GMA Network

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Para sa ibang gamit ng GMA, tignan ang GMA (paglilinaw).
GMA Network, Inc.
Uri General partnership
Pagkakatatag 1 Marso 1950
Pangunahing lokasyon Flag of the Philippines Lungsod Quezon, Pilipinas
Mahahalagang tao Felipe Gozon, CEO
Industriya network na pantelebisyon at pangradyo
Kita Green Arrow Up.svg P 11 bilyon PHP (Green Arrow Up.svg 12%) (2006) [1]
Pumapasok na tubo Green Arrow Up.svg P1.97 bilyon PHP (Green Arrow Up.svg -2%) (2006) [2]
Mga Manggagawa 600
Websayt iGMA.tv

Ang Global Media Arts (GMA) Network, Incorporated ay isa sa mga nangungunang network na pantelebisyon sa Pilipinas. Sila ay nagpapalabas ng mga programang pang-aliw at balitaan sa pamamagitan ng kanilang apatnapu't pitong (47) relay stations, apat na himpilang ka-affiliate at tatlumpu't apat (34) na himpilan ng radyo sa buong bansa. Ang network na ito mapapanood sa buong mundo sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV.

Ang kanilang punong tanggapan, ang GMA Network Center, ay matatagpuan sa panulukan ng EDSA at Timog Avenue, Diliman, Quezon City. Si Atty. Felipe Gozon ang kasalukuyang Chairman at CEO.

Sa Kalakhang Maynila, ang kanilang mga himpilan ay DZBB-TV Channel 7, DZOE-TV Channel 11 (Pagmamay-ari ng ZOE Broadcasting Network at kasalukuyang pinapangasiwaan ng GMA News TV), at DWDB-TV Channel 27.

Kasaysayan[baguhin]

Republic Broadcasting System[baguhin]

Ang GMA Network ay nagsimula sa himpilan ng radyong DZBB na pagmamay-ari ng Republic Broadcasting Systemni Robert "Uncle Bob" Stewart, isang Amerikanong war correspondent. Ang himpilan ay nagsimulang sumahimpapawid noong 14 Hunyo 1950 sa ika-apat na palapag ng Gusaling Calvo sa Escolta, Manila. Sila ay nakilala sa pagtutok ng mga balita tulad ng biglaang pagkamatay ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, ang pagsabog ng Bundok Hibok-Hibok noong 17 Marso 1957 at iba't-ibang halalan ng bansa. Ang DZBB ang kauna-unahang himpilan ng radyo sa bansa na gumamit ng telephone patch para sa mga "live" na panayam. ANg himpilan din ang nagsahimpapawid ng palatuntunang na naging batayan ng mga kasalukuyang programang pampampolitika tulad ng Kuwentong Kutsero at ang paligsahang sa pag-awit sa radyo, ang Tawag ng Tanghalan. Makalipas ang isang dekada, sinubukan ni Stewart ang pagsasahimpapawid sa telebisyon. Gamit ang dalawang kamera at isang lumang transmitter, ang RBS Channel 7, ang ikatlong himpilan ng telebisyon sa Pilipinas ay unang sumahimpapawid noong 29 Oktubre 1961. Kahit na karamihan sa mga palatuntunang ng himpilang ito ay galing sa ibang bansa, ang RBS ay gumawa rin ng mga lokal na programa tulad ng Uncle Bob's Lucky Seven Club, Dance Time with Chito at iba't-ibang programang pambalitaan. Laging nalulugmok sa pagkalugi ang RBS pagkatapos itatag ang kanilang himpilan ng telebisyon. Sila ay laging nalalayo sa mga ibang matatag na television networks ngunit ito ay hindi pumigil sa kanila para magsimulang sumahimpapawid sa Cebu (DYSS-TV) noong 1963.

GMA Radio-Television Arts[baguhin]

Ang GMA Radio-Television Arts logo na ginamit mula 1979 hanggang 1992.

Noong 21 Setyembre 1972, idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law sa buong Pilipinas. Ilang lupon ng sundalo ang pumasok sa mga himpilan ng radyo at telebisyon at ito ay isinailalim sa kontrol ng militar upang maiwasan ang propaganda ng mga "komunista". Lahat ng media na kritikal kay Marcos ay ipinasara.

Ang mga dayuhang indibidwal at kompanya ay hindi pinayagang magmay-ari ng kahit anong media outlet sa bansa. Si Stweart at ang American Broadcasting Corporation, na nagmamay-ari ng ilang bahagi ng RBS[3] ay napilitang ibenta ang majority share ng kompanya sa isang grupo na kinabibilangan nina Gilberto Duavit Sr., isang opisyal ng Malacañang, Menandro Jimenez at Felipe Gozon noong 1974. Sa pamamagitan nito, ang himpilan ay muling pinayagang sumahimpapawid. Binago rin ang pangalan ng himpilan bilang GMA Radio-Television Arts (ang ibig sabihin ng GMA ay Greater Manila Area, ang pangunahing abot ng himpilan), ngunit ang RBS ang nagsilbi nilang opisyal na pangalan ng kompanya hanggang 1996. Si Jimenez ang tumayong pangulo ng kompanya samantalang si Gozon naman ang naging chairman.

Nang namatay si Benigno "Ninoy" S. Aquino, Jr., isang dating senador na tumutuligsa sa pamahalaang Marcos noong 21 Agosto 1983, isa lamang itong maliit na balita noon dahil kontrolado ni Marcos ang media noon. Unti-unting nawala ang kontrol ni Marcos sa media nang isahimpapawid ng GMA ang libing ni Aquino, ang nag-iisang lokal na himpilan na gumawa nito. Noong 1984, sinubukan ni Imee Marcos, anak ni Pangulong Marcos, na kupkupin ang GMA ngunit ito ay hindi nagtagumpay at pinigilan ito ng mga punong ehekutibo ng GMA. Tuluyang umalis ng bansa si Stewart at nadismaya sa ginawa ng mga Marcos. Ang GMA rin ang naging instrumental noong panahon bago isaganap ang Rebolusyon sa EDSA noong 1986. Ang network ang unang umere ng isang panayam kay Corazon Aquino noong 1984, at kanyang ipinahayag na tatakbo siya bilang Pangulo kung makakakuha siya ng isang milyong lagda. Noong Pebrero 1986, ang network rin ang unang nagbalita na sina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile ay tumiwalag na sa pamahalaang Marcos.

Nang naibalik na ang demokrasya sa Pilipinas sa pamamagitan ng People Power Revolution noong 1986, ang mga himpilan ng telebisyong ipinasara noong Martial Law ay muling sumahimpapawid, at ang karamihan ay ibinalik sa orihinal nilang may-ari. Ang ABS-CBN ay muli ring umere at makalipas ng anim na buwan ay kinuha ang pangunahing posisyon sa ratings. Ang kalagayang pampolitika ng bansa ay nakadagdag sa mga pahirap ng himpilan nang kupkupin ito ng mga rebeldeng sundalo, para patumbahin si Pangulong Aquino. Noong 1987, binuksan nila ang kanilang live studio, ang Broadway Centrum, pinalakas ang kanilang mga programa at binuksan ang kanilang 777-talampakang Tower of Power, ang pinakamataas na istrakturang ginawa ng tao sa bansa noong 1988.

Ang Rainbow network[baguhin]

Ang Rainbow Network ang naging pagkakakilanlan ng network hanggang 2002 nang baghuin nila ang kanilang logo at islogan.

Naging pangunahing prayoridad ng GMA ang pagsasahimpapawid sa ibang bansa nang ilunsad nila ang Rainbow Sattelite noong 30 Abril 1992. Sa pamamagitan ng mga relay stations, ang mga palatuntunan ng GMA ay napapanood sa buong bansa at sa Timog Silangang Asya. Umere rin ang ibang programa ng GMA sa animnapung (60) lungsod sa Estados Unidos at ibang bahagi ng Timog Amerika sa pamamagitan ng International Channel Network. Ang GMA rin ang naging opisyal na tagahimpapawid ng 1995 World Youth Day, ang huling bisita ni Papa Juan Pablo II sa bansa. Nang taong ding iyon, inilunsad ng GMA ang kanilang UHF na himpilan, ang Cityet Television, bagong mga palatuntunan (kabilang rito ang Bubble Gang at Startalk, na ngayon ay isa sa mga pinakamatagal nang umeereng programa sa telebisyon), at ang balitaang Saksi nina Mike Enriquez, Mel Tiangco at Jay Sonza. Kasabay nito ang dalawang sikat na programang sumahimpapawid sa ABS-CBN ng ilang taon, ang Eat Bulaga at Okay Ka Fairy Ko. Noong 1996, pormal nang binago ng GMA ang kanilang pangalang pankalakal bilang GMA Network, Incorporated. Binago din ang ankronim ng GMA bilang "Global Media Arts". Ang GMA Films ay itinatag rin ng nasabing taon. At noong 1998, inilunsad nito ang pinakamahal na pelikula noong panahon na iyon, ang José Rizal na nagkakahalaga ng 80 milyong piso. Ang pelikulang ito ay tumanggap ng maraming parangal at pagpuri. Ang GMA rin ang kauna-unahang nakatanggap ng Peabody Award para sa Investigative Journalism sa Pilipinas noong 1999. Ang Citynet ay binago at naging EMC, ang pinaka-unang music video channel sa bansa. Ito ay naging Channel V Philipines makalipas ng ilang panahon. Ngunit ito ay napilitang ipasara dahil sa magkakontra ng interes sa ginta ng mga nagpapalakad ng GMA, na noon ay kinukunsidera ng PLDT, na nagmamay-ari sa MTV Philippines, isa sa mga sangay nito. Ang GMA rin ang naging opisyal na tagapagsahimpapawid sa Pilipinas ng Global Millenium Day Broadcast noong 2000. Noong Enero 2000, bumaba sa bilang pangulo ng GMA si Menardo Jimenez at si Felipe Gozon pumalit sa kanya. Si Gilberto Duavit Jr. naman ang naging Chief Operating Office ng kompanya.

Ang Kapuso network[baguhin]

Ipinakita ng GMA Network ang Kapuso logo sa tuktok ng GMA Network Center.

Noong 2002, binago ng network ang kanilang pagkakakinlanlan upang manguna sa pagbibigay ng balita at aliw. Binago nila ang kanilang logo at islogan para maipakita ang kanilang bagong pagkakakinlanlan ngunit kasama pa rin ang kanilang dating islogan bilang Rainbow Network. Ang bagong tatak ay may kasamang pulang hugis pusong na kasama ang iba't ibang kulay na tumatayo bilang isang bahaghari. Ang naging bago nilang islogan ay "Kapuso, Anumang Kulay ng Buhay". Ang mga ito ay ipinakita sa publiko noong 27 Oktubre 2002 sa isang espesyal na pagtatanghal ng programang SOP Rules.

Mga palabas[baguhin]

Kinapalolooban ang mga programa ng GMA Network ng mga balita, mga palabas tungkol sa kasalukuyang kaganapan, dokumentaryo, drama, mga seryeng banyagang sinalin sa Tagalog, mga palabas ng balitaktakan, palarong palabas, mga sari-saring palabas, musikal, sitcom, pambatang palabas, mga anime, mga palabas na pantasya at realidad. Halos lahat ng mga palabas nito ay isinasahimpapawid mula sa GMA Network Center.

Mga Kaugnay na artikulo[baguhin]

Talasanggunian[baguhin]

  1. *Elizabeth Sanchez-Lacson (Abril 15 2007). "GMA Network sales rose 12%, profit slipped 2% in '06". Philippine Daily Inquirer. http://business.inquirer.net/money/topstories/view_article.php?article_id=60549. Nakuha noong 21 Abril 2007. 
  2. *"GMA Network Profit slips 2%". Philippine Daily Inquirer. Abril 16 2007. http://business.inquirer.net/money/breakingnews/view_article.php?article_id=60633. Nakuha noong 21 Abril 2007. 
  3. GMA Gold: Fifty Years of Broadcast History, Chelo Banal Formoso (ed.), GMA Network.

Kawing Panlabas[baguhin]