Francisco Balagtas
Francisco "Balagtas" Baltazar | |
|---|---|
| Kapanganakan | 2 Abril 1788 |
| Kamatayan | 20 Pebrero 1862 |
| Trabaho | Manunulat |
- Ito ang akda sa Pilipinong makata. Para sa bayan na ipinangalanan sa kaniya, tingnan ang Balagtas, Bulacan.
Si Francisco Baltazar (isinilang na Francisco Balagtas y de la Cruz; Abril 2, 1788–Pebrero 20, 1862), na lalong kilala bilang Francisco Balagtas, ay isang tanyag na Pilipinong makata, at malawakang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang Pilipino sa panitikang laureate para sa kanyang ambag sa panitikang Pilipino. Ang tanyag na epiko na Florante at Laura ang kanyang pinakakilalang dakilang-likha.[1]
Talambuhay ni Francisco Balagtas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Unang mga taon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isinilang si Francisco Balagtas Baltazar noong Abril 2, 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan na ngayon ay Balagtas, Bulacan. Tinawag din siyang Kiko at Balagtas. Sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar ang mga magulang niya at sina Felipe, Concha at Nicolasa ang mga kapatid niya. Nanahan siya sa ibat-ibang bayan at lungsod nang halos buong buhay niya. Kabilang na dito ang Tondo kung saan nakatirik ang bahay niya sa dakong dagat ng daang kinikilala ngayong Bilbao. Habang nasa Tondo siya, naramdaman niya ang unang pitik ng pag-ibig nang makilala niya si Magdalena Ana Ramos. Nagbunsod ito sa kanyang pagiging isang makata. Sa gulang na 11, lumuwas siya ng Maynila upang makapag-aral at makahanap ng trabaho. Una siyang pumasok sa paaralang parokyal sa Bigaa kung saan tinuruan siya tungkol sa relihiyon. Naging katulong siya ni Donya Trinidad upang makapagpatuloy siya ng kolehiyo sa Colegio de San Jose sa Maynila. Pagkatapos, nag-aral naman siya sa Colegio de San Juan de Letran at naging guro niya si Padre Mariano Pilapil.
Bilang isang manunulat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Taong 1835 nang manirahan si Balagtas sa Pandacan, Maynila. Dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera, ang marilag na dalaga na nagsilbing paraluman ng makata. Binansagan siyang "Selya" at tinaguriang M.A.R. ni Balagtas sa kanyang tulang Florante at Laura. Naging kaagaw niya si Mariano "Nanong" Kapule sa panliligaw kay Selya, isang taong ubod ng yaman at lakas sa pamahalaan. Dahil sa ginawa niyang panliligaw kay Selya, ipinakulong siya ni Nanong Kapule upang hindi na siya muling makita ni Selya. Habang nasa kulungan siya, pinakasalan ni Nanong Kapule si Selya kahit walang pag-ibig na nadarama si Selya para kay Nanong Kapule. Doon sa kulungan, isinulat niya ang Florante at Laura sa papel ng arroz para kay Selya.
Hanapbuhay at mag-anak
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1838, nakalaya na siya sa kulungan. Naging klerk sa hukuman at major lieutenant si Kiko noong 1840 sa Udyong, Bataan. Dito niya nakilala si Juana Tiambeng na kanyang naging asawa. Nagpakasal sila noong 1842. Si Tiambeng ay 31 at si Balagtas naman ay 54. Sa unang pagkakataon, ginamit niya ang Baltazar sa kanyang sertipiko ng kasal. Nagkaroon siya ng labing-isang (11) anak kay Juana Tiambeng. Humawak din siya ng mataas na tungkulin sa Bataan bilang tenyente mayor at juez de semantera.
Huling mga araw
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nabilanggo muli si Kiko sa Balanga, Bataan dahil sa sumbong na pinutol niya ang buhok ng katulong na babae ni Alferez Lucas. Nakalaya siya noong 1861. Ipinagpatuloy niya ang pagsulat ng mga komedya, awit, at korido nang siya ay nakalaya. Bago mamayapa, ibinilin niya sa kanyang asawa na "Huwag mong hahayaan na maging makata ang alin man sa ating mga anak. Mabuti pang putulin mo ang mga daliri nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula." Namayapa siya sa piling ng kanyang asawa at mga anak noong Pebrero 20, 1862. Yumao siya sa gulang na 74, dahil sa sakit na pneumonia, at dahil narin sa kanyang katandaan.
Sinasabing ang mga pagsubok sa buhay ni Balagtas, at ang kanyang pagsusumikap upang malagpasan ang mga ito ang pumanday sa kaniya upang maging isang mabisa at matagumpay na makata.
Mga akda
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hanguan ng mga akda ni Balagtas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Walang kasulatan sa sulat-kamay ni Balagtas ang nabubuhay pa hanggang ngayon. Dahil ito sa dalawang malaking sunog na sumapit sa Udyong (na ngayon ay Balagtas, sa Orion, Bataan) at sumira sa halos lahat ng mga akda niya.[2][3] Ang pinakakapansin-pansin niyang akda, ang Florante at Laura o ang Pinagdaanang Buhay ni Florante at Laura sa Kaharian ng Albanya ay nailathala nang maraming ulit sa iba-ibang edisyon mula sa tunay na lathala noong 1838. Pinaniniwalaang ang pinakaunang edisyon ng Florante ay ang edisyon noong 1861[4] na inilathala sa Maynila, habang may isang sulat-kamay na kasulatan ng Florante na isinulat ni Apolinario Mabini na ngayon ay nasa pagmamay-ari ng Philippine National Library.
Ang pangunahing hanguan ng buhay ng makata at mga akda niya ay mula sa akda noong ikadalawampung dantaon na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang "Florante" ni Hermenegildo Cruz. Tinala ng makata ang mga akda ni Balagtas at muling nilikha ang ilan sa kanyang mga dula batay sa mga tagpo at linya na nasaulo ng mga anak ng makata. Mayroon ding edisyon ng Florante ang aklat. Si Balagtas ay sumulat ng sampung komedya at isang hakira (ritmikong romansa) batay kay Cruz at iba pang maikling dula na natala sa kanyang aklat. Kasama rito ang dalawang laos o maikling tagpo ng pagdiriwang na kadalasang may isang santong patron at itinatanghal tuwing may pagdiriwang sa bayan.
Talasanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Orosmán at Zafira – isang komedya na may apat na bahagi
- Don Nuño at Selinda – isang komedya na may tatlong bahagi
- Auredato at Astrome – isang komedya na may tatlong bahagi
- Clara Belmore – isang komedya na may tatlong bahagi
- Abdol at Misereanan – isang komedya
- Bayaceto at Dorslica – isang komedya na may tatlong bahagi
- Alamansor at Rosalinda – isang komedya
- La India elegante y el negrito amante
- Nudo gordeano
- Rodolfo at Rosemonda
- Mahomet at Constanza
- Claus (isinalin sa Tagalog mula sa Latin)
- Florante at Laura, isang awit ; pinakatanyag na akda ni Balagtas
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Quirino, Carlos. Preface for Apolinario Mabini’s Hand-Written Version of Francisco Baltasar’s “Florante at Laura” (Pambungad para sa Kopya ng “Florante at Laura” ni Francisco Baltasar na nasa sulat-kamay ni Apolinario Mabini), nasa wikang Ingles, ang kopya ni Mabini ay isinalin sa Ingles ni Tarrosa Subido (nasa kaliwa ang Tagalog samantalang nasa kanan ang katumbas sa Ingles), National Historical Commission, Bureau of Printing, Manila, 1964 (unang paglilimbag), at Vertex Press, Lungsod ng Quezon, 1972 (pangalawang paglilimbag), may 119 pahina, nasa bukod na mga pahinang v-xx ang pambungad (preface) at paunang-salita ng tagapagsalinwika (translator’s foreword)
- ↑ Pelone, Ruel (March 12, 2015). "Surviving Great Granddaughter of Balagtas Speaks Highly of Renowned Poet". BusinessWeek Mindanao. PNA. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 9, 2016. Nakuha noong Enero 8, 2017.
- ↑ Cruz, Hermenegildo (1906). Kun Sino ang Kumathâ ng̃ "Florante": Kasaysayan ng̃ Búhay ni Francisco Baltazar at Pag-uulat nang Kanyang Karunung̃a't Kadakilaan. Maynila: Librería "Manila Filatélico".
- ↑ Lumbera, Bienvenido (1967). "Florante at Laura and the Formalization of Tradition in Tagalog Poetry" (PDF). Philippine Studies. 15 (4): 545–575. JSTOR 42720240. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Marso 4, 2016.
Mga panlabas na kawing
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Si Francisco Balagtas sa Isang Online na Gabay Tungkol sa Kasaysayan ng Pilipinas
- Prinsipe ng Makatang Pilipino Naka-arkibo 2020-08-07 sa Wayback Machine.
