Wikang Griyego
| Griyego | |
|---|---|
| Ελληνικά Elliniká | |
| Bigkas | [eliniˈka] ⓘ |
| Katutubo sa |
|
| Etnisidad | Mga Griyego |
Katutubo | 13.5 milyon (2012)[1] |
Indo-Europeo
| |
Unang anyo | |
| Mga dayalekto | |
| Alpabetong Griyego | |
| Opisyal na katayuan | |
Opisyal na wika | |
Kinikilalang wika ng minorya sa | |
| Mga kodigong pangwika | |
| ISO 639-1 | el |
| ISO 639-2 | gre (B) ell (T) |
| ISO 639-3 | Iba-iba:ell – Modernong Griyegogrc – Sinaunang Griyegocpg – Cappadociagmy – Misenikopnt – Pontikotsd – Tsakonyoyej – Yebaniko |
| Glottolog | gree1276 |
| Linguasphere |
|
Mga lugar kung saan sinasalita ang modernong Griyego (opisyal sa mga lugar na kulay madilim na bughaw.) | |
Griyégo[a] ang wikang Indo-Europeo na kabilang sa sangay ng mga wikang Heleniko, kung saan ito ang pangunahing wika. Pangunahing sinasalita ito sa Gresya at Tsipre, kung saan opisyal na wika ito, gayundin sa ilang bahagi ng Italya at Albanya at sa mga rehiyon ng Balkan, Kaukasya, Dagat na Itim, at silangang Mediteraneo. Ang mahigit kumulang 3,400 taong kasaysayan nito ay ang pinakamahabang napatunayan sa mga wikang Indo-Europeo. Kasalukuyan itong sinusulat sa alpabetong Griyego, na ginagamit para isulat ang wika sa nakalipas na 2,800 taon. Isinulat rin noon ang Griyego sa ibang mga sistema ng pagsulat tulad ng Linear B at ang silabaryong Tsipre.
Napakahalaga ng wikang Griyego sa kasaysayan ng Kanluraning Mundo. Simula sa mga epikong isinulat ni Homer, malaking bahagi ang sinaunang panitikang Griyego sa Kanluraning kanon. Sa wikang Griyego din orihinal na nakasulat ang marami sa mga unang dokumento ng agham at pilosopiya, gayundin sa Bagong Tipan ng Bibliya. Kasama ito sa araling klasikal, na kinabibilangan din ng wikang Latin.
Noong panahong klasikal sa Europa laganap ang paggamit ng Griyego, at itinuturing ito na lingua franca sa Dagat Mediteraneo. Kalaunan, naging opisyal na wika ng Imperyong Bisantino ang Gitnang Griyego, at ang modernong anyo nito ay isa sa 24 na opisyal na wika ng Unyong Europeo. Kasalukuyang ginagamit ito ng nasa 13.5 milyong katao sa Gresya, Tsipre, Italya, Albanya, Turkiya, at sa diaspora ng mga Griyego.
Ginagamit ang mga salitang-ugat mula sa Griyego upang makagawa ng mga mga bagong salita sa maraming mga wika. Ito ang wikang pinakaginagamit para sa mga agham, kasama ng wikang Latin.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinasalita na ang wikang Griyego sa tangway ng Balkan simula pa noong ikatlong milenyo BKP o mas maaga pa.[2][3] Natagpuan sa Mesenia ang isang tabletang luwad na naglalaman ng Griyego at napetsahan sa pagitan ng 1450 hanggang 1350 BKP,[4] ang pinakamatandang nakasulat na ebidensiya para sa isang buhay na wika.[5]
Kapanahunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Kalimitang hinahati ang kasaysayan ng wikang Griyego sa mga sumusunod na panahon:
- Proto-Griyego, ang di naitala ngunit pinaniniwalaang pinakahuling karaniwang ninuno ng lahat ng mga barayti ng Griyego.
- Griyegong Miseniko, ang wika ng kabihasnang Miseniko. Naitala ito sa mga tabletang nasa sulat Linear B na tinatayang nagawa noong ika-15 siglo BKP.
- Sinaunang Griyego, ang wikang ginamit noong Luma at Klasikal na panahon ng sinaunang kabihasnang Griyego. Kilala ito sa Imperyong Romano, at patuloy na ginamit hanggang noong Gitnang Kapanahunan, bagamat nanatili pa rin itong opisyal na wika ng Imperyong Bisantino. Naipakilala muli ito sa kontinente nang bumagsak ang Konstantinopla noong 1453 na nagresulta sa malawakang migrasyon ng mga Griyego sa kanlurang Europa.
- Griyegong Koine, kilala rin sa tawag na Griyegong Heleniko, ang pagsasama ng mga dayalektong Ioniko at Atiko, ang dayalektong ginagamit sa Atenas. Nagresulta ito sa unang karaniwang dayalekto ng Griyego, na naging lingua franca ng silangang Mediteraneo at Malapit na Silangan. Maituturo ang Griyegong Koine mula sa mga sundalo at nasakop na teritoryo ni Dakilang Alejandro, kung saan lumaganap ang paggamit ng wika mula Ehipto hanggang sa subkontinente ng India. Dahil dito, nagkaroon ng pagsasakodigo sa wika at nabuo ang unang pamantayang Griyego, na ayon kay Strabo ay ang "tamang Griyego".[6] Matapos masakop ng mga Romano ang Gresya, naging di-opisyal na pangalawang wika ito ng Roma at kalaunan, ang una o ikalawang wika ng buong imperyo. Ginamit ng mga Romano ang wikang Griyego sa kanilang nasasakupan sa silangan, kahit maging sa mga rehiyon kung saan hindi dominante ang naturang wika.[7] Sa Kristiyanismo, ito ang wikang ginamit ng mga Alagad upang ikalat ang relihiyon sa rehiyon. Ang natatanging barayti ng Griyegong Koine ay tinatawag ding Griyegong Biblikal o Griyego ng Bagong Tipan dahil sa paggamit nito sa pagsulat sa mga kabanata ng Bagong Tipan gayundin sa pagsalin sa Lumang Tipan.
- Griyegong Medyebal, kilala rin sa tawag na Griyegong Bisantino, ang pagpapatuloy ng Griyegong Koine hanggang sa pagbagsak ng Imperyong Bisantino noong ika-15 siglo. Isa itong kabuuang katawagan para sa mga barayti ng wika na nasa gitna ng transisyon papunta sa modernong anyo nito.
- Modernong Griyego, ang kasalukuyang modernong anyo ng wika. Maliban sa modernong pamantayang Griyego na siyang pangunahing ginagamit para sa wika, marami itong dayalekto.
Diglosya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa modernong panahon, sumailalim ang wikang Griyego sa diglosya, kung saan parehong ginagamit ang bernakular at sinaunang anyo ng nakasulat na Griyego. Umiikot ang katanungan sa wikang Griyego sa anong barayti ng wika ang gagamitin bilang opisyal na anyo nito: Dimotiki, ang bernakular na anyo ng Modernong Griyego, at Katharevousa, ang kompromiso na resulta ng pagsasama ng Dimotiki na hinaluan ng mga elementong matatagpuan sa sinaunang anyo ng wika at kalimitang ginagamit sa panitikan at sa opisyal na konteksto para sa noo'y katatatag lang na Kaharian ng Gresya. Noong 1976, idineklara ang Dimotiki bilang ang anyong gagamitin sa lahat na opisyal na kapasidad at edukasyon matapos itong mahaluan ng ilang elemento ng Katharevousa upang maging Pamantayang Modernong Griyego.[8]
Historikal na pagkakaisa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Halos hindi nagalaw ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito. Bagamat may mga halatang pagbabago sa ortograpiya at ponolohiya, bahagya lamang ito kumpara sa ibang mga wika. Maiintindihan pa rin sa kasalukuyan ang panitikang nagawa noong klasikal na panahon sa Gresya.[9] Ayon sa isang iskolar, halos magkasinghawig ang Griyego ni Homer at ng modernong anyo nito kesa sa Gitnang Ingles sa modernong anyo nito.[10]
Paggamit
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinasalita ngayon ang wikang Griyego ng di bababa sa 13 milyong katao, lalo na sa Gresya at Tsipre gayundin sa malaki-laking minorya ng mga Griyegong nakatira sa katimugang Albanya.[11] Marami sa mga taga-Albanya ang marunong o kahit papaano'y may alam sa wikang Griyego dahil sa pamayanan ng mga Griyego sa kanilang bansa at sa pagdami ng mga pumapasok na taga-Albanya sa Gresya noong dekada 1980s hanggang 1990s. Bago ang Digmaang Gresya-Turkiya at sa malawakang palitan ng populasyon sa pagitan ng dalawang bansa noong 1923, may malaki ring populasyon ng mga taong nakakapagsalita ng wikang Griyego sa Turkiya, bagamat napakakonti na lamang sila roon sa kasalukuyan.[12] Meron ding mga nagsasalita ng Griyego sa Bulgarya malapit sa hangganan nito sa Gresya, gayundin sa diaspora ng mga Griyego sa Estados Unidos, Australya, Canada, Timog Aprika, Tsile, Brasil, Arhentina, Rusya, Ukranya, Reyno Unido, at sa mga bansa ng Unyong Europeo, lalo na sa Alemanya.
Sa kasaysayan, maraming nakakapagsalita ng wikang Griyego sa silangang Mediteraneo, lalo na sa rehiyon ng Lebante at Palestina, Ehipto, Libya, at sa katimugang Italya. May mga populasyon din na nagsasalita ng wika sa mga baybayin ng Dagat na Itim, partikular na sa Kaukasya. Sinalita rin ito sa mga kolonya ng sinaunang Gresya sa kanlurang bahagi ng Dagat Mediteraneo, bagamat mas konti lamang ito. Ito ang opisyal na wika sa mga Kristiyanong kaharian sa Nubia sa Aprika.[13]
Opisyal na katayuan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang modernong anyo ng wikang Griyego ay ang opisyal na wika ng Gresya, kung saan sinasalita ito ng halos lahat ng mga Griyego.[14] Bukod rito, ito rin ang opisyal na wika ng Tsipre at sa teritoryong Britaniko na Akrotiri at Dhekelia na matatagpuan din sa parehong pulo. Dahil kabilang ang Gresya sa Unyong Europeo, isa rin ito sa 24 na opisyal na wika ng samahan. Kinikilala bilang wika ng minorya ang Griyego sa Albanya, kung saan opisyal din ito sa ilang mga kondado sa katimugang bahagi ng bansa, partikular na ang Gjirokastër at Vlorë.[15] Isa rin itong opisyal na wika ng minorya sa rehiyon ng Apulia at Calabria sa Italya. Isa ito sa mga protektadong wika sa Armenya, Unggriya, Rumanya, Turkiya, at Ukranya.[16][17]
Katangian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ponolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa kabuuan ng kasaysayan nito, hindi halos nagalaw ang estraktura ng pantig sa wikang Griyego. Magkahalo ang estraktura ng pantig nito, kung saan pinapayagan ang mga komplikadong simula (onset) ng pantig pero limitado ang pwede sa dulo (coda) nito. Meron lamang mga patinig na pailong (nasal vowel) sa Griyego, at maayos-ayos na mga pagkakaiba ng mga katinig. Pinakamalaki ang nakitang pagbabago sa ponolohiya ng wika noong panahong klasikal at sa sumunod na panahong Romano sa Gresya, kung saan naganap ang mga sumusunod:
- napalitan ang asento na nakabase noon sa tinis (pitch) papunta sa diin (stress).
- naging simple ang mga patinig at diptonggo, kung saan nawala ang kaibahan sa haba ng patinig, at naging monoptonggo ang mga diptonggo, na nagresulta kalaunan sa paglapit ng mga ito sa tunog na /i/, sa prosesong tinatawag na iotasismo.
- lumipat ang mga plosibong /pʰ/ at /tʰ/ papunta sa mga prikatibong /f/ at /θ/, gayundin sa /kʰ/ papuntang /x/, bagamat hindi napalitan ang mga ito sa ortograpiya at patuloy pa ring ginagamit ang mga titik na φ, θ, at χ.
- lumipat ang mga plosibong /b/, /d/, at /g/ papunta sa mga prikatibong /β/ (kalaunan /v/), /ð/, at /ɣ/.
Morpolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagpapakita ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito ng mga produktibong paglalapi, limitado ngunit produktibo ring pagdudugtong (compounding), at malalimang sistema ng impleksiyon. Bagamat matatag ang mga morpolohikal na kategorya nito sa paglipas ng panahon, may mga pagbabago pa ring naganap sa sistema nito, partikular na sa mga pangngalan, pang-uri, at pandiwa. Pinakamalaking pagbabago sa mga ito ang pagkawala ng kasong datibo (na pinalitan ng kasong henitibo) sa mga pangngalan, gayundin sa pagkawala ng mga pawatas (infinitive), pagdikit (synthetic) ng tiyempong panghinaharap (future tense) at pangnakaraan (past tense), gayundin sa modong nangangarap (optative mood) sa mga pandiwa. Marami sa mga ito ang napalitan ng anyong nakahiwalay (analytical form).
Pangngalan at pang-uri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagkakaiba ang mga panghalip base sa katauhan (una, ikalawa, at ikatlo), kailanan (isahan, dalawahan, at maramihan sa sinaunang anyo, at tanging isahan at maramihan lamang sa moderno), at kasarian (panlalaki, pambabae, at alinman), at nalalapian base sa kaso (anim sa sinauna, apat na lamang sa moderno). Nagpapakita ang mga pagkakaibang ito sa lahat ng mga pangngalan, artikulo, at pang-uri, maliban lamang kung tao ito. Sumasang-ayon sa inilalarawang pangngalan ang mga pang-uring umaakto bilang atribusyon o panaguri.
Pandiwa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi halos nagbago ang sistema ng pandiwa sa wikang Griyego. Narito ang mga anyo ng mga impleksiyong dumidikit (synthetic inflection) sa parehong sinauna at modernong Griyego.
| Sinaunang Griyego | Modernong Griyego | |
|---|---|---|
| Katauhan | una, ikalawa, ikatlo | kasama din ang pormal na ikalawa |
| Kailanan | isahan, dalawahan, maramihan | isahan, maramihan |
| Tiyempo | kasalukuyan, nakaraan, hinaharap | nakaraan, hindi nakaraan |
| Aspeto | imperpektibo, perpektibo (aorista), perpekto | imperpektibo, perpektibo |
| Modo | katotohanan (indikatibo), pananaw (subhetibo), pautos (imperatibo), pangarap (optatibo) | katotohanan, pananaw, pautos |
| Boses | aktibo, medyo pasibo, pasibo | aktibo, medyo pasibo |
Sintaksis
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nanatili ang maraming aspeto ng sintaksis sa wikang Griyego: sumasang-ayon ang mga pandiwa sa kanilang simuno, nanatili ang halos lahat ng mga kaso, artikulo muna bago pangngalan, pawang mga preposisyon ang mga adposisyon, sinusundan ng mga di-malalayang sugnay ang pangngalan na binabago nito, at nasa simula ng mga sugnay ang mga relatibong panghalip. Gayunpaman, maraming mga pagbabago ang naganap bunsod ng mga pagbabago sa morpolohiya: gumagamit ng anyong pawatas sa sinaunang Griyego, na wala na sa modernong anyo. Madalas na nasa dulo ang pandiwa sa sinaunang Griyego; sa modernong anyo, nasa dulo ang obheto.
Klasipikasyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang wikang Indo-Europeo ang wikang Griyego, na nag-iisa sa sangay nito. Pinakamalapit na kamag-anak nito ang sinaunang wikang Masedonyo, bagamat tinuturing din ito bilang isang dayalekto ng Griyego mismo.[18] Maliban dito, ang napagkakasunduang wikang pinakamalapit sa Griyego ay ang wikang Prihino sa Turkiya, na ngayo'y wala na.[19] Iminumungkahi ng ilang mga iskolar ang sangay na Griyego-Prihino para sa dalawang wika.[20]
Sa mga buhay na wika, ipinagpapalagay ng mga lingwista ang wikang Armenyo bilang ang pinakamalapit na kamag-anak ng Griyego, o di kaya'y mga wikang Indo-Iranyano sa Gitnang Silangan; gayunpaman, napakaliit ng mga ebidensiyang sumusuporta sa palagay na ito.[21][22] Kalimitan ding hinahanay ang Griyego sa wikang Albanes, at iminumungkahi rin ang paggugrupo sa dalawa kasama ng ibang mga patay na wika sa rehiyon upang bumuo ng sangay na pamilyang Paleobalkan ng mga wikang Indo-Europeo.[23][24]
Pagsulat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Linear B
[baguhin | baguhin ang wikitext]Linear B ang pinakaunang sistema ng pagsulat para sa wikang Griyego, at natukoy na nagamit simula noong huling bahagi ng ika-15 siglo BKP. Isa itong silabaryo, na nabasa sa unang pagkakataon noong dekada 1950s nina Michael Ventris at John Chadwick. Samantala, ang kaugnay nitong Linear A ay hindi pa sa ngayon nababasa, at pinaniniwalaang hindi ito ginamit upang sulatin ang wikang Griyego di tulad ng Linear B na natuklasang ginamit para isulat ang Griyegong Miseniko.
Silabaryong Tsipriota
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ginamit sa Tsipre ang silabaryong Tsipriota upang isulat ang wikang Griyego. Pinaniniwalaang nagmula ito sa Linear A base sa silabaryong Tsipriota-Minoano na nagsilbing transisyonal na sistema nito. Ginamit ito sa naturang pulo simula noong ika-11 siglo BKP hanggang sa lumaos ito kalaunan bunsod ng pagpasok ng alpabetong Griyego sa lugar.
Alpabetong Griyego
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakasulat na sa alpabetong Griyego ang wikang Griyego simula pa noong ika-9 na siglo BKP. Nagmula ito sa alpabetong Penisyo, na binago upang suportahan ang mga patinig na wala sa Penisyo dahil sa pagiging abjad nito. Ang modernong anyo ng alpabeto ay nagmula sa Ionikong anyo, na ginamit upang isulat ang dayalektong Atiko simula noong 403 BKP. Tanging mga malalaking titik lamang ang ginamit sa sinaunang Griyego; dinagdag lamang ng mga eskriba noong Gitnang Kapanahunan ang mga maliliit na anyo upang mapabilis ang pagsusulat gamit ng pluma.
Mayroong 24 na titik sa alpabetong Griyego, ang bawat isa ay may anyong malaki at maliit. May karagdagang maliit na anyo ang titik sigma, ς, na tanging ginagamit lang sa dulo ng mga salita.
| Modernong Alpabetong Griyego | |||||
|---|---|---|---|---|---|
Aα
|
Bβ
|
Γγ
|
Δδ
|
Εε
|
Ζβ
|
Ηη
|
Θθ
|
Ιι
|
Κκ
|
Λλ
|
Μμ
|
Νν
|
Ξξ
|
Οο
|
Ππ
|
Ρρ
|
Σσς
|
Ττ
|
Υυ
|
Φφ
|
Χχ
|
Ψψ
|
Ωω
|
Palatuldikan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Gumagamit ang alpabetong Griyego ng mga tuldik:
- tatlong asento (asentong agudo, sirkumpleho, at grabe) na orihinal na ginamit para sa tinis ng patinig, pero ngayon ay ginagamit para sa diin.
- dalawang tandang panghinga (magaspang at makinis) na ginamit upang tukuyin ang pagkakaroon o kawalan ng /h/ sa simula ng salita.
- diyaresis, na ginamit naman upang ihudyat na babasahin ang magkatabing patinig bilang magkahiwalay imbes na diptonggo.
Tanging ang asentong agudo at diyaresis na lamang ang ginagamit sa kasalukuyan matapos ng reporma sa pagsusulat noong 1982. Tinatawag na monotonikong ortograpiya ang pinasimpleng sistemang ito. Gayunpaman, patuloy pa ring ginagamit ang lumang sistema, na tinatawag na ngayo'y politonikong ortograpiya, upang isulat ang sinaunang Griyego.
Bantas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa wikang Griyego, ginagamit ang tuldok-kuwit (;) bilang tandang pananong, at ginagamit naman ang gitnang tuldok (•) bilang kuwit at tuldok-kuwit. Umaaktong bilang isang tahimik na titik ang kuwit sa ilang mga salitang Griyego upang ipaghiwalay ang mga magkasingtunog, halimbawa ό,τι ("alinman") at ότι ("iyon").[25]
Nakasulat ang ilang mga tekstong sinaunang Griyego sa anyong scriptio continua ("tuloy-tuloy na pagsulat"), kung saan hindi gumagamit ng espasyo o bantas ang manunulat. Ginamit rin sa sinaunang Griyego ang pagsusulat na boustrophedon, ang salitan na pagsusulat sa magkabilang direksyon.
Iba pa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ginagamit ang alpabetong Latin upang isulat ang Griyego sa ilang mga lugar. Ginamit ito sa mga nasasakupang lugar ng Venetio noon gayundin sa mga Katolikong Griyego. Greeklish ang tawag sa anyo ng wikang Griyego na gumagamit ng romanisasyong Latin nito na madalas ginagamit online.[26] Sa kasalukuyan, ginagamit rin ang alpabetong Latin ng mga pamayanang Griyego sa katimugang Italya upang isulat ang Griyego. Samantala, ginagamit naman ang sulat Ebreo sa dayalektong Yevaniko,[27] at sulat Arabo naman para isulat ang Griyego sa Lebante gayundin ng mga Muslim sa Kreta.[28]
Halimbawa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Unang Artikulo ng Pandaigdigang Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao
[baguhin | baguhin ang wikitext]| Modernong Griyego[29] | Romanisasyon | Tagalog[30] |
|---|---|---|
| Όλοι οι άνθρωποι γεννιούνται ελεύθεροι και ίσοι στην αξιοπρέπεια και τα δικαιώματα. Είναι προικισμένοι με λογική και συνείδηση, και οφείλουν να συμπεριφέρονται μεταξύ τους με πνεύμα αδελφοσύνης. | Óloi oi ánthropoi gennioúntai eléftheroi kai ísoi stin axioprépeia kai ta dikaiómata. Eínai proikisménoi me logikí kai syneídisi, kai ofeíloun na symperiférontai metaxý tous me pnévma adelfosýnis. | Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran. |
Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Modernong Griyego: Ελληνικά, romanisado: Elliniká, [eliniˈka] ⓘ; Sinaunang Griyego: Ἑλληνική, romanisado: Hellēnikḗ, [helːɛːnikɛ́ː]
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagsipi
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Greek sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
Sinaunang Griyego sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
Cappadocia sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
Miseniko sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
Pontiko sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
Tsakonyo sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
(Tingnan din ang mga sanggunian sa 'Mga kodigong pangwika') - ↑ Renfrew 2003, p. 35; Georgiev 1981, p. 192.
- ↑ Gray & Atkinson 2003, pp. 437–438; Atkinson & Gray 2006, p. 102.
- ↑ "Ancient Tablet Found: Oldest Readable Writing in Europe" [May Nakitang Sinaunang Tableta: Pinakalumang Mababasang Nakasulat sa Europa]. Culture (sa wikang Ingles). 1 Abril 2011. Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Hulyo 2021.
- ↑ Tulloch, A. (2017). Understanding English Homonyms: Their Origins and Usage [Pag-unawa sa mga Magkasingtunog sa Ingles: Kanilang Pinagmulan at Paggamit] (sa wikang Ingles). Hong Kong University Press. p. 153. ISBN 978-988-8390-64-9.
- ↑ Zacharia, Katerina, pat. (2008). Hellenisms: culture, identity, and ethnicity from antiquity to modernity [Helenismo: kultura, pagkakakilanlan, at etnisidad mula luma hanggang sa modernidad] (sa wikang Ingles). Ashgate. p. 1. ISBN 978-0-7546-6525-0. OCLC 192048201.
- ↑ Cotton, Hannah M. (2022). "Language Gaps in Roman Palestine and the Roman Near East" [Mga Pagitan sa Wika sa Palestina at sa Malapit na Silangan ng mga Romano]. Mula sa Pogorelsky, Ofer (pat.). Roman Rule and Jewish Life: Collected Papers [Pamumuno ng mga Romano at ang Pamumuhay ng mga Hudyo: Mga Nakolektang Papel] (sa wikang Ingles). De Gruyter. p. 202. doi:10.1515/9783110770438-012. ISBN 978-3-11-077043-8.
- ↑ Peter, Mackridge (1985). The modern Greek language [Ang modernong wikang Griyego] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. ISBN 978-0-19-815770-0. OCLC 11134463.
- ↑ Browning 1983, pp. vii–viii.
- ↑ Alexiou 1982, p. 161.
- ↑ "Greek" [Griyego]. Ethnologue (sa wikang Ingles).
- ↑ "Greek language" [Wikang Griyego]. Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Encyclopædia Britannica, Inc.
- ↑ Burstein, Stanley (2 Nobyembre 2020). "When Greek was an African Language" [Noong Naging Isang Wikang Aprikano ang Griyego] (sa wikang Ingles). Center for Hellenic Studies.
- ↑ "Greece" [Gresya]. The World Factbook (sa wikang Ingles). Central Intelligence Agency.
- ↑ Bytyçi, Enver (2022). In the Shadows of Albania-China Relations (1960–1978) [Sa mga Anino ng Ugnayang Albanya-Tsina (1960–1978)] (sa wikang Ingles). Cambridge Scholars Publishing. p. 20. ISBN 978-1-5275-7909-5.
- ↑ Questions and Answers: Freedom of Expression and Language Rights in Turkey [Mga Tanong at Sagot: Kalayaan sa Pahayag at Karapatan sa Wika sa Turkiya] (sa wikang Ingles). New York: Human Rights Watch. 19 Abril 2002. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Oktubre 2023.
- ↑ "List of Declarations Made with Respect to Treaty No. 148" [Listahan ng mga Deklarasyong Nagawa Alinsunod sa Kasunduan Blg. 148] (sa wikang Ingles). Council of Europe. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Abril 2020.
- ↑ Babiniotis 1992, pp. 29–40; Dosuna 2012, pp. 65–78
- ↑ Woodhouse 2009, p. 171
- ↑ Olander 2022, pp. 12, 14; van Beek 2022, pp. 190–191, 193
- ↑ van Beek 2022, pp. 193–197
- ↑ Renfrew 1990; Gamkrelidze & Ivanov 1990, pp. 110–116; Renfrew 2003, pp. 17–48; Gray & Atkinson 2003, pp. 435–439
- ↑ Olsen & Thorsø 2022, pp. 209–217; Hyllested & Joseph 2022, pp. 225–226, 228–229, 231–241
- ↑ Holm 2008, pp. 634–635
- ↑ Nicolas, Nick (2005). "Greek Unicode Issues: Punctuation" [Mga Isyu sa Unicode ng Griyego: Palabantasan] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Agosto 2012.
- ↑ Androutsopoulos 2009, pp. 221–249.
- ↑ "Yevanic alphabet, pronunciation and language" [Alpabetong Yevaniko, pagbigkas, at wika]. Omniglot (sa wikang Ingles).
- ↑ Kotzageorgis, Phokion (2010). Gruber, Christiane J.; Colby, Frederick Stephen (mga pat.). The Prophet's Ascension: Cross-cultural Encounters with the Islamic Mi'rāj Tales [Ang Pag-akyat ng Propeta: Mga Pagkikita sa Palitan ng Kultura sa mga Kuwentong Mi'rāj ng Islam] (sa wikang Ingles). Indiana University Press. p. 297. ISBN 978-0-253-35361-0.
- ↑ "Universal Declaration of Human Rights – Greek (Ellinika')" [Pandaigdigang Deklarasyon sa mga Karapatang Pantao – Griyego (Ellinika')]. OHCHR (sa wikang Ingles). Mga Nagkakaisang Bansa. Nakuha noong 20 Agosto 2025.
- ↑ "Universal Declaration of Human Rights - Filipino (Tagalog)" [Pandaigdigang Deklarasyon sa mga Karapatang Pantao – Filipino (Tagalog)]. OHCHR (sa wikang Ingles). Mga Nagkakaisang Bansa. Nakuha noong 20 Agosto 2025.
Pinagkunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Alexiou, Margaret (1982). "Diglossia in Greece" [Diglosya sa Gresya]. Mula sa Haas, William (pat.). Standard Languages: Spoken and Written [Mga Pamantayang Wika: Sinasalita at Sinusulat] (sa wikang Ingles). Manchester: Manchester University Press. pp. 156–192. ISBN 978-0-389-20291-2.
- Androutsopoulos, Jannis (2009). "'Greeklish': Transliteration Practice and Discourse in a Setting of Computer-Mediated Digraphia" ['Greeklish': Ensayo sa Transliterasyon at Diskurso sa Konteksto ng Digraphia na may Tulong ng Kompyuter] (PDF). Mula sa Georgakopoulou, Alexandra; Silk, Michael (mga pat.). Standard Languages and Language Standards: Greek, Past and Present [Mga Pamantayang Wika at Pamantayan ng mga Wika: Griyego, Noon at Ngayon] (sa wikang Ingles). Aldershot: Ashgate Publishing Limited. pp. 221–249.[patay na link]
- Atkinson, Quentin D.; Gray, Russel D. (2006). "How Old is the Indo-European Language Family? Illumination or More Moths to the Flame?" [Gaano Katanda ang Pamilya ng mga Wikang Indo-Europeo? Liwanag o mga Gamogamo sa Apoy?]. Mula sa Forster, Peter; Renfrew, Colin (mga pat.). Phylogenetic Methods and the Prehistory of Languages [Mga Paraang Pilohenetiko at ang Prehistorya ng mga Wika] (sa wikang Ingles). Cambridge, England: McDonald Institute for Archaeological Research. pp. 91–109. ISBN 978-1-902937-33-5.
- Babiniotis, George (1992). "The Question of Mediae in Ancient Macedonian Greek Reconsidered" [Pagkonsidera Muli sa Tanong ng Mediae sa Sinaunang Griyego Makedonya]. Mula sa Brogyanyi, Bela; Lipp, Reiner (mga pat.). Historical Philology: Greek, Latin and Romance [Historikal na Pilolohiya: Griyego, Latin, at Romanse] (sa wikang Ingles). John Benjamins Publishing Company. pp. 29–40. ISBN 9789027277473.
- Beekes, Robert Stephen Paul (2009). Etymological Dictionary of Greek [Etimolohikal na Diksiyonaryo ng Griyego] (sa wikang Ingles). Leiden and Boston: Brill. ISBN 978-90-04-17418-4.
- Browning, Robert (1983) [1969]. Medieval and Modern Greek [Medyebal at Modernong Griyego] (sa wikang Ingles). Cambridge, UK: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-23488-7.
- Dawkins, Richard McGillivray; Halliday, William Reginald (1916). Modern Greek in Asia Minor: A Study of Dialect of Silly, Cappadocia and Pharasa with Grammar, Texts, Translations and Glossary [Modernong Griyego sa Asia Minor: Pag-aaral sa Dayalekto ng Silly, Cappadocia, at Pharasa na may Balarila, Teksto, Salin, at Glosaryo] (sa wikang Ingles). Cambridge, Inglatera: Cambridge University Press.
- Dosuna, Julián Víctor Méndez (2012). "Ancient Macedonian as a Greek Dialect: A Critical Survey on Recent Work" [Sinaunang Makedonya bilang Dayalekto ng Griyego: Kritikal na Sarbey sa Kamakailang Gawa]. Mula sa Giannakis, Georgios K. (pat.). Ancient Macedonia: Language, History and Culture [Sinaunang Masendonya: Wika, Kasaysayan, at Kultura] (sa wikang Griyego). Thessaloniki: Centre for the Greek Language. pp. 65–78 – sa pamamagitan ni/ng Academia.edu.
- Gamkrelidze, Tamaz V.; Ivanov, Vyacheslav (Marso 1990). "The Early History of Indo-European Languages" [Ang Maagang Kasaysayan ng mga Wikang Indo-Europeo]. Scientific American (sa wikang Ingles). 262 (3): 110–116. Bibcode:1990SciAm.262c.110G. doi:10.1038/scientificamerican0390-110. ISSN 0036-8733. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Enero 2014 – sa pamamagitan ni/ng rbedrosian.com.
- Georgiev, Vladimir Ivanov (1981). Introduction to the History of the Indo-European Languages [Panimula sa Kasaysayan ng mga Wikang Indo-Europeo] (sa wikang Ingles). Sofia: Bulgarian Academy of Sciences. ISBN 9789535172611.
- Gray, Russel D.; Atkinson, Quentin D. (2003). "Language-tree Divergence Times Support the Anatolian Theory of Indo-European Origin" [Sinusuportahan ang Teoryang Anatolia ng Pinagmulan ng Indo-Europeo ang Panahon ng Paghihiwalay sa Puno ng Wika]. Nature (sa wikang Ingles). 426 (6965): 435–439. Bibcode:2003Natur.426..435G. doi:10.1038/nature02029. PMID 14647380. S2CID 42340 – sa pamamagitan ni/ng Oxford University Research Archive.
- Holm, Hans J. (2008). "The Distribution of Data in Word Lists and its Impact on the Subgrouping of Languages" [Ang Pamamahagi ng Datos sa mga Listahan ng Salita at ang Epekto nito sa Subgrupo ng mga Wika]. Mula sa Preisach, Christine; Burkhardt, Hans; Schmidt-Thieme, Lars; Decker, Reinhold (mga pat.). Data Analysis, Machine Learning, and Applications [Pagsusuri ng Datos, Pagtuto ng Makina, at Paglalapat] (sa wikang Ingles). Berlin-Heidelberg: Springer-Verlag. pp. 628–636. ISBN 978-3-540-78246-9.
- Hooker, J.T. (1976). Mycenaean Greece [Gresyang Miseniko] (sa wikang Ingles). London: Routledge & Kegan Paul. ISBN 9780710083791.
- Jeffries, Ian (2002). Eastern Europe at the Turn of the Twenty-First Century: A Guide to the Economies in Transition [Silangang Europa sa Pagsisimula ng Ika-21 Siglo: Gabay sa mga Ekonomiyang nasa Transisyon] (sa wikang Ingles). London and New York: Routledge (Taylor & Francis). ISBN 978-0-415-23671-3.
- Ligorio, Orsat; Lubotsky, Alexander (2018). "Phrygian". Mula sa Klein, Jared; Joseph, Brian; Fritz, Matthias; Wenthe, Mark (mga pat.). Handbook of Comparative and Historical Indo-European Linguistics [Handbook ng Komparatibo at Historikal na Lingguwistikang Indo-Europeo] (sa wikang Ingles). Bol. 3. De Gruyter Mouton. pp. 1816–1831. doi:10.1515/9783110542431-022. hdl:1887/63481. ISBN 978-3-11-054243-1. S2CID 242082908.
- Obrador-Cursach, Bartomeu (9 Abril 2020). "On the place of Phrygian among the Indo-European languages" [Ukol sa puwesto ng Prihino sa mga wikang Indo-Europeo]. Journal of Language Relationship (sa wikang Ingles). 17 (3–4): 233–245. doi:10.31826/jlr-2019-173-407. S2CID 215769896.
- Olander, Thomas, pat. (2022). The Indo-European Language Family: A Phylogenetic Perspective [Ang Pamilya ng mga Wikang Indo-Europeo: Pananaw ng Pilohenetika] (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. doi:10.1017/9781108758666. ISBN 978-1-108-49979-8. S2CID 161016819.
- van Beek, Lucien. "Chapter 11: Greek". Sa Olander (2022).
- Olsen, Birgit Anette; Thorsø, Rasmus. "Chapter 12: Armenian". Sa Olander (2022).
- Hyllested, Adam; Joseph, Brian D. "Chapter 13: Albanian". Sa Olander (2022).
- Ralli, Angeliki (2001). Morfología Μορφολογία [Morpolohiya] (sa wikang Griyego). Athens: Ekdoseis Pataki.
- Renfrew, Colin (1973). "Problems in the General Correlation of Archaeological and Linguistic Strata in Prehistoric Greece: The Model of Autochthonous Origin" [Mga Problema sa Pangkalahatang Korelasyon ng Strata na Arkeolohikal at Lingguwistika sa Prehistorikong Gresya: Ang Modelo ng Pinagmulang Autochthonous]. Mula sa Crossland, R. A.; Birchall, Ann (mga pat.). Bronze Age Migrations in the Aegean [Mga Migrasyon ng Panahong Bronse sa Aegean] (sa wikang Ingles). London: Gerald Duckworth and Company Limited. pp. 263–276. ISBN 978-0-7156-0580-6.
- Renfrew, Colin (2003). "Time Depth, Convergence Theory, and Innovation in Proto-Indo-European: 'Old Europe' as a PIE Linguistic Area" [Lalim ng Oras, Teorya ng Pagsasama, at Inobasyon sa Proto-Indo-Europeo: 'Lumang Europa' bilang Lugar ng PIE]. Mula sa Bammesberger, Alfred; Vennemann, Theo (mga pat.). Languages in Prehistoric Europe [Mga Wika sa Prehistorikong Europa] (sa wikang Ingles). Heidelberg: Universitätsverlag Winter GmBH. pp. 17–48. ISBN 978-3-8253-1449-1.
- Renfrew, Colin (1990) [1987]. Archaeology and Language: The Puzzle of Indo-European Origins [Arkeolohiya at Wika: Ang Suliranin ng Pinagmulan ng Indo-Europeo] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-38675-3.
- Scheler, Manfred (1977). Der englische Wortschatz [Bokabularyo ng wikang Ingles] (sa wikang Aleman). Berlin: E. Schmidt. ISBN 978-3-503-01250-3.
- Tsitselikis, Konstantinos (2013). "A Surviving Treaty: The Lausanne Minority Protection in Greece and Turkey" [Ang Nananatiling Tratado: Ang Proteksiyon sa Minorya ng Lausanne sa Gresya at Turkiya]. Mula sa Henrard, Kristin (pat.). The Interrelation between the Right to Identity of Minorities and their Socio-economic Participation [Ang Interrelasyon sa pagitan ng Karapatan sa Pagkakakilanlan ng mga Minorya at ang Kanilang Sosyoekonomikong Pagsali] (sa wikang Ingles). Martinus Nijhoff Publishers. pp. 287–315. ISBN 9789004244740.
- Woodhouse, Robert (2009). "An overview of research on Phrygian from the nineteenth century to the present day" [Overview sa pananaliksik sa Prihino mula sa ika-19 na siglo hanggang sa ngayon]. Studia Linguistica Universitatis Iagellonicae Cracoviensis (sa wikang Ingles). 126 (1): 167–188. doi:10.2478/v10148-010-0013-x. ISSN 2083-4624.
Magbasa pa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Allen, W. Sidney (1968). Vox Graeca – A Guide to the Pronunciation of Classical Greek [Vox Graeca – Gabay sa Pagbigkas sa Klasikal na Griyego] (sa wikang Ingles). Cambridge, Inglatera: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-20626-6.
- Crosby, Henry Lamar; Schaeffer, John Nevin (1928). An Introduction to Greek [Panimula sa wikang Griyego] (sa wikang Ingles). Allyn and Bacon, Inc.
- Dionysius of Thrace. Téchni Grammatikí Τέχνη Γραμματική [Sining ng Balarila] (sa wikang Griyego).
- Holton, David; Mackridge, Peter; Philippaki-Warburton, Irene (1997). Greek: A Comprehensive Grammar of the Modern Language [Griyego: Komprehensibong Balarila ng Modernong Wika] (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-0-415-10002-1.
- Horrocks, Geoffrey (1997). Greek: A History of the Language and Its Speakers [Griyego: Kasaysayan ng Wika at mga Nagsasalita Nito] (sa wikang Ingles). Longman Linguistics Library (Addison Wesley Longman Limited). ISBN 978-0-582-30709-4.
- Krill, Richard M. (1990). Greek and Latin in English Today [Griyego at Latin sa Ingles Ngayon] (sa wikang Ingles). Wauconda, IL: Bolchazy-Carducci Publishers. ISBN 978-0-86516-241-9.
- Mallory, James P. (1997). "Greek Language" [Wikang Griyego]. Mula sa Mallory, James P.; Adams, Douglas Q. (mga pat.). Encyclopedia of Indo-European Culture [Ensiklopediya ng Kulturang Indo-Europeo] (sa wikang Ingles). Chicago, IL: Fitzroy Dearborn Publishers. pp. 240–246. ISBN 9781884964985.
- Newton, Brian (1972). The Generative Interpretation of Dialect: A Study of Modern Greek Phonology [Ang Heneratibong Interpretasyon ng Dayalekto: Pag-aaral sa Ponolohiya ng Modernong Griyego] (sa wikang Ingles). Cambridge, England: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-08497-0.
- Sihler, Andrew L. (1995). New Comparative Grammar of Greek and Latin [Bagong Komparatibong Balarila ng Griyego at Latin] (sa wikang Ingles). New York, NY: Oxford University Press. ISBN 978-0-19-508345-3.
- Smyth, Herbert Weir; Messing, Gordon (1956) [1920]. Greek Grammar [Balarila ng Griyego] (sa wikang Ingles). Cambridge, MA: Harvard University Press. ISBN 978-0-674-36250-5.
Link sa labas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Pangkalahatan
- Greek Language, Columbia Electronic Encyclopedia.
- The Greek Language and Linguistics Gateway
- Aristotle University of Thessaloniki, The Greek Language Portal
- The Perseus Project
- Ancient Greek Tutorials, Berkeley Language Center of the University of California, Berkeley
- Pagtuto sa wika
- Hellenistic Greek Lessons
- komvos.edu.gr,
- New Testament Greek Naka-arkibo 6 February 2009 sa Wayback Machine.
- Mga aklat sa wikang Griyego na tinuturo sa mga paaralan sa Gresya Naka-arkibo 9 February 2010 sa Wayback Machine. (sa Griyego)
- USA Foreign Service Institute Modern Greek basic course
- Aversa, Alan. "Greek Inflector".
- Diksiyonaryo
- Panitikan
- Center for Neo-Hellenic Studies Naka-arkibo 8 September 2009[Date mismatch] sa Wayback Machine.
- Research lab of modern Greek philosophy
- Pages with Griyego IPA
- Pages with Sinaunang Griyego IPA
- Language articles with Linguasphere code
- Languages with ISO 639-2 code
- Languages with ISO 639-1 code
- Mga artikulong may patay na panlabas na link (October 2017)
- CS1 na gumagamit ng sulat ng wikang Griyego (el)
- Mga artikulo na may wikang Griyego na pinagmulan (el)
- Wikang Griyego
- Gresya