Paniniwala
Paniniwalà ang subhetibong pag-uugali ukol sa pagtiwala sa pagiging totoo ng isang bagay o pananaw. Ito ang pananalig sa isang opinyon patungkol sa isang bagay, totoo man ito o hindi. Sa epistemolohiya, ginagamit ang katagang ito upang tumukoy sa mga pag-uugali sa mundo na maaaring totoo o hindi. Para masabing naniniwala ang isang tao sa isang bagay, itinuturing niya ito bilang totoo. Halimbawa, sinasabing naniniwala siya sa pagiging bilog ng Daigdig kung sumasang-ayon siya sa proposisyong "bilog ang mundo". Hindi nangangailangan ng pagkilatis upang maniwala sa isang bagay; halimbawa, konti lamang ang tao na pinag-iisipan talaga kung sisikat ba ang Araw bukas nang umaga, dahil karamihan sa mga tao ay naniniwala na sisikat ang Araw bukas nang umaga. Hindi rin nangangailangan ang isang paniniwala na maranasan ng isang tao; halimbawa, masasabi pa rin ng isang tao na hindi nakaranas kailanman ng niyebe na puti ang niyebe dahil alam niyang puti ang niyebe batay sa mga nakaranas nito.
Maraming mga pilosopo sa kasaysayan ang sumubok na ilarawan ang paniniwala, mula sa pagiging isang representasyon ng mga maaaring maging ang mundo ayon kay Jerry Fodor, pagtanggap sa mga bagay bilang totoo ayon kay Roderick Chisholm, isang paraan upang ipaliwanag ang mga gawain ng isang tao ayon naman kina Daniel Dennett at Donald Davidson, o bilang mga estado ng pag-iisip upang magawa ang isang bagay ayon naman kay Hilary Putnam. May mga ilan din na nagmumungkahi na malakihang baguhin ang ibig sabihin ng paniniwala, kabilang na ang pananaw na eliminatibismo, argumentong nagsasabi na walang katumbas sa kalikasan ang katutubong konsepto ng paniniwala ayon kay Paul Churchland, at mga pormal na epistemologo na gustong palitan ang pandalawahang pananaw sa paniniwala (kung naniniwala ka sa isang bagay o hindi) ng isang mas malayang sistema ng antas ng tiwala (maaaring medyo naniniwala ka sa isang bagay, hindi buong buo).
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maraming mga paglalarawan sa mga pangunahing katangian ng paniniwala ang iminungkahi, ngunit walang kasunduan ang nabuo kung alin dito ang tama. Tradisyonal na nangungunang pananaw ang representasyonalismo, ang pananaw na ang mga pag-uugali sa mga representasyon na karaniwang iniuugnay sa mga proposisyon ang mga pag-uugali sa isip na kumakatawan sa mga paniniwala. Ito ang bumubuo sa kaisipan ukol sa naturang pag-uugali. Salungat naman dito ang punsiyonalismo, na nagtuturing sa mga paniniwala bilang mga punsiyon o gampanin sa pag-uugali. Ayon naman sa disposisyonalismo, matutukoy ang mga paniniwala sa pag-uugali patungkol sa mga partikular na bagay. Madalas itong hinahanay sa ilalim ng punsiyonalismo dahil sa pagtuturing sa mga paniniwala bilang sanhi sa mga pag-uugali. Nakikilala naman sa modernong pilosopiya ang pananaw na interpretasyonismo, na nagsasabing nakakaapekto o nakadepende ang paniniwala sa isang bagay sa interpretasyon ng iba ukol rito.[1]
Representasyonalismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Inilalarawan sa representasyonalismo ang mga paniniwala bilang mga representasyon ng kaisipan. Karaniwan itong itinuturing bilang mga bagay na may mga semantikal na katangian tulad ng pagkakaroon nito ng nilalaman, pagtutukoy sa iba, o pagiging totoo o hindi.[1][2] Bumubuo ang mga paniniwala ng sarili nitong grupo ng mga representasyon sa kaisipan dahil hindi nito nangangailangan ng karanasan para kumatawan sa isang bagay, di kagaya ng persepsiyon o mga alaalang malakabanata.[3] Dahil dito, itinuturing ang mga paniniwala bilang mga pag-uugali sa mga proposisyon, na pawang walang karanasang kinakailangan. Bilang pag-uugali, malalarawan ang mga paniniwala batay sa nilalaman nito at modo.[3] Nilalalaman ng pag-uugaling pangkaisipan ang pag-uugaling itinuon sa isang bagay, habang nakadirekta naman ang mga proposisyonal na pag-uugali sa mga proposisyon.[2] Naitatangi ang mga paniniwala mula sa ibang mga proposisyonal na pag-uugali tulad ng pagnanais sa paraan kung paano ito idinidirekta sa proposisyon. Sinusubukan ng mga paniniwala na kumakatawan sa nangyayari sa mundo, hindi subukan baguhin ito kagaya ng sa pagnanais.[1][3] Halimbawa, kung naniniwala si Juan na magiging maaraw ngayon, may pag-uugaling pangkaisipan siya para sa proposisyong "Magiging maaraw ngayon" na magkukumpirma na tama ang proposisyong ito. Iba ito sa pagnanais ni Jose na maging maaraw ngayon, kahit na pareho sila ni Juan ng pag-uugali sa parehong proposisyon. Minsang inilalarawan ang mga paniniwala bilang nakapokus sa katotohanan.[4] Makikita ang pokus na ito sa tendensiya ng mga tao na magbago ng isip kapag may mga bagong patunay na nagpapatunay na mali ang isang paniniwala. Sa ganitong pananaw, maaaring magbago ng isip si Juan pagkarinig niya na magiging masama ang panahon, ngunit hindi ganito ang kaso ni Jose.[1]
Maraming mga paraan para matukoy kung paano nabubuo ang mga representasyong ito sa kaisipan. Isa sa mga ito ang hinuhang wika ng kaisipan, na nagsasabing parang wika ang estraktura ng mga representasyon sa kaisipan, na minsang tinatawag na mentalese sa wikang Ingles.[5] Kagaya ng mga regular na wika, nangangailangan ito ng mga simpleng elemento na pinagsasama-sama ayon sa mga tuntunin ng sintaksis para makabuo ng mas komplikadong mga elemento na gumaganap bilang mga mayhawak ng kahulugan. Sa pananaw na ito, masasabing nagtatabi ang kaisipan ng isang komplikadong elemento kapag may pinaniniwalaan ito. Hiwa-hiwalay bale ang mga paniniwala dahil pawang mga magkakaibang elemento ang mga ito sa isa't isa. Alternatibo sa ganitong pananaw ang tinatawag na mala-mapang pag-iisip, na gumagamit ng metaporikal na mapa para ilarawan ang kalikasan ng mga paniniwala. Ayon sa pananaw na ito, hindi dapat isinasakodigo ang mga paniniwala bilang mga nagkakaibang pangungusap kundi bilang mapa ng impormasyon. Halimbawa, ang pagiging malayo ng isang lugar mula sa iba ay maaaring maipahayag bilang pangungusap sa isang wika gayundin bilang relasyon ng distansiya ng mga lugar sa isa't isa sa kaisipan.[1]
Punsiyonalismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagkakaiba ang punsiyonalismo sa representasyonalismo sa pagturing nito sa mga paniniwala bilang mga punsiyon o gampanin na ginagawa ng mga ito.[6][7] Madalas itong isama sa ideya na puwedeng maipagtanto ang parehong paniniwala sa samu't saring paraan kaya hindi mahalaga kung paano ito napagtanto basta parehas itong gumanap bilang ang sanhi.[1][8] Kumbaga, kagamitan sa pag-inom pa rin ang baso kahit na gawa ito sa plastik o bakal. Ganito tinitingnan ng mga punsiyonalista ang mga paniniwala sa isipan.[6][7] Kabilang sa mga gampanin na mahalaga sa mga paniniwala ang relasyon ng mga ito sa persepsiyon at gawain: madalas na nagmumula ang mga paniniwala sa persepsiyon, at dahilan ng mga gawain ang mga paniniwala. Halimbawa, dahil nakita ng isang tao na nakapula na ang ilaw-trapiko kaya may nabuo ang paniniwala niyang nakapula na ang ilaw-trapiko, kaya hininto niya ang kanyang sasakyan. Ipinagpapalagay ng mga punsiyonalista na paniniwala ang resulta ng persepsiyon na nagpapabago sa pag-uugali.[1]
Iniuugnay minsan bilang isang partikular na anyo ng punsiyonalismo ang pananaw na disposisyonalismo.[1] Tinitingnan sa pananaw na ito ang mga paniniwala bilang mga dahilan ng pag-uugali o bilang mga disposisyon upang gumanap.[9][10] Halimbawa, iniuugnay ang pagkakaroon ng pagkain sa lamesa sa pagkumpirma sa iba na may pagkain sa lamesa kung tanungin at pumunta sa naturang lamesa para kumain kung nagugutom.[3] Bagamat napagkakasunduan ng mga pilosopo na hinuhulma ng mga paniniwala ang pag-uugali, pinagtatalunan sa kasalukuyan kung maaari bang bigyang-kahulugan ang mga paniniwala batay lamang sa gampanin nito upang maganap ang isang partikular na pag-uugali.[1][9]
Interpretasyonismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa pananaw na interpretasyonismo, nakadepende ang mga paniniwala ng isang entidad sa interpretasyon ng iba sa naturang entidad.[1][11] Ipinagpapalagay ng isa sa mga pangunahing pilosopo ng pananaw na ito na si Daniel Dennett na nilalapatan ng mga tao ang mga entidad ng kani-kanilang paniniwala para mahulaan ang pag-uugali nito. Malalarawan ang mga entidad na may simpleng pag-uugali gamit ang mga pisikal na batas o batay sa gampanin nito. Tinatawag ito ni Dennett bilang ang "pisikal na paninindigan" at "paninindigan sa disenyo". Naiiba ang mga ito sa tinatawag na intensiyonal na paninindigan, na nilalapat sa mga entidad na may mas komplikadong pag-uugali sa pamamagitan ng paglalapat sa mga ito ng mga paniniwala at pagnanais.[12][13] Halimbawa, maaaring mahulaan na susubukan mag-tres ng isang manlalaro ng basketbol sa mga huling sandali ng isang dikit na laro kung ilalapat ng ibang mga tao ang kanilang pagnanais na manalo ang koponan ng naturang manlalaro at ang paniniwala na ang galaw na ito ang magpapanalo sa kanila. Kumbaga, sumasang-ayon ang isang entidad sa isang paniniwala kung magagamit ang paniniwalang ito para mahulaan ang gagawin nito. Nakadepende sa interpretasyon ang pagkakaroon ng paniniwala dahil maaaring may iba pang kasinggandang paraan para sa mahulaan ang gagawin ng isang entidad.[1] Sa madaling salita, hindi lamang tres ang posibleng magpanalo sa naturang larong yon; maaaring subukan ng manlalaro na ipasa ang bola sa isang kakamping mas malapit sa basket para subukang tumira ng dos. Bukod sa pananaw ni Dennett, isa ring kilalang anyo ng pananaw na ito ang nagmula kay Donald Davidson,[11] na gumamit ng isang palaisipang eksperimento na radikal na interpretasyon, kung saan ang layunin ay bigyang-katuwiran ang pag-uugali at wika ng isang tao nang walang impormasyon patungkol sa wika nitong tao. Nasa mananalita ang pokus ng prosesong ito ng paglalapat ng paniniwala at pagnanais. Maaaring masabi na tunay ngang may ganitong paniniwala ang isang tao kung matagumpay na naipakita niya ito batay sa prinsipyo.[1]
Maaaring isama sa interpretasyonismo ang eliminatibismo at instrumentalismo. Ayon sa eliminatibismo, hindi totoo na may paniniwala. Sumasang-ayon sa pananaw na ito ang instrumentalismo, ngunit naniniwala pa rin ito sa kahalagahan ng paglalapat ng paniniwala.[1] Kumbaga, magagamit pa rin ang mga paniniwala upang mahulaan ang gagawin ng isang entidad kahit na hindi ito totoo. Ipinagpapalagay na magagamit ang interpretasyonismo sa realidad: na naniniwala talaga ang mga entidad sa mga paniniwalang ito kaya nagiging sanhi ito ng mga pag-uugali.[14] Gayunpaman, maaaring kailanganing tingnan ang interpretasyonismo bilang isang pamamaraan at hindi ontolohiya kung ganito nga ang kaso.[11]
Uri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maaaring igrupo ang mga paniniwala batay sa kanilang estadong ontolohikal, antas, o mga katangiang semantikal.
Pinag-iisipan at disposisyonal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Para masabing kasalukuyang pinag-iisipan ang isang paniniwala, kailangang aktibo itong nasa isip ng tao. Tinatawag itong occurrent belief sa wikang Ingles.[1] Halimbawa, ang paniniwalang nasa Albay ang bulkang Mayon ay masasabing nasa isip ng isang tao kung kasalukuyan niya itong pinag-iisipan, marahil bilang resulta ng pagbabasa niya patungkol sa mga bulkan sa Pilipinas o di kaya dahil nagpaplano siyang pumunta roon. Gayunpaman, hindi lahat ng mga paniniwala ng isang tao ay aktibong pinag-iisipan; karamihan sa mga ito ay pawang disposisyonal lamang o nasa "likuran" ng isip. Halimbawa, ang paniniwala na mas higit ang bilang na 23 kesa 22 ay disposisyonal para sa karamihan ng mga tao, liban siguro sa mga nagkukuwenta sa kasalukuyan na kasama ang bilang na yon.[1] Minsan iniuugnay ang dalawang uri na ito sa pagtatangi sa pagitan ng may malay na paniniwala sa mga walang malay na paniniwala.[15][16] Gayunpaman, ipinagpapalagay ng ilang mga pilosopo na hindi magkatugma ang dalawang klase ng pag-uuri na ito, dahil patuloy pa ring hinuhulma ng mga paniniwala ang gawain ng isang tao kahit na hindi aktibo niyang pinag-iisipan ang mga ito. Sa ganitong kaso, tinatawag itong walang malay na paniniwalang pinag-iisipan.[15] Sa pananaw na ito, tumutukoy ang pagiging "pinag-iisipan" rito sa pagiging aktibo nito sa isip, mapa-may malay man o wala.[16]
Hindi pareho ang disposisyonal na paniniwala sa disposisyon para maniwala. Halimbawa, iba ang paniniwalang umuulan ngayon dahil nakita mo mismo na umuulan sa paniniwalang umuulan nang walang kaakibat na karanasan. Masasabi dito na may disposisyon para maniwala ngunit walang tunay na paniniwalang disposisyonal.[10] Sa pananaw ng mga disposisyonalista, walang paniniwala na aktibong pinag-iisipan dahil lahat ng mga paniniwala ay pawang mga disposisyon lamang.[1]
Buo at bahagya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isa sa mga mahahalagang pagtatalo sa epistemolohiya ay pumapatungkol sa pagiging "buo" o "bahagya" ng isang paniniwala.[17] Masasabing buo ang paniniwala kung naniniwala o hindi naniniwala ang isang tao sa isang bagay. Karaniwang sapat na ito para maintindihan ang pang-araw-araw na paniniwala batay sa wika, kagaya halimbawa ng paniniwala nang buo sa pagiging mas malaki ng Daigdig kesa sa Buwan. Gayunpaman, hindi lahat ng paniniwala ay sigurado; halimbawa, mas sigurado ang isang tao na mas malaki ang Daigdig sa Buwan kesa sa pagiging mas malaki ng Daigdig sa Benus. Mas mailalarawan ang mga ganitong kaso sa pamamagitan ng pagbibigay ng antas ng paniniwala patungkol sa isang bagay, na tinatawag na kredensiya.[17][18] Mas mataas ang antas sa isang paniniwala, mas sigurado ang isang tao tungkol sa paniniwala na yon.[19] Karaniwang itong isinusulat sa pormal na wika bilang isang eskala mula 1 pababa sa 0, kung saan kumakatawan ang 1 sa isang buong paniniwala habang 0 ang buong kawalang-tiwala sa paniniwala. Sa paraang Bayesian, inilalarawan ang mga paniniwala batay sa subhetibong probabilidad:[20][21] halimbawa, kumakatawan ang antas na 0.9 sa paniniwalang "uulan bukas" sa 90% kasiguraduhan ng isang tao sa paniniwalang ito (sa kabaligtaran, 10% siyang hindi sigurado). Ginagamit sa pananaw na ito ang relasyong ito sa pagitan ng paniniwala at probabilidad para bigyang-katuturan ang rasyonalidad gamit ang mga batas ng probabilidad.[19] Kabilang dito ang mga batas na sinkroniko na nagdidikta sa kung anong dapat paniwalaan ng isang tao sa partikular na panahon na yon, at mga batas na diakroniko na nagdidikta naman sa papaano magbabago ng isip ang isang tao sa harap ng mga bagong patunay na tumataliwas sa kanyang kasalukuyang paniniwala.[18][19]
Sentro sa pagtatalo ukol sa mga buo at bahagyang paniniwala ang tanong na kung tunay nga bang magkahiwalay na uri ang mga ito sa isa't isa o kung kaya bang maipaliwanag ang isang uri gamit ang kabila.[17] Isa sa mga tugon para sa tanong na ito ang tinatawag na tesis na Locke na unang iprinesenta ni Richard Foley noong 1992.[22] Ayon kay Foley, pangunahin ang mga bahagyang paniniwala, at masasabing buo ang isang paniniwala kung lumagpas ito sa isang partikular na antas.[17][23][24] Halimbawa, ang halagang 0.9 pataas ay masasabing buong paniniwala. Sa kabilang banda, maaaring tingnan ang mga bahagyang paniniwala bilang mga buong paniniwala na may probabilidad na kasama.[17] Sa pananaw na ito, ang pagiging 0.9 ng paniniwalang "uulan bukas" ay katumbas ng buong paniniwala sa paniniwalang "90% sigurado na uulan bukas". Tinitingnan naman sa isang pananaw ang mga antas ng paniniwala bilang mga antas ng disposisyon para magbago ng isip ang isang tao patungkol sa isang paniniwala.[17] Sa pananaw na ito, parehong buo ang paniniwala na may antas na 0.6 at 0.9; nagkakaiba lamang ito sa posibilidad na magbago ng isip: mas mataas ang tiyansang magbabago ng isip ang antas na 0.6 kesa sa kabila.[17]
Paniniwala sa at paniniwala na
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tradisyonal na nakapokus ang mga pilosopo sa kanilang mga pagsisiyasat sa mga pananaw na paniniwala na (belief that).[25] Maaari itong ilarawan bilang isang proposisyonal na pag-uugali sa isang bagay na maaaring totoo o hindi. Samantala, madalas namang tumutukoy ang paniniwala sa (belief in) sa mga bagay na tungkol sa pagtiwala o pananampalataya sa pananaw na madalas itong tumutukoy sa mga pag-uugali ng mga persona.[25] Malaki ang gampanin ng paniniwala sa sa maraming mga tradisyong panrelihiyon kung saan isa sa mga pangunahing birtud nito sa mga tagasunod ay ang paniniwala sa Diyos.[26] Madalas na maliit ang pagkakaiba ng paniniwala sa at paniniwala na dahil madalas na maisasalin ang mga pahayag na paniniwala sa gamit rin ang paniniwala na.[27] Halimbawa, maaaring sabihin ang pahayag na "paniniwala sa multo" sa pahayag na "paniniwala na may multo".[26] Sa ganitong kaso, ginagamit ang paniniwala sa sa mga entidad na hindi totoo, o hindi mapatunayan ang katotohanan. Gayunpaman, hindi lahat ng mga paggamit sa paniniwala sa ay pumapatungkol sa pagkakaroon ng isang bagay, maaari din itong gamitin bilang papuri sa isang bagay.[25][28] Maaari rin itong gamitin sa mga paniniwala na, halimbawa, ang paniniwala na may kasal ay masasalin bilang paniniwala sa pagiging mabuti ng kasal.[26] Ginagamit ang paniniwala sa sa ganitong pananaw pagdating sa pagpapahayag ng tiwala sa sarili o pagtiwala sa kanyang abilidad.
Ginagamit ng mga manananggol ng paniniwala sa ang argumentong ito para ikatuwiran na masusuri ang katagang paniniwala sa Diyos sa kaparehong paraan, na ang paniniwala sa pagkakaroon ng Diyos na may mga katangiang kagaya ng omnipotensiya at omnisiyensiya. Sa kabilang banda, bagamat maaaring maisalin ang mga paniniwala na bilang mga paniniwala sa, ipinagpapalagay ng ilang pilosopo na may mga bagay na paniniwala na na hindi maisasalin bilang paniniwala sa.[27] Halimbawa, ang paniniwala na may mithiin ay maaaring magkaroon ng paniniwala sa kabutihan ng mithiin na ito, ngunit may dagdag itong positibong pag-uugali para makamit ang mithiin na ito na lagpas sa pagiging isang hamak na proposisyonal na pag-uugali na lamang.[26] Kung gagamitin ang pananaw na ito sa paniniwala sa Diyos, maaaring tingnan ito ng mga kontra sa reduktibong pagtingin ang paniniwala sa Diyos bilang isang kinakailangang kondisyon para sa paniniwala na may Diyos, ngunit hindi ito sapat.[26][27]
De dicto at de re
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pumapatungkol ang pagkakaiba ng mga katagang de dicto ("kung ano ang sinabi") at de re ("tungkol sa sinabi") sa mga katangiang semantikal ng mga paniniwala na nilalapat ng mga katagang kagaya ng mga pangalan o pantukoy.[1][29] Sa mga karaniwang konteksto, hindi nagbabago ang halaga ng katotohanan ng isang pangungusap kapag pinalitan ang mga kaugnay na kataga. Halimbawa, dahil parehas lang naman na tumutukoy sa iisang tao ang mga pangalang "Superman" at "Clark Kent", puwedeng palitan ang mga katagang ito ng isa't isa sa isang pangungusap; puwedeng maging "malakas si Superman" ang pangungusap na "malakas si Clark Kent" nang hindi nagbabago ang katotohanan o paniniwala ng iba. Gayunpaman, mas komplikado ang kaso sa paglalapat ng mga paniniwala; naniniwala si Lois Lane na malakas si Superman pero hindi si Clark Kent.[30] Masasabi na ang paniniwalang ito ni Lane ay de dicto dahil sa pananaw niya, hindi iisa sina Superman at Clark Kent kaya hindi posible na porket malakas si Superman ay malakas rin si Clark Kent. Sa kabilang banda, sa pananaw na de re, parehong naniniwala si Lane sa pagiging malakas ng dalawa dahil iisang tao lamang sila.[29][30] Tinatawag ang mga kontekstong de dicto bilang mga kontekstong malabo ang tinutukoy habang malinaw ang tinutukoy naman sa mga kontekstong de re.[30]
Paniniwalang pangmasa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tinatawag na mga paniniwalang pangmasa ang mga paniniwala na kolektibong pinaniniwalaan ng masa.[31] Ayon sa sosyologong si Émile Durkheim, kagaya ng mga panlipunang katotohanan, pawang mga paniniwala ng mga panlipunang grupo ang mga paniniwalang ito di tulad ng mga pansariling paniniwala, bagamat ang pananaw na ito ay "medyo di-sikat" ayon kay Jonathan Dancy.[31] Nagpresenta naman si Margaret Gilbert ng kahalintulad na pananaw ukol sa dami ng mga taong sumasang-ayon bilang isang indibiduwal na tumatanggap ng isang paniniwala. Ayon kay Gilbert, hindi kailangan ng isang tao na personal na maniwala sa isang bagay upang maniwala sa paniniwala ng kanyang grupo.[32] Maaaring gumanap ang mga paniniwalang pangmasa bilang paraan ng pagkontrol sa lipunan,[33] kagaya ng pagtukoy sa mga taong gumagawa heresiya o tumataliwas sa inaasahan ng lipunan.[34][35]
Teorya ng ordinaryo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tinatawag na mga teorya ng ordinaryo (lay theory) ang mga impormal na teoryang tungkol sa mga bagay na inaasahang alam na ng mga tao. Madalas na ipinapaliwanag ito gamit ang pansariling karanasan o sentido komun na maaaring hindi tumugma sa mga empirikal na patunay, di tulad ng mga pormal na maagham na teorya. Mahalaga ang mga ito dahil kaya nitong maimpluwensiyahan ang mga paniniwala at pananaw ng mga tao sa mundo, gayundin sa mga desisyon at pag-uugali.[36][37] Ilan sa mga halimbawa nito ang pananalig sa tadhana at sa konsepto ng "bahala na".
Nilalaman
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bilang mga representasyon sa kaisipan, may mga nilalaman ang mga paniniwala. Kung ano ang nilalaman ng mga ito ay sentro ng mga pagtatalo sa pilosopiya. Ayon sa pananaw na holismo at molekularismo, nakadepende sa mga paniniwala ng iba ukol sa parehong paksa ang nilalaman ng paniniwala ng isang indibiduwal, na salungat ito sa pananaw na atomismo. Mahalaga rin ang katanungan ng pagdedepende o determinasyon sa pagtatalo ng internalismo at eksternalismo. Ayon sa internalismo, pawang nasa loob lamang ng isang indibiduwal ang nilalaman ng mga paniniwala nito. Sa kabilang banda, dinidiin naman ng eksternalismo ang gampanin ng pumapaligid sa isang indibiduwal sa magiging nilalaman ng mga paniniwala nito.
Atomismo, molekularismo, at holismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sentro sa pagtatalo sa mga pananaw na atomismo, molekularismo, at holismo ang tanong kung paano dumedepende ang nilalaman ng mga paniniwala ng isang tao sa mga paniniwala ng iba ukol sa isang paksa.[38] Ayon sa atomismo, walang ganitong relasyon ang mga paniniwala sa isa't isa. Sa molekularismo, may mga iilang paniniwala lamang na may ganitong pagdedepende. Maaari namang magkaroon ng pagdedepende ang kahit anong pares ng paniniwala ayon naman sa holismo.[1][2][38] Halimbawa, parehong naniniwala ang dalawang tao sa pagiging planeta ng Hupiter. Ayon sa atomismo, pareho silang sumasang-ayon sa iisang paniniwala. Gayunpaman, kung naniniwala ang isa na planeta rin ang Pluto habang kumokontra naman ang isa tungkol rito, masasabing magkaiba sila ng konsepto ng planeta. Ibig sabihin, iba ang pananaw nila sa pagiging planeta ng Hupiter kahit na pareho silang sumasang-ayon sa pagiging planeta nito. Ganito ang pangagatuwiran ng molekularismo at holismo, dahil nakadepende ang nilalaman ng paniniwala sa Hupiter sa paniniwala sa Pluto.[1][38]
Isa sa mga mahalagang motibasyon para sa posisyon na ito ay ang holismong kumpirmasyonal ni W. V. O. Quine. Ayon dito, dahil sa pagiging konektado ng mga paniniwala, hindi makukumpirma ang mga pansariling hinuha dahil tanging magaganap lamang ang kumpirmasyon sa isang teorya sa pangkalahatan.[39] Isa ring motibasyon ang kalikasan ng pagtuto: karaniwang mahirap matutunan ang isang konsepto kung hindi nauunawaan muna ang mga kaugnay na konsepto. Isang problema para sa holismo ang pagiging bihira o hayagang kawalan ng tunay na pagtatalo dahil sa pagkakaugnay-ugnay ng mga paniniwala sa isa't isa.[38]
Internalismo at eksternalismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakatuon ang pagtatalo sa pagitan ng internalismo at eksternalismo sa tanong kung ang nilalaman ba ng mga paniniwala ay tanging madedetermina lamang ng isip ng isang tao o kung nakakaapekto din ba ang mga pangyayari sa paligid.[40][41] Ayon sa internalismo, hindi dumedepende sa paligid ang nilalaman ng mga paniniwala. Pawang pareho ang mga paniniwala ng isang tao at ang eksaktong kopya niya. Kumokontra naman sa pananaw na ito ang mga pilosopo ng eksternalismo kagaya ni Hilary Putnam gamit ang eksperimentong palaisipan na kambal na Daigdig. Ayon dito, kung may kopya ang Daigdig sa ibang bahagi ng sansinukob na parehas na parehas sa lahat ng aspeto ng Daigdig ngunit nagkakaiba lamang sa komposisyon ng tubig kahit na umaakto ito bilang kagaya ng tubig sa Daigdig, maiintindihan ng mga mambabasa ang katagang "basa ang tubig" bilang ang tubig mula sa Daigdig habang maiisip naman ng kahalintulad na mambabasa sa kambal na Daigdig ang parehong kataga bilang ang kanilang bersiyon ng tubig.[40][41] Ganito ang kaso kahit na pawang parehas lamang ang dalawa sa lahat ng aspeto; ibig sabihin, nakakaapekto ang paligid sa paniniwala dahil iba ang pananaw ng dalawa sa kung ano ang tubig. Gayunpaman, may problema ang pananaw na ito: walang ginawang iba ang alinman sa dalawa kahit na may ganitong pagkakaiba; kumbaga, parehong pumasok sa isip nila ang tubig at umakto ayon sa kanilang paniniwala sa tubig. Tinitingnan dito kung may tunay nga bang pagkakaiba sa nilalaman ng mga paniniwala na kailangan munang ipaliwanag.[40][41]
Epistemolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isa sa mga pokus ng epistemolohiya ang pagtukoy sa hangganan ng isang makatuwirang paniniwala at opinyon. Pangunahing problema sa larangan ang paghahanap sa mga kinakailangan upang magkaroon ng kaalaman. Isa sa mga pangunahing pananaw ang tinatawag na makatuwirang totoong paniniwala (justified true belief, JTB) , na nagsasabi na may tatlong sangkap ang kaalaman: katuwiran, katotohanan, at paniniwala. Gayunpaman, simula noong inilatag ni Edmund Gettier ang mga problema ukol dito noong 1963, na tinatawag na ngayon bilang mga problemang Gettier, kinukuwestiyon na ng mga pilosopo ang naturang pananaw na ito bagamat meron pa rin itong mga tagasuporta na naglalayon lutasin ang problema.[42][43]
Bagamat unang sumikat noong Panahon ng Kaliwanagan sa Europa, maituturo ang pinagmulan ng makatuwirang totoong paniniwala kay Platon sa kanyang Theaetetus at Meno, bagamat kontra siya dito.[44][45] Ayon dito, kinakailangan ng isang tao ng isang katuwiran kung bakit siya naniniwalang totoo ang isang bagay. Sa pormal na pananalita, masasabi lamang ng ahente na totoo ang kung at tangi kung:[46]
- totoo ang ,
- naniniwala si na totoo ang , at
- may katuwiran si para paniwalaan na totoo ang
Ito ang nangungunang teorya ng kaalaman hanggang noong 1963 sa pag-usbong ng mga problemang Gettier na inihayag ni Edmund Gettier sa isang papel na nilathala niya noong taon na yon. Ipinapakita ng mga problemang Gettier ang ilang mga sitwasyon kung saan tila sumasalungat ito sa ideya ng makatuwirang totoong paniniwala.[47] Halimbawa, nakita ni Ana ang isang orasan na nagsasabing alas-dos na ng hapon, at totoo ngang alas-dos na ng hapon. Gayunpaman, lingid sa kaalaman niya, sira ang orasan, at nagkataon lang na tumugma ang oras nito sa tunay na oras ngayon. Sa madaling salita, aksidente lang siyang nagkaroon ng makatuwirang totoong paniniwala dahil nagkataon lang na tama ito (sa ibang mga sitwasyon kumbaga, mali ang ipinapakitang oras ng orasan).[48] May mga iminumungkahing solusyon sa problemang ito: ayon kay Robert Nozick, dapat may paglilinaw sa naturang katuwiran na kung mali ang katuwiran ay mali agad ang kaalaman.[49] Gayunpaman, walang epistemologo mula noong inilatag ni Gettier ang mga problemang ito na seryosong nadepensahan ang tradisyonal na pananaw.[50] Sa kabilang banda, tinitingnan naman ang makatuwirang totoong paniniwala bilang ang pamantayang kahulugan ng kaalaman pa rin ayon kay Paul Boghossian noong 2006.[51]
Relihiyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Relihiyon ang personal o institusyonal na sistema ng mga pag-uugali, paniniwala, at gawain na nakatuon sa pagsamba sa isang diyos o grupo ng mga diyos. Iba ang paniniwalang panrelihiyon, o pananampalataya, mula sa mga gawaing panrelihiyon o pag-uugaling panrelihiyon, dahil maaaring magsagawa ang isang tao ng mga gawaing panrelihiyon nang hindi naniniwala sa mga turo ng naturang relihiyon nito, at kabaligtaran.[52] Kumpara sa ibang mga sistema ng paniniwala, madalas itong nakakodigo.[53]
Pundamentalismo, ortodoksiya, at modernismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Madalas na tinitingnan ang mga relihiyon bilang mga paniniwala o kredo na natatangi sa isa't isa na sinusunod ng mga tagasunod nito. Gayunpaman, hindi lahat ng mga tagasunod ng mga relihiyon ang tunay na naniniwala o sumusunod sa opisyal na doktrina at madalas na may mga paniniwalang iba o taliwas sa kanilang relihiyon.[54]
Pundamentalismo ang tawag sa anyo ng isang relihiyon na maituturing na konserbatibo. May mahigpit itong pagsunod sa isang anyo ng interpretasyon sa kanilang banal na kasulatan na kinokonsidera nilang "tama" at kumokontra sa mga bago o alternatibong interpretasyon nito.[55] Sa kabilang banda naman, ortodoksiya ang tawag sa anyo ng relihiyon na sumusunod sa opisyal na otoridad ng relihiyon. Madalas itong ginagamit sa Kristiyanismo, kung saan parehong pinoposisyon ng Silanganing Kristiyanismo at ng Simbahang Katolika bilang ang ortodoksiya ng Kristiyanismo. Kabaligtaran nito ang heterodoksiya.
Samantala, modernismo o reporma ang tawag sa anyo ng relihiyon na naglalayong gamitin ang mga ideya ng Kaliwanagan tulad ng rasyonalismo, kalayaan, at pagkakapantay-pantay at pagpaparaya sa ibang mga relihiyon. Ilan sa mga halimbawa nito ang Repormadong Judaismo at Liberal na Kristiyanismo.
Inklusibismo at ekslusibismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nahahati sa dalawa ang mga relihiyon depende sa posisyon nila sa ibang mga doktrina o paniniwala na sumasalungat sa kanila. Una ang inklusibismo, na nagsasabi na may bahid ng katotohanan ang ibang mga relihiyon. Madalas itong iniuugnay sa mga dayalogong panrelihiyon o sa ekumenismo ng Kristiyanismo, bagamat hindi ito ganap na halimbawa ng inklusibismo. Isang halimbawa ng relihiyon na may tunay na inklusibismo sa kanilang doktrina ang Pananampalatayang Baha'i, kung saan nakasaad sa kanilang doktrina na may katotohanan ang lahat ng mga relihiyon.[56] Kaugnay sa inklusibismo ang mga ideya ng pluralismo at sinkretismo. [57] Naniniwala ang mga pluralista sa kawalan ng pagkakaiba ng mga relihiyon, habang sinkretismo naman ang tawag sa paghahalo ng mga paniniwala ng mga relihiyon ayon sa personal na karanasan ng isang tao, kagaya ng mga anting-anting.[58] Samantala, ekslusibismo ang tawag sa pananaw na may mali o hayagang mali ang ibang mga relihiyon. Madalas ganito ang mga bagong kilusang panrelihiyon na karaniwang nagsasabi ng isang natatanging rebelasyon sa kanilang mga pinuno at itinuturing ang kanilang relihiyon bilang ang natatanging "tama".[59] Gayunpaman, pawang makikita sa mga banal na kasulatan ng lahat ng mga pangunahing relihiyong Abrahamiko ang mga pahayag na nagpapatunay sa pagiging tama ng kani-kanilang relihiyon mula sa iba.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 Schwitzgebel, Eric (2019). "Belief" [Paniniwala]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Nobyembre 2019.
- 1 2 3 Pitt, David (2020). "Mental Representation" [Representasyon ng Kaisipan]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Agosto 2019.
- 1 2 3 4 Borchert, Donald (2006). "Belief" [Paniniwala]. Macmillan Encyclopedia of Philosophy [Ensiklopedya ng Pilosopiya ng Macmillan] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Macmillan. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Enero 2021.
- ↑ Fassio, Davide. "Aim of Belief" [Hangarin ng Paniniwala]. Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Pebrero 2021.
- ↑ Katz, Matthew. "Language of Thought Hypothesis" [Hinuhang WIka ng Kaisipan]. Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 28 Pebrero 2021.
- 1 2 Levin, Janet (2018). "Functionalism" [Punsiyonalismo]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Abril 2021.
- 1 2 Polger, Thomas W. "Functionalism" [Punsiyonalismo]. Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Mayo 2019.
- ↑ Bickle, John (2020). "Multiple Realizability" [Iba-ibang Pagtanto]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Marso 2021.
- 1 2 Quilty-Dunn, Jake; Mandelbaum, Eric (1 Setyembre 2018). "Against dispositionalism: belief in cognitive science" [Kontra disposisyonalismo: paniniwala sa agham pangkaisipan]. Philosophical Studies (sa wikang Ingles). 175 (9): 2353–2372. doi:10.1007/s11098-017-0962-x. ISSN 1573-0883.
- 1 2 Audi, Robert (1999). "Belief". The Cambridge Dictionary of Philosophy. Cambridge University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Abril 2021. Nakuha noong 2 Abril 2021.
- 1 2 3 Child, William (1994). "Interpretationism" [Interpretasyonalismo]. Causality, Interpretation, and the Mind [Kasanhian, Interpretasyon, at ang Isip] (sa wikang Ingles). Oxford, UK: Oxford University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Mayo 2016.
- ↑ Dennett, Daniel (1989). The Intentional Stance [Ang Intensiyonal na Paninindigan] (sa wikang Ingles). The MIT Press. ISBN 978-0-262-04093-8. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Abril 2021.
- ↑ Dennett, Daniel C. (1988). "Précis of The Intentional Stance" [Presi ng "Ang Intensiyonal na Paninindigan"]. Behavioral and Brain Sciences (sa wikang Ingles). 11 (3): 495–505. CiteSeerX 10.1.1.1026.2283. doi:10.1017/S0140525X00058611. S2CID 145750868.
- ↑ Child, William (1994). "Causalism and Interpretationism: The Problem of Compatibility" [Kosalismo at Interpretasyonalismo: Ang Problema ng Kompatibilidad]. Causality, Interpretation, and the Mind [Kasanhian, Interpretasyon, at ang Isip] (sa wikang Ingles). Oxford, UK: Oxford University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Mayo 2016.
- 1 2 Bartlett, Gary (2018). "Occurrent States" [Mga Estadong Pinag-iisipan]. Canadian Journal of Philosophy (sa wikang Ingles). 48 (1): 1–17. doi:10.1080/00455091.2017.1323531. S2CID 220316213. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Mayo 2021.
- 1 2 Frise, Matthew (2018). "Eliminating the Problem of Stored Beliefs" [Pagbubura sa problema ng mga nakatabing paniniwala]. American Philosophical Quarterly (sa wikang Ingles). 55 (1): 63–79. doi:10.2307/45128599. JSTOR 45128599. S2CID 149057271. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Hunyo 2021.
- 1 2 3 4 5 6 7 Genin, Konstantin; Huber, Franz (2021). "Formal Representations of Belief" [Mga Pormal na Representasyon sa Paniniwala]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Abril 2021.
- 1 2 Olsson, Erik J. (2018). "Bayesian Epistemology" [Epistemolohiyang Bayesian]. Introduction to Formal Philosophy [Panimula sa Pormal na Pilosopiya] (sa wikang Ingles). Springer. pp. 431–442. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Mayo 2021.
- 1 2 3 Hartmann, Stephan; Sprenger, Jan (2010). "Bayesian Epistemology" [Epistemolohiyang Bayesian]. The Routledge Companion to Epistemology [Ang Katulong sa Epistemolohiya ng Routledge] (sa wikang Ingles). London: Routledge. pp. 609–620. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Mayo 2021.
- ↑ Hájek, Alan (2019). "Interpretations of Probability: The Subjective Interpretation" [Mga Interpretasyon ng Probabilidad: Ang Subhetibong Interpretasyon]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Pebrero 2021.
- ↑ Pettigrew, Richard (2018). "Précis of Accuracy and the Laws of Credence" [Presi ng Katumpakan at ang mga Batas ng Kredensiya]. Philosophy and Phenomenological Research (sa wikang Ingles). 96 (3): 749–754. doi:10.1111/phpr.12501. hdl:1983/d9f3e1c4-1bc9-4e04-b74c-dba4eb795393. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Hunyo 2021.
- ↑ Hawthorne, James (2009). "The Lockean Thesis and the Logic of Belief" [Ang Tesis na Locke at ang Lohika ng Paniniwala]. Mula sa Huber, Franz; Schmidt-Petri, Christopher (mga pat.). Degrees of belief [Antas ng paniniwala] (sa wikang Ingles). London: Springer. ISBN 9781402091971.
- ↑ Dorst, Kevin (2019). "Lockeans Maximize Expected Accuracy" [Minamaksima ng mga Maka-Locke ang Inaasahang Katumpakan]. Mind (sa wikang Ingles). 128 (509): 175–211. doi:10.1093/mind/fzx028. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Oktubre 2020.
- ↑ Locke, Dustin Troy (2014). "The Decision-Theoretic Lockean Thesis" [Ang Desisyon-Teoretikong Tesis na Locke]. Inquiry: An Interdisciplinary Journal of Philosophy (sa wikang Ingles). 57 (1): 28–54. doi:10.1080/0020174x.2013.858421. S2CID 85521556. Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Hulyo 2016.
- 1 2 3 Price, H. H. (1965). "Belief 'In' and Belief 'That'" [Paniniwala Sa at Paniniwala Na]. Religious Studies (sa wikang Ingles). 1 (1): 5–27. doi:10.1017/S0034412500002304. S2CID 170731716. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Hunyo 2021.
- 1 2 3 4 5 Williams, John N. (1992). "Belief-in and Belief in God" [Paniniwala Sa at Paniniwala sa Diyos]. Religious Studies (sa wikang Ingles). 28 (3): 401–406. doi:10.1017/s0034412500021740. S2CID 170864816. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Mayo 2021.
- 1 2 3 Macintosh, J. J. (1994). "Belief-in Revisited: A Reply to Williams" [Pagbisita Muli sa Paniniwala Sa: Tugon kay Williams]. Religious Studies (sa wikang Ingles). 30 (4): 487–503. doi:10.1017/S0034412500023131. S2CID 170786861. Inarkibo mula sa orihinal noong 29 Setyembre 2020.
- ↑ Macintosh, Jack (2005). "Belief-in" [Paniniwala Sa]. The Oxford Companion to Philosophy [Ang Katulong ng Oxford sa Pilosopiya] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong 29 Enero 2021.
- 1 2 Broackes, Justin (1986). "Belief de Re and de Dicto" [Paniniwalang de dicto at de re]. Philosophical Quarterly (sa wikang Ingles). 36 (144): 374–383. doi:10.2307/2220191. JSTOR 2220191. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Nobyembre 2016.
- 1 2 3 Nelson, Michael. "Propositional Attitude Reports: The De Re/De Dicto Distinction" [Mga Ulat sa Pag-uugaling Proposisyonal: Ang Pagkakaibang De Re / De Dicto]. Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Abril 2021.
- 1 2 Dancy, Jonathan (2014). A Companion to Epistemology [Katulong sa Epistemolohiya]. Just the Facts101 (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Content Technologies Inc. ISBN 978-1-4784-0002-8.
- ↑ Gilbert, Margaret (1987). "Modelling collective belief" [Pagmomodelo sa paniniwalang pangmasa]. Synthese (sa wikang Ingles). 73 (1): 185–204. doi:10.1007/bf00485446. ISSN 0039-7857. S2CID 46976878.
- ↑ Innes, Martin (16 Disyembre 2003). "A history of the idea of social control" [Kasaysayan ng ideya ng pagkontrol sa lipunan]. Understanding Social Control: Deviance, crime and social order [Pag-unawa sa Pagkontrol sa Lipunan: Pagtaliwas, krimen, at kaayusang panlipunan]. UK Higher Education OUP Humanities & Social Sciences Criminology (sa wikang Ingles). Maidenhead, Reyno Unido: McGraw-Hill Education (UK). p. 22. ISBN 978-0-335-22588-0.
- ↑ Sandkühler, Hans Jörg (23 Disyembre 2011). "Critique of Representation: Cultures of Knowledge - Humanly Speaking" [Kritik sa Representasyon: Mga Kultura ng Kaalaman - sa Makataong Pananaw]. Mula sa Abel, Günter; Conant, James (mga pat.). Rethinking Epistemology [Pag-iisip Muli sa Epistemolohiya]. Berlin Studies in Knowledge Research (sa wikang Ingles). Bol. 1. Berlin: Walter de Gruyter. p. 185. ISBN 978-3-11-025357-3.
- ↑ Visano, L. A. (1998). Crime and Culture: Refining the Traditions [Krimen at Kultura: Paghuhulma sa mga Tradisyon] (sa wikang Ingles). Toronto: Canadian Scholars Press. p. 51. ISBN 978-1-55130-127-3.
- ↑ Furnham, Adrian (1988). Lay Theories [Mga Teorya ng Ordinaryo]. International Series in Experimental Social Psychology (sa wikang Ingles). Bol. 15. Elsevier. doi:10.1016/c2009-0-14697-4. ISBN 978-0-08-032694-8.
{{cite book}}: CS1 maint: date and year (link) - ↑ Zedelius, Claire M.; Müller, Barbara C. N.; Schooler, Jonathan W., mga pat. (2017). The Science of Lay Theories [Ang Agham ng mga Teorya ng Ordinaryo] (sa wikang Ingles). doi:10.1007/978-3-319-57306-9. ISBN 978-3-319-57305-2.
- 1 2 3 4 Block, Ned (1996). "Holism, Mental and Semantic" [Holismo, Mental at Semantikal]. Routledge Encyclopedia of Philosophy [Ensiklopedya ng Pilosopiya ng Routledge] (sa wikang Ingles). Routledge. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Agosto 2016.
- ↑ Wagner, Steven J. (1986). "Quine's Holism" [Holismo ni Quine]. Analysis (sa wikang Ingles). 46 (1): 1–6. doi:10.2307/3328733. ISSN 0003-2638. JSTOR 3328733.
- 1 2 3 Rowlands, Mark; Lau, Joe; Deutsch, Max (2020). "Externalism About the Mind" [Eksternalismo tungkol sa Isip]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Abril 2021.
- 1 2 3 Smith, Basil. "Internalism and Externalism in the Philosophy of Mind and Language" [Internalismo at Eksternalismo sa Pilosopiya ng Isip at Wika]. Internet Encyclopedia of Philosophy. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Mayo 2021.
- ↑ Klein, Peter D. (1998). "Knowledge, concept of" [Kaalaman, konsepto ng]. Mula sa Craig, Edward (pat.). Routledge Encyclopedia of Philosophy [Ensiklopedya ng Pilosopiya ng Routledge] (sa wikang Ingles). London; New York: Routledge. doi:10.4324/9780415249126-P031-1. ISBN 9780415250696. OCLC 38096851.
- ↑ Zagzebski, Linda (1999). "What Is Knowledge?" [Ano ang Kaalaman?]. Mula sa Greco, John; Sosa, Ernest (mga pat.). The Blackwell Guide to Epistemology [Gabay ng Blackwell sa Epistemolohiya] (sa wikang Ingles). Malden, Estados Unidos: Blackwell. pp. 92–116. doi:10.1002/9781405164863.ch3. ISBN 9780631202905. OCLC 39269507. S2CID 158886670.
- ↑ Parikh, Rohit; Renero, Adriana (2017). "Justified True Belief: Plato, Gettier, and Turing" [Makatuwirang Totoong Paniniwala: Platon, Gettier, at Turing]. Philosophical Explorations of the Legacy of Alan Turing: Turing 100 [Mga Pilosopikal na Paglalakbay sa Legasiya ni Alan Turing: Turing 100] (sa wikang Ingles). Springer International Publishing. pp. 93–102. doi:10.1007/978-3-319-53280-6_4. ISBN 978-3-319-53280-6.
- ↑ Chappell, Sophie-Grace (2019). "Plato on Knowledge in the Theaetetus" [Si Platon ukol sa Kaalaman sa Theaetetus]. Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University.
- ↑ Ichikawa, Jonathan Jenkins; Steup, Matthias (2018). "The Analysis of Knowledge" [Ang Pagsusuri sa Kaalaman]. Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Metaphysics Research Lab, Stanford University.
- ↑ Chisholm, Roderick (1982). "Knowledge as Justified True Belief" [Kaalaman bilang Makatuwirang Totoong Paniniwala]. The Foundations of Knowing [Ang mga Haligi ng Pag-alam] (sa wikang Ingles). Minneapolis, Estados Unidos: University of Minnesota Press. ISBN 978-0-8166-1103-4.
- ↑ Scheffler, Israel (1965). Conditions of Knowledge: An Introduction to Epistemology and Education [Mga Kondisyon ng Kaalaman: Panimula sa Epistemolohiya at Edukasyon] (sa wikang Ingles). Chicago: Scott, Foresman. ISBN 978-0-226-73668-6.
- ↑ Nozick, Robert (1981). Philosophical explanations [Mga paliwanag sa pilosopiya] (sa wikang Ingles). Cambridge, Estados Unidos: Harvard University Press. ISBN 0-674-66448-5. OCLC 7283862.
- ↑ Bernecker, Sven; Dretske, Fred (2000). Knowledge. Readings in contemporary epistemology [Kaalaman, Mga Babasahin sa kontemporaryong epistemolohiya] (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. p. 3. ISBN 978-0-19-875261-5.
- ↑ Boghossian, Paul (11 Oktubre 2007) [2006], "The Social Construction of Knowledge" [Ang Panlipunang Konstruksiyon ng Kaalaman], Fear of Knowledge: Against relativism and constructivism [Takot sa Kaalaman: Kontra sa relatibismo at konstruktibismo] (sa wikang Ingles), Oxford, UK: Clarendon Press, p. 15, ISBN 978-0-19-923041-9
- ↑ Iii, Thomas J. Coleman; Jong, Jonathan; Mulukom, Valerie van (31 Agosto 2018). "Introduction to the Special Issue: What are Religious Beliefs?" [Panimula sa Espesyal na Isyu: Ano-ano ang mga Paniniwalang Panrelihiyon?]. Contemporary Pragmatism (sa wikang Ingles). 15 (3): 279–283. doi:10.1163/18758185-01503001. ISSN 1572-3429. S2CID 171838557.
- ↑ Wittgenstein, Ludwig (2007). Lectures and Conversations on Aesthetics, Psychology and Religious Belief [Mga Turo at Usapan sa Estetika, Sikolohiya, at Paniniwalang Panrelihiyon] (sa wikang Ingles). University of California Press. p. 53. ISBN 978-0-520-25181-6.
- ↑ Braithwaite, R.B. (1975). An empiricist's view of the nature of religious belief [Pananaw ng isang empirisista sa kalikasan ng paniniwalang panrelihiyon] (sa wikang Ingles). Norwood, Estados Unidos: Norwood Editions. ISBN 978-0-88305-955-5.
- ↑ Bruce, Steve (2008). Fundamentalism [Pundamentalismo] (sa wikang Ingles). Polity. ISBN 978-0-7456-4075-4. OCLC 1001942770.
- ↑ "Baha'i Faith" [Pananampalatayang Baha'i]. www.britannica.com (sa wikang Ingles). 28 Mayo 2026. Nakuha noong 16 Hulyo 2026.
- ↑ Marbaniang, Domenic (Enero 2007). "Theology of Religion: Pluralism, Inclusivism, Exclusivism". ResearchGate. Bangalore, India: ACTS Academy of Higher Education. Nakuha noong 5 Agosto 2022.
- ↑ Jacinto Rosales, Renniel Jayson (Enero 2013). "The Filipino Idea of the 'Sacred' in the Context of Personalism as Man Prepares to his End" [Ang Pilipinong Ideya ng 'Sagrado' sa Konteksto ng Personalismo Habang Naghahanda ang Tao sa Kanyang Katapusan]. SSRN Electronic Journal (sa wikang Ingles). doi:10.2139/ssrn.3691542 – sa pamamagitan ni/ng ResearchGate.
- ↑ Wilson II, William Renay (9 Disyembre 2011). "Exclusivism" [Ekslusibismo]. Mula sa Kurian, George Thomas (pat.). The Encyclopedia of Christian Civilization [Ang Ensiklopedya ng SIbilisasyong Kristiyano] (sa wikang Ingles). Wiley. doi:10.1002/9780470670606.wbecc0522. ISBN 978-1-4051-5762-9.
Link sa labas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Schwitzgebel, Eric. "Belief". Mula sa Zalta, Edward N. (pat.). Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles).
- Fieser, James; Dowden, Bradley (mga pat.). "The Aim of Belief". Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). ISSN 2161-0002. OCLC 37741658.
- Russell, John (1877). An analysis of religious belief [Isang pagsusuri sa paniniwalang relihiyoso] (sa wikang Ingles) – sa pamamagitan ni/ng Project Gutenburg.