Vaginal photoplethysmography
Ang vaginal photoplethysmography (VPG) ay ang pagsukat sa vasocongestion (pagdami ng dugo) sa puki. Ginagamit dito ang isang vaginal photoplethysmograph, isang aparatong sumusukat ng mga pagbabago sa loob ng puki na may kaugnayan sa pagkaantig na seksuwal.[1] Ang vaginal photoplethysmograph ay isang kagamitan na kahugis ng tampon na yari sa malinaw na akriliko, na naglalaman ng isang bagay na pinagmumulan ng liwanag, at ng isang detektor (tagapagtunton o tagapagtuklas) ng liwanag. Pinagliliwanag ng pinagmumulan ng liwanag ang himlayang kapilyaryo ng dingding ng puki at ang dugo dumadaloy sa loob nito. Sa pagtaas ng dami ng dugo sa loob ng tisyu ng puki, mas maraming liwanag ang manganganinag (repleksiyon) papasok sa selulang potosensitibo ng aparato.[2] Ang VPG ang pinaka karaniwang paraan upang mapag-alaman ang daloy ng dugo ng puke at malawakang ginagamit upang masukat ang pagkaantig na seksuwal ng organong pampagtatalik sa mga babae. Subalit, nagkaroon ng pagtatalo hinggil sa kung gaano mapagkakatiwalaan ang teknik na ito.
Pag-unlad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang VPG ay unang ipinakilala noong 1967 nina Palti at Berovici,[3] na nagdikit ng isang ilaw at selulang potosensitibo sa ibabaw ng isang ispekulum na panghinekolohiya at nagrekord ng mga alon ng pulso o pintig ng puke. Pinaunlad nina Sintchak at Geer[4] ang aparato noong 1975 sa pamamagitan ng paggamit ng probe o instrumentong pangsubok na pampuki. Ang vaginal photoplethysmograph ang unang aparatong praktikal at maaasahan para sa pagsukat ng daloy ng dugo sa puke.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Harmatz, Morton G. at Melinda A. Novak. Glossary, Human Sexuality, Harper & Row Publishers, New York, 1983, pahina 570.
- ↑ Prause, N. & Jansen, E. [“Blood flow: vaginal photoplethysmography”], “In Goldstein, C. M. Meston, S. Davis & A. Traish (Eds.), Textbook of Female Sexual Dysfunction London: Taylor & Francis Medical Books”
- ↑ Palti, Y. & Bercovici, B. [“Photoplethysmographic study of the vaginal blood pulse”], “American Journal of Obstetrics & Gynecology, 97, 143–53”, 1967
- ↑ Sintchak, G. & Geer, J. H. [“A vaginal plethysmograph system”],”Psychophysiology, 12, 113–15”, 1975