Pumunta sa nilalaman

Libingan ng mga Bayani

Libingan ng mga Bayani
Pilipinas
Map
Ginagamit para sa mga namatay
ItinatagMayo 1947 (1947-05) (bilang Republic Memorial Cemetery)
Lokasyon14°31′12″N 121°02′38″E / 14.520°N 121.044°E / 14.520; 121.044
Kutang Bonifacio, Kanlurang Bicutan, Taguig, Pilipinas
Websaythttps://pvao.gov.ph/military-shrines/libingan-ng-mga-bayani/

Ang Libingan ng mga Bayani (LNMB, Bigkas sa Tagalog: /liːˈbiːŋan ˈnaŋ maˈŋa baˈjaːni/) ay isang pambansang libingan-militar na matatagpuan sa Kutang Bonifacio, Lungsod ng Taguig, Pilipinas. Itinatag bilang Republic Memorial Cemetery (Libingang Pang-alaala ng Republika) matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsisilbi itong huling hantungan ng mga sundalo, beterano, at piling sibilyang opisyal na kinilalang naglingkod sa bansa, alinsunod sa mga pamantayang itinakda ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ng pambansang pamahalaan. Matatagpuan sa loob ng kompleks ang mga bantayog, haliging pang-alaala, at ang Libingan ng Di-Kikilalang Sundalo, na ginagamit sa mga seremonyang pang-estado at pagbisita ng mga dayuhang dignitaryo. Sa paglipas ng panahon, ang LNMB ay nagsilbing sagradong pook ng paggunita at naging paksa rin ng pampublikong diskurso, partikular kaugnay ng mga usapin ng kabayanihan, pag-alaala sa kasaysayan, at pambansang pagkakakilanlan.

Pinagmulan at pakakatatag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pinakamaagang yugto ng kasaysayan ng Libingan ng mga Bayani ay nagsimula noong Mayo 1947, nang itatag ng pamahalaan ng Pilipinas ang Republic Memorial Cemetery (Libingang Pang-alaala ng Republika).[1] Nilayon itong maging isang pambansang libingan para sa mga sundalong Pilipino na nasawi o naglingkod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para sa kalayaan ng bansa. Nasa higit sa 30,000 ang nailibing na beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[2]

Noong Oktubre 27, 1954, sa bisa ng Proklamasyong Pampanguluhan Blg. 86 na nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay, opisyal na pinalitan ang pangalan ng Republic Memorial Cemetery at ginawang Libingan ng mga Bayani.[3] Ayon sa hangarin ng proklamasyon, ang pagpapalit ng pangalan ay ginagawang mas malinaw ang pambansang simbolismo ng lugar bilang pook-parangal sa mga bayani ng Republika.

Sumunod, noong Hulyo 12, 1957, sa pamamagitan ng Proklamasyong Pampanguluhan Blg. 423 na inilabas ni Pangulong Carlos P. Garcia, ang lupang kinalalagyan ng Libingan ng mga Bayani, na bahagi ng Kutang William McKinley, ay opisyal na inireserba para sa mga layuning militar.[4] Pinagtibay nito ang administrasyon ng sandatahang lakas sa pamamahala at pangangalaga ng sementeryo.

Noong Mayo 28, 1967, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, nilagdaan ang Proklamasyong Pampanguluhan Blg. 208, na nagreserba ng karagdagang 142 ektarya lupain mula sa Fort Bonifacio Military Reservation (Reserbasyong Pangmilitar ng Kutang Bonifacio) para sa pagpapalawak at pagpapatatag ng Libingan ng mga Bayani bilang isang pambansang dambana.[5] Dahil sa proklamasyong ito, sumailalim ang libingan sa pamamahala ng Military Shrines Services (Mga Serbisyong Pang-Dambana Militar) ng Tanggapan ng Ugnayang Pambeterano ng Pilipinas, isang ahensiya sa ilalim ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa.[6] Sa panahong ito higit na pinagtibay ang papel ng Libingan ng mga Bayani hindi lamang bilang libingan ng mga kawal kundi bilang isang sentral na pook-alaala ng bansa hinggil sa paglilingkod, sakripisyo, at kabayanihan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Mga pagbabago sa polisiya at mga pag-unlad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Abril 9, 1986, kasunod ng Rebolusyong EDSA, naglabas ang Hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos at Pangulong Corazon Aquino ng Mga Regulasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas G 161-373, na pinamagatang "The Allocation of Cemetery Plots at the Libingan ng mga Bayani" (Ang Paglalaan ng mga Lote sa Libingan ng mga Bayani).[7][8][9] Ang regulasyong ito ng militar ang nagtatag ng malinaw na patakaran sa paglilibing na nagsilbing pangunahing batayan sa paglilibing ng mga personalidad sa Libingan ng mga Bayani sa mga sumunod na dekada.

Dagdag pa rito, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 131 na inilabas ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 26 Oktubre 1993, pinalawak ang mga kuwalipikado para sa paglilibing sa Libingan ng mga Bayani upang isama ang mga Pambansang Alagad ng Sining at mga Pambansang Siyentipiko ng Pilipinas, bilang pagkilala sa kanilang natatanging ambag sa kultura, agham, at pambansang kaunlaran.[10]

Noong 2007, bunsod ng pagsisikip at kakulangan ng espasyo sa pangunahing lokasyon sa Kutang Bonifacio, sinimulan ng administrasyon ng Libingan ng mga Bayani ang pag-aaral para sa pagtatatag ng mga annex o karugtong na libingan sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Sa mga planong ito, isa pa lamang ang naisakatuparan: ang limang-ektaryang pagpapalawak na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱24 milyon sa Kampo Hernandez sa Dingle, Iloilo.[11]

Noong Enero 4, 2019, inaprubahan ng Kalihim ng Tanggulang Bansa na si Delfin Lorenzana ang isang limang-taóng programang pangkaunlaran para sa Libingan ng mga Bayani na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang 3.3 bilyon.[12] Layunin ng programa na isaayos at baguhin ang sementeryo upang maging isang pambansang libingan na may pandaigdigang antas, na maihahambing sa kalapit na Manila American Cemetery o Libingang Amerikano sa Maynila. Ang unang yugto ng programa, na ipatutupad ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA, literal na Pangasiwaan sa Pangkaunlarang Kumbersiyon ng mga Base), ay kinabibilangan ng pagtatayo ng isang marangal na sonang-libingan, isang makasaysayang pook-pasyalan, at isang dambanang pang-alaala.[13]

Lokasyon, ayos, at tampok

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matatagpuan sa loob ng dating kampong militar ng mga Amerikano na Kutang William McKinley, na ngayo'y Kutang Bonifacio,[14] ang Libingan ng mga Bayani ay may lawak na humigit-kumulang 103 ektarya.[2] Inilalarawan ang sementeryo bilang tahimik at payapa na may magkakahilerang mga krus na nagbibigay-parangal sa mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, bilang pagkilala sa kanilang paglilingkod at mga sakripisyong inialay para sa bansa.[15]

Sa gitna ng kompleks matatagpuan ang Tomb of the Unknown Soldier o Libingan ng Hindi Nakikilalang Sundalo, na nagsisilbing simbolikong alaala para sa mga hindi nakilalang sundalong Pilipino na namatay sa paglilingkod sa bansa. Malapit dito ang mga monumento na nakatalaga sa mga tiyak na yunit ng militar, mga beterano ng digmaan, at mga kilalang pigura sa kasaysayan. Isinasagawa sa Libingan ng Hindi Nakikilalang Sundalo ang mga seremonya ng paglalagay ng mga korona tuwing bumibisita ang mga opisyal ng pamahalaan at mga dayuhang dignitaryo. Sa likuran ng libingan ay may tatlong haliging marmol na kumakatawan sa tatlong pangunahing pangkat ng mga pulo sa Pilipinas: ang Luzon, ang Visayas, at ang Mindanao.[16] Nakaukit sa libingan ang mga salitang:

"Here lies a Filipino soldier whose name is known only to God."[17] ("Naririto ang isang sundalong Pilipino na ang pangalan ay tanging alam lamang ng Diyos.")

Ang Heroes Memorial Gate o Tarangkahan ng Pag-alala sa mga Bayani ay ang unang istrukturang makikita ng mga bisita pagpasok sa loob ng sementeryo.[18] Isa itong malaking konkretong tatluhang-haligi na may hagdan na patungo sa itaas na platapormang tanawan, na may nakapuwestong metal na iskultura sa gitna.[15] Sa magkabilang panig ng pangunahing daan patungo sa tarangkahan ay nakatayo ang dalawang 12-talampakang (3.7 m) itim na pader na bato na may nakaukit ang mga salitang binigkas ni Amerikanong Heneral na si Douglas MacArthur noong kanyang pagbisita sa Pilipinas noong 1961:[19]

"I do not know the dignity of his birth, but I do know the glory of his death." ("Hindi ko alam ang dangal ng kanyang kapanganakan, subalit alam ko ang kaluwalhatian ng kanyang kamatayan.")

May ilang pylon o haliging-pang-alaala din sa loob ng Libingan bilang pagkilala sa kagitingan ng mga Pilipinong sundalo na namatay sa iba't ibang digmaan sa kasaysayan ng mundo. Kabilang dito ang:

  • Haliging Pang-alaalang Koreano — nagbibigay parangal sa 112 Pilipinong opisyal at tauhan ng Philippine Expeditionary Forces to Korea (PEFTOK, literal na Puwersang Ekspedisyunaryo ng Pilipinas sa Korea) na namatay noong Digmaang Koreano.[20]
  • Haliging Pang-alaala ng mga Beterano sa Biyetnam — inilalaan para sa mga miyembro ng Philippine contingent (PHILCON-V, literal na pangkat mula sa Pilipinas) at Philippine civic action groups (PHILCAG-V, literal na mga pangkat Pilipino ng gawaing sibiko) na ipinadala sa Biyetnam mula 1964 hanggang 1971 sa panahon ng Digmaang Biyetnam.[21]
  • Haliging Pang-alaala ng mga Gerilyang Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig — itinayo ng Veterans Federation of the Philippines (literal na Pederasyon ng mga Beterano ng Pilipinas) bilang patunay sa matatag na diwa at katapangan ng mga gerilyang Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[17]

Mga pamantayan sa paglilibing

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Regulasyon G 161-373 ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang mga sumusunod ay kuwalipikado para sa paglilibing sa Libingan ng mga Bayani:[22][23][24]

Ipinagbabawal naman ng parehong regulasyon ang mga sumusunod sa paglilibing sa Libingan ng mga Bayani:

  • Mga kawani na natanggal o napatalsik sa serbisyo sa di-marangal na paraan
  • Mga kawani na nahatulan sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng anumang kasalanang may kaugnayan sa moralidad o kasuklam-suklam na asal

Papel sa mga paggunita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mahalagang papel ang Libingan ng mga Bayani sa mga pambansang paggunita, partikular tuwing Araw ng Kagitingan[25] at Undas.[26] Dumadalaw sa sementeryo ang mga opisyal ng pamahalaan, mga kawani ng militar, at mga sibilyan upang magbigay-galang, mag-alay ng mga bulaklak, at alalahanin ang mga naglingkod sa bansa.

Paminsan-minsan ay isinasagawa rin sa lugar ang mga lakbay-aral[27] at seremonyal na gawain,[28] na nagpapatibay sa papel nito sa paghubog ng pampublikong pag-unawa sa kasaysayan ng Pilipinas at sa paglilingkod-militar.

Kontrobersiya at pampublikong pagtatalo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Libingan ng mga Bayani ay naging sentro ng pambansang kontrobersiya noong 2016, kasunod ng paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa lugar.[29][30][31] Si Marcos, na namuno sa Pilipinas mula 1965 hanggang 1986, ay isang lubhang kontrobersiyal na pigura dahil sa pagdedeklara niya ng Batas Militar noong 1972 at sa mga dokumentadong paglabag sa karapatang pantao, katiwalian, at pang-aabuso na naganap sa panahon ng kanyang rehimen.

Iginiit ng mga sumusuporta sa paglilibing na si Marcos ay kuwalipikado sa ilalim ng umiiral na mga patakaran bilang dating pangulo, commander-in-chief, at beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[32] Sa kabilang banda, iginiit ng mga tumututol na ang pagpapahintulot sa kanyang paglilibing ay ipinagbabawal sa batas, labag sa orihinal na intensyon ng sementeryo na inilaan para sa alaala ng mga tunay na bayani, at hindi nagbibigay-halaga sa pagdurusa ng mga biktima ng batas militar.[33][34][35][36]

Umabot ang usapin sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, na nagpasya pabor sa pagpapahintulot ng paglilibing, sa dahilang walang umiiral na legal na pagbabawal sa ilalim ng mga kasalukuyang regulasyon.[37] Sa kabila ng desisyon, nagbunsod ang paglilibing ng malawakang protesta at muling nagpaigting ng mga talakayan tungkol sa pananagutang historikal, katarungan, at depinisyon ng kabayanihan.

Mga nakalibing

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming kilalang pinunong Pilipino ang inilibing sa Libingan ng mga Bayani, kabilang ang mga dating pangulo tulad nina Elpidio Quirino, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal. Inilibing din dito ang mga matataas na opisyal ng militar at mga bayani ng digmaan mula sa iba't ibang tunggalian, kabilang ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Digmaang Koreano, at mga operasyong panseguridad sa loob ng bansa. Tinatayang nasa 50,000 ang nakalibing dito noong 2016.[2]

Ang pagkakaroon ng kapwa mga sibilyang pinuno at mga pigurang militar sa sementeryo ay nagpapakita ng dobleng papel nito bilang pambansa at militar na alaala.

Mga Pangulo ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga Pangalawang Pangulo ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga Punong Mahistrado ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga Senador ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga dating nakalibing

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Romero, Alexis (Oktubre 30, 2015). "Army launches Libingan ng mga Bayani task force". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-14.
  2. 1 2 3 "IN THE KNOW: Libingan ng mga Bayani". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). 2016-11-19. Nakuha noong 2025-12-14.
  3. "PROCLAMATION NO. 86 - CHANGING THE "REPUBLIC MEMORIAL CEMETERY" AT FORT WM MCKINLEY, RIZAL PROVINCE, TO "LIBINGAN NG MGA BAYANI" - Supreme Court E-Library". elibrary.judiciary.gov.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-14.
  4. Tactaquin, Jommel P. (May 2025). The Monuments of Heroes: The National Military Shrines and Its Effects to Filipino Nationalism. UNITAS.
  5. "Proclamation No. 208". lawphil.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  6. "The History of Libingan ng mga Bayani". The Kahimyang Project (sa wikang Ingles). 2025-10-20. Nakuha noong 2025-12-15.
  7. "Quick facts about the Presidency" (sa wikang Ingles). Presidential Museum and Library. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 15, 2016. Nakuha noong Agosto 16, 2016.
  8. D. Pascual Jr., Federico (Abril 23, 2011). "Trudging back to old haunts and bad habits". The Philippine Star (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 13, 2016. Nakuha noong Agosto 7, 2013.
  9. Elena, Aben (Mayo 27, 2016). "AFP explains rules for 'Libingan ng mga Bayani'". The Manila Bulletin (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 16, 2016.
  10. "Executive Order No. 131 – Facilitating the State Funeral of Deceased National Artists and National Scientists". The Official Gazette of the Republic of the Philippines (sa wikang Ingles). 26 Oktubre 1993.
  11. Dizon, Nikko (Nobyembre 4, 2007). "Burial space for soldiers running out". Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 16, 2016.
  12. "SND Approves LNMB Comprehensive Master Development Plan". Philippine Veteran's Affairs Office (sa wikang Ingles). Enero 24, 2019. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 8, 2022. Nakuha noong Setyembre 6, 2021.
  13. "PVAO, BCDA Sign MOA on LNMB Comprehensive Master Development Plan". Philippine Veteran's Affairs Office (sa wikang Ingles). Mayo 10, 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 8, 2022. Nakuha noong Setyembre 6, 2021.
  14. "Kutang Bonifacio". CulturEd: Philippine Cultural Education Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  15. 1 2 "Libingan ng mga Bayani / Heroes Cemetery - Taguig City Guide". www.taguig.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  16. "G.R. No. 225973". elibrary.judiciary.gov.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  17. 1 2 Gavilan, Jodesz (2016-08-31). "FAST FACTS: Libingan ng mga Bayani". RAPPLER (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  18. "A resting place for heroes: Libingan Ng Mga Bayani". The Urban Roamer (sa wikang Ingles). 2013-10-27. Nakuha noong 2025-12-15.
  19. Montalvan II, Antonio (2016-04-11). "The great hoax on the Marcos burial". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  20. Hicap, Jonathan (2023-07-25). "Speaker Kim Jin-pyo visits Korean War Memorial Pylon in Taguig". Manila Bulletin (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2025-12-17. Nakuha noong 2025-12-15.
  21. "PhilConV->PhilCAGV: 365 and a Wake-Up". Malaya Business Insight (sa wikang Ingles). 2024-07-25. Nakuha noong 2025-12-15.[patay na link]
  22. Elena, Aben (Mayo 27, 2016). "AFP explains rules for 'Libingan ng mga Bayani'". The Manila Bulletin (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 16, 2016.
  23. Pascual Jr., Federico D. (Abril 23, 2011). "Trudging back to old haunts and bad habits". The Philippine Star (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 13, 2016. Nakuha noong Agosto 7, 2013.
  24. "Why not Libingan ng mga Pangulo instead?" (sa wikang Ingles). ABS-CBN News. Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 7, 2014. Nakuha noong Agosto 16, 2016.
  25. "Araw ng Kagitingan celebration to be held April 10". ABS-CBN News (sa wikang Ingles). Abril 3, 2023. Nakuha noong Disyembre 15, 2025.
  26. CASUCIAN, JISELLE ANNE C. (2025-11-01). "Undas 2025: PH Army honors fallen heroes at Libingan ng mga Bayani". GMA News Online (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  27. "EDUCATIONAL TOURS AT THE LIBINGAN NG MGA BAYANI" (PDF). deped.gov.ph (sa wikang Ingles). Hulyo 1, 2005. Nakuha noong 2025-12-15.
  28. "Sunset Ceremony closes 2025 Veterans' Week commemoration". army.mil.ph. Nakuha noong 2025-12-15.
  29. 1 2 "Armed Forces: Instruction was to keep Marcos burial a secret". The Philippine Star (sa wikang Ingles). Nobyembre 18, 2016.
  30. "Protesters take to streets to denounce Marcos 'Libingan' burial" (sa wikang Ingles). CNN Philippines. Nobyembre 19, 2016. Inarkibo mula sa orihinal noong October 19, 2019. Nakuha noong Oktubre 18, 2019.
  31. "Protests after Ferdinand Marcos' burial". Philippine Star (sa wikang Ingles). Nakuha noong Nobyembre 19, 2016.
  32. Gonzalez, Mia (2016-11-18). "Marcos buried at Libingan ng mga Bayani". RAPPLER (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  33. "Cordillera Peoples Alliance". www.cpaphils.org. Nakuha noong 2025-12-15.
  34. Cayabyab, Marc Jayson (2016-08-09). "Lagman on Marcos burial: Libingan for heroes, not for plunderers". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  35. Adel, Rosette (Agosto 15, 2016). "Martial Law victims ask SC to halt Marcos burial at Libingan ng mga Bayani". Philstar.com. Nakuha noong 2025-12-15.
  36. "What the dissenting justices say about Marcos burial". ABS-CBN News (sa wikang Ingles). 2016-11-08.
  37. Gavilan, Jodesz (2016-11-18). "TIMELINE: The Marcos burial controversy". RAPPLER (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-12-15.
  38. 1 2 3 Dizon, Jaymee T. Gamil, Nikko. "After 60 years, President Quirino gets burial he deserves". Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Nakuha noong Nobyembre 19, 2016.{{cite news}}: CS1 maint: multiple names: authors list (link)
  39. Romero, Paolo. "Fidel V. Ramos cremated, inurnment at Libingan set August 9". PhilStar (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 4, 2022.
  40. Pasion, Patty. "In protest of Marcos burial, national artist's remains exhumed". Rappler (sa wikang Ingles). Nakuha noong Nobyembre 19, 2023.