Matandang dalaga

Ang matandang dalaga ay isang katawagang tumutukoy sa isang babaeng walang asawa na mas matanda kaysa sa itinuturing na pinakamataas na hanay ng edad kung saan karaniwang nag-aasawa ang mga babae. Maaari rin itong magpahiwatig na itinuturing na hindi malamang na nagpakasal ang isang babae.[1] May negatibong konotasyon ang katawagan kadalasan.[2] Sa Ingles, tinatawag ang matandang dalaga bilang spinster, na orihinal na tumutukoy ang katawagan sa isang babae na ang trabaho ay nagpapaikot o nagsisinulid ng tela. Ang isa pang tawag sa Ingles ng matandang dalaga ay old maid (lit. matandang kasambahay). Ang ibang tawag nito sa Tagalog ay soltera na hango sa Kastila.
Ang katumbas na salita para sa lalaking walang asawa ay "matandang binata" o "soltero". Bagaman, bihira itong ginagamit para tukuyin ang isang lalaking walang asawa,[3] at pangkalahatang hindi nagdadala ang walang asawang lalaki ng parehong konotasyon na tumutukoy sa gulang at inaakalang ninanais na edad para magpakasal. Ang isang pangkatawagan para sa lalaking walang asawa ay "matandang tinali" na isang idiyoma dahil ang "tinali" ay tumutukoy sa "tandang na panabong".[4]
Ang edad ay isang mahalagang bahagi ng kahulugan, ayon sa paliwanag ni Robin Lakoff sa Language and Woman's Place: "If someone is a spinster, by implication she is not eligible [to marry]; she has had her chance, and been passed by. Hence, a girl of twenty cannot be properly called a spinster: she still has a chance to be married." ("Kung matandang dalaga ang isang tao, sa pamamagitan ng implikasyon, hindi siya karapat-dapat [makasal]; nagkaroon siya ng kanyang pagkakataon, at lumagpas na. Samakatuwid, ang isang babae ng dalawampung taon ay hindi maaaring wastong tawagin na isang matandang dalaga: mayroon pa ring pagkakataon na magpakasal siya.")[5] Gayunman, ang iba pang mga sanggunian ng katawagan na naglalarawan sa isang babaeng hindi kailanman nag-asawa ay nagpapahiwatig na may kaugnayan ang termino sa isang babae sa sandaling siya ay legal na edad o mayorya de edad.
Ang titulong "spinster" (o matandang dalaga) ay tinanggap ng mga peminista tulad ni Sheila Jeffreys, na ang aklat na binibigyan kahulugan ng The Spinster and Her Enemies (1985) sa mga matandang dalaga bilang mga babae na piniling tanggihan ang mga sekswal na relasyon sa mga lalaki.[6]
Pananaliksik
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang isang pag-aaral sa Unibersidad ng Missouri noong 2009 sa 32 kababaihan ay natagpuan na nakadarama ang mga modernong "matandang dalaga" ng panlipunang estigma na nakalakip sa kanilang katayuan at isang pakiramdam ng parehong mataas na bisilibidad at di-bisilibidad." Ang mas mataas na kakayahang makita ay nagmula sa mga damdamin ng pagkakalantad at nagmula ang pagiging hindi nakikita sa mga pagpapalagay na ginawa ng iba."[7][8]
Sa isang pag-aaral, mas masaya ang matandang dalaga kaysa may asawang babae.[9] At sa isa pang pag-aaral, mas masaya pa ang soltera kaysa soltero.[10]
Kababaihan at kasal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maaaring hindi nag-asawa ang mga kababaihan sa iba't ibang (at/o kumbinasyon ng) mga kadahilanan, kabilang ang personal na hilig, kakulangan ng mga karapat-dapat na lalaki (na ang bilang ay maaaring bumaba nang husto sa panahon ng digmaan), at mga kondisyong sosyo-ekonomiko (iyon ay, ang pagkakaroon ng kabuhayan para sa mga kababaihan). Ang manunulat at matandang dalaga na si Louisa May Alcott ay kilalang sumulat na "sa marami sa atin, ang kalayaan ay isang mas mabuting asawa kaysa pag-ibig".[11] Maaari ding lumitaw ng mga isyu sa katayuan sa lipunan kung saan hindi katanggap-tanggap para sa isang babae na magpakasal sa ibaba ng kanyang antas sa lipunan subalit kulang sa pondo o salapi ang kanyang mga magulang upang suportahan ang isang kasal sa loob ng kanilang panlipunang herarkiya.[12]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Spinster", Merriam-Webster Dictionary (sa wikang Ingles), 25 Hunyo 2023
- ↑ "Matandang Dalaga: Monolingual Tagalog definition of the word matandang dalaga". www.tagalog.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-02-15.
- ↑ Tan, Michael L. (2017-09-01). "'Tanda'". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-02-15.
- ↑ Sebastian, Federico B. (1954). Idiomatic expressions in Pilipino. Bedes Publishing House, Incorporated.
- ↑ Lakoff, Robin (1975). Language and Woman's Place (sa wikang Ingles). New York: Harper and Row. ISBN 9780060903893.
- ↑ Jeffreys, Sheila (1985). The Spinster and Her Enemies: Feminism and Sexuality 1880–1930 (sa wikang Ingles). Pandora Press. ISBN 9780863580505.
- ↑ "Single Women Still Feel Spinster Stigma, Study Finds". LiveScience (sa wikang Ingles). Marso 2010.
- ↑ Sharp, Elizabeth A.; Ganong, Lawrence (2011). "'I'm a Loser, I'm Not Married, Let's Just All Look at Me': Ever-Single Women's Perceptions of Their Social Environment". Journal of Family Issues (sa wikang Ingles). 32 (7): 956–980. doi:10.1177/0192513X10392537.
- ↑ Alipio-Luzande, Camille (2019-06-06). "Mga Matandang Dalaga, Mas Masaya Daw Ayon Sa Pag-aaral". ph.theasianparent.com. Nakuha noong 2025-02-13.
- ↑ "Single women are happier than single men, says new research". Women's Health (sa wikang Ingles). 2024-12-12. Nakuha noong 2025-02-13.
- ↑ "Louisa May Alcott, Spinster, Enjoys Valentine's Day 1868". New England Historical Society (sa wikang Ingles). 14 Pebrero 2015. Nakuha noong 19 Oktubre 2016.
- ↑ Hill, Bridget (2001). Women Alone Spinsters in England 1660–1850 (sa wikang Ingles). Yale University Press. p. 10. ISBN 0300088205.