Pumunta sa nilalaman

Simbahan ng Miagao

Simbahan ng Miagao
Parokya ni Santo Tomas de Villanueva
Harapan ng simbahan at mga tore ng kampana noong Agosto 2024
Simbahan ng Miagao is located in Visayas
Simbahan ng Miagao
Simbahan ng Miagao
Simbahan ng Miagao is located in Pilipinas
Simbahan ng Miagao
Simbahan ng Miagao
Lokasyon sa Kabisayaan##Lokasyon sa Pilipinas
10°38′31″N 122°14′08″E / 10.641881°N 122.235527°E / 10.641881; 122.235527
LokasyonMiag-ao, Iloilo
BansaPilipinas
DenominasyonKatoliko Romano
Kasaysayan
Itinatag1731
DedikasyonSan. Tomas de Villanueva
Arkitektura
EstadoParokya
Katayuang gumaganaAktibo
Pagtatalaga ng pamanaPandaigdigang Pamanang Pook
DesignatedDisyembre 11, 1993
Uri ng arkitekturaGusaling simbahan
IstiloBaroko-Romaniko
Pasinaya sa pagpapatayo1787
Natapos1797
Detalye
Bilang ng tore2
Materyal na ginamitAdobe, Batong-apog, Korales
Pamamahala
ParokyaSanto Tomas de Villanueva
DeanerySanto Felipe at Santiago[1]
ArkidiyosesisJaro
Klero
(Mga) PariRev. Fr. Cirilo Camus
Official nameChurch of Santo Tomas de Villanueva
Bahagi ngMga Simbahang Baroko ng Pilipinas
PamantayanKultural: (ii)(iv)
Sanggunian677bis-004
Inscription1993 (ika-17 sesyon)
Mga ekstensyon2013
National Historical Landmarks
Opisyal na pangalanMiagao Church
ItinutukoyAgosto 1, 1973
Takdang bilangNo. 260, s. 1973

Ang Parokya ni Santo Tomas de Villanueva, o mas kilala bilang Simbahan ng Miagao, ay isang simbahang Katolikong Romano na matatagpuan sa Miagao, Iloilo, Pilipinas. Nasa ilalim ito ng hurisdiksyon ng Arkidiyosesis ng Jaro. Idineklara ang simbahan bilang isang Pook na Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong Disyembre 11, 1993, kasama ang Simbahan ng San Agustin sa Maynila; Simbahan ng Nuestra Señora de la Asuncion sa Santa Maria, Ilocos Sur, at Simbahan ng San Agustin sa Paoay, Ilocos Norte sa ilalim ng kolektibong pamagat na Mga Simbahang Baroko ng Pilipinas, isang kalipunan ng apat na simbahang Baroko noong panahon ng Kastila.[2]

Panandang pangkasaysayan ng PHC ng simbahan, inilagay noong 1963

Dating isang visita ang Miagao (isang lokalidad na pinaglilingkuran ng dumadalaw na pari) ng Oton hanggang 1580, Tigbauan hanggang 1592, San Joaquin hanggang 1703, at Guimbal hanggang 1731.[3] Naging isang nagsasariling parokya ito ng mga Agustino noong 1731 sa ilalim ng pagtataguyod ni San Tomas de Villanueva.[2] Kasabay ng pagkakatatag ng parokya, itinayo ang isang simbahan at kumbento sa lupang malapit sa dagat na tinatawag na Ubos.

Si Padre Fernando Camporredondo ang nagsilbing unang kura paroko ng bayan noong 1734. Nang makaranas ang bayan ng mga pagsalakay ng Moro noong 1741 at 1754, lumipat ang pamayanan sa isang mas ligtas na lugar. Mula roon, itinayo ang isang bagong simbahan noong 1787 sa pamamagitan ng sapilitang paggawa sa ilalim ng pangangasiwa ni Padre Francisco Gonzales, kura paroko, at ng gobernadorsilyong Espanyol na si Domingo Libo-on.[4] Itinayo ito sa pinakamataas na bahagi ng bayan upang magbantay laban sa mga mananakop na tinatawag na mga Tacas. Pagkalipas ng sampung taon, natapos ang simbahan noong 1797. Dinisenyo ito na may makakapal na pader upang magsilbing panangga laban sa mga mananakop.

Lubhang napinsala ang simbahan noong Rebolusyong Kastila ng 1898 ngunit kalaunan ay muling itinayo. Muli itong napinsala ng sunog noong 1910, ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ng lindol noong 1948.[4] Ang kasalukuyang simbahan ang ikatlong estrukturang itinayo mula nang maitatag ang parokya noong 1731.[5]

Upang mapanatili ang simbahan, sumailalim ito sa restorasyon noong 1960 na natapos noong 1962. Idineklara ang simbahan bilang isang pambansang dambana ni Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng Atas ng Pangulo Blg. 260 noong Agosto 1, 1973.[6]

Ang pangkalahatang istilong arkitektural ng simbahan ay Baroko-Romaniko.[4] May kulay-okre ito dahil sa mga materyales na ginamit sa pagtatayo ng simbahan: adobe, itlog, korales, at batong-apog.[7][5] Ang pundasyon ng simbahan ay may lalim na 6 metro (20 tal).[8] Ang malalaking pader na bato, na may kapal na 1.5 metro (4 tal 11 in), ay pinatatatag sa pamamagitan ng mga paurong na butres na may kapal na 4 na metro (13 talampakan), bilang panangga laban sa mga mananakop na Moro, alinsunod sa Dekreto ng Kaharian Blg. 111 ng 1573 (Batas ng mga Indiyas).[4]

Detalye ng patsada, na nagtatampok ng mga imahen ng mga santong Tomas ng Villanueva (gitna) at Enrique ng Bavaria (kaliwang ibabang bahagi)

Ang patsada ng simbahan ay binubuo ng isang masinsing pinalamutian na mababang-ukit na reliyebo (bas-relief) sa gitna ng dalawang malalaking kampanaryong bantay-tore sa magkabilang panig. Ang reliyebo ay hango sa pinagsamang impluwensiya ng mga tradisyong Kastila, Tsino, Muslim,[4] at lokal noong panahong medyebal, isang natatanging katangian ng patsada ng simbahan. Isang kapansin-pansing bahagi ng patsada ang puno ng niyog na inilalarawan bilang puno ng buhay, na kinakapitan ni San Cristobal. Siya ay nakasuot ng lokal at tradisyonal na kasuotan habang pasan ang Batang Hesus sa kanyang likod. Ang natitirang bahagi ng patsada ay naglalarawan ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao ng Miagao noong panahong iyon, kabilang ang mga katutubong halaman (gaya ng papaya, niyog, at puno ng palma) at mga hayop.[2][9]

Sa itaas ng pintong-kahoy na pasukan sa gitna ng patsada, sa ibaba lamang ng imahen ni San Cristobal, matatagpuan ang isang inukit na imahen ng patron ng bayan, si San Tomas ng Villanueva. Sa magkabilang gilid ng pinto ay makikita ang mga imahen nina San Enrique ng Bavaria sa kaliwa at ni Papa Pio VI sa kanan.[10][5] Sa itaas ng mga imaheng ito ay ang kani-kanilang eskudo ng armas.

Altar ng simbahan at retablo mayor

Ang santuwaryo ng simbahan ay binubuo ng altar, tabernakulo, retablo at dambana sa magkabilang panig. Ang retablo ay pinaplatuhan ng ginto at binubuo ng isang krusipiho sa gitna, mga estatwa ni San Jose sa kaliwa at ni San Tomas sa kanan, at isang estatwa ni Sto. Niño sa itaas. Ang dambana sa kaliwa ng altar ay kinalalagayan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, samantalang ang dambana sa kanan ng altar ay kinalalagayan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Ang dalawang malalaking di-magkapantay na kampanaryo[2] na tuwirang nakakabit sa pangunahing simbahan ay nagsisilbing mga toreng bantayan upang ipagtanggol ang bayan mula sa mga pagsalakay ng mga Moro. Mayroon ang mga ito ng magkaibang disenyo sapagkat ipinagawa ang bawat isa ng magkaibang pari.[5] Sa kaliwang bahagi matatagpuan ang mas lumang kampanaryo, ang kampanaryo sa kanluran, na siya ring pinakamataas, na may apat na palapag. Sa simula, ang kampanaryo sa silangan ay itinayo na may dalawang palapag lamang. Noong 1830, nagpasya si Padre Francisco Perez na magdagdag ng isa pang palapag sa kampanaryo sa silangan. Hanggang sa kasalukuyan, ang kampanaryo sa silangan (tatlong palapag) ay isang palapag na mas mababa kaysa sa kampanaryo sa kanluran (apat na palapag).[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Archdiocese of Jaro" [Arkidiyosesis ng Jaro]. Catholink (sa wikang Ingles). Nakuha noong Mayo 3, 2023.
  2. 1 2 3 4 "Baroque Churches of the Philippines" [Mga Simbahang Baroko ng Pilipinas] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hunyo 25, 2014.
  3. "Miag-ao Church". Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  4. 1 2 3 4 5 "Miag-ao church is an architectural treasure of Iloilo" [Ang simbahan ng Miag-ao ay isang kayamanang arkitektural ng Iloilo] (sa wikang Ingles). Hulyo 21, 2011. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 5, 2012. Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  5. 1 2 3 4 5 "A UNESCO World Heritage Site, Miagao's Church of St Thomas of Villanueva" [Isang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO, Simbahan ni San Tomas ng Villanueva sa Miagao] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  6. "Presidential Decree No. 260, s. 1973" [Atas ng Pangulo Blg. 260, s. 1973]. Official Gazette of the Republic of the Philippines (sa wikang Ingles). August 1, 1973. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 17, 2017. Nakuha noong Nobyembre 20, 2023.
  7. "7 Must-See Churches in Iloilo" [7 Simbahang Dapat Bisitahin sa Iloilo] (sa wikang Ingles). Marso 25, 2013. Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  8. "The Baroque Fortress Church of Iloilo: Miag-ao" [Ang Barokong Simbahang Muog ng Iloilo: Miag-ao] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong . Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  9. "Miagao Church" [Simbahan ng Miagao]. Official Website of the Municipality of Miagao (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 23, 2015. Nakuha noong Hunyo 26, 2014.
  10. "The Historical Miagao Church in Iloilo" [Ang Makasaysayang Simbahan ng Miagao sa Iloilo] (sa wikang Ingles). Agosto 1, 2013. Nakuha noong Hunyo 26, 2014.