Sakit sa ibaba ng likod
![]() Ang limang dulong buto ng gulugod na nasa ibaba ng likuran ng tao ay ang pinakamalaki at pinakamatibay na mga buto sa gulugod. | |
ICD-10 | M54.4-M54.5 |
---|---|
ICD-9 | 724.2 |
MedlinePlus | 003108 |
eMedicine | pmr/73 |
MeSH | D017116 |
Ang pananakit ng ibabang bahagi ng likuran o lumbago (Ingles: low back pain; pangalang medikal: lumbago) ay bakasakaling isang banta o hudyat ng umiiral na karamdaman na may kaugnayan sa buto, kalamnan, ugat, o kasu-kasuan ng ibabang bahagi ng likuran ng katawan ng tao.[1]
Mga sanhi
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabilang sa mga nagdudulot ng pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likuran ang labis na paggamit nito, maling puwesto o situwa ng katawan (maling paggamit ng pang-ibabang likod na nagdudulot ng kapaguran ng kalamnan, buto, at kasu-kasuang nasa bahaging ito ng katawan), pagsakop ng mikrobyo o impeksiyon, kanser, pagkaipit ng ugat (nerve infringement), at rayuma sa buto (osteoarthritis).[1]
Mga sintomas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasama sa mga sintomas ng pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likuran ang paninigas ng kalamnan, pamamanhid, panghihina, pagkawala ng kontrol sa pag-ihi at pagdumi, kahirapan sa paggawa ng tulog, kadaliang mapagod, pagkabalisa, panlulumo (depresyon), paglala ng hapdi kapag nagbubuhat ng bagay, gumiginhawa kapag nagpapahinga, at pananakit ng mga hita na kumakalat pababa mula sa mga hita.[1]
Pag-iwas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maiiwasan ang pananakit ng ibabang bahagi ng likuran sa pamamagitan ng pagbubuhat ng mga bagay sa wastong paraan (nakabaluktot ang tuhod habang pinananatiling tuwid ang likuran sa pagbuhat ng bagay; pananatiling malapit ng buhat na bagay sa katawan; at pagtulak kaysa sa paghila ng bagay). Nakakatulong din ang tamang tindig ng katawan, tulad ng paggamit ng mga babae ng mga sapatos na patag (iyong tinatawag na mga flat shoes), at kung kailangang magsuot ng sapatos na may takong, mainam ang pagsusuot ng mga sapatos na mayroong mababang takong lamang (katumbas ng o mas mababa kaysa sa 1 pulgada). Kung kailangan maupo ng matagal, tulad ng habang naglalakbay na lulan ng isang sasakyan, mahalaga ang pagsasagawa ng pag-uunat-unat. Kaugnay ng pag-upo, katulad ng tuwing nasa trabaho, nakakatulong sa pag-iwas ng paghapdi ng likuran ang paggamit ng mga prinsipyo ng ergonomiya, tulad ng paggamit ng mga upuan na mayroong tuwid na sandalan at ang paggamit ng mga upuang mayroong pangtaguyod sa ibabang bahagi ng likuran; at pagpapanatili na mataas ng bahagya ang mga tuhod kaysa sa balakang. Kung nakatayo naman, nakakatulong ang pagpapanatiling nasa isang tuwid na guhit ang mga tainga, mga balikat, at ang balakang habang iniiwasan ang pagyuko o pagtingala. Nakakatulong din sa pag-iwas ng pananakit ng likuran ang ehersisyo.[1]
Lunas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabilang sa mga paraan ng pagtanggal o pagbawas ng pananakit ng likuran ang paggamit ng ilang mga gawain na ang layunin ay ang mabawasan ang bigat o timbang na nasasalo ng likod at upang mapahinga ang likod: isang paraan ang paghigang nakatihaya sa sahig, na mayroon gunan sa ilalim ng mga tuhod (maaaring iangat ang mga tuhod sa ibabaw ng isang upuan sa halip na sapinan ang mga ito ng unan) sa loob ng 1 hanggang 2 mga araw, na mayroong kasalit (sa bawat ilang mga minuto) na kaunti at dahan-dahang mga yugto ng mga paglalakad (upang hindi manghina ang mga laman o masel na makapagpapatagal ng pananakit ng likod). Nakakatulong din sa pag-alis o pagbawas ng hapdi ng likod ang pag-inom ng mga gamot na katulad ng paracetamol at ng ibuprofen.
Paglubha
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mahalaga ang agarang pagpapatingin sa manggagamot kapag lumulubha na ang pananakit ng ibabang bahagi ng likuran. Kabilang sa mga katangian ng malubhang pananakit ng likuran ang 1) hindi pagtalab ng mga iniinom na gamot katulad ng mga nabibili mula sa botika; 2) gumagapang na pananakit na umaabot sa hita at iba pang bahagi ng paa; 3) pamamanhid ng hita, paa, mga bahagi ng ari (batay sa kasarian), at ng mga bahaging nasa puwitan; 4) pagkawala ng kakayahang tabanan ang pag-ihi at ang pagdumi; 5) karanasan ng liwag sa paggalaw sanhi ng malubhang pananakit ng likod at ng ibang nadamay na bahagi ng katawan; 6) hindi pagginhawa ng kalagayang ito pagkalipas ng dalawa o tatlong linggo; 7) may kasama na itong pananakit ng dibdib; 8) nakadama na ng biglaang paghina ng salap kabilang ang hita, binti, at paa.[1]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 SAKIT SA LIKOD Naka-arkibo 2013-10-16 sa Wayback Machine. ( [1] Naka-arkibo 2013-10-20 sa Wayback Machine. at [2] Naka-arkibo 2013-10-27 sa Wayback Machine.), KALUSUGAN PH