Pumunta sa nilalaman

Linggo ng Palaspas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang matagumpay na pagpasok ni Jesus patungo sa Jerusalem.[1][2]

Ang Linggo ng Palaspas ay ang ika-anim at huling Linggo ng Kuwaresma bago ang Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo. Sa araw na ito ay ginugunita ng mga Kristiyano ang pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem bago ang kanyang kalbaryo, o senyales ng pagsisimula ng Mahal na Araw.

Isa itong araw upang ipagdiwang ang araw nang pagpasok ni Hesus sa lungsod ng Jerusalem sa Israel, ayon sa pagkakasulat sa Bibliya sa Marcos 11:1-11, Mateo 21:1-11, Lucas 19:28-44, at Juan 12:12-19.

Ayon sa Ebanghelyo, bago sapitin ni Kristo ang Herusalem ay nanatili muna siya sa Bethany at Bethpage, kung saan nagsalo sila ni Lazaro, kasama ang mga kapatid nitong sina Maria at Martha, sa isang hapunan. Habang nagsasalo-salo sila, ay napakisuyuan niya ang isa niyang disipulo na kalagan ang isang nakataling buriko (donkey) at sinabing ito ay sa pag-uutos ng Panginoon. Ang burikong ito ay hindi pa nalululan kahit minsan at ito ang siyang ginamit ni Kristo sa kaniyang pagpasok sa Jerusalem. Nakasulat din sa Bibliya na sa pagdaan ni Kristo sa lansangan ay nagbigay-pugay ang mga tao sa pamamagitan ng paglalatag ng kanilang mga kapa at balabal sa lansangan, gayundin ng mga maliliit na tangkay ng puno.

Krus na gawa mula sa palaspas o dahon ng palamang pinalamutian at binendisyunan.

Tuwing Linggo ng Palaspas, maraming mga Kristiyano ang bumubuo ng mga krus na gawa mula sa mga palaspas, o ang pinalamutiang at binasbasang mga dahon ng palma[3], at sa pamamagitan din ng pagsisimba o pagpunta sa simbahan.

Tinatawag din na Domingo de Ramos, sa araw na ito ay naglalabasan sa mga lansangan ang mga naglalako ng palaspas na isang mahalagang gamit na dinadala ng mga mananampalataya sa Simbahan. Ang palaspas ay yari sa tangkay at dahon ng niyog na hinahabi sa iba’t ibang anyo na kadalasan ay nasa anyo ng pahabang pamaypay na may tatlong hugpungan. Ang iba naman ay hugis krus at arko. Sa mga pook na kakaunti o walang tanim na palma ay gumagamit sila ng ibang halaman para sa palaspas.

Sa araw na ito ay bitbit ng mga deboto ang palaspas sa Simbahan. Sa hudyat ng pari, sabay-sabay nilang iwinawagayway ang nasabing gamit. Ang pagwawagayway na ito ay nakakalikha ng animo’y matulis na tunog na dala ng hangin na pinaniniwalaan na isang paraan upang itaboy ang masasamang elemento at espiritu. Ang pari ay iikot sa mga tao upang mabindisyunan gamit ang banal na tubig ang mga palaspas ng mga deboto. Pag-uwi sa kani-kanilang tahanan ay ikinakabit ng mga tao ang kanilang palaspas sa pintuan ng kanilang bahay upang masanggahan ang kanilang pamilya mula sa kasamaan. Mananatili itong nakasabit sa tahanan hanggang sumapit muli ang Araw ng Palaspas isang taon ang makalipas.

Depende sa simbahan o parokya, ang paraan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ay maaring isang dula na parang drama na kung saan ang commentator ang magpapahayag ng pagbasa na ang tagapagdiwang ay gaganap bilang si Hesus at ang mga itinakdang gaganap na tauhan sa pagbasa, at babasahin ng lahat ng tagapagdiwang ang Mabuting Balita.

  1. Matthew 19–28 by William David Davies, Dale C. Allison 2004 ISBN 0-567-08375-6 page 120
  2. John 12–21 by John MacArthur 2008 ISBN 978-0-8024-0824-2 pages 17–18
  3. English, Leo James (1977). "Palaspas". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731., pahina 973.

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.