Pumunta sa nilalaman

Pagplano ng kapasidad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang pagplano ng kapasidad (sa Ingles: capacity planning) ay pagpaplano ng panustos ng produkto (o serbisyo) at paraan ng pangangasiwa ng panustus ayon sa kasalukuyang pangangailangan at pagtataya ng pangangailangan sa hinaharap. Kasama rito ang pag-alam sa dami ng manggagawa at makinaryang dapat gamitin para sa bawat proseso na napapaloob sa paggawa ng produkto o paghatid ng serbisyo. Ang pagplano ng kapasidad ay karaniwang ginagawa para sa tagal ng isa o higit pang mga taon.

Proseso ng pagplano ng kapasidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Tantiyahin ang kinakailangang kapasidad sa hinaharap — Kalakip sa hakbang na ito ang paghanap sa tayang pangangailangan sa loob ng tagal ng pag-aaral. Ang mga karaniwang pinag-uukulang pansin sa mga tayang pangangailangan ng tumatagal ng higit sa isang taon ay ang takbo ng pangangailangan, kung ito ba ay bumababa o tumataas, at ang mga siklo. Matapos kunin ang tayang demand ay kinukuha naman ang kinakailangang kapasidad ayon sa tayang pangangailangan. Maaari itong maipakita sa pamamagitan ng dami ng makina o ng manggagawa na kakailanganin upang makagawa ng produkto o makapaghatid ng serbisyo ayon sa tayang demand.
  2. Suriin ang kasalukuyang kapasidad at kunin ang pagkukulang ng kasalukuyang kapasidad sa kinakailangang kapasidad — Maaaring makuha ang kasalukuyuang kapasidad sa pamamagitan ng pagsuri sa kasalukuyang dami ng manggagawa at/o pag-aaring makina. Ang puwang sa kapasidad ay ang pagkakaiba ng kasalukuyang kapasidad at kinakailangan kapasided. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng pagbawas ng kasalukuyang kapasidad sa kinakailangang kapasidad.
  3. Magpanukala ng mga solusyon at suriin ang mga ito ayon sa mga importanteng isyu. — :Ang panukalang solusyon ay maaaring, (1) bumili ng bagong makina at magdagdag ng manggagawa upang makagawa ng produktong sasapat sa puwang ng kapasidad, (2) bumili ng bagong makina at magdagdag ng manggagawa upang makagawa ng ilan sa mga produktong kailangan at bilhin ang iba pang produktong kulang, o kaya ay (3) bilhin mula sa ibang tagagawa ang produktong kulang upang sumapat sa puwang sa kapasidad. Ang pangunahing isinasaalang-alang sa pagsuri sa mga ito ay ang magiging gastos sa pagsagawa ng solusyon.
  4. Pumili ng pinakaangkop na solusyon — Pinipili ito ayon sa mga pamantayang ginamit sa ikatlong hakbang. Karaniwan ang solusyon na may pinakamababang gastos ang pinipili kung ang gagastusin lamang ang pamantayan.
  5. Isagawa ang napiling solusyon
  6. Subaybayan ang mga resulta — Kinakailangan ito upang masuri kung tama pa rin ang ginawang plano ng kapasidad kung nagkaroon ng pagbabago sa pangangailangan at/o pagbabago sa paggawa ng produkto o serbisyo.