Pumunta sa nilalaman

RMS Titanic

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Titanic)
Ang RMS Titanic noong 10 Abril 1912
History
Pangalan: RMS Titanic
May-ari: White Star Line
Rehistradong daungan: United Kingdom of Great Britain and Ireland Liverpool, United Kingdom
Ruta: Southampton papuntang New York City
Hiniling: 17 Setyembre 1908
Tagabuo: Harland & Wolff, Belfast
Yard number: 401
Simula ng paggawa: 31 Marso 1909
Inilunsad: 31 Mayo 1911 (hindi nangalanan)
Nakumpleto: 2 Abril 1912
Unang paglalayag: 10 Abril 1912
Pagkakakilanlan: Radio callsign "MGY"
Kapalaran: Lumubog noong 15 Abril 1912 sa unang paglalayag matapos bumunggo sa isang iceberg
General characteristics
Class and type: Olympic-class ocean liner
Tonnage: 46,328 GRT
Displacement: 52,310 tons
Length: 882 tal 6 pul (269.0 m)*
Beam: 92 tal 0 pul (28.0 m)*
Height: 175 tal (53.3 m)* (mula sa kilya hanggang sa itaas ng mga pausukan)
Draught: 34 tal 7 pul (10.5 m)*
Depth: 64 tal 6 pul (19.7 m)*
Decks: 9 (A–G)
Installed power: 24 double-ended at 5 single-ended boilers feeding two reciprocating steam engines para sa mga eliseng bagwis at isang low-pressure turbine para sa gitnang elise; output: 46,000 HP
Propulsion: Two 3-blade wing propellers and one 4-blade centre propeller
Speed: Karaniwan: 21 kn (39 km/h; 24 mph). Pinakamabilis: 24 kn (44 km/h; 28 mph)
Capacity: Pasahero: 2,435, tripulante: 892
Notes: Mga bangkang pansagip: 20 para sa 1,178 katao

Ang RMS Titanic ay isang barkong pampasahero ng White Star Line, na binuo sa pagkukusa ni Joseph Bruce Ismay noong 1907. Ito ay dinisenyo ng arkitektong si Thomas Andrews, sa baradero ng Harland & Wolff. Nagsimula ang pagbuo noong 1909 sa Belfast at natapos noong 1912. Ito ay nabibilang sa mga ''Olympic''-class ocean liner kasama ang dalawa nito kaparehas, ang Olympic at ang Britannic. Ang katawan nito ay mayroong 16 na kompartimento na di napapasukan ng tubig na ginagamit kung sakaling magkaroon ng alulusan o malaking pinsala. Ang media nang panahong iyon ay nagbigay ng isang mapagkakatiwalaang reputasyon sa barko, kahit na, pasalungat sa mga kuwentong kumalat matapos ang paglubog, hindi kailanman ito itinuring na hindi lumulubog.

Sa panahon ng unang paglalayag nito mula Southampton papuntang New York City sa pamamagitan ng daan sa Cherbourg at Cobh (kilala bilang Queenstown sa kapanahunang iyon), ay bumunggo ito sa isang iceberg sa kanang gilid nito noong 14 Abril 1912, 23:40 (lokal na orasan), at lumubog noong 15 Abril 1912, 02:20 (lokal na orasan), 600 milya timog ng Newfoundland. Pinaniniwalaang nasa 1, 490 katao hanggang 1, 520 katao ang tinatayang namatay sa trahedyang ito. Ito ang isa sa mga pinakamalubhang sakunang maritima sa panahon ng kapayapaan at pinakamalaki sa kapanahunan nito. Ipinapakita ng pangyayaring ito ang kahinaan ng mga barko sa panahong iyon sa limitadong dami ng mga bangkang pansagip at mga kakulangan sa mga pamamaraan para sa mga biglang paglikas. Nagkaroon ng mga internasyonal na pagpupulong pagkatapos noon, na nagreresulta sa mga pagbabago ng mga regulasyong sinusunod pa rin isang siglo matapos ang sakuna.

Ang labi ng RMS Titanic ay nadiskubre noong 1 Setyembre 1985 ni Dr. Robert Ballard. Ito ay namamalagi sa lalim ng 3, 843 metro, 650 kilometro timog-silangan ng Newfoundland. Ang alaala ng barko ay nababakas na sa kasaysayan, na nagreresulta sa pagsulat ng maraming mga aklat (makasaysayan o piksiyonal) at paggawa ng mga pelikula, pinakasikat na marahil ang pelikulang 1997 na Titanic ni James Cameron na ipinalabas noong 1997 at nagbigay ng muling pagbuhay ng interes sa barko at sa kasaysayan nito. Muling nagkainteres ang media sa barko bilang pag-alala sa sentenaryo ng paglubog ng barko noong 14 Abril 1912.

Pagdisenyo sa barko

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang mga plano para sa RMS Titanic

Noong tag-init ng 1907, upang makipagkompetensiya sa Lusitania at sa Mauretania, ang mga bago, malalaki, at mabibilis na barko ng Cunard Line. Sina Lord William James Pirrie, isa sa mga direktor ng Harland & Wolff, at si Joseph Bruce Ismay, ang namamahalang pangulo ng White Star Line, ay nagdesisyon na bumuo ng isang serye ng tatlong barko na hihigit sa kaginhawaan, kaligtasan, at katikasan ng mga barko ng ibang mga kakompetensiyang mga kompanya ng barko, parehong Briton at Aleman. Ang mga pangalan ng mga barko, ang Olympic, Titanic, at Gigantic (pinalitan ang pangalan bilang Britannic sa paglaon ng paglubog ng Titanic), ay pinili nang lumaon.

Ang mga plano sa Olympic at Titanic ay ginawa sa mga opisina ng Harland & Wolff sa Queen's Island sa Belfast (ang plano para sa Britannic ay nakatakda kinamamayaa). Ito ay pinamunuan ni Alexander Carlisle, namamahalang direktor at puno ng mga pasilidad ng dahikan, dekorasyon, at mga aparato upang mailigtas ang barko, at si Thomas Andrews, puno ng Disenyo at arkitektong pandagat. At nang nagretiro si Carlisle noong 1910, pinalitan siya ni Thomas Andrews at naging CEO ng mga site at disenyo.

Noong 31 Hulyo 1908, inaprubahan ni Ismay ang plano sa mga barko sa isang biyahe sa Belfast at pumirma ng isang liham ng pagsang-ayon sa dahikan. Walang pormal na kontrata na pinirmahan, ang mga ugnayan sa pagitan ng dalawang kompanya ay napakalakas sa loob ng mga dekada. Upang kilalanin ang kahalagahan ng mga pangyayari, itinalaga ni Pirrie si Robert Welch, isang potograpo, na ipagpanatiling-buhay ang mga mahahalagang bahagi ng konstruksiyon. Hindi pinabayaan ang kalidad, at ginamit sa mga barko ang pinaka-dekalidad na mga materyales.

Konstruksiyon at pagsubok

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Konstruksiyon ng katawan ng barko

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang mga manggagawa ng Harland & Wolff ay pauwi sa pagtatapos ng araw. Makikita natin dito ang Titanic at ang mga scaffolding nito

Sa tag-lagas ng 1908, dumating na ang mga aparato at mga espesyal na mga gamit na wala ang dahikan ng Harland & Wolff. Pinalaki ni Lord Pirrie ang mga dahikan, kasama ang konstruksiyon ng isang higanteng gantri kreyn na siyang pinakamalaking plantsa sa buong mundo nang panahong iyan (256 metro ang haba, 28.5 metro ang lawak, at 52.6 metro ang taas, at ang mga kreyn naman ay 69.5 metro). Noong 16 Disyembre 1908, nilagay ang kilya ng Olympic sa slipway. Ito ay nasa Yard 400, ang 400th order na natanggap ng Harland & Wolff.

Halos sabay na ginawa ang Titanic at Olympic. Unang inilatag ang kilya ng Olympic noong Disyembre 1980, at sinundan ito ng Titanic nong 31 Marso 1909.[1] Parehong inabot ng 26 buwan ang pagbuo sa kanila at halos pareho ang paraan ng kanilang paggawa. Dinisenyo sila bilang malaking lumulutang na box girder, kung san ang kilya ay nagsisilbi bilang gulugod at ang mga balangkas ng katawan ang naging tadyang nito. Sa ilalim ng barko, ang dobleng ilalim na may lalim na 5 talampakan 3 dali ay nagsusuporta sa 300 mga balangkas, na bawat isa ay humihiwalay sa isa-t isa sa pagitan ng 24 dali hanggang 36 dali at may sukat hanggang 66 talampakan ang haba. Inabot siya hanggang sa Bridge Deck at tinapalan sila ng bakal na mga plato na siyang bumubuo ng panlabas na balat ng mga barko.[2]

Ang bawat 2000 plato ng katawan ng barko ay tig-iisang piraso ng nirolyong bakal, na karamihan ay hanggang 6 talampakan ang lapad, 30 talampakan ang haba at may timbang mula 2.5 hanggang 3 tonelada. Ang kanilang kapal ay mula 1.5 dali hanggang 1 dali.[3] Ang mga plato ay inilagay sa paraang patong-patong mula sa kilya hanggang sa kailaliman. Mula doon sila ay nilagay na sa paraang paloob at palabas, samantalang ang strake plating ay nilagay sa paha, na ang mga uwang ay tinakpan ng panlabas na strake, kung saan ang mga gilid ay napapatungan. Bago pa lang ang paraan ng paghinang sa bakal kaya ang kabuuang istraktura ay kailangang maikabit sa pamamagitan ng tatlong milyong bakal na rematse na sa kabuuan ay nagkakatimbang na 1,200 tonelada. Ang mga rematse ay kinakabit sa pamamagitan ng makina o ng manu-mano.[4]

Mahirap at mapanganib ang trabaho sa paggawa ng barko. Sa 15,000 manggagawa na gumagawa sa Harland and Wolff sa mga panahong iyon, [5] hindi pa ganap ang mga paraan ng pag-iingat, at karamihan sa mga trabaho ay ginagawa ng wala man lang kagamitang pangkaligtasan tulad ng matigas na sumbrero o pangharang sa kamay sa mga makina. Sa kalagayang ito malaki ang pagkakataon na may masasawi at madidisgrasya. Sa pagbuo ng Titanic, 246 na ang nadisgrasya, kung saan 28 sa kanila ang "malubha" tulad ng mga napuputulan ng braso sa mga makinarya o mga binti na naiipit sa mga nahuhulog na mga bakal. Anim ang namatay sa paggawa ng barko habang siya'y binubuo at nilalapatan at dalawa pa ang namatay sa mga gawaan at mga shed.[6] Bago pa nga lang nailunsad ang barko isang manggagawa ang nasawi noong mabagsakan siya ng mga kahoy.[7]

Nilunsad ang Titanic bandang 12:15 ng tanghali nong 31 Mayo 1911. Kasama sa paglunsad si Lord Pirrie, J Pierpont Morgan at J Bruce Ismay at 100,000 mga manonood. [8] Kinakailangan ng 22 toneladang sabon at tallow upang maidulas ang barko patungo sa Ilog Lagan.[7] Sang-ayon sa tradisyon ng White Star Line, hindi siya bininyagan ng sampan.[8] Ang barko ay dinala sa lugar upang gawin sa kaniya ang mga paglalapat kung saan sa mga susunod na mga linggo kakabitan na siya ng pausukan at karagdagang mga istraktura, at maging ang kaniyang mga panloob na kagamitan.

Bagaman halos magkapareho ang Titanic at Olympic sa panlabas, may mga pagbabagong ginawa sa kanila upang sila ay mapagkaiba. Ang isa sa pinakapansing pagkakaiba ay ang Titanic (at ang kaniyang mas bagong kapatid na barko na Britannic) ay may bakal na screen sa kaniyang bintanang de-dulas na nakakabit sa kahabaan ng kalahating harapang bahagi ng libutan ng Kubyertang A. Ito ay kinabit bilang pagbabago sa huling sandali sa personal na pakiusap ni Bruce Ismay, at para na rin mabigyan ng karagdagang silungan sa pampasaherong first-class. Dahil dito mas bumigat ang Titanic kaysa sa mga kapatid niya, at dahil doon maaari na niyang angkinin ang titulo bilang pinakamalaking barkong nakalutang. Inabot ng mas matagal kaysa sa inaasahan ang trabaho dahil sa pagbabago sa disenyong inutos ni Ismay at sa pansamantalang pagtigil sa trabaho upang maipagawa ang barkong Olympic, na bumangga noong Setyembre 1911. [7]

Mga pagsubok sa karagatan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang hugis ng Titanic

Sinubok ang barkong Titanic noong 6 ng umaga sa 2 Abril 1912, dalawang araw lang matapos ang kaniyang paglalapat at walong araw bago ang kaniyang takdang paglisan sa Southampton sa kaniyang unang paglalakbay.[9] Napaliban ang kaniyang pagsubok sa dagat dahil sa masamang panhon, kaya isinagawa na lang ito noong Lunes kung kailan naging mabuti ang panahon.[10] Nakasakay ang 78 stoker, greaser at mga firemen, at 41 mga tauhan. Nakasakay din ang mga kinatawan ng iba't ibang kompanya, tulad ni Thomas Andrews at Edwatd Wilding ng Harland and Wolff at Harold A Sanderson ng IMM. Maysakit si Bruce Ismay at Lord Pirrie kaya hindi sila nakadalo. Nagsilbi namang tagapangasiwa ng radyo si Jack Phillips at Harold Bride, at ginawa nila ang karagdagang pagsasaayos ng radyong Marconi. Isang tagamasid ng Kapulungan ng Panangalakal, si Francis Carruthers, ang dumalo para siguraduhin na ang lahat ng bagay ay nasa ayos, at para malaman na ang barko ay angkop magdala ng mga pasahero.[11]

Unang sinubok ang barko sa Belfast Lough, na sinundan pa ng karagdagang pagsubok sa Dagat Ayrland. Sa loob labindalawang oras dumaan sa iba't ibang pagsubok ang Titanic. Pinatakbo ang Titanic sa iba't ibang bilis, sinubok ang kaniyang kakayahan sa pagliko, at maging ang "crash stop" o biglaang tigil ay sinubok din kung saan ang mga makina ay agad na pinatakbo sa buong atras (full astern) mula sa buong abante (full ahead). Sa biglaang tigil inabot siya ng 850 yarda sa loob ng 3 minuto 15 segundo.[12] Umabot sa 80 pandagat na milya ang tiankbo ng barko, na gumigitna ng bilis na 18 knots at ang kaniyang pinakamabilis ay umabot ng 21 knots.

Sa pagbalik sa Belfast bandang 7 ng gabi, pinirmahan ng tagamasid ang "Agreement and Account of Voyages and Crew", na may bisa ng 12 buwan, na nagpapatunay na ang barko bilang angkop sa dagat. Pagkalipas ng isang oras umalis ulit ang Titanic mula Belfast, patungong Southampton, na siyang magiging huli na pala niyang paglisan. Matapos ang biyaheng umabot ng 28 oras nakarating siya ng gabi ng 4 Abril at idinala siya sa Pier 44, upang ihanda sa pagdagsa ng mga pasahero at sa natitira pa niyang mga tauhan.[13]

Unang Paglalakbay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May 885 mga tauhan na nakasakay sa Titanic sa kaniyang unang paglalakbay. Tulad ng ibang mga barko sa mga panahong iyon, wala siyang permanenteng mga tauhan, at ang karamihan sa mga tauhan niya ay mga pansamantalang mga manggagawa na sumakay lamang ng barko ilang oras bago siya lumayag ng Southampton.[14] Ang proseso ng pagkalap ng bagong kasapi ay nagsimula noong 23 Marso at ang iba sa kanila ay naipadala sa Belfast, kung saan sila ay nagsilbi bilang mga kakaunting tauhan ng Titanic noong siya ay sinusubok pa lamang.[15]

Photograph of a bearded man wearing a white captain's uniform, standing on a ship with his arms crossed.
Si Edward Smith, kapitan ng Titanic, noong 1911

Si Kapitan Edward John Smith, ang pinakamataas sa mga kapitan ng White Star Line, ay nilipat mula Olympic para pamunuan ang Titanic.[16] Si Henry Tingle Wilde naman ay kinuha mula sa Olympic para punan ang posisyon bilang Chief Mate. Si William McCaster Murdoch ay naging Unang Opisyal at si Charles Lightoller naman ay ginawang Pangalawang Opisyal. Ang unang Pangalawang Opisyal na si David Blair ay tinanggal na ng tuluyan.[17]

Hinati sa tatlong mga kagawaran ang mga tauhan ng Titanic: Kubyerta, na may 66 tauhan; Makina, na may 325; at Pagkain, na may 494. Karamihan sa mga tauhan ay hindi naman mga marino, kundi mga inhinyero, fireman o stoker, mga nagmamasid sa mga makina, o mga istuward at mga tauhan ng kusina, na responsable sa mga pasahero.[18] Ang mga tauhan ay binubuo ng 97% na kalalakihan, at tanging 23 lamang ang mga babae na karaniwan ay mga istuward.[19] Sari-sari ang mga trabaho ng mga tauhan, may panadero, tagaluto, magkakarne, tigahugas ng pinggan, steward, tagaturo sa himnasyo, labandero, weyter, tigalinis, at maging imprentista na siyang naglalathala ng pahayagang Atlantic Daily Bulletin para sa mga pasahero, kung saan ang mga balita ay nanggagaling sa mga natatanggap ng mga telegrapista.[19] [a]

Karamihan sa mga tauhan ay nagpatala sa Southampton ng 6 Abril;[1] sa kabuuan 699 na mga tauhan ay galing doon, at 40 porsiyento ay tubo sa nasabing bayan.[19] Ang ilan sa kanila ay may sariling trabaho o mga subkontraktor. Kasama sa kanila ang limang postal klerk, na nagtatrabaho para sa Royal Mail at sa Tanggapan ng Koreo ng Estados Unidos, ang mga tauhan ng restawran na A La Cart at Cafe Parisien na kapwa nasa First Class, ang telegrapista ng radyo na empleyado ng Marconi, at walong musikero na pinasasahuran ng isang ahensiya at naglalakbay bilang mga pasaherong Second Class.[21]

Iba-iba ang pagpapasahod sa mga tauhan. Si Kapitan Smith ay nakakatanggap ng £105 kada buwan (katumbas ng £7,704 ngayon), habang ang mga istuward ay nakakatanggap ng £3 10s (£257 ngayon). Ang mga nagtatrabaho sa kainan ay nakakadagdag sa kanilang sahod mula sa mga tip ng mga pasahero.[20]

Si John Jacob Astor IV noong 1909. Siya ang pinakamayamang pasahero sa Titanic.

Sa kabuuan, ang mga pasahero ng Titanic ay umabot sa 1,317 katao, kung saan 324 ang sa First Class, 284 sa Second Class, at 709 sa Third Class. 869 (66%) sa kanila ay mga kalalakihan at 447 (34%) ay mga kababaihan. Mayroong 107 na mga batang sakay, at ang may pinakamaraming bata ay nasa Third Class.[22] Mas mababa pa nga ang bilang na ito kaysa sa kayang sakyan ng Titanic na umaabot ng 2,566 mga pasahero: 1,034 sa First Class, 510 sa Second Class, at 1,022 sa Third Class.[23]

Karaniwan, ang isang prestiyosong barko tulad ng Titanic ay napupuno sa unan nilang paglalakbay. Ngunit, dahil sa welga sa uling sa Nagkakaisang Kaharian, sadyang naapektuhan ang takdaan ng paglalayag sa tagsibol ng 1912 kung saan maraming biyahe ang kailangang maikansela. Natapos din ang welga ilang araw bago lumayag ang Titanic, ngunit malaki na ang naging epekto nito. Kaya nakalayag ang Titanic sa nakatakda nitong araw ay dahil naikarga ang uling mula sa ibang barko na nakadaong sa Southampton.

Ang ilan sa mga pinakatanyag na tao noong mga panahong iyon na nagpatala sa pagsakay sa Titanic ay nasa First Class. Ang ilan sa kanila ay ang milyonaryong Amerikano na si John Jacob Astor IV at ang kaniyang asawa na si Madeleine Force Astor, industriyalistang Benjamin Guggenheim, Isidor Strauss na may-ari ng Macy's at ang kaniyang asawa na si Ida, milyonaryong taga-Denver na si Margaret "Molly" Brown, [b], Sir Cosmo Duff Gordon at ang kaniyang asawa na si Lucy, kriketer at negosyanteng si John Thayler at ang kaniyang asawang si Marian at ang anak na si Jack, ang Kondesa ng Rothes, manunulat at ang tanyag na si Helen Churchill Candee, mamamahayag at repormador panlipunang si William Thomas Stead, manunulat na si Jacques Futrelle at ang kaniyang asawang si May, at ang aktress sa pelikulang tahimik na si Dorothy Gibson. Nakatakda ding lumayag ang may-ari ng Titanic na si J.P. Morgan ngunit kinansela niya ito sa huling sandali. Kasama din sa mga pasahero ang tagapamahalang direktor ng White Star Line na si J. Bruce Ismay at ang nagdisenyo ng Titanic na si Thomas Andrew, na sumakay para siyasatin ang anumang problema at pag-obserbahan ang pagpapatakbo ng bagong barko.

Hindi rin malaman ang eksaktong bilang ng mga taong sakay sapagkat hindi lahat sa mga bumili ng tiket ay talagang nakasakay. Limampu sa kanila ang nagpakansela ng biyahe sa iba't ibang kadahilanan,[24] at ang ilan sa kanila ay hindi nanatili sa kabuuan ng paglalakbay.[25]

Iba-iba rin ang pamasahe sa Titanic. Ang pamasahe sa Third Class mula London, Southampton o Queenstown ay nagkakahalagang £7 5s (katumbas ng 608 ngayon) samantala ang pinakamababang pamasahe sa First Class ay nasa £23 (£1,928 ngayon).[26] Ang pinakamahal namang pamasahe sa First Class ay nagkakahalagang £870 sa tugatog na panahon (£72,932 ngayon).[23]

Paglisan At Paglalakbay Pa-kanluran

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Miyerkules ng 10 Abril 1912, nagsimula ang unang paglalakbay ng Titanic. Pagkatapos ng pagsakay ng mga tauhan sa barko nagsimula nang dumagsa ang mga pasahero simula noong 9:30 ng umaga noong ang boat train ng London and South Western Railway mula sa estasyon ng London WaterLoo ay dumating sa hangganang estasyong panriles ng Southampton, na nasa pantalan, katabi lang ng pinagdadaungan ng Titanic. [27] Dahil sa dami ng mga pasaherong Third Class sila ang unang pinasakay, at sumunod naman ang mga pasahero ng First at Second Class. Pinakita ng mga istuward sa mga pasahero ang kanilang mga silid habang personal na binati ni Kapitan Smith ang mga pasakay na pasaherong First Class.[28] Sinuri ang mga pasaherong Third Class sa anumang karamdaman na magiging dahilan upang hindi sila papasukin sa Estados Unidos, na siyang ayaw ng White Star Line, sapagkat kung bakasakali ay kailangan nila itong ilayag pabalik.[24] 922 na mga pasahero ang nakatala bilang mga sumakay sa Titanic sa Southampton. Marami pang mga pasahero ang sumakay sa Cherbourg at Queenstown.[29]

Nagsimula ang unang paglalakbay sa tanghali. Kamuntikan nang magkaroon ng aksidente nang dumaan sa mga nakadaong na mga barko na SS City of New York at Oceanic. Dahil sa bigat ng Titanic lumikha ito ng alon na siyang nakaapekto sa mas maliliit na barko. Naputol ang pandaong na lubid ng New York at umikot ito sa kaniyang talikuran patungo sa Titanic. Agad na tinulak ng isang tugboat na nagngangalang Vulcan ang New York at iniutos ni Kapitan Smith na i-buong atras (full astern) ang mga makina ng Titanic.[30] Mahigit isa't kalahating metro lamang ang iniwasan ng dalawang barko mula sa pagkakabangga. Ang insidenteng ito ay siyang nagpaantala sa pag-alis ng Titanic ng isang oras habang sinasa-kontrol pa ang inaanod na New York.[31]

Tumawid naman ang Titanic sa Kipot ng Ingles at nagtungo sa Cherbourg, isang daungang Pranses. Ang lagay ng panahon doon ay mahangin, mainam ngunit malamig at maulap. Dahil walang kakayahan ang daungan ng Cherbourg na maidaong ang barkong kasinglaki ng Titanic, kailangang gumamit pa ng maliit na barko na tinatawag na tender upang maisakay ang mga pasahero. May dalawang tender ang White Star Line sa Cherbourg, ang SS Traffic at ang SS Nomadic. Pareho silang naidisenyo para maging tender ng mga barkong Olympic-class at nailunsad ilang araw lamang matapos ilunsad ang Titanic. Sa pagdating ng Titanic ay sinalubong siya ng mga tender. 274 na mga pasahero ang sumakay sa Titanic habang ang 24 naman ay naiwan sa mga tender upang maibalik sa baybayin. Umabot lamang ng 90 minuto ang proseso at noong 8 ng gabi lumisan na ang Titanic patungong Queenstown.

Noong 11:30 ng umaga noong Huwebes, Abril 11, dumating ang Titanic sa Daungang Cork sa timog ng Irlanda. Bagaman maulap-ulap ay mainit-init ang panahon at may malakas na hangin.[32] Gaya sa Cherbourg, wala ding kakayahan ang nasabing daungan upang maidaong ang napakalaking barko kaya nangailangan muli ng mga tender upang pasakayin ang mga pasahero. 113 na mga pasaherong Third Class at pitong pasaherong Second Class ang sumakay, samantalang pitong pasahero naman ang bumaba. Kasama sa mga lumisan ay sina Padre Francis Browne, isang estudyanteng Hesuwita at litratista na siyang kumuha ng maraming litrato sa Titanic, kabilang na ang pinaka-kahuli-hulihang litrato ng barko. Tumakas naman ang stoker na si John Coffey, isang tubong Queenstown, sa pamamagitan ng pagpasok sa ilalim ng sako ng mga koreo na binababa mula sa barko. Sa huling pagkakataon itinaas ng Titanic ang kaniyang angkla noong 1:30 ng gabi at nagsimula nang bumiyahe pa-kanluran sa Atlantiko.

Ang ruta ng Titanic, kasama ang lokasyon ng kaniyang pinaglubugan.

Matapos lumisan ng Queenstown, sinundan ng Titanic ang mga baybayin ng Irlanda hanggang sa Bato ng Fastnet, na umaabot sa layo ng 55 milyang pandagat. Mula doon ay nagsimula na siyang lumakbay ng 1,620 milya pandagat, binabagtas ang rutang Malaking Kabilugan (Great Circle) na tumatawid sa Hilagang Atlantiko para marating ang lugar sa karagatan na kilala bilang "Ang Kanto" (The Corner) sa timog-silangan ng Newfoundland, kung saan lumiliko na ang mga pakanlurang mga barko. Nakalayag na ang Titanic ng ilang oras pagkaraan ng biyas na rhumb line ng 1023 milya pandagat patungong Nantucket Shoals Light noong bumangga siya sa iceberg. Ang huling rutang dadaanan sana niya ay 193 milya hanggang Ambrose Light at sa huli, hanggang Daungan ng New York.[33]

Dumaan ang unang tatlong araw ang paglalakbay mula Queenstown ng walang anumang insidente. Mula Abril 11 hanggang sa tanghali (oras ng barko) sa sumunod na araw, bumagtas ang Titanic ng 484 milya pandagat; sa sumunod na araw, 519 milya pandagat; at sa tanghali ng kaniyang huling paglalakbay, 546 milya pandagat. Mula doon hanaggang sa kaniyang paglubog nagbiyahe siya ng 258 milya pandagat. Ang kaniyang katampatang bilis ay umabot sa 21 knots. [34] Naging mabuti ang panahon noong umalis ang barko mula Irlanda. Nananatiling katamtaman ang temperatura mula Sabado, Abril 13, ngunit sa sumunod na araw tumawid ang Titanic sa isang cold front na may malakas na hangin at alon na maabot ng 8 talampakan. Naging katamtaman na ulit ang panahon hanggang sa kinagabihan ng Linggo, Abril 14, kung saan ang panahon ay naging malinaw, mapayapa, at napakalamig.[35]

Nakatanggap ng mga babala ang Titanic mula sa ibang mga barko ukol sa mga bitak ng yelo sa paligid ng Newfoundland.[36] Sa kabila nito, pinanatili ng barko ang pagbiyahe sa buong bilis nito, na siyang kinaugalian na ng mga barko ng panahong iyon.[37] Pinaniniwalaan na maliit lang ang panganib ng dala ng yelo sa mga malalaking barko, at sinabi mismo ni Kapitan Smith na hindi niya maisip ang anumang kondisyon na magpapapeligro sa barko, dahil sa makabagong teknolohiya sa paggawa ng barko.

"Untergang der Titanic" ni Willy Stöwer, 1912 (artist's conception)

Bandang 11:40 ng gabi, namataan ng bantay na si Frederick Fleet ang isang malaking tipak ng yelo sa mismong daraanan ng Titanic at nagbigay babala sa bridge. [38] Agad na iniutos ni Pangunahing Opisyal William Murdoch ang pagliko sa barko upang makaiwas sa sagabal at iniutos ang pag-buong atras ng mga makina.[39] Ngunit sadyang huli na ang lahat; bumangga na ang kanang gilid ng Titanic sa yelo, na siyang gumawa ng serye ng mga butas sa ilalim ng tubig. Lima sa mga watertight compartments ng barko ang nabutas. Napagtanto na lamang na ito na ang magiging katapusan ng barko, sapagkat hindi niya kaya na lumutang kung mahigit sa apat na kompartamento ang bumaha. Nagsimula nang lumubog ang Titanic, una ang harap, habang ang tubig ay bumabaha mula sa isang kompartamento patungo sa sumunod pang kompartamento at ang kaniyang anggulo sa katubigan ay mas lalu pang tumatarik.

Hindi handa ang mga sakay ng Titanic sa ganitong kagipitan. Sapat lamang ang mga lifeboat ng Titanic para maisakay ang kalahati sa mga pasahero, at kung ang sakay sa barko ay sagad sa kaniyang kapasidad isa sa ikatlo lamang ang maisasakay sa mga lifeboat. [40] Hindi rin sinanay ang mga tauhan sa pagpapalikas. Hindi rin alam ng mga opisyales kung ilan ang kaya nilang isakay sa mga lifeboat at marami sa kanila ang nangangalahati pa lang ang sakay noong sila ay pinakawala.[41] Pinaubaya din ang mga pasaherong Third Class sa kanilang sariiling sikap, kaya marami ang sa kanila ang naipit sa mga mabababang kubyerta at nalunod.[42] Ang patakarang "babae at bata muna" ang sinunod sa pagsakay sa mga lifeboat[42] at karamihan sa mga lalaking pasahero ay naiwan.

Dalawang oras at apatnapung minuto ang lumipas mula noong bumanga ang Titanic sa yelo, biglang bumilis ang kaniyang paglubog lalu na nang pumailalim na ang kaniyang harapang bahagi. [43] Noong umangat na ang kaniyang likuran sa tubig na siyang nagpalitaw sa kaniyang mga propeller, nahati ang barko sa pagitan ng ikatlo at ikaapat na pausukan dahil sa matinding banat sa kaniyang kilya. [44] Nanatiling lumulutang ang likurang bahagi ng ilang minuto, pagkatapos nito ay umangat siya ng halos pahalang na anggulo habang maraming mga pasahero ang nagtatangka pang sumabit. [45] Bandang 2:20 ng umaga ay tuluyan na itong lumubog, at tuluyan ding kumalas mula sa naunang bahagi. Ang mga natitirang mga pasahero ay nahulog sa napakalamig na tubig na umaabot lamang sa 28F (-2C). Halos lahat sa kanila ay namatay sa hypothermia, atake sa puso, o pagkalunod sa loob lamang ng ilang minuto.[46] Labintatlo lamang sa kanila ang naiahon sa mga lifeboat bagaman may espasyo pa para sa limandaan pang mga sakay.[47]

Humingi ang Titanic ng tulong sa pamamagitan ng telegrapo, kuwitis at ilaw, ngunit wala sa mga barko na tumugon ang malapit para makarating sa oras.[48] Nakita ng Californian, na siyang pinakamalapit na barko at nakipagtalastasan pa sa Titanic bago ang pagbangga ng huli, ang mga pailaw ngunit hindi ito nakatugon. [49] Bandang alas-4 ng umaga, nakarating ang RMS Carpathia sa lugar bilang tugon sa panawagan ng Titanic.[50] 710 na katao ang nailigtas at naidala ng Carpathia sa New York, na siyang orihinal na destinasyon ng Titanic, habang ang 1,514 na iba pa ang nasawi.[51]

Pagkaraan ng Paglubog

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagdating ng Carpathia' sa New York

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Inabot ng tatlong araw ang Carpathia para makarating sa New York pagkalisan sa pinanyarihan ng kalamidad. Pinabagal ng hamog, yelo, masamang panahon at maalong dagat ang kaniyang biyahe.[52] Sa kabila nito, naihatid niya sa ibang dako ang balita sa pamamagitan ng telegrapo tungkol insidente. Nakakalito ang mga paunang balita, na siyang nagdulot upang maibalita ng mali ng mga pahayagang Amerikano noong Abril 15 na hinihila na ang Titanic ng barkong SS Virginian.[53]

Kinahapunan, kinumpirma nga na lumubog ang Titanic at karamihan sa mga sakay nito ang nasawi.[54] Maraming tao ang dumagsa sa mga opisina ng White Star Line sa London, New York, Motreal, Southampton, Liverpool at Belfast. Ang pinakamalubhang apektado sa mga ito ay sa Southampton, kung sanan karamihan sa mga namatayan ay galing dito. Apat sa limang mga tauhan ang galing dito.

Ang pahayagan ng Salvation Army, ang The War Cry, ay nagbalita na tanging "ang may pusong bato lamang ang hindi matitinag sa kadalamhatian. Araw at gabi, maraming namumutla at bilasang mga mukha ang matyagang naghihintay sa balitang hindi dumating. Halos lahat sa kanila ang nawalan ng kamag-anak."[55] Inabot pa ng Abril 17 bago mailabas ang unang hindi pa kumpletong mga listahan ng mga nakaligtas, na pinatagal ng di kaaya-ayang komunikasyon.[56]

Nakadaong ang Carpathia bandang 9:30 ng gabi ng Abril 18 sa Pier 54 ng New York at sinalubong ng 40,000 katao na naghihintay sa pantalan sa kabila ng malakas na ulan.[57] Agad na nagpadala ng pampaginhawa sa pamamagitan ng damit at transportasyon ang mga organisasyon tulad ng Women's Relief Committee, ang Travelers Aid Society of New York at ng National Council of Jewish Women.[58] Karmaihan sa mga nakaligtas na pasahero ng Titanic ang hindi nagtagal sa New York ngunit agad na pumunta sa kanilang mga kamag-anak. Ang ilan sa mga mas mayayamang mga nakaligtas ang sumakay ng pribadong tren para lang makauwi, at naglaan ng Pennsylvania Railroad ng libre at espesyal na tren para maihatid ang mga nakaligtas sa Philadelphia. Ang mga 214 nakaligtas na tauhan ng Titanic ay naihatid sa barko ng Red Star Line, ang SS Lapland, kung saan sila ay sinakay sa mga pampasaherong mga silid. Dali-daling kinargahan ang Carpathia ng pagkain at mga pangangailangan bago nagpatuloy sa kaniyang biyahe sa Fiume, Awstrya-Unggarya. Binigyan ang mga tauhan ng bonus ng isang buwan nilang sahod ng Cunard bilang pabuya sa kanilang aksiyon, at ang ilan sa mga pashaeor ng Titanic ang sumali para mabigyan ng karagdagang bonus ng halos £900, na hinati sa pagitan ng mga tauhan.[59]

Pinagkaguluhan ng mga pahayagan ang pagdating ng Carpathia sa New York, at marami sa kanila ang nagpaligsahan upang unang maibalita ang mga kuwento ng mga nakaligtas. Sinuhulan pa ng ilang mga mamamahayag ang pilot boat na New York na gumabay sa Carpathia patungo sa daungan, at may isa pang nakarating sa Carpathia bago pa siya makadaong.[60] Napuno ang mga tanggapan ng pahayagan ng mga tao na nais makaalam ng pinakahuling balita na pinapaskil sa mga bintana o sa mga billboard.[61] Inabot pa ng apat na araw bago mailathala ang kumpletong listahan ng mga nasawi, na nagpadagdag pa sa dalamhati ng mga kamag-anak na naghihintay ng balita ukol sa mga kaanak nilang sakay ng Titanic. Noong 23 Abril, ibinalita ng Daily Mail ang mga sumusunod:

"Late in the afternoon hope died out. The waiting crowds thinned, and silent men and women sought their homes. In the humbler homes of Southampton there is scarcely a family who has not lost a relative or friend. Children returning from school appreciated something of tragedy, and woeful little faces were turned to the darkened, fatherless homes."

(Kinahapunan naglaho na ang pag-asa. Nagsialisan na ang mga naghihintay na mga tao, at nagiuwian na ang kalalakihan at kababaihan. Sa mga mas payak na mga tahanan ng Southampton halos walang pamilya na hindi namatayan ng kaanak o kaibigan. Bumalik ang mga paslit galing sa paaralan na waring tinanggap ang trahedya, at ang mga kaawa-awang mga mumunting mukha ay napalingon sa mga tahanang madilim at walang ama.)

Maraming mga kwawanggawa ang binuo para tulungan ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya, na karamihan ay nawalan ng mga kaisa-isang tagapagtaguyod, o sa kaso ng mga nakaligtas na Third Class, ang lahat ng kanilang mga ari-arian. Noong Abril 29 nakalikom ng $12,000 ang mga bituin ng opera na sina Enrico Caruso at Mary Garden at ang mga kasapi ng Metropolitan Opera para sa mga biktima ng kalamidad. Nagbigay sila ng espesyal na pagtatanghal kung saan kasama ang mga awit ng "Autumn" at "Nearer My God To Thee". Sa Britanya, bumuo ng mga pampaginawang pondo para sa mga naulila ng mga tauhan ng Titanic, at nakalikom sila ng halos £450,000. Ang isa sa kanila ay nasa operasyon pa hanggang sa mga 1960s.

Pagsisiyasat sa trahedya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
"The Margin of Safety Is Too Narrow!" (Ang Pamantayan Ng Kaligtasan Ay Napakaliit!), isang cartoon ni Kyle Fergus, na nagpapakita ng mga publiko na nagahanap ng kasagutan mula sa mga kompanya ng barko

Bago pa man dumating ang mga nakaligtas sa New York, binabalak na ang pag-imbestiga sa kalamidad kung ano ang nangyari, at kung ano ang maaaring gawin para hindi na maulit ito. Sinimulan ng Senado ng Estados Unidos ang pagsisiyasat sa kalamidad noong Abril 19, isang araw matapos makarating ang Carpathia sa New York. [62]

Gusto ng pinuno ng pagsisiyasat na si Senator William Alden Smith na makapag-ipon ng mga ulat mula sa mga pasahero at mga tauhan habang sariwa pa ang trahedya sa kanilang mga isipan. Gusto ring ipa-subpoena ni Smith ang lahat ng mga pasahero at tauhang Briton habang nasa Amerika pa sila, na siyang pipigil sa kanilang makabalik sa Britanya bago matapos ang pagsisiyasat ng Amerika sa Mayo 25. Binatikos ng mga pahayagang Briton si Smith bilang isang oportunista, na walang pakiramdamang pinipilit ang pagsisiyasat para sa kaniyang pampolitika na interes at "maitayo ang kaniyang sarili sa pandaigdigang tanghalan". Ngunit may reputasyon na si Smith bilang tagapagtaguyod ng kaligtasan sa mga daanan ng Estados Unidos, at gusto ring ipa-imbestiga ang anumang maling pamamalakad ng taykon ng daangbakal na si J. P. Morgan na siya ding may-ari ng Titanic.[63]

  1. May pusa din ang Titanic sa barko, na nagngangalang "Jenny", na nanganak bago nagsimulang lumayag ang barko; lahat ay namatay sa paglubog ng barko.[20]
  2. Kinilala bilang "Unsinkable Molly Brown" dahil sa kaniyang pagtulong sa ibang pasahero pagkalubog ng barko

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Eaton & Haas 1995, p. 56.
  2. Hutchings & de Kerbrech 2011, p. 42.
  3. Hutchings & de Kerbrech 2011, p. 44.
  4. Gill 2010, p. 87.
  5. Gill 2010, p. 105.
  6. Gill 2010, p. 109.
  7. 7.0 7.1 7.2 Bartlett 2011, p. 33.
  8. 8.0 8.1 Hutchings & de Kerbrech 2011, p. 15.
  9. Spignesi 1998, p. 22.
  10. Eaton & Haas 1995, p. 44.
  11. Eaton & Haas 1995, pp. 44, 46.
  12. Chirnside 2004, pp. 39–40.
  13. Eaton & Haas 1995, p. 46.
  14. Barratt 2009, p. 84.
  15. Barratt 2009, p. 83.
  16. Bartlett 2011, pp. 43–44.
  17. Gill 2010, p. 241.
  18. Butler 1998, p. 238.
  19. 19.0 19.1 19.2 Gill 2010, p. 242.
  20. 20.0 20.1 Gill 2010, p. 246.
  21. Barratt 2009, p. 50.
  22. Barratt 2009, p. 93.
  23. 23.0 23.1 Howells 1999, p. 18.
  24. 24.0 24.1 Eaton & Haas 1995, p. 73.
  25. "Titanic – Passenger and Crew statistics". Historyonthenet.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-04-06. Nakuha noong 8 Abril 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  26. Southampton–Cherbourg–New York Service, White Star Line leaflet of circa January 1912.
  27. Barratt 2009, p. 61.
  28. Gill 2010, p. 252.
  29. Marriot, Leo (1997). TITANIC. PRC Publishing Ltd. ISBN 1-85648-433-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  30. Eaton & Haas 1995, p. 76.
  31. Brewster & Coulter 1998, p. 22.
  32. Halpern 2011, p. 79.
  33. Halpern 2011, p. 73.
  34. Halpern 2011, pp. 74–75.
  35. Halpern 2011, p. 80.
  36. Ryan 1985, p. 9.
  37. Mowbray 1912, p. 278.
  38. Lord 2005, p. 2.
  39. Barczewski 2006, p. 191.
  40. Hutchings & de Kerbrech 2011, p. 109.
  41. Barczewski 2006, p. 21.
  42. 42.0 42.1 Barczewski 2006, p. 284.
  43. Halpern & Weeks 2011, p. 118.
  44. Ballard 1987, p. 204.
  45. Barczewski 2006, p. 29.
  46. Aldridge 2008, p. 56.
  47. Lord 2005, p. 103.
  48. Brewster & Coulter 1998, pp. 45–47.
  49. Brewster & Coulter 1998, pp. 64–65.
  50. Bartlett 2011, p. 238.
  51. Mersey 1912, pp. 110–111.
  52. Bartlett 2011, p. 266.
  53. Bartlett 2011, p. 256.
  54. Butler 2002, p. 169.
  55. Bartlett 2011, p. 261.
  56. Bartlett 2011, p. 262.
  57. Butler 2002, pp. 170, 172.
  58. Landau 2001, pp. 22–23.
  59. Eaton & Haas 1995, p. 184.
  60. Eaton & Haas 1995, p. 182.
  61. Eaton & Haas 1995, p. 204.
  62. Brewster & Coulter 1998, p. 72.
  63. Butler 1998, pp. 180–186.