Katapangan
Ang katapangan ay ang kakayahan ng isang tao na harapin ang takot, hapdi, panganib, kawalan ng katiyakan, o intimidasyon (pananakot). Ang katapangang pisikal ay ang katapangan habang may kinakaharap na kahirapang pangkatawan, pagbabata, kamatayan, o panganib na kamatayan; samantalang ang katapangang moral ay ang kakayahan na kumilos ng tama sa harap ng popular na oposisyon o pagsalungat, pagkapahiya, iskandalo, o pagkasira ng loob at panghihina ng kalooban, pati na ng kawalan ng pag-asa.
Sa ilang mga kaugalian o tradisyon, ang katatagan ng loob, katiningan ng loob, tibay ng loob, o lakas ng loob ay mayroong humigit-kumulang na katulad na kahulugan. Sa tradisyong pangkanluran, ang kapansin-pansing mga kaisipan hinggil sa katapangan ay nagmula sa mga pilosopong katulad nina Aristotle, Aquinas at Kierkegaard; sa kaugaliang Silanganin, ang ilang mga kaisipan hinggil sa katapangan ay inaalok ng Tao Te Ching. Sa mas kamakailan lamang, ang katapangan ay ginalugad ng disiplina ng sikolohiya.
Ang kabaligtaran ng matapang ay ang pagiging duwag, na may kaugnayan sa pagiging may takot o matatakutin.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Sikolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.