Pumunta sa nilalaman

Referendum sa pagkakasapi ng United Kingdom sa Unyong Europeo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Referendum hinggil sa pagkakasapi ng United Kingdom sa Unyong Europeo
Dapat bang manatiling kasapi ng Unyong Europeo ang United Kingdom o kailangan na ba nitong kumalas sa Unyong Europeo?
LokasyonUnited Kingdom at Gibraltar
Petsa23 Hunyo 2016
Resulta
Boto %
Kumalas 17,410,742 51.89%
Manatali 16,141,241 48.11%
Balidong boto 33,551,983 99.92%
Di-balido o blangkong boto 25,359 0.08%
Kabuoang boto 33,577,342 100.00%
Rehistradong botante/paglahok 46,501,241 72.21%
Resulta sa bawat voting area
     Kumalas     Manatali
Lalong matingkad ang kulay sa mapa kapag malaki ang lamáng.

Ang referendum hinggil sa pagkakasapi ng United Kingdom sa Unyong Europeo, na tinawag na EU referendum sa United Kingdom, ay isang di-nagbibigkis[1] na referendum na isinagawa noong 23 Hunyo 2016 sa United Kingdom at sa Gibraltar[2][3] upang masukat ang suporta sa pagpapatuloy ng pagkakasapi ng bansa sa European Union (EU).

Sa kabuoan, ang naging resulta ng referendum ay panig sa pagkalas ng United Kingdom sa European Union sa botong 51.9% laban sa 48.1% na panig sa manatiling kasapi ng EU ang UK.[4][5][6][7] Hatî naman ang boto sa pagitan ng mga bansang bumubuo sa United Kingdom, kung saan ang Inglatera at Wales ay panig sa pagkalas sa EU, habang ang Scotland at Hilagang Ireland ay para manatili sa EU.[8]

Ang Britain Stronger in Europe ang pangunahing grupong nangampanya upang manatili ang UK sa EU, habang ang Vote Leave ang pangunahin namang grupong nangampanya upang kumalas ang UK. Marami pang ibang grupo, partidong politikal, negosyo, unyon, pahayagan, at mga kilaláng personalidad ang naging aktibo sa kampanya at inendorso ang kanilang panig. Sinasabi ng mga mga pabor sa pagkalas ng UK sa European Union na binansagang Brexit (portmanteau ng "British" at "exit")[9] na may democratic deficit ang EU, at nawawalan sila ng soberanya. Sinasabi naman ng mga nagnanais panatilihin ang pagkakasapi ng UK sa EU, na sa mundo kung saan maraming organisasyong supranational, ang pagkawala ng kanilang soberanya ay may kapalit na benepisyo sa kanilang pagkakasapi sa EU. Dagdag pa ng mga balak kumalas sa EU, na mapapaigi ng UK ang kontrol nito sa pandarayuhan upang mabawasan ang pangangailangan sa serbisyo publiko, pabahay at trabaho; pagkakatipid ng bilyon-bilyong pounds mula sa singil sa pagkakasapi nito; pagbibigay-daan upang makapagbalangkas ang UK ng mga sarili nitong kasunduang pangkalakalan; at pagpapalaya sa UK mula sa mga regulasyon at burokrasya ng EU na sa tingin nila ay di-kinakailangan at magastos. Ang mga nagnanais manatali sa EU ay nangangamba sa magiging negatibong epekto nito sa kanilang ekonomiya; pagkabawas ng impluwensiya ng UK sa mga pandaigdigang usapin; paglalagay sa panganib ng kanilang seguridad dahil mababawasan ang access nito sa mga talaan ng mga kriminal sa Europa; at pagkakaroon muli ng mga balakid sa kalakalan sa pagitan ng UK at ng EU. Dagdag pa nila, na magdudulot ito ng kawalan ng trabaho, pagkaantala sa pamumuhunan sa UK at mga panganib sa negosyo.[10]

Bilang tugon sa naging resulta, ipinahayag ng Pamahalaan ng Scotland noong 24 Hunyo 2016 na magpaplano silang magsagawa ng ikalawang referendum ukol sa paghiwalay nito mula sa United Kingdom.[11] Negatibo naman ang naging reaksiyon ng mga pamilihan sa naging resulta ng referendum. Ilang oras pa lamang makaraan maglabásan ang mga resulta, bumulusok agad ang halaga ng mga stock market sa buong mundo,[12] at bumagsak sa pinakamababang antas ang pound sterling sa loob ng 31 taon.[13] May kaugnayan ang referendum sa alitan sa loob ng partidong Conservative at sinabi ni Punong Ministrong David Cameron na siya'y magbibitiw kung sakaling matalo ang kaniyang panig sa referendum.[14]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Wheeler, Brian; Hunt, Alex (2016-06-24). "The UK's EU referendum: All you need to know" (sa wikang Ingles). BBC. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "European Union Referendum Act 2015" (sa wikang Ingles). legislation.gov.uk. Nakuha noong 2016-05-14.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Rowena Mason; Nicholas Watt; Ian Traynor; Jennifer Rankin (2016-02-20). "EU referendum to take place on 23 June, David Cameron confirms". The Guardian (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2016-06-25.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Sparrow, Andrew; Weaver, Matthew (2016-06-24). "Brexit: Nicola Sturgeon says second Scottish referendum 'highly likely'" (sa wikang Ingles). The Guardian. Nakuha noong 2016-06-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Erlanger, Steven (2016-06-23). "Britain Votes to Leave E.U., Stunning the World". The New York Times (sa wikang Ingles). ISSN 0362-4331. Nakuha noong 2016-06-24.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Goodman, Peter S. (2016-06-23). "Turbulence and Uncertainty for the Market After 'Brexit'". The New York Times (sa wikang Ingles). ISSN 0362-4331. Nakuha noong 2016-06-24.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Wilkinson, Michael. "EU referendum results live: Brexit wins as Britain votes to leave European Union" (sa wikang Ingles). The Telegraph. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Dickie, Mure (2016-06-24). "Scots' backing for Remain raises threat of union's demise". Financial Times. Nakuha noong 2016-06-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Fraser, Douglas (2012-08-10). "The Great British Brexit". BBC. Nakuha noong 2012-11-24.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "MPs will vote for UK to remain in the EU" (sa wikang Ingles). Newark Advertiser. 2016-02-23. Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-09-23. Nakuha noong 2016-03-11.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Jamieson, Alastair (2016-06-24). "'Brexit' Triggers New Bid for Scottish Independence" (sa wikang Ingles). NBCNews.com. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Kottasova, Ivana; Petroff, Alanna (2016-06-24). "This is Brexit: London and European stocks get crushed" (sa wikang Ingles). CNN Money. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Hjelmgaard, Kim (2016-06-24). "British pound plummets to 31-year low amid 'Brexit' vote" (sa wikang Ingles). USA Today. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Masters, James (2016-06-24). "David Cameron falls on his sword" (sa wikang Ingles). CNN. Nakuha noong 2016-06-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)