Pumunta sa nilalaman

Unang Sulat sa mga taga-Corinto

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa 1 Corinto)
Mga Aklat ng Bibliya

Ang Unang sulat sa mga taga-Corinto o 1 Corinto ay isang aklat ng mga sulat na nasa Bagong Tipan ng Bibliya. Isa itong liham mula kina Apostol San Pablo at Sostenes para sa mga Kristiyanong taga-Corinto - ang mga Corinto[1] o Corintio[1] - ng Gresya. Pinaniniwalaang tatlo ang liham na isinulat para sa mga Corinto subalit dadalawa lamang ang nakaabot sa pangkasalakuyang panahon: ang Unang Sulat at ang Ikalawang Sulat sa mga taga-Corinto.[1] Naglalaman ang unang sulat na ito ni San Pablo ng mga kapansin-pansin at kahanga-hangang mga talataan, partikular na ang hinggil sa awiting pang-pag-ibig na Kristiyano at yaong nagtuturo ukol sa kahulugan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo.[2]

Panahon ng pagkakasulat at layunin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nasulat ang Unang Sulat sa mga Corinto noong mga 57 A.D. magbuhat sa Efeso (o Ephesus) nang dalawin si San Pablo ng mga kinatawan ng lungsod ng Corinto. Isinulat ni San Pablo ang liham upang puksain ang kagusutang nagaganap sa Corinto at para sagutin ang mga katanungan ng mga Kristiyano roon.[1] Inibig ni San Pablong gabayan ang simbahan ng Corinto, isang parokyang ipinamana ni San Pablo sa tinatawag na pandaigdigang simbahan.[2]

Sanligang pangkasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Corinto ay ang ulong-lungsod (kabisera) ng lalawigan ng Acaya sa Gresya. Sinasabing napapagitnaan ito ng dalawang mga bansa. Sapagkat isa ngang pangunahing lungsod sa Gresya[2], marami ang nagpupunta sa pook na ito. Itinatag ni San Pablo ang isang parokya o simbahan ng mga Kristiyano noong panahon ng kaniyang ikalawang paglalakbay, mga 51 A.D. hanggang 53 A.D. Naitatag ito ni San Pablo bagaman may mga naganap na pag-uusig ng mga Hudyo at iba pang mga kaaway laban sa kaniya habang nangangaral. Laganap din ang kasamaan sa lungsod ng Corinto noong mga panahong iyon, at bata pa ang simabahang itinatag ni San Pablo.[1][2]

Nilarawang nagkaroon ng mga pagpapangkat-pangkat o pagbabaha-bahagi sa pamayanang Kristiyano ng Corinto. Sinasabi ring nagkaroon ang mga mamamayan ng katangiang mapagmataas sapagkat nagkaroon sila ng karunungan matapos na maging mga Kristiyano at dahil pagkakaroon ng kasanayan sa pagsasalita ng iba't ibang mga wika.[2]

Larawan nina Kawang-gawa (mula sa kaliwa), Pananalig, at Pag-asa na nakabatay sa 1 Corinto.
Larawan ng isang sipi ng tinatawag na 1 Corinto 13-B (ika-19 daantaon) mula sa Codex Vaticanus, na nasa aklatang Batikano.

Mayroong dalawang pangunahing bahagi ang Unang Sulat sa mga Corinto: Una, ang pagsaway at pangangaral sa mga Corinto hinggil sa alitan ng mga Kristiyano at sa kahalayan (1, 1 -6 -20). Ikalawa, ang kasagutan sa mga katanungan ukol sa kasal at pagkadalaga, sa mga tanong tungkol sa mga paghahain sa mga kaloob ng Espiritu Santo, at hinggil sa muling pagkabuhay ng mga patay.[1]

Naririto ang balangkas ng unang liham ni San Pablo:

  1. Pagbati (1:1-9)
  2. Pagkakabaha-bahagi sa Corinto (1:10–4:21)
    1. Katunayan ng Pagkakababaha-bahagi
    2. Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi
    3. Gamot sa Pagkakabaha-bahagi
  3. Imoralidad sa Corinto (5:1–6:20)
    1. Disiplina sa kapatid na imoral
    2. Paglutas sa mga Alitang Personal
    3. Kabanalang Sekswal
  4. Mahihirap na Aral (7:1–14:40)
    1. Kasal
    2. Kalayaang Kristiyano
    3. Pagsamba
  5. Aral ng Pagkabuhay na Maguli (15:1-58)
  6. Pagwawakas (16:1-24)
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Abriol, Jose C. (2000). "Mga Sulat sa mga Corinto, Corintio, Corinto". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Reader's Digest (1995). "Letter of Paul, 1 Corinthians". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]