Simbahan ng Baclayon

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search

Ang Simbahan ng Baclayon, kilala rin bilang Simbahang Parokya ng Immaculada Concepcion ng Birheng Maria, ay isang Simbahang Katolika Romana sa bayan ng Baclayon, Bohol, sa ilalim ng hurisdiksyon ng Diyosesis ng Tagbilaran. Itinatag ang simbahan ng mga paring Heswitang sina Juan de Torres at Gabriel Sanchez noon 1596 at naging pinakamatandang Kristiyanong pamayanan sa Bohol. Naging parokya ito noong 1717 at nakumpleto ang kasalukuyang gusaling yari sa koral noong 1727. Pinalitan ng mga Agustinong Recoletos sa mga Heswita noong 1768 at ipinaayos nila ang simbahan mula noon.

Idineklarang Pambansang Yamanag Pangkalinangan ang simbahan ng Pambansang Museo ng Pilipinas at Pambansang Palatandaang Makasaysayan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. Kasama ng mga simbahan ng Maragondon, Loboc, at Guiuan, dating sinama ang Simbahan ng Baclayon sa UNESCO World Heritage Tentative List ng Pilipinas mula 1993 sa ilalim ng grupong Simbahang Heswita ng Pilipinas. Nang nagkaroon ng 7.2 na magnitude na lindol sa Bohol at iba pang bahagi ng Gitnang Kabisayaan, lubhang nasira ang simbahan.