Pumunta sa nilalaman

Prasutagus

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Si Prasutagus ay ang hari ng tribong Seltiko Britaniko (mga Brython) na tinatawag bilang tribong Iceni, na nanirahan sa halos kinalalagyan sa ngayon ng pangkasalukuyang Norfolk sa Inglatera, noong unang daantaon AD. Higit siyang nakikilala bilang ang asawa ni Boudica. Si Prasutagus ay maaaring isa sa 11 mga hari na sumuko kay Claudius pagkaraan ng Pananakop ng mga Romano sa Britanya noong 43 AD,[1] o maaaring itinalaga siya bilang hari kasunod ng pagkatalo ng isang panghihimagsik na isinagawa ng mga Iceniano noong 47 AD.[2] Sa anumang kaso, bilang isang kaanib ng Imperyong Romano, ang tribo ni Prasutagus ay pinahintulutan na manatiling halos nagsasarili, at upang matiyak ito, pinangalanan ni Prasutagus ang emperador ng Roman bilang kasamang tagapagmanan ng kaniyang kaharian, kasama ng kaniyang dalawang mga anak na babae. Ayon kay Tacitus, namuhay siya ng matagal at masagana, subalit nang mamatay siya, binalewala ng mga Romano ang kaniyang kagustuhan at nangibabaw, at inagaw ng mga ito ang mga lupain ng mga maharlikang nasasaklawan ng kaniyang kaharian. Dinambong ng mga Romano ang kaharian ni Prasutagus. Hinagupit ng mga Romano ang asawa niyang si Boudica at ginahasa ng mga ito ang kanilang mga anak na babae.[3] Roman financiers called in their loans.[4] Ang lahat ng mga pangyayaring ito ay humantong sa panghihimagsik ng mga Iceni, sa ilalim ng pamumuno ni Boudica noong 60 AD o 61 AD.

Mayroong mga barya na natagpuan sa Suffolk, Inglatera, na may nakaukit na pariralang nasa wikang Latin na SVB ESVPRASTO ESICO FECIT, "ginawa [ito] sa ilalim ng [pamumuno ni] Esuprastus Esico". May ilang mga arkeologong naniniwala na Esuprastus ang totoong pangalan ng haring tinatawag ni Tacitus bilang Prasutagus, habang mayroon namang ibang mga arkeologo na iniisip na siya ay ibang tao. Mayroon namang iba pang mga arkeologo na ipinaliliwanag na ang Esuprastus ay isang pangalang langkapan, na ang "Esu-" ay hinango mul sa diyos na si Esus at nangangahulugang "panginoon", "amo" o "dangal", at ang "Prasto-" ay isang dinaglat na pangalang personal, kung kaya't ang nakakintal na tatak sa barya ay may ibig sabihing "sa ilalim ng Panginoong Prasto-". Maibubukod-tangi rin na ang mga barya ng mga Corieltauvi ay nakintalan din ng kahalintulad na mga pangalang IISVPRASV at ESVPASV. Ang pangalan ng isang mas naunang hari ng mga Iceniano ay lumitaw sa mga barya bilang SCAVO, isang pangalan na maaaring kaugnay ng Latin na scaeva, "kaliwa", at ng scaevola, "gumagamit ng kaliwang kamay". Ang mga barya ng kapwa mga pinuno ay magkahalintulad na may estilo at wikang Romano, at maaaring inilabas sa loob ng dalawampung mga taon ang pagitan ng bawat isa. Iminungkahi ni Chris Rudd na si Esuprastus, na kinilala niya bilang si Prasutagus, ang humalili kay Scavo pagkalipas ng rebelyong Iceniano noong 47 AD.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Arko ni Claudius
  2. Tacitus, Annals 12.31
  3. Tacitus, Annals 14.31
  4. Cassius Dio, Roman History 62.2
  5. Richard Hingley, "Freedom Fighter - or Tale for Romans? Naka-arkibo 2012-06-12 sa Wayback Machine.", British Archaeology 83, 2005; Amanda Chadburn, "The currency of kings Naka-arkibo 2012-07-19 sa Wayback Machine.", British Archaeology 87, 2006; Chris Rudd, "How four lost rulers were found", Current Archaeology 205, 2006
[baguhin | baguhin ang wikitext]