Ukay-ukay
Ang ukay-ukay /u·kay u·kay/ o wagwagan /wag·wa·gan/ ay tindahan sa Pilipinas ng mga segunda manong damit at mga kagamitan gaya ng mga sapatos, bag at kung ano-ano pang aksesorya.[1] Karaniwang galing sa ibang bansa ang mga itinitinda ritong pinaglumaang mga damit at kagamitan na ibinebenta sa napakamurang halaga, depende sa kalidad at klase ng mga paninda o sa tagal nitong maibenta.[2] Ang mga damit na karaniwa'y libong piso ang halaga kapag bibilhin ng bago, kung ito ma'y mabibili sa Pilipinas, ay mabibili na lamang sa halagang 50 piso[2][3] pataas o minsa'y mas mababa pa.
Ang mga kagamitan at damit ng mga kilalang brand gaya ng Prada, Givenchy at DKNY ay ilan lamang sa maaring makita sa mga ukay-ukay, depende sa tiyaga ng naghahanap ng mga damit; kaya na lamang patuloy ang pagtangkilik dito di-lamang ng karaniwang masa, pati na rin ng ilang fashionista na dati rati'y nangingiming mamili rito.[3]
Pinagmulan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa kuro-kuro, nagsimula ang ukay-ukay matapos bilhin ng ilang mangangalakal ang mga naimbak na bulto-bultong tulong na pinaglumaang mga damit na pinadadala ng humanitaryong grupong Salvation Army sa Pilipinas, bilang tugon nito sa mga pangangailangan ng mga nasalanta ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa mula noong dekada 80.[3] Ang mga unang ukay-ukay ay nagsulputan sa Baguio, kung saan ito'y tinawag na wagwagan, dahil kinakailangang iwagwag o ipagpag muna ang mga inaalikabok nang damit[4] upang ito'y matignan o maisukat. Dahil karaniwang nanggagaling sa mayayamang bansa na nakararanas ng taglamig ang mga tulong na damit, marami sa mga ito ay naaangkop sa mas malamig na klima ng Baguio. Naging popular ang mga wagwagan sa Baguio at dinayo pa ito ng mga taga-Maynila. Di-naglaon tinawag ang mga tindahang ito na ukay-ukay, mula sa salitang "halukay," dahil sa pangangailangang maghalukay kung minsan sa mga kahon-kahong nakatumpok na damit.[2]
Anyo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Di-gaya ng mga department store kung saan karaniwang naka-ayos ayon sa tatak ang mga paninda at maayos na nakatupi o nakasabit ang mga damit sa mga estante, sa ukay-ukay ang mga damit ay karaniwang nakasalansang lamang sa mga hangeran o nakatumpok kaya ito'y kailangang halukayin. Malimit na hinihiwalay sa mga ukay-ukay ang mga pang-itaas at pang-ibabang damit o kung ito ma'y panlalaki o pambabae. Kadalasang di-kaaya-aya ang amoy sa ukay-ukay dala ng naghalo-halong amoy ng mga pinaglumaang damit.[5] Ang iba'y nagtitinda na rin ng mga damit at kagamitang pang ukay-ukay sa internet gaya ng sa eBay.[6][7]
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Ukay Ukay in Baguio City. GoBaguio! [1]. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ 2.0 2.1 2.2 What’s in a word: Ukay-Ukay. Ukayfinewhatever.wordpress.com [2] 01/09/2011. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ 3.0 3.1 3.2 Lopez-Flores, Joan. High-fashion finds on the cheap for the practical Pinoy. Talk Talk Tilaok. [3] Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine. 11/28/2010. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ Lardizabal-Dado, Noemi. Ukay-ukay. Bargain and Vintage Clothes Shopping. aboutmyrecovery.com. [4]. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ Clothing : Ukay-ukay. MyLavishLife.blogspot.com [5] 07/14/2008. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ Cabreza, Vincent. ‘Ukay’ fashion goes e-Bay. INQUIRER.net. [6] Naka-arkibo 2008-03-18 sa Wayback Machine. 03/22/2011. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)
- ↑ Policarpio, Allan. "Ogie, Reg organizing celebrity ‘ukay-ukay’". INQUIRER.net. [7] Naka-arkibo 2011-03-26 sa Wayback Machine. 03/22/2011. (Hinango 10/09/2011). (sa Ingles)