Pumunta sa nilalaman

Gonad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Glandulang sekswal)
Gonad
Isang pares ng mga bahay-itlog ng Cyprinus carpio
Mga pagkakakilanlan
FMA18250

Ang gonad ay ang organong gumagawa ng mga gameto. Ang mga gonad sa kalalakihan ay ang mga itlog ng bayag at ang mga gonad sa kababaihan ay ang mga bahay-itlog. Ang produktong gameto ay mga selulang lithayop o binhi (germ cell) na haploid. Halimbawa, ang ispermatosoon at obum (itlog) ay mga gameto. Bagamang sa agham, ang katawagang "gonad" ay maaaring tumukoy sa panlalaking gonad (testis) o kaya sa pambabaeng gonad (mga obaryo), ang gonad sa bernakular o salitang-kanto ay tumutukoy lamang sa itlog ng bayag o testis.

Ang mga gonad ay panghormonang kinukontrol ng hormonang nagpapadilaw (luteinizing hormone o LH) at ng hormonang pang-estimula ng polikula (FSH) na kinakatas ng anteryor na glandulang pituwitaryo. Ang sekresyon o katas na ito, sa kabilang banda, ay tinatabanan naman ng hormonang naglalabas ng gonadotropin ng hipotalamus.

Nagsisimulang umunlad ang mga gonad bilang isang pangkaraniwang anlage, sa anyo ng mga talungtong na panggonad, at sa paglaon lamang na maipagkakaiba sa panlalaki o kaya pambabaeng mga organong pangkasarian. Ang pagkakaroon ng heneng SRY, na nasa kromosomang Y at pagsasakodigo ng paktorang nagtatakda ng itlog ng bayag, ang nagtatakda ng pagkakaibang pangkasarian na panglalaki. Sa kawalan ng heneng SRY mula sa kromosomang Y, umuunlad naman ang kasariang pambabae (bahay-itlog o obaryo sa halip na itlog ng bayag o testis).

Ang pagkakaroon at pag-unlad ng mga gonad ay isang bahagi ng pag-unlad ng mga organong pang-ihi at pangreproduksiyon.