Pumunta sa nilalaman

Agrimensura

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pagtilingin)
Isang tagasukat ng lupa (surveyor) na gumagamit ng total station

Ang agrimensura[1] (Ingles: surveying) ay isang pamamaraan, propesyon at agham sa pagtukoy ng panlupa o tatlong dimensyonal na posisyon ng mga puntos, at mga distansya at angulo sa pagitan nila. Ang eksperto sa pagsusukat ng lupa ay tinatawag na surveyor ng lupa. Ang mga puntos na ito ay karaniwang nasa ibabaw ng daigdig, at ang mga ito ay kadalasang ginagamit upang makagawa ng mga mapa ng mga lupain at mga hangganan ng mga pagmamay-ari, mga lokasyon tulad ng sulok ng mga gusali o iba pang mga mahahalagang bantayog, o iba pang mga layunin na kinakailangan ng pamahalaan o sibil na batas tulad ng property sales.

Ang mga tagasukat ay gumagamit ng iba’t ibang mga elemento sa matematika (heometriya at trigonometriya), pisika, inhinyeriya, at batas. Gumagamit sila ng mga kasangkapan tulad ng total stations, robotic total stations, GPS receivers, prisms, 3D scanner, mga radyo, handheld tablets, digital levels, at surveying softwares.

Ang pagsusukat ay isa nang elemento ng pag-unlad ng kapaligiran ng tao magmula nang nasulat ang kasaysayan. Ito ay kinakailangan sa pagpaplano at pagsasagawa ng lahat ng uri ng konstruksyon. Ito rin ay ginagamit sa transportasyon, komunikasyon, paggawa ng mapa at pagtatag ng mga legal na hangganan ng pagmamay-ari ng mga lupain.