Pumunta sa nilalaman

Bilig

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Embryo)
Huwag itong ikalito sa bilik.
Isang bilig ng tao na may pitong linggong gulang o edad.

Ang bilig[1] o embriyo (mula sa Ingles na embryo; buhat sa Griyegong ἔμβρυον [isahan] o ἔμβρυα [maramihan], literal na nangangahulugang "ang lumalaki", galing sa en- o "sa" + bryein na may ibig sabihing "mamaga, mapuno"; ang tamang isina-Latin na anyo ay embryum) ay isang multiselular o maramihang selulang diployd na eukaryotang nasa kanyang pinakamaagang yugto ng pag-unlad, magmula sa panahon ng unang paghahati ng selula hanggang kapanganakan, pagkapisa, o herminasyon (pag-usbong). Nagmumula ang bilig sa pagiging saygot o sigota muna. Naglalaman ang bilig ng payak na mga selulang kailangan sa paglikha ng isang bagay na may buhay. Naglalaman naman ang mga selulang nabanggit ng DNA na itinuturing na "pangtatag na bloke" o "pundasyong bloke" ng buhay, sapagkat parang isang mapa ang DNA na nagpapakita ng bawat isang mga katangian ng nilalang. Sa mga tao, tinatawag itong bilig o embriyo kung mula pa sa pagkakataon ng implantasyon o pagtatanim magpahanggang sa katapusan ng ika-walong linggo. Pagkaraan ng panahong ito, tatawagin na itong nabubuong sanggol o ng teknikal na pangalang fetus.

Isang bilig ng tao (nasa gitna) na may 6 na linggong gulang o edad. Tinanggal ito sa pamamagitan ng paghihiwa sa proseso ng siruhiya dahil sa kumplikasyon o suliranin sa pagdadalangtao.

Nalilikha o umiiral ang isang bagong nilalang kapag nagsama o nagsanib ang pambabaeng itlog na obum o ovum (isang sihay o selulang pangreproduksiyon na nagmumula sa isang babae) at ang ispermatosoon o punlay[2] (isang selulang pangreproduksiyon na nanggagaling sa isang lalaki). Sa pagsasamang, pepertilisahan ng punlay ang obum. Pagkaraang-pagkaraan ng pagsasanib na ito ng dalawang sihay, magsisimula ang paghahati o dibisyon ng nagsama at iisa nang selula. Magiging dalawa ang isa, magiging apat ang dalawa, at magpapatuloy pa ang mga paghahati hanggang sa mabuo ang isang masa ng sihay na bilog o hugis globo. Sa ibabaw ng bilog na masang ito, may ilang mga sihay o selulang magiging kaiba upang bumuo sa tila-bilig o embriyonikong lugar (parang bilig na o kamukha na ng bilig). May 0.0076 na pulgada ang haba ng embriyonikong pook na ito. Dito sa tila-bilig na pook na ito uunlad at mabubuo ang tinatawag na pinaka, tunay, o talagang bilig o embriyo. Nakapaloob ang bilig sa loob ng obum.[3]

Patuloy na pag-unlad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hulihan o pagtatapos ng ikalawang buwan ng pag-unlad sa loob ng sinapupunan ng ina, magkakaroon na ang bilig o "bata pang nilalang" ng isang tiyak na anyong pantao. Kapag nagmukhang tao na ang bilig, tinatawag na itong nabubuong sanggol o supling. Teknikal na itong isang fetus, at hindi na matatawag na bilig pa lamang.[3]

Sa loob ng unang tatlong buwan, tinatawag pa ring obum ang masang naglalaman ng bilig o ng bilig na naging namumuong bata, na nakalagak pa rin sa loob ng panloob na dingding ng sinapupunan. Hinggil sa sukat nito, sa katapusan ng unang buwang buwan ay kasinlaki na ito ng isang itlog mula sa isang inahing kalapati; kasinlaki ng itlog mula sa isang inahing manok kapag nasa wakas ng ikalawang buwan ng pag-unlad; at kasinlaki ng itlog mula sa isang inahing gansa kung nasa huli na ng pangatlong buwan ng pag-unlad.[3]

  1. English, Leo James (1977). "Bilig, embryo". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 201.
  2. Gaboy, Luciano L. Spermatozoon, punlay - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  3. 3.0 3.1 3.2 Robinson, Victor, pat. (1939). "Embryo". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 272.