Pumunta sa nilalaman

Sinabawang miso

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Miso soup)
Sinabawang miso
Sinabawang miso na may tokwa, wakame, at sibuyas
UriSabaw
LugarHapon
Ihain nangMainit
Pangunahing Sangkapkaldong dashi, minasang miso
Mga katuladDoenjang-guk, doenjang-jjigae

Ang sinabawang miso (味噌汁, misoshiru) ay tradisyonal na Hapones na sabaw na binubuo ng kaldong dashi na hinaluan ng pinalambot na minasang miso. Bukod dito, may maraming opsiyonal na sangkap (samu't saring gulay, tokwa, abura-age, atbp.) na maaaring idagdag depende sa mga panrehiyon at pana-panahong recipe, at sariling kagustuhan. Sa kulturang ng pagkaing Hapones, madalas pinagsasabay ang sinabawang miso at kanin. Tinatawag ding omiotsuke (御味御付) ang sinabawang miso.

Kasama ng suimono (malinaw na sabaw na tinimplahan ng kaunting toyo at asin sa kaldong dashi), itinuturing ang sinabawang miso na isa sa dalawang pangunahing uri ng sabaw sa lutuing Hapones.[1]

Minasang miso

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakabatay ang karakter at lasa ng sabaw sa minasang miso na napiling gamitin. Maaaring maikategorya ang mga minasang miso (isang tradisyonal na sarsang Hapones na nabubuo sa pagbuburo ng balatong sa asin at ang halamang-singaw na Aspergillus oryzae, na kilala sa Hapones bilang kōjikin [ja] (麹菌), at minsan kanin, sebada, o iba pang mga sangkap) sa pula (akamiso), puti (shiromiso), o magkakahalo (awase).[2] Samu't sari ang mga baryasyon sa mga temang ito, kabilang dito ang mga baryasyon ayon sa rehiyon, tulad ng misong Shinshū miso o misong Sendai [ja].

Nakakaapekto rin sa lasa nito ang tagal ng pagbuburo: mas magaan at matamis ang minasang miso na pinaburo sa mas maikling yugto ng panahon, tulad ng puting miso, habang mas matapang at malalim ang lasa ng pinaburo nang mas matagal, tulad ng pulang miso.[3]

Ang mga pinakakaraniwang kaldong dashi para sa sinabawang miso ay gawa sa niboshi (pinatuyong batang sardinas), kombu (pinatuyong damong-dagat), katsuobushi (mga gayat ng pinatuyo at pinausukang bonito, o hoshi-shiitake (pinatuyong shiitake). Maaari ring ipagsama ang kombu sa katsuobushi o hoshi-shiitake. Pambehetaryano ang kaldo kung ginamit ang kombu at/o shiitake dashi.[4]

Kapag sinangkap ang mga almeha kagaya ng Asari (Venerupis philippinarum), Shijimi (Corbicula japonica), o Hamaguri (Meretrix lusoria), magdaragdag ang mga ito ng lasa na kawahig sa dashi at hindi na kailangang maghanda ng kaldo nang patiuna.

Sa labas ng Hapon, nagagawa ang istilong Amerikano o Europeo na sinabawang miso sa pagtutunaw ng miso sa Kanluraning kaldo. Maaaring isangkap ang negi, karot, patatas at daikon sa sabaw. Sa ilang bersiyon ng sabaw, maaari pa ngang gamitin ang kaldong manok, kaldo ng Kanluraning isda, at iba pang base na hindi dashi, ngunit pinagdedebatihan ng ilan kung tunay na sinabawang miso ang mga ganitong uri na gawa sa di-tradisyonal na base.

Mga ibang sangkap

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sinabawang shijimi miso sa isang restawran sa Tokyo

Ayon sa kaugaliang Hapones, pinipili ang mga sangkap upang masalamin ang mga kapanahunan at upang magkaroon ng iba't ibang mga kulay, tekstura, at lasa. Kaya madalas pinagsasama ang negi na may matapang na lasa, at tokwa na may banayad na lasa. Pinagsasama rin ang mga lumulutang na sangkap, katulad ng wakame, at ang mga lumulubog na sangkap, katulad ng patatas. Maaaring kabilang sa mga sangkap ang kabute (nameko o shiitake), patatas, gabi, damong-dagat, aonori, sibuyas, nira, common bean, mitsuba, hipon, isda, kabibe, at hiniwang daikon. Halos anumang Hapones na sangkap ang idinaragdag sa sinabawang miso. Ngunit kadalasan sa mga karaniwang resipi ng sinabawang miso, kaunting sangkap lamang ang idinaragdag bukod sa dashi at miso. Kung idinagdag ang baboy sa sinabawang miso, tinatawag itong tonjiru, na may kahulugang "sinabawang baboy". Inihahain ang tonjiru sa hapunan at tanghalian, at bihira itong kinakain sa almusal.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Sakai, Sonoko (Nobyembre 19, 2019). Japanese Home Cooking: Simple Meals, Authentic Flavors [Hapones na Lutong Bahay: Simpleng Pagkain, Awtentikong Lasa] (sa wikang Ingles). Roost Books. p. 118. ISBN 9780834842489.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "What Is Miso Paste, Anyway, And How Do I Use It? Help!" [Ano Ba Ang Minasang Miso, At Paano Ito Gamitin? Tulong!]. HuffPost (sa wikang Ingles). 2016-04-26. Nakuha noong 2018-12-14.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Delany, Alex. "5 Ways to Use Miso That Don't Involve Soup" [5 Paraan para Gamitin Ang Miso Maliban sa Sabaw]. Bon Appetit (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2018-12-14.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "How To Make Miso Soup" [Paano Gumawa ng Sinabawang Miso]. Kitchn (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2018-12-14.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)