Pelikulang tahimik
Pelikulang tahimik[a] (Ingles: silent film) ang tawag sa mga pelikulang walang sumasabay na naka-record na tunog o musika. "Tahimik" ang mga ito dahil walang naririnig na salita sa pelikula. Ginagamitan ito ng mga title card (o intertitle) para mapakita ang pag-uusap o komentaryo tungkol sa isang eksena. Ito ang unang umusbong na uri ng pelikula, at nanatiling dominante hanggang sa pag-usbong ng teknolohiya na nagpahintulot sa mga pelikula na magkaroon ng sabay na tunog, simula noong dekada 1930s. Bagamat mga "tahimik" sila, madalas may mga orkestra ang mga sinehan para lapatan ang mga pelikulang tahimik na nangangailangan ng musika.
Ang mga taon sa pagitan ng dekada 1890s hanggang 1930s ay itinuturing na panahon ng mga pelikulang tahimik. Kasabay sa panahong ito ang pag-abante sa mga kaparaanan sa larangan ng sinematograpiya. Mabilis na lumaos ito nang sumikat ang pelikulang The Jazz Singer (1927), ang unang talkie, bagamat may mga pelikulang tahimik pa rin na nagawa kahit sa panahon ng mga pelikulang may tunog, katulad ng mga pelikula ni Charlie Chaplin.
Marami sa mga pelikulang tahimik ang nawala na sa kasaysayan, madalas dahil sa kalumaan ng mga ito at sa materyales itong madaling masunog. Marami rin sa mga ito ang sadyang sinira dahil sa kawalan ng halaga nito nung umusbong ang mga pelikulang may tunog. Sa kasalukuyan, may mga kilusang nagpepreserba at nagdi-digitize sa mga ito para mapanood sa internet.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga ninuno ng pelikula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagmula ang konsepto ng pagpapakita ng mga larawan mula sa mga magic lantern, na gumagamit sa mga salamin na nagsisilbing lente at isang malakas na liwanag (tulad halimbawa ng isang lantern) para maipakita ang mga larawang nasa salamin sa isang dingding. Noong ika-19 na siglo, itinatanghal ito sa publiko, at karaniwang nakapinta ang mga larawan sa salamin. Gayunpaman, paminsan-minsan ding ginagamit ang mga litrato nang naging posible ang teknolohiya para sa mga ito.
Ipinakilala ni Joseph Plateau ang phenakistiscope noong 1833, isang kagamitan na nagpapakita ng isang maiksing animasyon na paulit-ulit habang pinapaikot-ikot. Ito ang itinuturing na pinakaunang kagamitan na partikular na gumamit sa isang gumagalaw na midya bilang isang uri ng entertainment. Samantala, anim na taon pagkatapos, ipinakilala naman ni Louis Daguerre ang kauna-unahang paraan sa potograpiya. Nagawa nitong makakuha ng mga litrato, ngunit hindi sapat ang pagkasensitibo nito sa liwanag para makunan ang mga gumagalaw. Nagmungkahi mismo si Plateau ng paraan para mapagalaw ito, na gumagamit naman sa konsepto ng mga animasyong stop motion noong 1849. Marami ang sumubok na pagalawin ang mga litrato, partikular na si Jules Duboscq, na nakagawa ng isang kagamitan na hindi nagtagumpay sa huli. Nagpatuloy ang paghahanap ng paraan noong dekada 1850s hanggang 1870s, na may iba't ibang antas ng tagumpay.
Mga unang pelikula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1878, gumamit si Eadweard Muybridge ng isang hanay ng mga kamera para i-record ang isang tumatakbong kabayo. Ginawa niya ito upang patunayan na may punto sa pagtakbo ng kabayo kung saan wala sa mga paa nito ang nakatapak sa lupa. Ang resulta ay ikinagulat ng marami, at inilathala ito sa ilalim ng pangalang The Horse in Motion bilang isang serye ng mga larawan. Marami ang nagsimulang gamitin ang kronopotograpiya (Ingles: chronophotography) at sinubukan pagalawin ang resulta. Partikular na nagtagumpay si Ottomar Anschutz sa kanyang electrotachyscope simula noong 1887, at nagawa niyang mapagalaw ang mga larawan at ipakita ito una sa mga maliliit na screen, ngunit kalaunan ay nagawa niya rin ito sa mga malalaki noong 1894. Ang tagumpay na ito ang isa sa mga inspirasyon ng Edison Company na gumawa ng lalagpas sa 20 segundo gamit ang kanilang kinetoscope simula noong 1893.
Ang itinuturing na unang pelikulang tahimik na nagawa ay ang 1.66 na segundong pelikula na Roundhay Garden Scene ni Louis Le Prince. Kasabay ng mga pag-abanteng nagawa sa pelikula ang mga pag-abanteng nagawa sa animasyon. Partikular sa mga ito ang pagkaimbento ng praxinoscope ni Émile Reynaud noong 1877. Ang pagpapakita sa kanyang palabas na Pantomimes Lumineuses ("Maliliwanag na Pantomime") sa publiko ng Paris noong 1892 ay ang itinuturing na simula ng mga sinehan. Sinundan ito ng magkapatid na Lumière noong 1895, na nagpakita ng mga pelikula gamit ang kanilang cinematographe.
Simula 1890s, maraming mga maiiksing pelikulang tahimik na ginawa. Ang karamihan sa mga ito ay maituturing na eksperimental at nagpapakita sa mga pangyayari sa araw-araw, nang walang kahit anong kwento. Gayunpaman, nagsimulang magkaroon ito ng mga kwento pagsapit ng ika-20 siglo habang patuloy na umuusad ang teknolohiya para sa paggawa ng mga pelikula.
Pagkakaroon ng kwento at daloy
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga unang pelikulang tahimik ay tipikal na gumagamit lang ng iisang kamera, nang walang kahit anong pag-eedit. Gayunpaman, nadiskubre kalaunan ng mga gumagawa ng pelikula na nagkakaroon ng kwento ang isang pelikula kung pagsasama-samahin ang mga magkakaugnay na eksena sa isa't isa. Ang pelikulang La Fée Aux Choux ("Ang Diwata ng mga Repolyo", 1897) ni Alice Guy-Balché ang itinuturing na unang pelikulang gumawa nito. Ang The Kiss (1896) ni William Heise ay isa rin sa mga unang pelikulang may naratibo, at ang unang pelikulang ipinawagang ipa-censor dahil sa pagpapakita nito ng paghalik, na ipinagbabawal ipakita sa publiko noon.
Ang pelikulang The Execution of Mary Stuart (1895) ang itinuturing na unang pelikulang ginamitan ng special effects. Gumamit ito ng stop trick, kung saan pinalitan ng isang manikin ang aktor na gumaganap kay Maria, Reyna ng mga Eskoses para ipakita ang pagpugot sa ulo. Ginamit rin ni Georges Méliès ang kaparehong teknik sa Escamotage d'une dame chez Robert-Houdin ("Ang Paglaho ng isang Ginang sa Robert-Houdin") upang ipakita ang paglaho ng aktres. Si Méliès ay isang magikero, at naging interes niya ang paggawa sa mga pelikulang may nagaganap na ilusyon. Isa siya sa mga unang gumawa ng mga pelikulang may higit sa isang eksena (tipikal noong ang mga pelikulang kinunan sa iisang eksena). Ang kanyang unang pelikulang gumamit nito ay ang L’Affaire Dreyfus ("Ang Iskandalong Dreyfus", 1899), isang serye ng mga pelikulang ginawa niya upang ikwento ang iskandalong Dreyfus na kasalukuyang nagaganap habang ginagawa niya ang naturang serye. Ang pinakasikat at pinakamaimpluwensiyang nagawa niya ay ang Le Voyage dans la Lune ("Ang Paglalakbay Patungo sa Buwan", 1902), isang adaptasyon mula sa nobela ni Jules Verne. Gumamit ito ng mga special effects at pagkakaroon ng daloy (Ingles: continuity) para makagawa ng kwento. Ito rin ang unang pelikulang nagkaroon ng pandaigdigang pagpapalabas dahil sa pagpipirata.
Ang naturang pelikula ni Méliès ang naging inspirasyon ni Edwin S. Porter. Dating nanilbihang kameraman para sa Edison Company, nakilala siya dahil sa pagdirek niya sa mga pelikulang may daloy ng kwento at naratibo, partikular na sa The Life of an American Fireman (1902) at The Great Train Robbery (1903). Ang The Great Train Robbery ay ang kauna-unahang pelikulang itinuring na isang tagumpay sa box office. Ipinakita sa pelikulang ito ang isang makatotohanang naratibo na iba sa mga tipikal na pantasyang gawa ni Méliès.
Paglago ng industriya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagamat parehong sumikat, hindi nagawang makaangkop sina Méliès at Porter sa mabilis na pag-usad ng industriya ng pelikula. Kabilang sa mga dahilan nito ay ang pag-usbong ng mga kumpanyang distributor ng mga pelikula tulad ng Pathé Fréres ni Charles Pathé. Nakuha nito ang mga karapatan sa patent ng magkapatid na Lumiere noong 1902 at nagkomisyon ng isang disenyo ng kamera na kalaunan ay gagamitin halos ng buong merkado sa magkabilang panig ng Karagatang Atlantiko. Noong 1911, naging distributor ni Méliès ang Pathé. Ang Gaumont Pictures ang itinuturing na karibal ng Pathé sa panahong ito, at kahit na hindi ito kasinlaki ng Pathé, ang operasyon nito ay kapareho lang sa kanila. Ang dalawang kumpanyang ito ang mga dominanteng distributor ng pelikula sa Europa bago ang Unang Digmaang Pandaigdig. Sa Estados Unidos naman, ang pagsabog ng mga sinehang nickelodeon ("teatrong nickel[b]") ang nagpalago sa lokal na industriya. Tinatayang nasa 8,000 hanggang 10,000 nickelodeon sa Estados Unidos pagsapit ng taong 1908. Sa taong ding yon, tinatayang nasa 20 kumpanya ang gumagawa ng mga pelikula sa bansa, kabilang na ang Edison Company, Biograph Studios, at ang lokal na sangay ng Pathé sa Amerika.
Panahon ng mga pelikulang tahimik
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Pilipinas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pag-usbong ng mga talkie
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga homage sa modernong panahon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Katangian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagpepreserba
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.