Sasa
| Sasa | |
|---|---|
| Mga sasa sa gilid ng tidalosdos na ilog ng Maitum, Sarangani, Philippines | |
| Klasipikasyong pang-agham | |
| Kaharian: | Plantae |
| Klado: | Tracheophytes |
| Klado: | Angiosperms |
| Klado: | Monocots |
| Klado: | Commelinids |
| Orden: | Arecales |
| Pamilya: | Arecaceae |
| Sari: | Nypa |
| Espesye: | N. fruticans
|
| Pangalang binomial | |
| Nypa fruticans Wurmb
| |
Ang sasa, nipa, o pawid (Ingles: nipa palm; pangalang pang-agham: Nypa fruticans) ay isang halaman o mga dahon nitong ginagamit sa mga bubungan at dingding ng bahay.[1] Tinatawag naman na pulot-sasa o pulut-sasa ang arnibal na nayayari mula sa halamang sasa.[2]
Isa itong espesye ng palma na katutubo sa mga baybayin at wawang[a] pinaninirahan sa mga Karagatang Indiyo at Pasipiko. Ito lamang ang tanging palma na nagkaroon ng pag-aangkop sa biyomang bakawan. Nag-iisa lamang ito sa kanyang henus na Nypa at ang subpamilya na Nypoideae dahil ito lamang ang tanging kasapi nito.[3]
Bagaman iisang uri na lamang ng Nypa ang umiiral ngayon, ang N. fruticans, na may likas na saklaw mula Hilagang Australya, tumatawid sa Kapuluang Indonesya at sa mga pulo ng Pilipinas hanggang Tsina, ang henera ng Nypa ay minsang may halos pandaigdigang abot noong panahong Eoseno (56–33.4 milyong taon na ang nakalipas).[4]

Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi tulad ng karamihan sa mga palma, ang punò ng nipa ay tumutubo sa ilalim ng lupa; tanging ang mga dahon at tangkay ng bulaklak lamang ang tumutubo paitaas sa ibabaw. Umaabot hanggang 9 m (30 piye) ang taas ng mga dahon.
Ang mga bulaklak ay bumubuo ng isang bilugang bungkos ng bulaklak kung saan ang mga bulaklak na pambabae ay nasa dulo at ang mga bulaklak na panlalaki na kahawig ng catkin ay mapula o dilaw at nasa mga mababang sanga. Ang bulaklak ay namumunga ng matitigas na mani na nakaayos sa isang bilugang kumpol na umaabot hanggang 25 sentimetro (10 pulgada) ang lapad sa isang tangkay.[5][6] Ang bungkos ng prutas ay maaring tumimbang nang hanggang 30 kg (4 st 10 lb).[7]
Ang bunga ay bilugan at binubuo ng maraming bahagi ng buto; bawat buto ay may hiblang balat na bumabalot sa endosperma (laman ng buto) na nagbibigay-daan upang ito ay lumutang.[8] Lumalaylay ang tangkay habang nahihinog ang mga bunga. Kapag umabot na sa ganitong yugto, humihiwalay ang mga hinog na buto mula sa kumpol at lumulutang palayo kasabay ng agos, at kung minsan ay sumisibol na habang nasa tubig pa.[5][6]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ English, Leo James. Diksyunaryong Tagalog-Ingles. Maynila: Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas; ipinamamahagi ng National Book Store. p. 1583. ISBN 971910550X.
- ↑ English, Leo James (1977). "Pulot-sasa, pulut-sasa". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
- ↑ John Leslie Dowe (2010). Australian Palms: Biogeography, Ecology and Systematics [en]. Csiro. p. 83. ISBN 9780643096158. Nakuha noong Abril 20, 2012.
- ↑ Gee, Carole T. "The mangrove palm Nypa in the geologic past of the New World." Wetlands Ecology and Management 9.3 (2001): 181–203. (sa Ingles)
- ↑ 5.0 5.1 "Nypa fruticans". Flora of China (sa wikang Ingles). 23: 143.
- ↑ 6.0 6.1 Wurmb, Friedrich von (1779). "Nypa fruticans". Verhandelingen van het Bataviaasch Genootschap van Kunsten en Wetenschappen (sa wikang Ingles). 1: 349.
- ↑ Paivoke, Aira E. (Hulyo 1984). "Taping Patterns in the Nypa Palm". Principes (sa wikang Ingles). 28 (3): 132.
- ↑ Tan, Rina (Enero 2013). "Nipah palm (Nypa fruticans)". Wild Singapore (sa wikang Ingles). Nakuha noong 12 Hunyo 2024.
Mga pananda
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ estwaryo