Prinsipyo ni Bernoulli
Ang prinsipyo ni Bernoulli, na nakikilala rin bilang alituntunin ni Bernoulli o tuntunin ni Bernoulli, ay isang diwa sa dinamika ng pluwido. Sinasabi ng konseptong ito na kapag ang isang hindi napipiga na pluwido ay gumagalaw na dumaraan sa iba't ibang mga sukat ng tubo, nababago ang tulin ng pluwido. Ang pagbabagong ito sa belosidad ay tinatawag na "akselerasyon" o "pagbilis". Ipinakita ni Isaac Newton na nagaganap lamang ang akselerasyon sa pamamagitan ng isang aksiyon ng isang puwersa. Kapag ang isang puwersa ay kumilos sa ibabaw ng isang pook, tinatawag itong "presyon". Kung kaya't ang anumang pagbabago sa bilis ng isang pluwido ay dapat na tugmaan ng isang pagbabago sa presyon (puwersa). Nakita ni Bernoulli na ang tulin ng daloy ay tumataas sa loob ng isang mas maliit na bahagi ng tubig habang ang presyon na nasa gilid ng mas maliit na tubo ay bumababa.
Sa kapayakan, ang prinsipyo ni Bernoulli ay nagsasabi na kapag tumataas ang tulin ng pluwido, bumababa naman ang presyon. Ang larawang nasa kanan ay nagpapakita ng pangyayaring ito. Ang hangin na nasa malapad na bahagi ng tubo ay mayroong mas mataas na presyong estatiko kaysa sa makitid na bahagi. Para sa isang tuluy-tuloy na agos, ang dami ng pluwidong pumapasok sa tubo ay dapat na tumumbas sa dami na natatanggal mula sa tubo, kung kaya't ang bilis ng pluwido na nasa payat na bahagi ay dapat na tumaas.
Ang buong bersiyon ng prinsipyo ni Bernoulli ay kinabibilangan kapwa ng gawain na isinasagawa ng presyon at ng mga pagbabago sa enerhiyang potensiyal mula sa mga pagbabago sa taas. Sa ganitong anyo, sinasabi ng prinsipyo na ang suma o kabuoan ng presyon, enerhiyang kinetiko, at enerhiyang potensiyal ay hindi nagpapabagu-bago (palaging ganoon). Subalit, hindi isinasaalang-alang ni Bernoulli ang biskosidad (kalaputan o kalagkitan) o ang kompresibilidad (pagkanapipiga).
Ang prinsipyo ni Bernoulli ay mailalapat sa sari-saring mga uri ng daloy ng pluwido, na kinalabasan ng kinikilala bilang ekwasyon ni Bernoulli. Ang prinsipyo ni Bernoulli ay ipinangalan batay kay Daniel Bernoulli isang Suwisong dalub-agham na naglathala ng kaniyang prinsipyo sa aklat niyang Hydrodynamica noong 1738.[1]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Hydrodynamica". Britannica Online Encyclopedia. Nakuha noong 2008-10-30.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)