Pumunta sa nilalaman

Ang Ritwal ng Tag-sibol

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang mga mananayaw ng Ritwal ng Tag-sibol, suot ang kostyum na gawa ni Nicholas Roerich

Ang Ritwal ng Tag-sibol (Ingles: The Rite of Spring; Pranses: Le Sacre du printemps; Ruso: Весна священная, romanisado: Vesna svyashchennaya, lit. 'banal na tag-sibol') ay isang ballet at musikang orkestral na nilikha ng Rusong kompositor na si Igor Stravinsky. Inakda noong 1913 para sa kompanyang Ballets Russes ni Sergei Diaghilev, ang koreograpiya nito ay nilikha ni Vaslav Nijinsky at ang mga disenyo at kostyum ay inihanda ni Nicholas Roerich. Binubuo ng dalawang akto, nakatuon ang kwento ng Ritwal ng Tag-sibol sa sinaunang mga paganong ritwal ng Rusya bilang pagdiriwang sa pagsisimula ng tag-sibol, kung saan pipiliin ang isang dalagang babae na siyang sasayaw hanggang kamatayan bilang alay sa mga diyos.

Bagaman nagkagulo ang mga manonood sa Teatro ng Champs-Élysées (kung saan una itong itanghal noong Mayo 29, 1913) dahil sa makabago nitong estilo sa musika at sayaw, ang komposisyong ito ay naging isa sa mga pinakatanyag at pinakaimpluwensiyal na akdang musika ng ika-20 siglo, na kung saan maging ang musika lamang nito ay madalas itanghal ng mga orkestra sa mga konsiyerto sa saan mang sulok ng mundo.

Larawang iginuhit ni Roerich bilang representasyon ng bahaging II-5: Action rituelle des ancêtres (Mga Pagkilos-ritwal ng mga Tandâ). Nasa gawing kaliwa ang Dalagang Pinili.
Bahagi Salin sa Filipino Buod
Akta I: L'Adoration de la Terre (Ang Pagsamba sa Lupa)
Introduction Panimula Isang panimulang musika bago buksan ang tabing
Les Augures printaniers Mga Manghuhula ng Tag-sibol Habang nagsisimula ang pagdiriwang ng pagsisimula ng tag-sibol, ilalahad ng isang matandang babae ang kanyang propesiya sa hinaharap ng kanilang tribo.
Jeu du rapt Ritwal ng Pagdukot Papasok ang mga dalaga upang sayawin ang "Sayaw ng Pagdukot."
Rondes printanières Bilog ng Tag-sibol Sasayawin ng mga dalaga ang Khorovod, isang sayaw na kung saan gagawa ng bilog ang mga mananayaw.
Jeux des cités rivales Ritwal ng Magkatunggaling Tribo Magkakahiwalayan ang mga tao sa dalawang magkatunggaling grupo at sisimulan ang "Ritwal ng Magkatunggaling Tribo."
Cortège du sage: Le Sage Prusisyon ng Pantas: Ang Pantas Sa isang banal na prusisyon, papasok ang mga nakatatanda ng tribo na pinamumunuan ng Pantas. Pansamantalang ihihinto ang ritwal at babasbasan ng Pantas ang lupa sa pamamagitan ng paghalik dito.
Danse de la terre Sayaw ng Lupa Biglang magsisimula ang isang madamdamin na pagsayaw ng mga tao upang gawing banal ang lupa at maging isa ang mga tao at ang lupa.
Akta II: Le Sacrifice (Ang Pag-aalay)
Introduction Panimula
Cercles mystérieux des adolescentes Mistikong Bilog ng mga Dalaga Maglalaro ng mga mahiwagang laro ang mga dalaga habang naglalakad sa isang bilog.
Glorification de l'élue Pagluluwalhati sa Dalagang Pinili Ang isa sa mga dalaga sa bilog ay pipiliin ng tadhana at luluwalhatiin bilang ang Dalagang Pinili sa pamamagitan ng mga sayaw.
Évocation des ancêtres Pagtawag sa Mga Tandâ Sa pamamagitan ng sayaw, tatawagin ng mga dalaga ang mga nakatatanda ng kanilang tribo.
Action rituelle des ancêtres Mga Pagkilos-ritwal ng Mga Tandâ Darating ang mga Tandâ upang ihanda ang Dalagang Pinili sa pag-aalay.
Danse sacrale (L'Élue) Ang Sayaw ng Pag-aalay (Ang Dalagang Pinili) Sa harap ng mga Tandâ, sasayaw ang Dalagang Pinili hanggang kamatayan.

Instrumentasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa tagal na 35 minuto, ang musika ng Ritwal ng Tag-sibol ay itinatanghal ng isang malaking orkestra na binubuo ng sumusunod na mga instrumento: