Pumunta sa nilalaman

Solanus Casey

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Si Bernard Francis Casey (Nobyembre 25, 1870 – Hulyo 31, 1957), kilala rin bilang Padre Solanus Casey, ay isinilang sa Oak Grove, Wisconsin.[1][2] Bilang isang paring Kaputsino, kilala si Casey dahil sa kanyang dakilang pananalig, pagpapakumbaba, at gampanin bilang isang tapagpayong pangkaluluwa at tagapamagitan. Bilang unang lalaking ipinanganak sa Estados Unidos na pormal na ipinahayag bilang "Kagalang-galang" ng simbahang Katoliko Romano, si Casey ay isa na ngayong kandidato para sa beatipikasyon.

Ipinanganak si Casey sa isang bukid sa Prescott, Wisconsin noong 1870. Nagmula siya sa mga magulang na imigrante mula sa Irlanda. Siya ang pang-anim sa sampung mga anak na lalaki at anim na mga anak na babae ng mag-asawang Irlandes. Naghanapbuhay siya bilang isang magtotroso, isang katulong sa ospital, tagapagmaneho ng kotse, at isang bantay ng bilanggunan sa Wisconsin at sa Minnesota. Noong sumapit ang kanyang ika-21 taong gulang, nag-aral siya ng pagkapari sa diyosesis sa Mataas na Paaralan ng Seminaryo ng San Francisco sa Milwaukee. Noong 1896, sumali siya sa Orden ng Kaputsino, kung saan niya natanggap ang pangalang Solanus. Naordenahan siya bilang pari noong 1904.[3]

Naglingkod siya ng maraming mga taon sa New York (partikular na sa Harlem at sa Yonkers), sa Detroit, Michigan, at pati na sa Huntington, Indiana. Noong 1924, ipinadala si Casey sa Monasteryo ng San Buenaventura sa Detroit, Michigan. Noong 1945, ibinalik siya ng isang taon sa New York. Mula 1946 hanggang 1956, naitalaga siya sa Huntington, Indiana. Muli siyang itinalaga sa Monasteryo ng San Buenaventura noong 1956. Namatay siya dahil sa pagkakasakit habang nasa Detroit noong 1957. Sumakabilang-buhay siya sa edad na 86. Inilibing siya sa Monasteryo ng San Buenaventura.[3]

Inilalarawan si Casey sa mga larawan bilang isang pari na nagpapakain sa mga nagugutom. Nakaangat ang kanyang kamay upang magbasbas at magpagaling ng mga may karamdaman. Ipinapahiwatig din ng paglalarawang ito ang kanyang malalim na kaugnay sa habag at pag-unawa ng Ina ng Diyos.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Father Solanus lives on in the people and places of our diocese, Special Report, The Catholic Times, pahina 10, www.thecapuchins.org, Setyembre 20, 2007
  2. Father Solanus Casey (1870 - 1957) Naka-arkibo 2013-12-08 sa Wayback Machine., Dictionary of Wisconsin History, www.wisconsinhistory.org
  3. 3.0 3.1 Venerable Solanus Casey 1870-1957, isang polyeto, Imprimatur: Adam Kardinal Maida, Arsobispo ng Detroit, Marso 31, 2007.
Mga Hakbang ng Kanonisasyon sa Simbahang Katoliko
  Lingkod ng Diyos   →   Venerable   →   Beato   →   Santo