Pinggang Petri
Ang pinggang Petri ay isang maliit na plato o platitong kahugis ng isang binumbong o silinder (silindro). Yari ito sa babasaging naaaninag na salamin o plastikong mayroong takip na gawa rin sa salamin o plastiko. Ginagamit ito ng mga siyentipiko, katulad ng mga biyologo, upang maglinang o magpalaki ng mga sihay (selula) na nagmula sa mga hayop, halamang singaw (punggus), at karamdaman upang mapag-aralan ang mga ito. Maaaring muling gamitin ang mga yari sa salamin pagkaraang painitan at matuyo sa init na 160°C sa loob ng isang oras habang nasa hurnuhang naglalabas ng mainit na hangin (proseso ng isterilisasyon). Samantala, kailangang itapon na ang yari sa plastiko makaraang gamitin ng isang ulit.
Kung minsan nilalagyan ito ng agar na nakakatulong sa pagpapalaki at pagpaparami ng mga selula, kaya't tinatawag na mga plato ng agar, platong pang-agar, o platong may agar (agar plate). Ginagamit din ito sa mga klaseng pang-agham sa paaralan. Mayroon silang mga takip upang hindi makapasok ang mga mikrobyo (mga germ) na nasa hangin, o para maiwasan ang kontaminasyon, na makasisira sa ginagawang eksperimento.
Pinangalanan ito mula sa Alemang bakteryologong si Julius Richard Petri, ang umimbento nito habang naghahanapbuhay bilang katulong o asistente ni Robert Koch.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Kimika at Biyolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.