niyang binago ito, hindi niya nagawang lagyan ang mga ito ng tatak o paunawang nakakarapatang-ari ang mga sipi ng kanyang tula. Dahil sa kakulangang ito ni Ehrmann, nagtagumpay na makakuha ng karapatang-ari para sa tula si Robert Bell (Bell v. Combined Registry Co.) noong 1975. Nagkaroon si Bell ng pag-aari sa tula magpahanggang kanyang kamatayan. Kabilang pa sa pagkakamali ni Ehrmann, na naging pagkapanalo ni Bell, ang pamumudmod ni Ehrmann ng tula sa kanyang mga kaibigan bilang pambating pamasko noong Disyembre ng 1933, at ang kanyang pagbibigay ng pahintulot noong 1942 kay Merrill Moore, isang sikyatriko sa hukbong katihan ng Estados Unidos na naglilingkod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na ipamahagi ang tula sa mga sundalo bilang bahagi ng panggagamot sa mga ito magpahanggang 1944, kahit na naging sibilyan nang muli si Moore sa Boston, Massachusetts. Dahil sa pangyayaring ito, itinakda ng hukuman na naremata na o isinuko na at pinabayaan o tinalikdan na ni Ehrmann ang karapatan niya sa tula.[1][2][3]

May mga bersyon ang Desiderata na careful (mag-ingat) ang nakasulat sa halip na cheerful (masiyahin) sa huling linya ng tula, na nasa huling taludturan nito. Ayon sa isang tagapaglimbag, si Ehrmann mismo ang nagpalit nito, mula careful na ginawa niyang cheerful. Subalit mayroong kuwentong nagsasaad na isa itong pagkakamali ng isang tagapaglathala.[1]

Narito ang panitik ng tulang ito sa orihinal na Ingles na ginagamit ang salitang cheerful para sa huling taludtod.[1] Kaagapay nito ang pagsasalin sa Tagalog na naglalaman ng katumbas na "masiyahin" para sa cheerful.

Desiderata
Sa Ingles Sa Tagalog
Go placidly amid the noise and the haste,
and remember what peace there may be in silence.
As far as possible, without surrender,
be on good terms with all persons.
Speak your truth quietly and clearly;
and listen to others,
even to the dull and the ignorant;
they too have their story.
Avoid loud and aggressive persons;
they are vexatious to the spirit.
If you compare yourself with others,
you may become vain or bitter,
for always there will be greater and lesser persons than yourself.
Enjoy your achievements as well as your plans.
Keep interested in your own career, however humble;
it is a real possession in the changing fortunes of time.
Exercise caution in your business affairs,
for the world is full of trickery.
But let this not blind you to what virtue there is;
many persons strive for high ideals,
and everywhere life is full of heroism.
Be yourself. Especially do not feign affection.
Neither be cynical about love,
for in the face of all aridity and disenchantment,
it is as perennial as the grass.
Take kindly the counsel of the years,
gracefully surrendering the things of youth.
Nurture strength of spirit to shield you in sudden misfortune.
But do not distress yourself with dark imaginings.
Many fears are born of fatigue and loneliness.
Beyond a wholesome discipline,
be gentle with yourself.
You are a child of the universe
no less than the trees and the stars;
you have a right to be here.
And whether or not it is clear to you,
no doubt the universe is unfolding as it should.
Therefore be at peace with God,
whatever you conceive Him to be.
And whatever your labors and aspirations,
in the noisy confusion of life,
keep peace in your soul.
With all its sham, drudgery, and broken dreams,
it is still a beautiful world.
Be cheerful. Strive to be happy.[4]
Magpatuloy kang mahinahon sa gitna ng kaguluhan at pagmamadali,
at tandaan kung anong kapayapaan ang maaaring mayroon sa katahimikan.
Hangga’t maaari, walang pagsuko,
magkaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga tao.
Sabihin ang iyong katotohanan nang tahimik at malinaw;
at pakinggan mo ang iba,
kahit na ang walang sigla at walang nalalaman;
mayroon din silang sari-sariling mga salaysayin.
Iwasan mo ang matitingkad at mararahas na mga tao;
nakaliligalig sila sa kaluluwa.
Kapag inihambing mo ang iyong sarili sa iba,
maaari kang maging hungkag o may kapaitan,
palaging magkakaroon ng mga nakalalamang at mas mababang mga tao kaysa iyo,
Kasiyahan ang iyong mga naisagawa, maging ang mga balakin mo.
Manatiling nahuhumaling sa iyong larangan, gaano man kababa;
Isa itong tunay na pag-aari sa pabagu-bagong katalagahan ng panahon.
Magsagawa ng pag-iingat sa iyong mga pakikitungong pangpinagkakaabalahan,
sapagkat puno ang daigdig ng panlilinlang.
Ngunit huwag mong hayaang bulagin ka nito sa kung anumang naririyang kabutihang-loob;
maraming mga taong nagsusumikap para sa matataas na mga pamantayan,
at kahit saan man, puno ang buhay ng pagkabayani.
Maging ikaw ka. Natatangi na ang hindi pagkukunwari sa saloobin.
Huwag ring maging makutyain hinggil sa pag-ibig,
dahil sa mukha ng lahat ng katigangan at pagkaakit,
panghabang panahon itong katulad ng damo.
Malugod mong tanggapin ang pangaral ng mga taon,
Habang may kayumiang isinusuko ang mga bagay ng kabataan.
Mag-alaga ng lakas ng kaluluwa upang mapananggalang ka sa biglaang dagok ng kapalaran.
Ngunit huwag mong guluhin ng madirilim na mga palapalagay ang iyong isipan.
Maraming mga takot ang isinisilang mula sa kapaguran at pangungulila.
Sa kabila ng kaayaayang katakdaang pang-asal,
maging banayad sa iyong sarili.
Isa kang anak ng sanlibutan
na hindi mababa kaysa mga puno at mga bituin;
mayroon kang karapatan sa pagiging naririto.
At kahit na malinaw man sa iyo o hindi,
walang pag-aalinlangang lumalantad ang sanlibutan ayon sa nararapat.
Samakatuwid, mamayapa ka sa piling ng Diyos,
sa kung anumang paraan mo siya nauunawaan.
At kung ano man ang iyong mga gawain at mga hangarin,
sa loob ng magulong kalituhan ng buhay,
Kupkupin ang kapayapaan sa iyong kaluluwa.
Sa kabila ng kanyang kahungkagan, kabagalan, at sawing mga pangarap,
isa pa rin siyang magandang daigdig.
Maging masiyahin. Magsikap kang maging maligaya.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 Desiderata ("Things to be Desired"), Kasaysayan, Fleurdelis.com
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Desiderata Naka-arkibo 2009-01-17 sa Wayback Machine., Kasaysayan, OSP1692.org
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Desiderata, Kasaysayan, Geocities.com
  4. Desiderata, Panitik, Fleurdelis.com

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]