Pumunta sa nilalaman

Pang-uri

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Anyong pang-uri)
Wikibooks
Wikibooks
Mayroon sa Wikibooks ng patungkol sa Pang-uri.

Ang pang-uri o sugnó ay isang bahagi ng pananalita na binabago ang isang pangngalan, karaniwang sinasalarawan nito o ginagawang mas partikular ito. Gayon man, hindi kinikilalang uri ng salita sa pangkalahatan ang pang-uri; sa ibang salita, may mga ilang wika ang hindi gumagamit ng mga pang-uri. [kailangan ng sanggunian] Ang pang-uri ay nagbibigay ng turing sa isang pangngalan o panghalip.Ang mga pinakakinikilalang mga pang-uri ay iyong mga salita katulad ng malaki, matanda at nakakapagod na sinasalarawan ang mga tao, mga lugar, o mga bagay.

Kayarian ng Pang-uri

May apat na anyo/kayarian ang mga pang-uri. Ito ay ang mga sumusunod:

Payak

Ito ay binubuo ng mga salitang-ugat lamang.

Halimbawa: hinog, sabog, ganda

Maylapi

Ito ay mga pang-uri na binubuo ng salitang-ugat at panlapi.

Halimbawa: tinanong, kumakain, pagmahal

Inuulit

Ito ay binubuo sa pamamagitan ng pag-ulit ng buong salita o bahagi ng salita.

Halimbawa: pulang-pula, puting-puti, araw-araw, gabi-gabi (Hindi inuulit ang mga salitang: halo-halo, paru-paro)

Tambalan

Ito ay binubuo ng dalawang salitang pinagtatambal.

Halimbawa: ningas-kugon, ngiting-aso, balat-sibuyas, kapit-tuko, bahag buntot

Uri ng Pang-uri

May tatlong uri ang mga pang-uri. Ito ay ang mga sumusunod:

Panlarawan

Ito ay nagsasaad ng laki, kulay, anyo, amoy, tunog, yari, lasa at hugis ng mga pangngalan o panghalip. Halimbawa: munti, biluhaba, matamis, malubha

Pantangi

Sinasabi nito ang tiyak na pangngalan. Ito ay binubuo ng isang pangngalang pambalana at isang pangngalang pantangi. Ang pangngalang pantangi (na nagsisimula sa malaking titik) ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana. Halimbawa: wikang Ingles, kulturang Espanyol, pagkaing Iloko

Pamilang

Ito ay nagsasabi ng bilang, dami, o posisyon sa pagkakasunodsunod ng pangngalan o panghalip. May ilang uri ito.

Patakaran

Ito ay nagsasaad ng aktuwal na bilang ng tao o bagay. Ito ay mga basal na bilang o numeral. Halimbawa: isa, apat, limang libo

Panunuran

Ito ay nagsasaad ng posisyon ng pangngalan sa pagkasunod-sunod ng mga tao o bagay. Isinasabi ng mga ito kung pang-ilan ang tao o bagay.

Halimbawa: ikatlo, una, pangalawa

Pamahagi

Ito ay nagsasaad ng bahagi ng kabuuan ng pangngalan. Ang unlaping tig- ay nagsasaad ng pantay na pamamahagi (equal distribution). Ginagamit ito kapag ang bilang ng bagay na ibinigay o natanggap ay parepareho.

Maaari rin na may anyong bahagimbilang o hating-bilang (fraction sa Ingles) ang pamahaging pamilang. Ginagamit din ang salitang bahagdan, persentahe, o porsiyento pagkatapos ng bilang para sa bahagi ng isang daan.

Halimbawa: kalahati, limang-kawalo, sangkapat

Pahalaga

Ito ay nagsasaad ng halaga (katumbas na pera) ng bagay o anumang binili o bibilhin.

Halimbawa: piso, limampung sentimo, sandaang piso

Palansak

Ito ay nagsasaad ng pagpapang-pangkat ng mga tao o bagay. Itinutukoy nito ang bilang na bumubuo ng isang pangkat ng tao o bagay na pinagsama-sama.

Halimbawa: dalawahan, sampu-sampu, animan

Patakda

Ito ay nagsasaad ng tiyak na bilang ng pangngalan. Ang bilang na ito ay hindi na madadagdagan o mababawasan pa.

Halimbawa: iisa, dadalawa, lilima

Antas ng Hambingan ng Pang-uri

May tatlong antas ng hambingan ng pang-uri.

Lantay

Ito ay naglalarawan lamang ng isa o payak na pangngalan o panghalip.

Halimbawa: maliit, kupas, mataba

Pahambing

Ito ay ginagamit sa pagtutulad ng dalawang pangngalan o panghalip.

Magkatulad

Ito ang paghahambing kung patas sa katangian ang pinagtutulad. Ginagamitan ito ng mga unlapi tulad ng ga-, sing-/kasing-, magsing-/magkasing-.

Di-magkatulad

Ito ang paghahambing kung nagbibigay ito ng diwa ng pagkakait, pagtanggi o pagsalungat.

  • Palamang - may higit na positibong katangian ang inihahambing sa bagay na pinaghahambing. Gumagamit ng higit, lalo, mas, di-hamak at iba pa.
  • Pasahol - may hugit na negatibong katangian ang pinaghahambingan. Gumagamit ng di-gaano, di-gasino, di-masyado at iba pa.

Pasukdol

Ito ang pinakadulong digri ng kaantasan. Ito ay maaaring positibo o negatibo. Ang paglalarawan ay masidhi kung kaya maaaring gumagamit ng mga katagang sobra, ubod, tunay, talaga, saksakan, hari ng ___, at kung minsa'y pag-uulit ng pang-uri.

Lantay Pahambing Pasukdol
Magkatulad Di-magkatulad
Palamang Pasahol
pangit kasing-pangit higit na pangit di-gaanong pangit pinakapangit
maganda singganda mas maganda di-masyadong maganda ubod ng ganda
mabango magkasing-bango lalong mabango di-gasinong mabango tunay na mabango

Antas ng Paglalarawan ng Pang-uri

Tatlo ang antas ng paglalarawan ng pang-uri. Ang mga antas na ito ay walang paghahambing.

Lantay

Ito kapag payak o karaniwang anyo ng pang-uri ang ginagamit sa paglalarawan.

Halimbawa: matalino, palatawa

Katamtaman

Ito kapag sinasamahan ng mga salitang medyo, nang kaunti, nang bahagya o pag-uulit ng salitang-ugat o unang dalawang pantig ng salitang-ugat.

Halimbawa: medyo mataba, malakas nang bahagya, malakas-lakas, matabang nang kaunti

Masidhi

Ito kapag gumagalit ng napaka, ubod ng, saksakan ng, talagang, sobrang, masyadong at pag-uulit nang buo ng pang-uri. Ang paglalarawan sa antas na ito ng katangiang taglay ng pangngalan o panghalip ay matindi o sobra.

Halimbawa: napakalakas, ubod ng bait, talagang mabango, makinis na makinis

Kailanan ng Pang-uri

May tuntuning sinusunod sa pag-buo ng kailanan ng pang-uring ginagamitan ng panlaping ma-.

Isahan

Kung naglalarawan sa isang pangngalan/panghalip, ginagamit ang ma- at salitang-ugat.

Halimbawa: masaya, maungkot

Maramihan

Kung naglalarawan sa dalawa o mahigit pang pangngalan/panghalip, ginagamit ang ma- at inuulit angunang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Halimbawa: maliliit, magaganda

Hindi na kailangan gamitin ang salitang mga kung magkasunod ang pangngalan at pang-uring ginagamitan ng pag-uulit ng unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.

Halimbawa: "Ang magagandang damit ay kasya kina Erica at Bel."

Mga sanggunian

Mga Pinagkukunan