Pumunta sa nilalaman

Pamayanan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Komunidad)

Ang katagang pamayanan o komunidad ay may dalawang magkaibang mga kahulugan. Ito ay maaaring isang pangkat ng nag-uugnayang mga tao, na nabubuhay na magkakalapit, na ang kalapitan ay ayon sa puwang, oras, o ugnayan. Ang pamayanan ay pangkaraniwang tumutukoy sa isang yunit na panlipunan o pakikipagkapwa na mas malaki kaysa sa isang tahanan, mag-anak, o pamamahay (kabahayan) na may pinasasaluhang karaniwang mga pagpapahalaga at may matibay na pagsasamahang panlipunan (kohesyong panlipunan). Ang kataga ay maaari ring tumukoy sa pambansang pamayanan o sa pandaigdigang pamayanan (pamayanang internasyunal). Ang pangalawang pangunahing kahulugan ng pamayanan ay ang pagiging isang pangkat ng mga organismo, maaaring ibang hayop na bukod pa sa tao, na may interaksiyon o ugnayan na namumuhay at nagsasalo ng isang kapaligirang may populasyon.

Sa mga pamayanang pantao, maaaring mayroong intensiyon (hangarin), paniniwala, likas na mga mapagkukunan, mga preperensiya (pagpili o paghihirang ng mga kagustuhan), mga pangangailangan, mga panganib o pakikipagsapalaran, at isang bilang pa ng ibang mga kondisyon o kalagayan, na pangkaraniwan at nakakaapekto sa katauhan ng mga nakikiisa o nakikilahok at ang antas ng kanilang kohesyon o pagsasamahan.

Magmula noong pagsilang o pagdating ng Internet, ang diwa ng pamayanan ay nabawasan ang pagkakaroon ng limitasyon o hangganang pangheograpiya, dahil sa ang mga tao ay birtwal na nakapagtitipon sa loob ng tinatawag na pamayanang "nasa linya" o online community sa Ingles, at may pinagsasaluhang pangkaraniwang mga hangarin kahit na saan man sila naroroon. Bago ang pagsapit ng Internet, ang mga pamayanang birtwal (katulad ng mga organisasyong panlipunan o akademiko) ay talagang mas limitado dahil sa mga kaampatan o kasalatan ng magagamit na mga teknolohiyang pangkomunikasyon at pangtransportasyon.

Ang salitang "komunidad", na nangangahulugang "pamayanan" ay mula sa wikang Kastila. Samantala, ang katumbas nito sa wikang Ingles na community ay nagbuhat sa Lumang Pranses na communité na hinango naman mula sa wikang Latin na communitas (cum, "may/magkasama" + munus, "alay/regalo/aginaldo"), isang malawak na kataga o katawagan para sa samahan o inayos na lipunan (organisadong kapisanan).[1]holding mine

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "community, n." OED Online. Hulyo 2009. Oxford University Press