Pamamahalang Makaagham (Scientific Management)
Ang Pamamahalang Makaagham (Scientific Management), o Taylorism, ay isang teorya ng pamamahala na nagsusuri ng paggawa (workflows). Layunin nito na mapaayos ang kaayusang pang-ekonomiya lalo na ang sa paggawa (labor productivity). Isa ito sa mga pinakaunang ginawa upang gamitin ang agham sa inhinyeriya ng mga proseso at sa pamamahala.
Nagsimula ito kay Frederick Winslow Taylor noong 1880s at 1890s para sa mga pagawaang industriyal. Pinakamaimpluwensya ito noong 1910s. Noong 1920s, maimpluwensya pa rin ito ngunit pumasok na ang kompetisyon ng iba pang taliwas na mga ideya at paniniwala.
Bagamat ang pamamahalang makaagham bilang isang teorya o kaisipan ay hindi na uso o pinaniniwalaan noong 1930s, karamihan sa mga ideya at konsepto nito ay mahalagang bahagi pa rin ng Inhinyerang Industriyal sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang mga sumusunod: pagsusuri (analysis); synthesis; lohika (logic); rasyonalisasyon (rationalization); empirisismo (empiricism); etika ng paggawa (work ethic); kahalagahan at pagtapon o pag-alis ng basura; standardisasyon ng mga pinakamahusay na gawain; pagkadismaya sa tradisyong pinapanatili para lamang sa sarili nitong kapakanan o upang pangalagaan ang katayuan sa lipunan ng mga partikular na manggagawa na mayroong partikular na mga kakayahan; ang pagpapalit ng craft production tungong mass production; at ang pagpapalitan ng kaalaman ng mga manggagawa sa mga kapwa manggagawa.