Pumunta sa nilalaman

Wikang Griyego

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Greek language)
Griyego
Ελληνικά
Elliniká
Bigkas[eliniˈka]
Katutubo sa
EtnisidadMga Griyego
Katutubo
13.5 milyon (2012)[1]
Indo-Europeo
Unang anyo
Mga dayalekto
Alpabetong Griyego
Opisyal na katayuan
Opisyal na wika
Kinikilalang wika ng
minorya sa
Mga kodigong pangwika
ISO 639-1el
ISO 639-2gre (B)
ell (T)
ISO 639-3Iba-iba:
ell – Modernong Griyego
grc – Sinaunang Griyego
cpg – Cappadocia
gmy – Miseniko
pnt – Pontiko
tsd – Tsakonyo
yej – Yebaniko
Glottologgree1276
Linguasphere
  • 56-AAA-a
  • 56-AAA-aa to -am (varieties)
Mga lugar kung saan sinasalita ang modernong Griyego (opisyal sa mga lugar na kulay madilim na bughaw.)
Naglalaman ang artikulong ito ng mga simbolong ponetiko mula sa IPA. Maaari po kayong makakita ng tandang pananong, kahon, o iba pang mga simbolo imbes ng mga karakter ng Unicode kung hindi suportado ang pagpapakita sa mga ito sa kasalukuyan niyong font. Para sa panimulang gabay sa mga simbolong IPA, tingnan ang Help:IPA sa Wikipediang Ingles.

Griyégo[a] ang wikang Indo-Europeo na kabilang sa sangay ng mga wikang Heleniko, kung saan ito ang pangunahing wika. Pangunahing sinasalita ito sa Gresya at Tsipre, kung saan opisyal na wika ito, gayundin sa ilang bahagi ng Italya at Albanya at sa mga rehiyon ng Balkan, Kaukasya, Dagat na Itim, at silangang Mediteraneo. Ang mahigit kumulang 3,400 taong kasaysayan nito ay ang pinakamahabang napatunayan sa mga wikang Indo-Europeo. Kasalukuyan itong sinusulat sa alpabetong Griyego, na ginagamit para isulat ang wika sa nakalipas na 2,800 taon. Isinulat rin noon ang Griyego sa ibang mga sistema ng pagsulat tulad ng Linear B at ang silabaryong Tsipre.

Napakahalaga ng wikang Griyego sa kasaysayan ng Kanluraning Mundo. Simula sa mga epikong isinulat ni Homer, malaking bahagi ang sinaunang panitikang Griyego sa Kanluraning kanon. Sa wikang Griyego din orihinal na nakasulat ang marami sa mga unang dokumento ng agham at pilosopiya, gayundin sa Bagong Tipan ng Bibliya. Kasama ito sa araling klasikal, na kinabibilangan din ng wikang Latin.

Noong panahong klasikal sa Europa laganap ang paggamit ng Griyego, at itinuturing ito na lingua franca sa Dagat Mediteraneo. Kalaunan, naging opisyal na wika ng Imperyong Bisantino ang Gitnang Griyego, at ang modernong anyo nito ay isa sa 24 na opisyal na wika ng Unyong Europeo. Kasalukuyang ginagamit ito ng nasa 13.5 milyong katao sa Gresya, Tsipre, Italya, Albanya, Turkiya, at sa diaspora ng mga Griyego.

Ginagamit ang mga salitang-ugat mula sa Griyego upang makagawa ng mga mga bagong salita sa maraming mga wika. Ito ang wikang pinakaginagamit para sa mga agham, kasama ng wikang Latin.

Sinasalita na ang wikang Griyego sa tangway ng Balkan simula pa noong ikatlong milenyo BKP o mas maaga pa.[2][3] Natagpuan sa Mesenia ang isang tabletang luwad na naglalaman ng Griyego at napetsahan sa pagitan ng 1450 hanggang 1350 BKP,[4] ang pinakamatandang nakasulat na ebidensiya para sa isang buhay na wika.[5]

Mga pangunahing dayalekto ng modernong wikang Griyego sa Gresya.

Kalimitang hinahati ang kasaysayan ng wikang Griyego sa mga sumusunod na panahon:

  • Proto-Griyego, ang di naitala ngunit pinaniniwalaang pinakahuling karaniwang ninuno ng lahat ng mga barayti ng Griyego.
  • Griyegong Miseniko, ang wika ng kabihasnang Miseniko. Naitala ito sa mga tabletang nasa sulat Linear B na tinatayang nagawa noong ika-15 siglo BKP.
  • Sinaunang Griyego, ang wikang ginamit noong Luma at Klasikal na panahon ng sinaunang kabihasnang Griyego. Kilala ito sa Imperyong Romano, at patuloy na ginamit hanggang noong Gitnang Kapanahunan, bagamat nanatili pa rin itong opisyal na wika ng Imperyong Bisantino. Naipakilala muli ito sa kontinente nang bumagsak ang Konstantinopla noong 1453 na nagresulta sa malawakang migrasyon ng mga Griyego sa kanlurang Europa.
  • Griyegong Koine, kilala rin sa tawag na Griyegong Heleniko, ang pagsasama ng mga dayalektong Ioniko at Atiko, ang dayalektong ginagamit sa Atenas. Nagresulta ito sa unang karaniwang dayalekto ng Griyego, na naging lingua franca ng silangang Mediteraneo at Malapit na Silangan. Maituturo ang Griyegong Koine mula sa mga sundalo at nasakop na teritoryo ni Dakilang Alejandro, kung saan lumaganap ang paggamit ng wika mula Ehipto hanggang sa subkontinente ng India. Dahil dito, nagkaroon ng pagsasakodigo sa wika at nabuo ang unang pamantayang Griyego, na ayon kay Strabo ay ang "tamang Griyego".[6] Matapos masakop ng mga Romano ang Gresya, naging di-opisyal na pangalawang wika ito ng Roma at kalaunan, ang una o ikalawang wika ng buong imperyo. Ginamit ng mga Romano ang wikang Griyego sa kanilang nasasakupan sa silangan, kahit maging sa mga rehiyon kung saan hindi dominante ang naturang wika.[7] Sa Kristiyanismo, ito ang wikang ginamit ng mga Alagad upang ikalat ang relihiyon sa rehiyon. Ang natatanging barayti ng Griyegong Koine ay tinatawag ding Griyegong Biblikal o Griyego ng Bagong Tipan dahil sa paggamit nito sa pagsulat sa mga kabanata ng Bagong Tipan gayundin sa pagsalin sa Lumang Tipan.
  • Griyegong Medyebal, kilala rin sa tawag na Griyegong Bisantino, ang pagpapatuloy ng Griyegong Koine hanggang sa pagbagsak ng Imperyong Bisantino noong ika-15 siglo. Isa itong kabuuang katawagan para sa mga barayti ng wika na nasa gitna ng transisyon papunta sa modernong anyo nito.
  • Modernong Griyego, ang kasalukuyang modernong anyo ng wika. Maliban sa modernong pamantayang Griyego na siyang pangunahing ginagamit para sa wika, marami itong dayalekto.

Sa modernong panahon, sumailalim ang wikang Griyego sa diglosya, kung saan parehong ginagamit ang bernakular at sinaunang anyo ng nakasulat na Griyego. Umiikot ang katanungan sa wikang Griyego sa anong barayti ng wika ang gagamitin bilang opisyal na anyo nito: Dimotiki, ang bernakular na anyo ng Modernong Griyego, at Katharevousa, ang kompromiso na resulta ng pagsasama ng Dimotiki na hinaluan ng mga elementong matatagpuan sa sinaunang anyo ng wika at kalimitang ginagamit sa panitikan at sa opisyal na konteksto para sa noo'y katatatag lang na Kaharian ng Gresya. Noong 1976, idineklara ang Dimotiki bilang ang anyong gagamitin sa lahat na opisyal na kapasidad at edukasyon matapos itong mahaluan ng ilang elemento ng Katharevousa upang maging Pamantayang Modernong Griyego.[8]

Historikal na pagkakaisa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Halos hindi nagalaw ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito. Bagamat may mga halatang pagbabago sa ortograpiya at ponolohiya, bahagya lamang ito kumpara sa ibang mga wika. Maiintindihan pa rin sa kasalukuyan ang panitikang nagawa noong klasikal na panahon sa Gresya.[9] Ayon sa isang iskolar, halos magkasinghawig ang Griyego ni Homer at ng modernong anyo nito kesa sa Gitnang Ingles sa modernong anyo nito.[10]

Sinasalita ngayon ang wikang Griyego ng di bababa sa 13 milyong katao, lalo na sa Gresya at Tsipre gayundin sa malaki-laking minorya ng mga Griyegong nakatira sa katimugang Albanya.[11] Marami sa mga taga-Albanya ang marunong o kahit papaano'y may alam sa wikang Griyego dahil sa pamayanan ng mga Griyego sa kanilang bansa at sa pagdami ng mga pumapasok na taga-Albanya sa Gresya noong dekada 1980s hanggang 1990s. Bago ang Digmaang Gresya-Turkiya at sa malawakang palitan ng populasyon sa pagitan ng dalawang bansa noong 1923, may malaki ring populasyon ng mga taong nakakapagsalita ng wikang Griyego sa Turkiya, bagamat napakakonti na lamang sila roon sa kasalukuyan.[12] Meron ding mga nagsasalita ng Griyego sa Bulgarya malapit sa hangganan nito sa Gresya, gayundin sa diaspora ng mga Griyego sa Estados Unidos, Australya, Canada, Timog Aprika, Tsile, Brasil, Arhentina, Rusya, Ukranya, Reyno Unido, at sa mga bansa ng Unyong Europeo, lalo na sa Alemanya.

Sa kasaysayan, maraming nakakapagsalita ng wikang Griyego sa silangang Mediteraneo, lalo na sa rehiyon ng Lebante at Palestina, Ehipto, Libya, at sa katimugang Italya. May mga populasyon din na nagsasalita ng wika sa mga baybayin ng Dagat na Itim, partikular na sa Kaukasya. Sinalita rin ito sa mga kolonya ng sinaunang Gresya sa kanlurang bahagi ng Dagat Mediteraneo, bagamat mas konti lamang ito. Ito ang opisyal na wika sa mga Kristiyanong kaharian sa Nubia sa Aprika.[13]

Opisyal na katayuan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang modernong anyo ng wikang Griyego ay ang opisyal na wika ng Gresya, kung saan sinasalita ito ng halos lahat ng mga Griyego.[14] Bukod rito, ito rin ang opisyal na wika ng Tsipre at sa teritoryong Britaniko na Akrotiri at Dhekelia na matatagpuan din sa parehong pulo. Dahil kabilang ang Gresya sa Unyong Europeo, isa rin ito sa 24 na opisyal na wika ng samahan. Kinikilala bilang wika ng minorya ang Griyego sa Albanya, kung saan opisyal din ito sa ilang mga kondado sa katimugang bahagi ng bansa, partikular na ang Gjirokastër at Vlorë.[15] Isa rin itong opisyal na wika ng minorya sa rehiyon ng Apulia at Calabria sa Italya. Isa ito sa mga protektadong wika sa Armenya, Unggriya, Rumanya, Turkiya, at Ukranya.[16][17]

Sample ng isang nagsasalita ng modernong Griyego.

Sa kabuuan ng kasaysayan nito, hindi halos nagalaw ang estraktura ng pantig sa wikang Griyego. Magkahalo ang estraktura ng pantig nito, kung saan pinapayagan ang mga komplikadong simula (onset) ng pantig pero limitado ang pwede sa dulo (coda) nito. Meron lamang mga patinig na pailong (nasal vowel) sa Griyego, at maayos-ayos na mga pagkakaiba ng mga katinig. Pinakamalaki ang nakitang pagbabago sa ponolohiya ng wika noong panahong klasikal at sa sumunod na panahong Romano sa Gresya, kung saan naganap ang mga sumusunod:

  • napalitan ang asento na nakabase noon sa tinis (pitch) papunta sa diin (stress).
  • naging simple ang mga patinig at diptonggo, kung saan nawala ang kaibahan sa haba ng patinig, at naging monoptonggo ang mga diptonggo, na nagresulta kalaunan sa paglapit ng mga ito sa tunog na /i/, sa prosesong tinatawag na iotasismo.
  • lumipat ang mga plosibong /pʰ/ at /tʰ/ papunta sa mga prikatibong /f/ at /θ/, gayundin sa /kʰ/ papuntang /x/, bagamat hindi napalitan ang mga ito sa ortograpiya at patuloy pa ring ginagamit ang mga titik na φ, θ, at χ.
  • lumipat ang mga plosibong /b/, /d/, at /g/ papunta sa mga prikatibong /β/ (kalaunan /v/), /ð/, at /ɣ/.

Nagpapakita ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito ng mga produktibong paglalapi, limitado ngunit produktibo ring pagdudugtong (compounding), at malalimang sistema ng impleksiyon. Bagamat matatag ang mga morpolohikal na kategorya nito sa paglipas ng panahon, may mga pagbabago pa ring naganap sa sistema nito, partikular na sa mga pangngalan, pang-uri, at pandiwa. Pinakamalaking pagbabago sa mga ito ang pagkawala ng kasong datibo (na pinalitan ng kasong henitibo) sa mga pangngalan, gayundin sa pagkawala ng mga pawatas (infinitive), pagdikit (synthetic) ng tiyempong panghinaharap (future tense) at pangnakaraan (past tense), gayundin sa modong nangangarap (optative mood) sa mga pandiwa. Marami sa mga ito ang napalitan ng anyong nakahiwalay (analytical form).

Pangngalan at pang-uri

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagkakaiba ang mga panghalip base sa katauhan (una, ikalawa, at ikatlo), kailanan (isahan, dalawahan, at maramihan sa sinaunang anyo, at tanging isahan at maramihan lamang sa moderno), at kasarian (panlalaki, pambabae, at alinman), at nalalapian base sa kaso (anim sa sinauna, apat na lamang sa moderno). Nagpapakita ang mga pagkakaibang ito sa lahat ng mga pangngalan, artikulo, at pang-uri, maliban lamang kung tao ito. Sumasang-ayon sa inilalarawang pangngalan ang mga pang-uring umaakto bilang atribusyon o panaguri.

Hindi halos nagbago ang sistema ng pandiwa sa wikang Griyego. Narito ang mga anyo ng mga impleksiyong dumidikit (synthetic inflection) sa parehong sinauna at modernong Griyego.

Sinaunang Griyego Modernong Griyego
Katauhan una, ikalawa, ikatlo kasama din ang pormal na ikalawa
Kailanan isahan, dalawahan, maramihan isahan, maramihan
Tiyempo kasalukuyan, nakaraan, hinaharap nakaraan, hindi nakaraan
Aspeto imperpektibo, perpektibo (aorista), perpekto imperpektibo, perpektibo
Modo katotohanan (indikatibo), pananaw (subhetibo), pautos (imperatibo), pangarap (optatibo) katotohanan, pananaw, pautos
Boses aktibo, medyo pasibo, pasibo aktibo, medyo pasibo

Nanatili ang maraming aspeto ng sintaksis sa wikang Griyego: sumasang-ayon ang mga pandiwa sa kanilang simuno, nanatili ang halos lahat ng mga kaso, artikulo muna bago pangngalan, pawang mga preposisyon ang mga adposisyon, sinusundan ng mga di-malalayang sugnay ang pangngalan na binabago nito, at nasa simula ng mga sugnay ang mga relatibong panghalip. Gayunpaman, maraming mga pagbabago ang naganap bunsod ng mga pagbabago sa morpolohiya: gumagamit ng anyong pawatas sa sinaunang Griyego, na wala na sa modernong anyo. Madalas na nasa dulo ang pandiwa sa sinaunang Griyego; sa modernong anyo, nasa dulo ang obheto.

Klasipikasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang wikang Indo-Europeo ang wikang Griyego, na nag-iisa sa sangay nito. Pinakamalapit na kamag-anak nito ang sinaunang wikang Masedonyo, bagamat tinuturing din ito bilang isang dayalekto ng Griyego mismo.[18] Maliban dito, ang napagkakasunduang wikang pinakamalapit sa Griyego ay ang wikang Prihino sa Turkiya, na ngayo'y wala na.[19] Iminumungkahi ng ilang mga iskolar ang sangay na Griyego-Prihino para sa dalawang wika.[20]

Sa mga buhay na wika, ipinagpapalagay ng mga lingwista ang wikang Armenyo bilang ang pinakamalapit na kamag-anak ng Griyego, o di kaya'y mga wikang Indo-Iranyano sa Gitnang Silangan; gayunpaman, napakaliit ng mga ebidensiyang sumusuporta sa palagay na ito.[21][22] Kalimitan ding hinahanay ang Griyego sa wikang Albanes, at iminumungkahi rin ang paggugrupo sa dalawa kasama ng ibang mga patay na wika sa rehiyon upang bumuo ng sangay na pamilyang Paleobalkan ng mga wikang Indo-Europeo.[23][24]

Linear B ang pinakaunang sistema ng pagsulat para sa wikang Griyego, at natukoy na nagamit simula noong huling bahagi ng ika-15 siglo BKP. Isa itong silabaryo, na nabasa sa unang pagkakataon noong dekada 1950s nina Michael Ventris at John Chadwick. Samantala, ang kaugnay nitong Linear A ay hindi pa sa ngayon nababasa, at pinaniniwalaang hindi ito ginamit upang sulatin ang wikang Griyego di tulad ng Linear B na natuklasang ginamit para isulat ang Griyegong Miseniko.

Silabaryong Tsipriota

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang tabletang nakasulat sa wikang Griyego gamit ng silabaryong Tsipriota.

Ginamit sa Tsipre ang silabaryong Tsipriota upang isulat ang wikang Griyego. Pinaniniwalaang nagmula ito sa Linear A base sa silabaryong Tsipriota-Minoano na nagsilbing transisyonal na sistema nito. Ginamit ito sa naturang pulo simula noong ika-11 siglo BKP hanggang sa lumaos ito kalaunan bunsod ng pagpasok ng alpabetong Griyego sa lugar.

Alpabetong Griyego

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakasulat na sa alpabetong Griyego ang wikang Griyego simula pa noong ika-9 na siglo BKP. Nagmula ito sa alpabetong Penisyo, na binago upang suportahan ang mga patinig na wala sa Penisyo dahil sa pagiging abjad nito. Ang modernong anyo ng alpabeto ay nagmula sa Ionikong anyo, na ginamit upang isulat ang dayalektong Atiko simula noong 403 BKP. Tanging mga malalaking titik lamang ang ginamit sa sinaunang Griyego; dinagdag lamang ng mga eskriba noong Gitnang Kapanahunan ang mga maliliit na anyo upang mapabilis ang pagsusulat gamit ng pluma.

Mayroong 24 na titik sa alpabetong Griyego, ang bawat isa ay may anyong malaki at maliit. May karagdagang maliit na anyo ang titik sigma, ς, na tanging ginagamit lang sa dulo ng mga salita.

Modernong Alpabetong Griyego
Γγ
Δδ
Εε
Ζβ
Ηη
Θθ
Ιι
Κκ
Λλ
Μμ
Νν
Ξξ
Οο
Ππ
Ρρ
Σσς
Ττ
Υυ
Φφ
Χχ
Ψψ
Ωω

Gumagamit ang alpabetong Griyego ng mga tuldik:

Tanging ang asentong agudo at diyaresis na lamang ang ginagamit sa kasalukuyan matapos ng reporma sa pagsusulat noong 1982. Tinatawag na monotonikong ortograpiya ang pinasimpleng sistemang ito. Gayunpaman, patuloy pa ring ginagamit ang lumang sistema, na tinatawag na ngayo'y politonikong ortograpiya, upang isulat ang sinaunang Griyego.

Sa wikang Griyego, ginagamit ang tuldok-kuwit (;) bilang tandang pananong, at ginagamit naman ang gitnang tuldok (•) bilang kuwit at tuldok-kuwit. Umaaktong bilang isang tahimik na titik ang kuwit sa ilang mga salitang Griyego upang ipaghiwalay ang mga magkasingtunog, halimbawa ό,τι ("alinman") at ότι ("iyon").[25]

Nakasulat ang ilang mga tekstong sinaunang Griyego sa anyong scriptio continua ("tuloy-tuloy na pagsulat"), kung saan hindi gumagamit ng espasyo o bantas ang manunulat. Ginamit rin sa sinaunang Griyego ang pagsusulat na boustrophedon, ang salitan na pagsusulat sa magkabilang direksyon.

Ginagamit ang alpabetong Latin upang isulat ang Griyego sa ilang mga lugar. Ginamit ito sa mga nasasakupang lugar ng Venetio noon gayundin sa mga Katolikong Griyego. Greeklish ang tawag sa anyo ng wikang Griyego na gumagamit ng romanisasyong Latin nito na madalas ginagamit online.[26] Sa kasalukuyan, ginagamit rin ang alpabetong Latin ng mga pamayanang Griyego sa katimugang Italya upang isulat ang Griyego. Samantala, ginagamit naman ang sulat Ebreo sa dayalektong Yevaniko,[27] at sulat Arabo naman para isulat ang Griyego sa Lebante gayundin ng mga Muslim sa Kreta.[28]

Unang Artikulo ng Pandaigdigang Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Pagbigkas sa Griyego.
Modernong Griyego[29] Romanisasyon Tagalog[30]
Όλοι οι άνθρωποι γεννιούνται ελεύθεροι και ίσοι στην αξιοπρέπεια και τα δικαιώματα. Είναι προικισμένοι με λογική και συνείδηση, και οφείλουν να συμπεριφέρονται μεταξύ τους με πνεύμα αδελφοσύνης. Óloi oi ánthropoi gennioúntai eléftheroi kai ísoi stin axioprépeia kai ta dikaiómata. Eínai proikisménoi me logikí kai syneídisi, kai ofeíloun na symperiférontai metaxý tous me pnévma adelfosýnis. Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.
  1. Modernong Griyego: Ελληνικά, romanisado: Elliniká, [eliniˈka] ; Sinaunang Griyego: Ἑλληνική, romanisado: Hellēnikḗ, [helːɛːnikɛ́ː]
  1. Greek sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    Sinaunang Griyego sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    Cappadocia sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    Miseniko sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    Pontiko sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    Tsakonyo sa Ethnologue (ika-18 ed., 2015)
    (Tingnan din ang mga sanggunian sa 'Mga kodigong pangwika')
  2. Renfrew 2003, p. 35; Georgiev 1981, p. 192.
  3. Gray & Atkinson 2003, pp. 437–438; Atkinson & Gray 2006, p. 102.
  4. "Ancient Tablet Found: Oldest Readable Writing in Europe" [May Nakitang Sinaunang Tableta: Pinakalumang Mababasang Nakasulat sa Europa]. Culture (sa wikang Ingles). 1 Abril 2011. Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Hulyo 2021.
  5. Tulloch, A. (2017). Understanding English Homonyms: Their Origins and Usage [Pag-unawa sa mga Magkasingtunog sa Ingles: Kanilang Pinagmulan at Paggamit] (sa wikang Ingles). Hong Kong University Press. p. 153. ISBN 978-988-8390-64-9.
  6. Zacharia, Katerina, pat. (2008). Hellenisms: culture, identity, and ethnicity from antiquity to modernity [Helenismo: kultura, pagkakakilanlan, at etnisidad mula luma hanggang sa modernidad] (sa wikang Ingles). Ashgate. p. 1. ISBN 978-0-7546-6525-0. OCLC 192048201.
  7. Cotton, Hannah M. (2022). "Language Gaps in Roman Palestine and the Roman Near East" [Mga Pagitan sa Wika sa Palestina at sa Malapit na Silangan ng mga Romano]. Mula sa Pogorelsky, Ofer (pat.). Roman Rule and Jewish Life: Collected Papers [Pamumuno ng mga Romano at ang Pamumuhay ng mga Hudyo: Mga Nakolektang Papel] (sa wikang Ingles). De Gruyter. p. 202. doi:10.1515/9783110770438-012. ISBN 978-3-11-077043-8.
  8. Peter, Mackridge (1985). The modern Greek language [Ang modernong wikang Griyego] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. ISBN 978-0-19-815770-0. OCLC 11134463.
  9. Browning 1983, pp. vii–viii.
  10. Alexiou 1982, p. 161.
  11. "Greek" [Griyego]. Ethnologue (sa wikang Ingles).
  12. "Greek language" [Wikang Griyego]. Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Encyclopædia Britannica, Inc.
  13. Burstein, Stanley (2 Nobyembre 2020). "When Greek was an African Language" [Noong Naging Isang Wikang Aprikano ang Griyego] (sa wikang Ingles). Center for Hellenic Studies.
  14. "Greece" [Gresya]. The World Factbook (sa wikang Ingles). Central Intelligence Agency.
  15. Bytyçi, Enver (2022). In the Shadows of Albania-China Relations (1960–1978) [Sa mga Anino ng Ugnayang Albanya-Tsina (1960–1978)] (sa wikang Ingles). Cambridge Scholars Publishing. p. 20. ISBN 978-1-5275-7909-5.
  16. Questions and Answers: Freedom of Expression and Language Rights in Turkey [Mga Tanong at Sagot: Kalayaan sa Pahayag at Karapatan sa Wika sa Turkiya] (sa wikang Ingles). New York: Human Rights Watch. 19 Abril 2002. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Oktubre 2023.
  17. "List of Declarations Made with Respect to Treaty No. 148" [Listahan ng mga Deklarasyong Nagawa Alinsunod sa Kasunduan Blg. 148] (sa wikang Ingles). Council of Europe. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Abril 2020.
  18. Babiniotis 1992, pp. 29–40; Dosuna 2012, pp. 65–78
  19. Woodhouse 2009, p. 171
  20. Olander 2022, pp. 12, 14; van Beek 2022, pp. 190–191, 193
  21. van Beek 2022, pp. 193–197
  22. Renfrew 1990; Gamkrelidze & Ivanov 1990, pp. 110–116; Renfrew 2003, pp. 17–48; Gray & Atkinson 2003, pp. 435–439
  23. Olsen & Thorsø 2022, pp. 209–217; Hyllested & Joseph 2022, pp. 225–226, 228–229, 231–241
  24. Holm 2008, pp. 634–635
  25. Nicolas, Nick (2005). "Greek Unicode Issues: Punctuation" [Mga Isyu sa Unicode ng Griyego: Palabantasan] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Agosto 2012.
  26. Androutsopoulos 2009, pp. 221–249.
  27. "Yevanic alphabet, pronunciation and language" [Alpabetong Yevaniko, pagbigkas, at wika]. Omniglot (sa wikang Ingles).
  28. Kotzageorgis, Phokion (2010). Gruber, Christiane J.; Colby, Frederick Stephen (mga pat.). The Prophet's Ascension: Cross-cultural Encounters with the Islamic Mi'rāj Tales [Ang Pag-akyat ng Propeta: Mga Pagkikita sa Palitan ng Kultura sa mga Kuwentong Mi'rāj ng Islam] (sa wikang Ingles). Indiana University Press. p. 297. ISBN 978-0-253-35361-0.
  29. "Universal Declaration of Human Rights – Greek (Ellinika')" [Pandaigdigang Deklarasyon sa mga Karapatang Pantao – Griyego (Ellinika')]. OHCHR (sa wikang Ingles). Mga Nagkakaisang Bansa. Nakuha noong 20 Agosto 2025.
  30. "Universal Declaration of Human Rights - Filipino (Tagalog)" [Pandaigdigang Deklarasyon sa mga Karapatang Pantao – Filipino (Tagalog)]. OHCHR (sa wikang Ingles). Mga Nagkakaisang Bansa. Nakuha noong 20 Agosto 2025.
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Pangkalahatan
Pagtuto sa wika
Diksiyonaryo
Panitikan