Lamberto B. Cabual
Ang artikulong ito ay nangangailangan ng mas marami pang mga kawing sa iba pang mga lathalain upang matugunan ang mga pamantayan pangkalidad ng Wikipedia. (Agosto 2011) |
GURO at brodkaster sa Pilipinas si Lamberto (Bert) B. Cabual, bago nangibayong-dagat. Awtor siya ng “Pangingibang-Lupa,” isang aklat na katipunan ng mga tula na inilathala sa London ng CFMW (Commission for Filipino Migrant Workers).
Naging Pangalawang-Pangulo siya ng UMPUK (Ugnayan ng mga Manunulat na Pilipino sa United Kingdom). Sa ngayo’y isa siyang retiradong Postal Officer ng Royal Mail sa London. Sangkot sa mga gawaing pangwika, binigyang-buhay niya sa London ang Balagtasan. Gumaganap siyang Lakandiwa, at marami na ring Balagtasan ang itinanghal sa London na kanyang sinulat at pinangasiwaan. Pinalaganap din niya rito ang paghahandog ng tulang parangal sa mutya ng mga timpalak-kagandahan sa mga gabi ng pagpuputong. Tanyag na mambibigkas at makata, inaatasan siyang sumuob ng maindayog na tula sa nagsisipagwaging Binibining Pilipinas UK. Si L. B. Cabual ay tubong Pallocan Kanluran, Lungsod ng Batangas, sa Pilipinas.[1]
Mga Maikling Kuwento
[baguhin | baguhin ang wikitext]Buod
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayo at Disyembre
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tungkol ito sa isang estudyanteng may pagnanasa sa kaniyang guro. Si Leo ay mag -aapatnapung taong gulang na samantalang si Bheng ay labing-anim na taong gulang pa lamang. Nakiusap ang guro na supilin ng dalaga ang kanyang nararamdaman ngunit ipinilit ng dalaga na mahal siya nito. Mahal rin ng guro ang kanyang estudyante. Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi ng biglang dumating si Helen, ang asawa ni Leo. Nagalit ito at sinabing magtutuos sila ng kanyang asawa paguwi sa bahay. Napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa dibdib ng itinatanging guro.
Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong pagtagpuin nina Leo at Bheng ang kanilang magkaibang panahon.[2]
Isang Libo't Isang Halik
[baguhin | baguhin ang wikitext]Laging sinisigaw-sigawan at inuutus-utusan ni Takya ang kanyang asawang si Dupong ngunit dahil sa mabait si Dupong ay binabalewala niya ang paninigaw ni Takya at buong lambing pang sinusunod ang utos ng asawa at dahil dito sabi ng kanilang mga kanayon, Andres daw si Dupong. Araw ng Linggo, pinuntahan ni Dupong ang kumpareng si Kulas na kanyang katapatang-loob. Sinabi niya kay Kulas ang kanyang problema sa asawa at agad naman siyang pinayuhan nito na 'puyatin' daw si Takya at baka sa ganoong paraan ay mapagbago niya ito na narinig naman ng asawa ni Kulas. Dali-daling pumunta si Anding, ang asawa ni Kulas, kay Takya upang payuhan ito at sabihin na rin ang narinig niyang usapan. Napagtanto ni Takya ang pagkakamali at napag-isipang magbago. Nang umuwi si Dupong, agad naman nitong sinunod nang gabing iyon ang payo ng kanyang kumpare na 'puyatin' si Takya at makipagtalik, binigyan niya ng isang libo't isang halik ang asawa. Kinabukasan ay naging maayos na nga ang mag-asawa. Makalipas ang isang linggo, bumalik si Dupong sa mag-asawang Kulas at Anding upang ipamalita na dahil sa kanilang payo at sa isang libo't isang halik ay nagdadalang-tao na ang kanyang asawa.[3]
May Lihim ang Bahay-Bahayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagpanggap na isang simpleng maggagawa si Peter sa paggawa ng ala mansiyong bahay na kanyang dinisenyo. Si Peter o Pedro kung tawagin ng kaniyang mga kasama, ay isang licensed Architect at licensed Civil Engineer. Gusto niyang mabantayan ang paggawa rito upang masiguro ang kalidad ng paggawa rito. Dinanas niya ang matinding init at hirap ng isang manggagawa ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili upang hindi magalit dahil ayaw niyang pabisto sa iba. Hindi niya maiwasang isipin si Melinda dahil ang lahat ng kanyang pinaghihirapan ay para kay Melinda ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nawalan sila bigla ng komunikasyon dahil sa hindi malamang dahilan. Balibalita sa kanila ay sumama na siya sa isang bilyonaryong British dahil sa kanyang trabaho na isang private nurse na nagbabatay dito. Nang matapos na ang ala mansiyong bahay ay nagtipon-tipon lahat ng manggawa upang kilalanin ang may-ari ng bahay. Nagulat si Peter sa kanyang nakita dahil ang bumababa sa isang mamahaling sasakyan ay si Melinda kasama ang isang lalaking Briton. Nagngitian sila ngunit masama ang pakiramdam ni Peter sa pangyayari. Nang magpakilala na sila, tinawag ni Melinda si Peter at sabi nya na itong bahay na ito ay pagmamayari nila at magpapakasal na sila, nasurpresa si Peter sa tuwa na kanyang naramdaman. Sa tagal ng kanilang pagsasama mula bata, naisakatuparan na nila ang pangarap nila nung mga bata pa sila na nagsimula sa isang bahay na gawa sa karton ngaun at malaking bahay na. At nagsimula sa isang halik at nagging pag-ibig na.[4]
Subyang sa Puso
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa loob ng tren nagkakilala ang dalawang Pilipinong sina Elena at Fidel at magkasama din silang nalagay sa panganib dahil sila’y naipit sa loob ng gusaling nasusunog. Sa kabutihang palad, silang dalawa’y nakaligtas bagama’t nawalan ng malay si Elena. Inalok ni Fidel na iuwi si Elena sa kanyang tinitirhan ngunit si Elena’y tumanggi ngunit ibinigay niya ang address niya kay Fidel upang makabisita naming ito sa kanila. Hindi mawala sa isipan ni Fidel si Elena at nagsimula ang pagmamahal niya sa bagong nakilala ngunit sa pagbisita niya kay Elena nalaman niya na ang kanyang minamahal ay isang madre na pala.
Sa kabila ng yaman ni Fidel, hindi siya naniniwala na obligasyon niya na tulungan niya ang mga kababayan niya sa London. Napalitan ang pananaw nito ni Fidel matapos ang isang aksidente at mula nito nagsimula na siyang magsilbi sa mga kababayan niya. Dahil sa pagtulong niya napalapit lalo ang loob niya kay Elena at naramdaman din ni Elena ang pagmamahal ni Fidel sa kanya pati na ang pagmamahal niya kay Fidel ngunit nang lumipas ang ilang taon, natapos ang misyon ni Elena at siya ay na-destino sa Roma. Dahil dito, kinalangang mawalay si Elena kay Fidel nang natuto sa lihim na pag-ibig at itong bagay na ito ay lubusang ikinalungkot ni Fidel.[5]
Ang Dasalan ni Belen
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang “Ang Dasalan ni Belen” ay tungkol sa isang lalaking nabighani sa unang pagkikita sa isang dalaga. Ang unang pagkikita ni Belen at ng binatang nagsasalaysay ng kuwento ay sa isang mall sa Batangas kung saan hinahanap ni Belen ang kanyang wallet at nahanap ito ng binata. Bilang pasasalamat ay pinakain niya ito ng tanghalian at binigyan ng dasalan. Nagkakilala ng mas mabuti ang dalawa at naging magkaibigan. Nang umuwi na ang binata sa kanyang tahanan ay ikinuwento niya sa kanyang ama ang tungkol kay Belen at nagtanong tungkol sa mga apostol at pangungumpisal. Nagkasabay din sa misa si Belen at ang binata. Kinagabihan nito ay bumisita na ang binata sa tahanan ng dalaga kung saan kanyang ipinagtapat ang kanyang damdamin at nalaman niyang iaalay na pala ni Belen ang kanyang sarili bilang madre. Inamin rin ni Belen ang kanyang pagmamahal sa binata.[6]
Si Mang Estong
[baguhin | baguhin ang wikitext]Si Mang Estong, magpipitumpung taong gulang na manunulat, ay isang miyembro ng KAPILING o Kamanunulat na Pilipino sa Inglater na mula pagkabata ay mahusay na siyang magsulat at magbigkas pero ngayon, ayon kay Jennifer, editor ng Pinoy’s Courier at isa ring miyembro ng KAPILING, malat na ang tinig ni Mang Estong dahil sa sobrang pag-inom ng alak at may lumalaganap ring balita na pilyo siya sa tsiks at ang mga nabibiktima niya ay pawing mga bata. Nag-aalala ang narrator at ang asawa niya kay Jenny dahil napansin nilang nagkakamabutihan na si Jenny at Mang Estong lalo na noong kukamain sila sa isang restoran at nakatagong nagmamasid ang mag-asawa. Makalipas ang isang buwan, dumating na ang araw ng pagpupulong ng KAPILING at balak na sana ng narrator na kausapin si Mang Estong ukol sa relasyon nila ni Jenny ngunit hindi sila dumating na tunay namang ikinatakot ng narrator. Ibinalita ito ng narrator sa kanyang asawa at nagpasiya silang puntahan si Mang Estong sa kanyang tahanan ngunit sabi ng kapitbahay niya ay isinugod raw ang matanda sa ospital at laking gulat ng mag-asawa nang makita nilang naroon sa ospital si Jenny sa labas ng ICU (Intensive Care Unit), umiiyak nang malamang may kanser sa atay si Mang Estong at may taning na ang kanyang buhay. Laki sa Lola si Jenny at hiwalay ang kanyang mga magulang. Ang nanay niya’y nakahanap ng iba ngunit namatay sa isang motor accident at ang tatay naman niya’y naglayas at nagpakalayu-layo. Namatay sa ospital si Mang Estong na labis namang idinamdam ni Jenny at muling nagtaka si narrator sa pagmamalasakit ni Jenny. Sa huli ay inamin na rin ni Jenny na si Mang Estong ay ang kanyang tatay na iniwan siya sa kanyang Lola.[7]
Mga Tauhan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayo at Disyembre
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Bheng
Maganda at matalinong estudyanteng may pagnanasa sa kaniyang gurong si Leo.
- Leo
Mag-aapatnapung taong gulang na guro sa isang mataas na paaralan.
- Helen
Ang asawa ni Leo na isang tagapagbalita sa radyo sa lokal na himpilan sa Lungsod ng Batangas. Magandang babae, matangkad, at may magandang hubog ng katawan.[2]
Isang Libo't Isang Halik
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Takya
Magandang babae na maybahay ni Dupong na namamasukang tindera sa isang tindahan ng damit. Bungangera at matapang.
- Dupong
Makisig na lalaki at mahusay na karpintero. Asawa ni Takya na tila sunud-sunuran sa anumang ipagawa nito.
- Kulas
Asawa ni Anding. Kumpare ni Dupong na napaglalabasan ng hinanakit tungkol sa asawang si Takya.
- Anding
Kumare ni Takya na nagbigay ng payo sa kanya.[3]
May Lihim ang Bahay-Bahayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Melinda Bituin
Kasintahan ni Peter na isang private nurse ng bilyonaryong British sa London.
- Peter Katindig
Isang architect at civil engineer na nagplano at tumulong sa paglikha ng mansiyon.
- Tito Bert
Nangingibang bansa na nagbalik bayan na nakakita kay Melinda.
- Foreman
Kinatawan ni Melinda.[4]
Subyang sa Puso
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Fidel
Isang mayamang Pilipinong namamahala sa isang import-export enterprise sa London. Napamahal siya sa isang madre at ang damdaming ito ay umunlad habang siya ay tumutulong sa mga kababayan niya sa London.
- Elena
Isang madreng nakilala ni Fidel at kanyang nagpag-alaman na kababayan niya din. Namuo din ang pagmamahal niya kay Fidel ngunit ito’y kanyang isinang-tabi dahil sa kanyang debosyon sa Panginoon.[5]
Ang Dasalan ni Belen
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ang binata/ tagapagsalaysay
Ang lalaking nabighani kay Belen sa unang pagkikita. Pinagbigyan ni Belen ng kanyang dasalan.
- Belen
Nagbigay ng dasalan sa binatang nakahanap ng kanyang wallet. Magandang babaeng mag-aalay ng kanyang sarili sa Diyos bilang isang madre
- Dad/ Tatay ng Binata
Sumagot sa ilang katanungan ng binata tungkol sa Diyos. Nagbigay ng paalala sa binata.[6]
Si Mang Estong
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Jennifer o Jenny
Si Jenny ay ang editor ng Pinoy’s Courier, miyembro ng KAPILING, at anak ni Mang Estong.
- Tagapagsalaysal at asawa ng tagapagsalaysay
Ang mag-asawa ay matatalik na kaibigan ni Jenny na labis ang pag-aalala sa kanya.
- Mang Estong
Si Mang Estong ay isang miyembro ng KAPILING at ang tatay ni Jenny.[7]
Mga Paksa at Tema
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayo at Disyembre
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Makikita natin sa maikling kuwento ang pagkakaroon ng relasyong Mayo Disyembre kung saan ang edad ng magkapareha ay malayo ang agwat sa isa’t isa.
- Pinatunayan din ng kuwento ang kasabihang “age doesn’t matter”.
- Mayroon ding third party na naganap sapagkat pinatulan ni Leo si Bheng kahit na may asawa na ito.
- Isa ring halimbawa ng teacher-student relationship ang kuwentong ito sapagkat nagkaroon ng relasyon si Leo na isang guro at si Bheng na estudyante niya.
- Ipinakita rin ang kosepto ng pagiging baog dahil binanggit sa kuwento na hindi maaaring magkaanak sina Leo at Helen dahil may problema sa matris si Helen.
- Isa rin sa mga nailarawan ang fixed marriage na isinagawa ng mga magulang nina Leo at Helen.[2]
Isang Libo't Isang Halik
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae - parehong may trabaho ang mag-asawang Dupong at Takya. Bukod pa rito ay ang kakayahan ng mga lalaki tulad ni Dupong na gumawa ng mga gawaing-bahay na alam natin ay karaniwang ginagawa ng mga babae.
- Pagiging 'under' - kitang-kita naman sa kuwento ang konsepto ng pagiging 'under', ang pagsunod ni Dupong sa kung anumang iutos ni Takya sa kanya at hindi paglaban sa paninigaw nito bagkus ay dinadaan pa sa paglalambing. Sa katanuyan ay tinawag pa ng mga kanayon nila na 'Andres' si Dupong.
- Pagtatalik ng mag-asawa - mahalaga ang pagtatalik ng mag-asawa dahil isa ito sa mga nagpapatibay ng relasyon ng mag-asawa. At ito na rin ay maaring tugon sa sekswal na pangangailangan ng indibidwal.[3]
May Lihim ang Bahay-Bahayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ipinakita sa kuwentong ito ang pagiging tapat ng isang kasintahan sa kaniyang kasintahan.
- Nasa kuwento rin ang konsepto ng social discrimination dahil sa paninigaw at pagmamaliit sa kakayahan ng mga manggagawang nasa mababantang antas ng lipunan.
- Inilarawan dito ang tunay na pagiibigan.
- Ang paksa ng kuwentong ito ay ang pangarap na nagsimula sa maliit at naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pagtitiyaga at paghihirap [4]
Subyang sa Puso
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Lihim na Pag-ibig: Sa kabila ng nararamdamang pagmamahal, mayroong pag-ibig na kailangan iwaglit dahil sa mga iba’t-ibang kalagayan katulad ng relihiyon, kasalukuyang mga relasyon, edad, at katayiuan sa buhay. Sa kuwento, kailangan kalimutan ni Elena ang nararamdamang pagmamahal kay Fidel dahil sa pangako niya na magsilbing madre.
- Bayanihan/Kababayan: Hindi naniniwala si Fidel na obligasyon niyang tulungan ang mga kababayan niyang naninirahan sa London. Sinubukang hikayatin ni Elena na tumulong si Fidel sa mga Pilipino at matapos ang isang aksidente, nagawa din ni Fidel ang makatulong.[5]
Ang Dasalan ni Belen
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Pag-ibig sa unang pagkikita
- Relihiyon at Pag-ibig [6]
Si Mang Estong
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Tulak ng bibig, kabig ng dibdib: Ito ay mas kilala sa salawikaing “Don’t judge a book by its cover”. Agad na hinusgahan ng mag-asawa ang relasyon na namamagitan kina Jenny at Mang Estong ngunit sa huli ay kanilang nalaman na tatay pala ni Jenny si Mang Estong kung kaya’t ganoon na lamang ang kanyang pagdaramdam sa pagkamatay ni Mang Estong.[7]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-05-17 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-06-01 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-05-01 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 4.0 4.1 4.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-09-03 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 5.0 5.1 5.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-02-06 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 6.0 6.1 6.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-06-01 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
- ↑ 7.0 7.1 7.2 Rafael A. Pulmana.OFW - Ang Bagong Bayani,30 Enero 2011 Naka-arkibo 2011-02-15 sa Wayback Machine., nakuha noong: Abril 29,2011.
Walang kategorya ang artikulong ito.
Makakatulong sa pagpapaunlad ng artikulong ito sa paglalagay ng isa o higit pang kategorya upang maisama ito sa mga kaugnay na artikulo (paano?). Alisin po lang ang tag pagkaraan ng pagsasauri, hindi bago nito.(Pebrero 2014) |