Pumunta sa nilalaman

Katutubong wika

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang monumento sa inang wika (ana dili) sa Nakhchivan, Aserbayan

Ang katutubong wika (kilala rin bilang inang wika, unang wika, arteryal na wika, o L1) ay ang wika na natutunan ng isang tao mula nang kanyang kapanganakan[1] o sa loob ng panahong kritikal. Sa ilang bansa, tumutukoy ang terminong katutubong wika o inang wika sa wika ng isang pangkat-etniko kaysa sa aktuwal na unang wika ng isang indibidwal. Karaniwan, upang maituring bilang inang wika ang isang wika, kailangang taglayin ng isang tao ang ganap na katutubong katatasan dito.[2]

Ang unang wika ng isang bata ay bahagi ng kanyang personal, panlipunan at kultural na pagkakilanlan.[3] Isa pang epekto ng katutubong wika ang pagkakaroon ng pagninilay at pagkatuto ng epektibong mga panlipunang huwaran sa pagkilos at pagsasalita.[kailangang linawin][4] Iminumungkahi ng pananaliksik na bagaman maaaring magkaroon ng kahusayan sa target na wika ang isang di-katutubong nagsasalita matapos ang humigit-kumulang dalawang taon ng paglulubog, maaaring tumagal ng lima hanggang pitong taon bago siya umabot sa parehong antas ng kakayahang gumamit ng wika tulad ng kanyang mga katutubong nagsasalitang kaedad.[5]

Noong ika-17 ng Nobyembre 1999, itinalaga ng UNESCO ang Pebrero 21 bilang Pandaigdigang Araw ng Inang Wika.

Kuwalipikado ang isang tao bilang "katutubong nananalita" ng isang wika kung siya ay ipinanganak at lumaki sa kapaligirang nalulubog sa wika, sa loob ng pamilyang ang mga matatanda ay nakaranas din ng kahalintulad na pagkalubog sa wika.[6] Itinuturing na awtoridad ang mga katutubong nananalita sa kanilang sariling wika dahil sa likas na proseso ng kanilang pagkatuto, kumpara sa pagkatutong naganap lamang sa mas huling yugto ng buhay. Natatamo ito sa pamamagitan ng personal na pakikipag-ugnayan sa wika at sa mga nagsasalita nito. Hindi kinakailangang kabisado ng mga katutubong nananalita ang bawat tuntunin ng balarila ng wika, ngunit nagkakaroon sila ng matibay na "pakiramdam" hinggil sa mga panuntunan batay sa kanilang karanasan sa wika.[6]

Ang katawagang "katutubong wika", sa pangkalahatang paggamit nito, ay itinuturing na hindi tumpak at madaling magkaroon ng iba’t ibang pagpapakahulugan na may pagkiling sa wika, lalo na pagdating sa mga batang bilingguwal mula sa mga etnikong minorya. Maraming iskolar[7] ang nagbigay ng mga kahulugan ng "katutubong wika" batay sa pangkaraniwang paggamit, emosyonal na ugnayan ng isang tao sa wika, at maging sa pangingibabaw nito sa kapaligiran. Gayunpaman, ang lahat ng tatlong pamantayan ay kulang sa katumpakan. Para sa maraming bata na ang sariling wika ay iba sa wika ng kanilang kapaligiran (ang "opisyal" na wika), pinagtatalunan kung alin ang kanilang "katutubong wika".

Pagbibigay-kahulugan sa "katutubong wika"

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Batay sa pinagmulan: ang (mga) wikang o diyalektong unang natutunan (ang (mga) wikang o diyalektong kung saan unang naitatag ang pangmatagalang ugnayan sa wika);
  • Batay sa panloob na pagkakakilanlan: ang (mga) wikang kinikilala ng isa bilang kanyang sinasalita;
  • Batay sa panlabas na pagkakakilanlan: ang (mga) wikang kinikilala ng iba na kanyang sinasalita;
  • Batay sa kakayahan: ang (mga) wikang pinakamabisang alam;
  • Batay sa gamit: ang (mga) wikang pinakamadalas gamitin.

Sa ilang bansa, gaya ng Kenya, Indiya, Biyelorusya, Ukranya, at ilang bansa sa Silangang Asya at Gitnang Asya, ang “inang wika” o “katutubong wika” ay tumutukoy sa wika ng isang pangkat etniko sa parehong karaniwang at pamamahayag na gamit (“Hindi ako humihingi ng paumanhin sa hindi pag-aaral ng aking sariling wika”), kaysa sa unang wikang natutunan ng isang tao. Sa Singapura, ang “inang wika” ay tumutukoy sa wika ng isang pangkat etniko, anuman ang antas ng kasanayan dito.[8]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Bloomfield, Leonard. Language ISBN 81-208-1196-8
  2. Davies, Alan (2003). The Native Speaker: Myth and Reality [Ang Katutubong Nagsasalita: Mito at Realidad] (sa wikang Ingles). Multilingual Matters. ISBN 1-85359-622-1. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Enero 2023. Nakuha noong 20 Hunyo 2015. [pahina kailangan]
  3. "Terri Hirst: The Importance of Maintaining a Childs First Language" [Terri Hirst: Ang Kahalagahan ng Pagpapanatili ng Unang Wika ng isang Bata]. bisnet.or.id (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Marso 2016. Nakuha noong 13 Hulyo 2010.
  4. Boroditsky, Lera (2001). "Does language shape thought?: Mandarin and English speakers' conceptions of time" [Humuhubog ba ang wika sa pag-iisip?: mga konsepto ng oras ng mga nagma-Mandarin at nagi-Ingles] (PDF). Cognitive Psychology (sa wikang Ingles). 43 (1): 1–22. doi:10.1006/cogp.2001.0748. PMID 11487292. S2CID 5838599. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 10 Mayo 2013. Nakuha noong 17 Setyembre 2013.
  5. "IRIS | Page 5: Language Acquisition" [IRIS | Pahina 5: Pagtatamo ng Wika]. iris.peabody.vanderbilt.edu (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Setyembre 2022. Nakuha noong 20 Setyembre 2022.
  6. 6.0 6.1 Love, Nigel; Ansaldo, Umberto (2010). "The native speaker and the mother tongue" [Ang katutubong nananalita at ang inang wika]. Language Sciences (sa wikang Ingles). 32 (6): 589–593. doi:10.1016/j.langsci.2010.09.003.
  7. Bandyopadhyay, Debaprasad. ""(M)Other Tongue Syndrome: From Breast To Bottle."" ["Sindrom ng (Ina/Iba)ng Wika: Mula sa Dibdib Hanggang Bote."]. academia.edu. Nakuha noong 2024-05-20.
  8. "Learning a Mother Tongue Language in primary school" [Pag-aaral ng Inang Wika sa elementarya]. www.moe.gov.sg (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-04-29.