Leona Florentino
Leona Florentino | |
---|---|
Kapanganakan | 19 Abril 1849
|
Kamatayan | 4 Oktubre 1884
|
Mamamayan | Pilipinas |
Trabaho | makatà, manunulat |
Anak | Isabelo de los Reyes |
Si Leona Florentino ang unang makatang babae ng Ilocos Sur. Isinilang siya sa Vigan, Ilocos Sur (noon ay Villa Fernandina), noong 19 Abril 1849. Ang kanyang ama ay si Don Marcelino Florentino na kinilalang isa sa mayayaman sa Ilocos noon at ang kanyang ina ay si Donya Isabel Florentino.
Si Leona Florentino raw ang katapat nina Elizabeth Barret Browning ng Inglatera at Sappho ng Grecia.
Ang maririkit niyang mga tula sa Kastila at wikang Ilokano ay nakasama sa eksibit sa Exposicion General de Filipinas sa Madrid noong 1887 at sa International Exposition sa Paris noong 1889. Ito ang nagbigay sa kanya at sa Pilipinas ng karangalan at dahil sa kinilala ang kanyang kakayahan sa literatura, nakasama siya sa International Encyclopedia of Women's Works, noong 1889.
Sa gulang na 10 taon pa lamang ay nakasusulat na si Leona ng mga tula sa wikang Iloko at nakapagsasalita na rin siya ng Kastila. Siya ang pinakamatalino sa pamilya subalit hindi siya nakapag aral sa Unibersidad sapagkat noong panahong iyon (panahon ng Kastila) ang mga paaralan ng mataas na pagaaral ay sarado para sa mga kababaihan -may paniniwala na ang mga babae ay para lamang sa tahanan o kaya ay pagiging madre.
Pinaunlad ni Leona ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba't ibang aklat hanggang sa makilala niya si Padre Evaristo Abaya na nagturo sa kanya ng higit pang Kastila at humikayat sa kanya na siya ay magsulat ng mga tula.
Nakasal si Leona kay Elias delos Reyes na minsan ay nanungkulan bilang Alkalde Mayor ng Vigan. Nagkaroon silang limang anak. Ang pinakamatanda ay kinilala rin sa ating kasaysayan at maging sa larangan ng panitikan. Siya ay si Isabelo delos Reyes, naging senador at sibik lider noong kanyang kapanahunan.
Ang mga nakilalang tula ni Leona Florentino ay Rucrunoy, (Dedication), Naangaway a Cablaw (Good Greetings), Nalpay a Namnama (Vanishing Hope), Benigna, Para ken Carmen, Panay Pacada (Farewell), at iba pa.
Nakapanghihinayang na ang iba pa niyang nasulat ay nawala. Ang iba ay nasa pambansang aklatan sa Madrid, Londres at Paris.
Maagang binawian ng buhay si Leona sa gulang na 35. Namatay siya sa Vigan noong 4 Oktubre 1884.
Bagamat namatay nang maaga ay nakilala naman ang kanyang kakayahan hindi lamang dito sa Pilipinas kung di hanggang sa Europa. Siya ang unang Pilipina na nakilala sa buong mundo bilang babaing makata.