Pumunta sa nilalaman

Sauna

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang loob ng isang sauna sa Pinlandiya. Pansinin ang uling na nasa gawing ibaba sa kaliwa.

Ang sauna ay isang maliit na silid o bahay na dinisenyo bilang isang lugar kung saan makakaranas ng tuyo o basang mga sesyon ng pasingaw o pasuob na init ng tubig. Maaari rin itong maging isang establisyemento na may isa o higit pang sauna at mga karagdagan pang mga kagamitan o mga aparatong pampaginhawa ng katawan. Ang isang sesyon o laang panahon para sa pagsa-sauna ay maaaring isang gawaing ng mga tao kung saan ang mga nakikiisa ay nagtatanggal ng kasuotan at nauupo, sumasandal, sumasandig, o kaya humihiga habang nasa mga temperatura mainit, na karaniwang nasa pagitan ng 70 °C (158 °F) at 100 °C (212 °F). Nagdurulot ang ganitong kainitan ng singaw ng tubig ng kaginhawahan at nagbubunsod ng pagpapawis.

Ang mga sauna ay maaaring hatiin sa dalawang payak na mga estilo: ang saunang kumbensiyonal na nagpapa-init ng hangin, o kaya mga saunang inprared na nagpapainit ng mga bagay. Ang mga saunang inprared ay maaaring gumamit ng samu't saring mga materyal sa mga painitan nito, katulad ng uling, aktibong mga hibla ng karbon, at iba pang mga materyal.

Ang salitang sauna ay isang sinaunang salitang Pinlandes (wikang Finnish sa Ingles) na tumutukoy sa tradisyunal na paliguang Pinlandes pati na rin sa talagang bahay-paliguan mismo. Ang proto-Finikong rekonstruksiyon o muling pagbubuo ay *savńa. Mayroon itong mga katumbas na pang-etimolohiya sa mga wikang Finiko (Finnic) katulad ng Ingriano at Votic na salitang sauna, Estonyanong saun, at Livonianong sōna. Ang salitang suovdnji sa Sámi ay may kahulugang hukay na hinukay mula sa niyebe, katulad ng isang butas para sa isang Lagopus lagopus (isang manok gubat na nakilala sa Ingles bilang Willow Grouse o Willow Ptarmigan). Sa wikang Baltiko-Pinlandes, ang sauna ay hindi kailangan na talagang mangahulugan bilang isang gusali o espasyong itinayo para sa pagligo. Maaari rin itong mangahulugang isang maliit na kabina o kamarote o kaya isang dampa (cottage sa Ingles), katulad ng salong o kubo ng isang mangingisda.<[1] Sa mga bansang Rusopono o nagsasalita ng wikang Ruso, laganap ding ginagamit ang salitang "Banya" (Ruso: Баня) kapag tinutukoy ang isang publikong paliguan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Häkkinen, Kaisa (2004): Nykysuomen etymologinen sanakirja. WSOY: Helsinki. pp. 1131–1132