Pumunta sa nilalaman

Pedro Bukaneg

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pedro Bukaneg
KapanganakanMarso 1592
Kamatayanc. 1630
TrabahoManunula

Si Pedro Bukaneg ay isang dakilang Pilipino na mula sa lupain ng mga Samtoy (bandang Ilocos). Itinuturing siyang unang edukadong Ilokano, orador, musikero, leksikograpo at dalubwika. Siya ang itinuring na Ama ng Panitikang Ilokano.

Batay sa haka-haka si Bukaneg ay maaaring isinilang noong taong 1592. Buwan ng Marso, 1592 nang matagpuan siya sa isang tampiping lulutang-lutang sa isang ilog sa pagitan ng bayan ng Bantay at Vigan, Ilocos Sur ng isang labandera. Isang batang lalaki na bukod sa bulag ay pangit pa. Pinaniwalaang si Bukaneg ay biktima ng isang malupit na kaugaliang kapag may kapansanan ang isang bata, ito ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Samtoy na noong panahong iyon ay hindi lamang dito nangyayari kung di nangyayari rin sa mga bansang Sparta at Persia.

Idinala ng butihing babae ang bata sa kura paroko ng Bantay, kung saan ay nabinyagan bilang Pedro Bukaneg. Ang Bukaneg ay sinasabing pinaikli ng nabukaan nga itneg, ibig sabihin Christianized heathen. Hanggang sa ngayon ay di malaman kung sino talaga ang tunay na mga magulang ni Bukaneg. Pinalaki siya ng mababait na paring Agustiniano sa kumbento ng Bantay. Kung bagaman si Bukaneg ay bulag at pangit, siya naman ay pinagkalooban ng maykapal ng pambihirang katalinuhan. Kahanga-hanga ang kanyang kakayahang makatanda ng mga bagay-bagay (retentive memory) at ang kanyang kakayahang manghikayat sa pamamagitan ng kanyang pananalita. Marunong siya ng iba't ibang wika tulad ng Latin, Kastila, Iloko at Itneg (Tinggian). Maging ang mga paring Agustiniano ay humanga sa kanya. Siya ang may-akda ng kilalang epikong Ilokano na ang pamagat ay Biag ni Lam-ang na binubuo ng 294 na saknong (stanzas).

Hindi lamang mahusay sa pagtula si Bukaneg, mahusay din siyang orador. Si Bukaneg ang naging guro ng mga paring Agustiniano sa pag-aaral ng wikang Ilokano. Nagsulat si Bukaneg ng mga sermon sa wikang Ilokano at nagsalin ng mga nobena at dasal mula sa latin at Kastila sa wikang Ilokano at tumulong sa paghahanda ng unang katesismo at gramatika sa wikang Ilokano.

Nakalulungkot na ang kanyang mga tula, sermon, dasal at ibang sinulat ay nawala subalit pinaniniwalaang ang malaking bilang ng mga tula sa wikang Ilokano, mga nobena at mga dasal niya ay kinuha ng mga paring Kastila.

Ayon sa tala, si Bukaneg ay namatay noong taong 1630. Iyon ay ikinalungkot ng mga taong may higit na paniniwala sa isang taong tulad niya na nag-aangkin ng pambihirang katalinuhan, para sa walang katapusang pagpaparangal sa kanya ng mga Ilokano, ang popular na patulang pagtatalo sa ibabaw ng tanghalan ay tinawag nilang Bukanegan. TaoPilipinasPanitikan Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao, Pilipinas at Panitikan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.